Salum. Ang kinikilalang pinakamakapangyarihang imperyo sa lupain ng Silangan. Tinitingala at kinakatakutan ito dahil sa bagsik ng kanyang hukbo na siyang nagpalawak sa teritoryo ng imperyo at lumalamon ng malalaking kaharian.

 

Sa patuloy na paglaki ng kanyang nasasakupan, patuloy din ang pagbuhos ng dugo sa mga lupaing kinakamkam nito. Kung ito ay nagdadala ng trahedya sa mga taong nilalamon ng digmaan, ang tagumpay naman ng hukbo ay isang malaking pagdiriwang sa imperyo ng Salum.

 

Hindi pa man sumisikat ang araw sa kapitolyo, maaga ng naghahanda ang mga tao sa kanilang mga tahanan. Pinagbihis sa pinakamagarang kasuotan ang mga dalagitang hindi pa nakakahanap ng kanilang kabiyak. Hindi lamang mula sa mabababang pamilya ang nasasabik sa pagbabalik ng hukbo kundi maging ang mga pamilya na may matataas na katungkulan ay naghahanda rin sa pagdalo sa marangyang pagdiriwang na gaganapin sa tahanan ng Punong Heneral.

 

Nilinis at inayos ang daraanan ng mga mandirigma at sinabuyan ng tubig ang daan upang itaboy ang makakapal na alikabok.

 

Pumitas ang mga kababaihan ng mahahalimuyak na bulaklak para sa mga mandirigmang kanilang napupusuan.

 

Dumagsa ang mga tao sa kabisera upang salubungin ang pinakamalakas na hukbo ng imperyong Salum. Hindi na halos mahulugan ng karayom ang mga taong nagsisiksikan sa gilid ng daan upang masilayan lamang ang pagdating ng Hukbo.

 

Ang Hukbong Goro ang tinaguriang protektor ng Salum, na pinamumunuan ni Yugo Zhu, ang Punong Heneral ng imperyo na siyang lubos na nirerespeto at hinahangaan maging sa ibang lupain. Binansagan itong panginoon ng digmaan dahil sa husay nito sa larangan ng pakikidigma.

 

Mas lalo pang naging tanyag ang pangalan ng Punong Heneral ng pakasalan nito ang nag-iisang Prinsesa ng hilagang imperyo. Batid ng lahat ang pagkamuhi ng Prinsesa sa Heneral dahil sa pagkatalo ng kaharian nito sa digmaan, subalit hindi ito naging hadlang upang pigilan ang Heneral na gawin itong kabiyak.

 

Ang buong akala ng lahat ay isa nanamang malaking digmaan ang sisiklab sa pagitan ng silangan at hilagang imperyo, subalit sa pagkamangha ng lahat. Hindi digmaan ang naganap kundi isang malaking kasalan na nagbunga ng tatlong supling.

 

Ang maingay na paligid ay nagsimulang tumahimik ng marinig nila ang paparating na yabag ng mga kabayo.

 

Maraming taon man ang lumipas, hindi parin nawawala ang pananabik ng mga taong masilayan ang mga mandirigmang Goro na nagbuwis ng kanilang buhay upang iangat ang kanilang imperyo sa buong lupain.

 

“Goro!”

 

“Goro!”

 

“Goro!”

 

Sumiklab ang hiyawan ng mga tao ng makita nila ang bandera ng kanilang imperyo. Lalo pang lumakas ang kanilang hiyaw ng sumunod nilang makita ang Punong Heneral na siyang namumuno sa hukbo.

 

Matinding pananabik ang umapaw sa dibdib ng bawat isa ng masilayan nila itong tuwid na nakaupo sa matipuno nitong kabayo. Tila hindi dumaan ang mga taon dito dahil hindi ito kababakasan ng ano mang kahinaan. Nanatili parin dito ang bangis ng pagiging Pinuno ng mga mandirigmang Goro. At sa pagdaloy ng panahon, lalo lamang itong nagiging mabangis na liyon sa kanilang paningin. Para sa puso ng mga tao, isang buhay na alamat ang Punong Heneral.

 

Matinding tilian naman ang maririnig mula sa kababaihan ng makita nila ang panganay na anak ng Punong Heneral. Nagsaboy ang mga ito ng mga bulaklak sa direksiyon ng makisig na binata.

 

Yanru. Ito ang panganay na anak ni Heneral Yugo na siyang sumunod sa yapak ng kanyang Ama. Marami ang nagsasabing hinubog ito upang higitan ang mga nagawa ng Punong Heneral. Masasabi rin na sa mura nitong edad, mahusay nitong nagampanan ang tungkulin nito bilang pinakabatang Heneral ng imperyo.

 

Kung isa itong Henyo sa pakikidigma, kilala naman si Yeho, ang pangalawang anak na babae ng Punong Heneral bilang Henyo sa Medisina, dahil sa husay nito sa paggawa ng mga lunas para sa mga malulubhang karamdaman. Sa maagang edad, ay nahubog ito sa paggagamot ng mga sugatang mandirigma ng kanyang Ama dahilan upang maging bihasa ito sa pagdiskubre ng ibat-ibang uri ng mga lunas.

 

Ang huli, na pangatlong anak ng Punong Heneral ay may taglay na potograpiyang memorya. Ayon sa kanilang mga nalaman, ang mga istratehiyang ginagawa nito ang ginagamit ni Yanru at ni Heneral Yugo sa malalaking digmaan na kanilang pinagtagumpayan. Maliban sa pagiging Henyo ng mga anak ng Punong Heneral, ang panlabas nilang anyo ay kayang magpabagsak ng mga kaharian at sumira ng mga lupain.

 

Kapangyarihan at mapanganib na kagandahan ang mga bagay na gustong angkinin ng mga taong nakapaligid sa kanila. Kung wala ang proteksiyon ng kanilang Ama, ang kanilang taglay na kakayahan ang siya ring magpapahamak sa kanila.

 

Nagbunyi ang mga tao matapos masilayan ang matagumpay na pagbabalik ng kanilang hukbo. Nagpatuloy ang pagdiriwang sa tahanan ng Punong Heneral na siyang mga importanteng panauhin lamang ang nakakadalo. Naroon ang mga matataas na opisyales, Ministro, at mga maharlika ng kanilang imperyo.

 

Pinag-umpukan ang Punong Heneral ng kanyang mga panauhin. Kalmado namang hinarap ang mga ito ni Heneral Yugo, kahit na mas nanaisin niyang makaharap sa pagdiriwang na ito ang kanyang mga kapatid na mandirigma na siyang nakasama niya sa gitna ng digmaan.

 

“Punong Heneral, nakakatuwang isipin na hindi parin kumukupas ang paghawak mo ng armas.”

 

“Ministro Jung, ang patalim na lagi mong hinahasa ay mas lalo lamang tatalim sa paglipas ng panahon.”

 

“Subalit hindi ka ba napapagod? Natitiyak kong hindi matatapos dito ang kagustuhan ng Emperador na palawakin ang ating teritoryo.”

 

“Kung ikakabuti ito ng ating mga nasasakupan, hindi ko ibababa ang armas ko.”

 

“Hinahangaan ko ang katapatan mo Punong Heneral. Kaya naman nais kong magkaroon tayo ng mas malalim na koneksiyon sa isat-isa. Hinihangad kong makaisang dibdib ng anak mo ang nag-iisa kong Xirin.”

 

Lihim na itinago ng Heneral ang pagdilim ng kanyang paningin. Pareho ng may kabiyak si Yanru at Yeho, kaya naman alam niyang ang bunso niyang anak ang tinutukoy ng Kaliwang Ministro.

 

Alam ng lahat na hindi na tumatanggap si Yanru ng pangalawang asawa. Tulad niya, nanatili itong tapat sa nag-iisa nitong kabiyak. Habang ang anak niyang si Yeho ay nag-asawa ng isang ordinaryong iskolar kahit na may mataas na maharlika ang gustong maangkin ito.

 

Marami ang nagtangkang manligaw kay Yeho, hindi pa man ito natututong maglakad ay marami na ang nagbabalak na ipakasal ang kanilang anak sa nag-iisang babae na anak ng Punong Heneral, kaya hindi siya masisisi ng asawa niya kung bakit niya nagawa ang desisyon niya sa kanilang bunsong anak ng isilang ito. Subalit magpakaganon pa man, hindi parin nawawala ang mga naghahangad na makuha ito sa kanya. Paano niya maproprotektahan ang Salum kung sarili niyang mga anak ay hindi niya maprotektahan laban sa mga sakim na opisyales na gutom sa kapangyarihan. Hindi siya papayag na magalaw ng mga ito kahit isang hibla ng buhok ng kanyang pamilya.

 

Batid ng Heneral na ang kanyang kapangyarihan at impluwensiya sa imperyo ang nais nilang gamitin upang magkaroon ng malakas na koneksiyon sa lupain.

 

“Ministro Jung, ako ang naunang nagmungkahi sa Punong Heneral tungkol sa anak ko. Alam kong magandang binibini ang anak mo pero natitiyak kong mas pipiliin ng anak ng Heneral ang Xirin na may mas matalas na pang-unawa.” Ang wika ng kaliwang Ministro ng Emperador.

 

“Ministro Han! Sinasabi mo bang mahina ang anak ko?”

 

“Sayo na mismo iyan nanggaling-“

 

“Mga Kagalang-galang na Ginoo,” Putol ng Punong Heneral sa dalawang Ministro bago pa ito humantong sa mahabang argumento, “Natitiyak kong parehong karapat-dapat ang anak ninyo, subalit hindi pa handa ang anak ko upang kumuha ng kanyang kabiyak.” Ito na lamang ang natitira niyang dahilan upang makaiwas ngunit kailangan na niyang makaisip ng ibang paraan upang matigil na ang mga naghahangad na makasal sa kanyang pamilya.

 

Nagsimulang tumahimik ang mga panauhin ng Pumasok sa pagdiriwang ang mga imperyal na kawal ng Emperador.

 

“Lumuhod sa kautusan ng mahal na Emperador ng Salum.”

 

Bumaba ang lahat sa kanilang mga tuhod at yumuko. Maging ang magiting na Punong Heneral na hindi bumabagsak sa digmaan ay bumaba sa kanyang tuhod upang tanggapin ang kautusan. Hindi na bago sa tahanan niya ang tumanggap ng parangal mula sa Emperador matapos ang tagumpay ng kanyang hukbo. Ngunit ang kautusan na pinahayag ngayon ng Punong kawal ng Emperador ay nagdulot sa Punong Heneral ng matinding pagkabigla. Maging ang kabiyak niya sa kanyang tabi na bihirang magpakita ng matinding pag-aalala ay namumutlang napatingin sa kanya.