Ginising si Sera ng mga awit ng mga ibon. Nagmulat siya ng kanyang mga mata at binati siya ng napakaganda nilang batis. Suot niya ang kanyang mga saplot at nasa tabi niya ang kahong na naglalaman ng mga ugat na nakuha niya. Napakunot siya ng noo. Panaginip lang ba ang lahat ng nangyari kagabi? Nasagot ang tanong niya ng maramdaman niya ang kirot sa pinakamaselang parte niya at ang mga marka sa kanyang dibdib at braso. Namula ang buo niyang mukha ng maalala ang nangyari kagabi. Hindi niya lubos maisip na nangyari iyon sa kanya.
“Sera?!” Napatayo siya sa pagkakaupo ng makita niya ang kanyang Ama.
“Tay-” natigilan siya ng makita ang mga kalalakihan sa bayan nila na nasa likod ng itay niya.
“Buong magdamag kaming naghanap sayo! Mabuti naman at ligtas ka anak!” mahigpit na niyakap siya ng kanyang Ama. Naengkanto ba siya at hindi man lang sumagi sa isip niya ang mga magulang niya na sobrang nag-aalala sa pagkawala niya kagabi. Maging ang mga kapitbahay nila ay hindi rin nagpahinga upang hanapin siya.
“Pasensiya na po, naligaw po ako sa gubat.” Hindi niya gustong magsinungaling ngunit hindi niya kayang sabihin sa mga ito ang tunay na nangyari sa kanya kagabi. Sumagi sa isip niya ang mahiwagang lalaki. Binigay niya ng buo ang sarili niya dito kagabi ngunit hindi man lang niya nalaman ang pangalan ng lalaki. Nakaramdam siya ng pangungulila at lungkot dahil pagkatapos niyang makatulog ay hindi na niya ito muling nakita. Nasisiguro niyang ito ang nagdala sa kanya sa batis. Naramdaman niyang binuhat siya nito at maingat na inilapag ng iwan siya nito. Bago ito umalis ay may binulong ito sa kanya na matatamis na mga salita. Siniguro nitong makabalik siya ng ligtas sa kanila. Lumitaw ang kirot sa dibdib ng dalagita dahil alam niyang maaaring hindi na niya ito makita. Ramdam niyang umukit ito ng malalim sa puso niya kahit na nananatili paring misteryo ang tunay nitong pagkatao sa kanya.
Malalim na ang gabi at kumakalat na ang liwanag ng buwan sa paligid… Ngunit hindi parin dinadalaw ng antok si Sera. Laman ng kanyang isipan ang nangyari sa kanya sa gubat. Isang buwan na ang lumipas ngunit hindi niya parin nasisilayan ang lalaking bumihag sa kanyang katawan ng gabing iyon. Nais niyang maniwalang panaginip lamang ang nangyari ngunit ang naiwan nitong malalalim na bakat sa kanya ang patunay na hindi lamang iyon isang panaginip. Hindi niya maipaliwanag ang damdaming bumabalot sa puso niya sa tuwing maiisip niya ang gabing iyon. Hindi dahil nagsisi siyang nawala sa kanya ang isang bagay na dapat niyang pagkaingatan bilang babae kundi dahil para lamang itong hangin na dumaan sa buhay niya.
Alam niyang hindi na siya pwedeng umibig pa ng iba dahil pakiramdam niya ay pag-aari na siya ng lalaking umangkin sa kanya. Sa tuwing may mga lalaking lumalapit at nagpapakita ng interes sa kanya, pakiramdam ni Sera ay nagkakaroon siya ng kasalanan. Hindi para sa mga ito kundi sa lalaking laging laman ng kanyang puso’t isipan. Kaya naman tinatanggihan na ng dalagita ang mga regalong kanyang natatanggap at sinasarado niya ang kanyang bintana sa tuwing may magtatangkang mangharana sa kanya.
Nagulat man ang kanyang mga magulang sa bago niyang pinapakita ay lagi naman siyang nakakahanap ng dahilan at sinasabing hindi pa siya handa at hindi niya gustong magbigay ng pag-asa sa kanyang mga manliligaw kung hindi niya ito kayang panindigan. Sinang-ayunan siya ng kanyang mga magulang at tinulungan siya ng mga itong itaboy ang mga lalaking nagbabalak manligaw sa kanya.
Napabangon si Sera ng maramdaman niyang may naglalakad sa harap ng kanyang bintana. Idinikit niya ang kanyang tenga sa gilid ng dingding at pinakiramdaman ang paligid sa labas ng kubo nila. Nakarinig siya ng mga tapak ngunit hindi iyon tapak ng isang tao kundi hayop na may apat na paa, parang pinalilibutan nito ang buong kubo nila at humihinto sa harap ng kanyang bintana. Nagsimula siyang kilabutan, hating gabi na kaya alam niyang mahimbing ng natutulog ang kanyang mga magulang at natatakot din siyang gumawa ng ingay na baka marinig ng ano mang hayop na nasa labas kaya naman tahimik siyang naghanap ng matulis na bagay. Nakapa niya ang puting bato na may matulis na hugis sa dulo. Ito ang batong napulot niya sa batis ng minsang maligo siya roon.
Pilit na kinakalma niya ang sarili… makaraan ang halos kalahating oras ay wala na siyang naririnig na paggalaw sa labas. Naglakas loob siyang tanggalin ang kandado ng kanyang bintana at buksan iyon ng maliit para silipin ang labas ng kubo nila.
Bigla siyang nanigas ng makita niya ang higanteng itim na lobo sa tapat mismo ng kanyang bintana. Agad na sinara niyang muli ang bintana at mabilis na kinandado. Ibinaon niya ang mukha sa unan at nagtakip ng kumot sa buo niyang katawan ngunit natigilan siya ng mapansin niyang malungkot ang mga mata ng halimaw at parang may gusto itong ipahiwatig sa kanya. Nang makita nito ang takot sa mukha niya ay parang nasaktan ito. Lumabas siya sa pagkakakulong sa kumot at muling lumapit siya sa bintana, dahan-dahang niya iyong binuksan ngunit wala na roon ang itim na lobo. Binuksan niya ng maluwang ang kanyang bintana at hindi na niya makita ni anino nito sa paligid ng bahay nila. Bakit nakaramdam siya ng pag-aalala para sa itim na lobo? Hindi niya maintindihan pero parang pamilyar sa kanya ang mga mata nito.
Pakiramdam niya ay siya ang pakay nito. Bakit hindi siya nito sinaktan ng unang engkwentro nila at bakit siya nito pinuntahan ngayong gabi? Napagtanto niyang wala siyang dapat ikatakot dahil kung gusto siyang saktan ng mabangis na hayop ay nagawa na nito. Ang mga mata nito ang lubos bumabagabag sa kanya. Hindi na siya nakatiis. Lumabas si Sera ng kanyang silid at tahimik na lumabas ng kubo upang hindi magising ang kanyang mga magulang. Dala ang kanyang lampara ay lakas loob siyang umakyat sa kagubatan.
Napahinto siya ng mapansin niyang nasa madilim na siyang parte ng gubat. Pinatay niya ang ano mang takot na namumuo sa kanyang dibdib. Ilang beses na siyang naligaw sa lugar na ito ngunit walang nangyaring masama sa kanya, hindi tulad ng mga nababalitaang nilang napapaslang sa oras na tumapak sa teritoryo ng halimaw.
Nagpatuloy siya sa paglalakad sa loob ng madilim na gubat. Iisipin ng iba na nahihibang na siya dahil sa paghahanap niya sa isang mabangis na hayop na maaring kumitil sa kanyang buhay ngunit hindi niya makalimutan ang lungkot sa mga mata ng itim na lobo na parang siya ang dahilan…
Muli siyang napahinto ng matagpuan niya ang sarili sa mismong lugar kung saan naganap ang pag-iisa nila ng misteryosong lalaki. Makikita niya rin kaya ito? Pangungulila ang sumakop sa dibdib niya ng muli niya itong maalala. Marahil ay wala siyang halaga dito para muling pagtuunan nito ng pansin o baka isa itong engkanto sa gubat na umaakit ng mga taong naliligaw roon. Magpakaganon pa man, engkanto man o hindi ay gusto niya parin itong makita. Naninikip ang kanyang dibdib ng parang bumabalik sa kanya ang nangyari sa kanila sa lugar na ito.
Hindi na natiis ng itim na lobo ang lumabas mula sa likod ng mga puno ng makita niyang umiiyak ang dalagita. Nasaktan man siya ng makita niya ang takot sa mga mata nito ng makita siya nito bilang isang mabangis na hayop ay hindi niya parin ito kayang tiisin. Nabigla man siya sa pagdating nito sa kanyang teritoryo ay may parte niya ang natuwa dahil ito mismo ang lumapit sa kanya. Ngunit natatakot siya dahil ang hinahanap nito ay ang lalaking nagpakita dito ng bilog ang buwan hindi ang itim na lobo na kinatatakutan nito.
Matutulad din ba ito sa mga babaeng dumaan sa buhay niya? Tatakbuhan ba siya nito at iiwan kapag nakita nito ang tunay niyang katauhan?
Ganoon man ang mangyari, hindi niya kayang isipin na mawala ito. Hindi rin siya makaramdamn ng pagkamuhi kung matutulad ito sa mga babaeng umiwan sa kanya kundi lubos siyang nasasaktan dahil hindi nito magawang ibigin ang tulad niya. Hindi matanggap ng itim na lobo na magiging hangin lamang ang dalagita na dadaan sa mundo niya.
Leave a Reply