“I’m.. I-I’m what..?” halos bulong na lumabas sa kanya ang tanong na iyon.

“You are six weeks pregnant.” muling pagkumpirma ng Doctor sa kanya. Hinimatay siya sa office kaya agad na dinala siya ng staff niya sa hospital. Hindi niya inakalang ito ang balitang sasalubong sa kanya paggising niya. Nanginginig ang mga labing mariin niya iyong inipit bago mahigpit na pinakawalan. Pinagpapawisan siya kahit malamig sa loob ng kwarto. “Ma’am? Are you okay? May nararamdaman po ba kayo?” nag-aalalang pinag-aralan siya ng Doctor.

“I’m okay. Gusto ko lang mapag-isa.” kalmadong wika niya. Tumango ang Doctor at lumabas ng kwarto. Isinubsub ni Fara ang mukha sa palad ng maiwan siyang mag-isa.

“No no no.. this is not happening…”  nasambunutan niya ang sariling buhok.

Bumukas ang pinto at pumasok ang isang Surgeon na nakasuot ng puting coat. Sa ganoong ayos siya nakita ni Reica na kaibigan niya. Nawaglit sa isip niyang ang hospital na ito ay pag-aari ng pamilya ni Reica.

“Fara?” nag-aalalang lumapit ito sa kanya.

“I can’t do this.” umiiling na kumapit siya sa kamay nito. “I can’t…” humahagulhol na ibinuhos niya ang takot sa kanyang dibdib.

“You can’t? Anong ibig mong sabihin Fara?” tumalim ang tinig nito. “This is not you. Hindi ka papasok sa isang bagay ng hindi ka handa.”

Kung alam lang nito kung sino ang Ama ng dinadala niya. At mali ito, pinasok niya ang bagay na ito kahit alam niyang hindi siya handa. Bumitaw siya dito at niyakap ang sarili.

“And what do you want me to do? Gusto mong ipalaglag ang bata?” bumaba ang isang kamay ni Fara sa tiyan niya. Parang isang patalim ang tanong ni Reica sa kanya. “Hindi mo man lang ba naisip ang Ate Jara mo? Alam mo ang hirap na pinagdaanan niya para lamang mabuntis siya at mabigyan ng anak ang asawa nito. Tapos ipapalaglag mo lang ang anak mo?”

“No! I’m sorry! I’m sorry.. Oh God I’m sorry…” paulit-ulit na sambit niya habang kinamumuhian ang sarili. Lalong napahagulhol ng iyak si Fara.

“Shhh..” niyakap siya ng kaibigan. “Gusto ko lang ipaalala sayo na hindi mo iyon kayang gawin.”

“I’m sorry.” ulit niya. Isa-isa namang pinahid ni Reica ang mga luha niya.

“Stress is not good for you. Masyadong sensitibo ang pag-dadalang tao mo kaya kailangan mong mag-ingat palagi.”

“I don’t know what to do.” pagtatapat niya.

“Fara, nandyan ang Ate mo.”

Malapit din sa Ate niya ang kaibigan kaya alam niyang mabilis itong makakarating sa kapatid niya kung hindi niya ito pipigilan. “No Rei, not now.. Hindi ko gustong malaman ito ni Ate. Please promise na hindi mo ito sasabihin sa kanya.”

“Ano?” hindi makapaniwalang tinitigan siya ni Reica. “Fara siya ang kailangan mo ngayon.”

“Please..” makikita ang takot sa mukha niya.

“Okay.” napipilitang sang-ayon nito kahit na tutol ito. “At ang Ama ng dinadala mo?”

Napakagat labi si Fara. Tatanggapin ba ito ni Ken? Masyado pa itong bata para sa ganitong responsibilidad. Ngunit hindi niya gustong itago ito kanya dahil may karapatan din ito bilang Ama ng nasa sinapupunan niya.

“Fara?” agaw ni Reica sa atensyon niya. “Ito ba ang pinsan ni Lizel? Nalaman kong nakipagkita ka sa kanya-“

“No. It’s not him.” mabilis na putol niya dito. Hindi niya gustong marinig na sabihin nito na ibang lalaki ang ama ng dinadala niya.

“Okay. Hindi na kita pipiliting magsalita tungkol sa bagay na ‘yan. But you need him kung hindi mo gustong ipaalam ito sa Ate mo. Kailangan mo ng karamay dito, lalo na sa sitwasyon mo ngayon.”

Tumango siya dito kahit na naninikip ang dibdib niya. Pinayagan siya nitong umuwi ng maaga dahil mas komportable siyang magpahinga sa bahay niya. Tinawagan ni Fara ang isa sa mga Staff para sunduin siya.

Nang makauwi, pinili niyang kumain ng prutas at uminom ng vitamins. Hindi nalang ang sarili niya ang kailangan niyang ingatan kundi maging ang munting buhay na nabubuhay sa sinapupunan niya.

Nagmamadali ang kilos ni Fara ng marinig niyang nag-ring ang phone niya. Ngunit nanlumo siya ng hindi si Ken ang caller. Ilang araw na siyang hindi pinupuntahan o tinatawagan ni Ken. Alam niyang galit ito sa kanya, at wala din siyang lakas ng loob na kausapin ito. Ilang beses niyang tinangkang puntahan ito ngunit pinangungunahan siya ng takot. Takot dahil gusto niyang humingi ng tawad dito ngunit hindi siya sigurado sa sarili kung hindi na niya iyon uulitin gayong hindi niya pa nasasabi sa magulang nito ang tunay nilang relasyon. Lalo na ngayong alam niyang hindi nalang sarili niya ang iisipin niya. Bawat oras at araw na lumilipas na di sila nagkikita ay parang lalong lumalayo ito sa kanya.

“I need you. God I need you.”

“Fara?”

“Ate…” napahigpit ang hawak niya sa phone. Gusto niyang umiyak ngunit pinipigilan niya.

“Pasensiya na Fara, nagising ba kita?” maghahating gabi na kaya nag-aalala ito dahil maaga siyang natutulog. Dapat nga ay natutulog na siya ngayon dahil iyon ang kailangan ng katawan niya ngunit paikut-ikot siya sa harap ng kanyang kama. Nagdedesisyon kung paano niya ito sasabihin kay Ken.

“Hindi naman Ate, may ginagawa din ako.”

“Thank God. Gusto ko lang malaman kung tapos na ang regalo ko sa Kuya mo?”

“Ate don’t worry. Tapos na siya, dadalhin ko sana ngayon sayo kaso may nangyari sa office. Dadalhin ko nalang diyan bukas.”

“Maraming salamat Fara. Gusto ko talagang sorpresahin ang Kuya mo.” natutuwang wika nito. “Sige, hindi na kita didisturbuhin pa sa ginagawa mo. Pero matulog ka ng maaga. Wag kang magpupuyat. Good night.”

“Um Ate..?”

“Yes?”

“Si K-ken?”

“Ah, inimbitahan siya ni Tricia sa party nito. Hanggang ngayon hindi pa umuuwi.”

Nakaramdam ng hapdi ang dibdib niya sa narinig. Hindi siya nito nagawang tawagan ngunit kasama nito ngayon si Tricia.

“S-sige Ate.. Good night.”

Nanghihinang napaupo siya sa gilid ng kama. Kung ano anong bagay ang pumapasok sa isip niya na lalong nagpapabigat ng kanyang dibdib.

Sa huli, siya lang ang nagpapakalunod sa kakaisip dito. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang damit. Hahayaan niya bang kainin siya ng kanyang selos? Muli niyang kinuha ang phone at hinanap ang pangalan nito.

Matinding kaba ang nararamdaman ni Fara habang hinihintay na sagutin ni Ken ang tawag niya. Ngayon niya lang napagtanto na si Ken ang laging gumagawa ng paraan para magkita sila. Kahit na pagod ito sa paggawa ng thesis nito, sa kanya parin ito unang umuuwi. This time.. Siya naman ang lalapit dito.. Hindi nito sinagot ang una at pangalawang tawag niya. Na lalong nagpadagdag ng kaba sa kanya. Huminga siya ng malalim ng marinig niyang may sumagot sa kabilang linya, ngunit agad din siyang natigilan.

“Hello.” hindi si Ken ang sumagot. Alam niyang si Tricia ang nagmamay-ari ng boses sa kabilang linya. “Natutulog ngayon si Ken kaya hindi niya masagot ang tawag mo.” hindi niya nagustuhan ang timpla ng tinig nito. Na parang may gusto itong ipahiwatig sa kanya.

Mahabang katahimikan ang lumipas. Nanatili naman sa kabilang linya si Tricia, hinihintay nitong sumagot siya. Nanginginig ang kamay na pinatayan niya ito.