Dumating na ang espesyal na matrimonya na pinakahihintay ng imperyong Salum. Hindi magkandaugaga ang mga tao sa pag-uunahan na masilayan ang pulang parada.
Nakasuot sa pinakamakisig na kasuotan ang mga Heneral, at mandirigmang Goro. Ang lahat sa kanila ay may nakataling pulang laso sa kanilang armas tanda na isang mapayapang seremonya ang kanilang dadaluhan. Lubhang nakakapukaw ng damdamin ang malaki at engrandeng parada na hinigitan pa ang pulang parada ng Prinsipeng tagapagmana.
Halo-halong opinyon ang maririnig mula sa mga tao.
“Alam niyo bang nagpadala ng diyamanteng regalo ang Emperador ng Hilagang imperyo upang ipakita ang kanyang suporta sa kasal ng kanyang pamangkin?”
“Narinig ko din na nagbigay siya ng libong kabayo at kahong-kahong mga seda na di hamak na mas malaki sa mga regalong natanggap ng Pangunahing Prinsipe ng ikasal ito.”
“Hindi lamang iyon! Ibinigay naman sa kanya ng Emperador ng Salum ang Palasyong Xinn.”
“Palasyong Xinn? Hindi ba’t iyon ang palasyong nakalaan para sa Prinsipeng tagapagmana? Mukhang gusto talaga siya ng Emperador para sa Prinsesa.”
“Ano ka ba?! Pamangkin siya ni Emperador Azu, ang Emperador ng Hilagang imperyo at anak siya ng nag-iisa nitong kapatid na si Prinsesa Sula.”
“Tama! Hindi lamang siya ang Pangalawang Xuren ng Zhu, kundi anak siya ng Punong Heneral ng Salum at ng Prinsesa ng hilagang imperyo! Hindi na ako magtataka kung bakit nagmamadali ang Emperador na ipakasal ang Prinsesa sa kanya.”
“Maswerte din ang Xuren ng Zhu sa Prinsesa. Pakakasalan niya ang Bituin ng Imperyo. Ang nag-iisang Prinsesa ng Emperatris at paboritong anak na babae ng Emperador. Nababagay lamang sila sa isat-isa.”
“Kahit siya pa ang natatanging bituin ng imperyo kung isang hamak na Fenglin lamang ang nakapukaw sa puso ng Pangalawang Xuren, anong magagawa niya?”
“Anong ibig mong sabihin?”
“May nakakita na may kasamang Fenglin ang Xuren na sinakay nito sa kabayo nito upang libutin ang kapitolyo.”
“Hangal! Sinong maniniwala sayo? Paano mahuhulog ang isang mataas na Xuren sa isang hamak na Fenglin?” Napuno ng tawanan ang paligid.
Natapos ang parada at nagpatuloy ang seremonya sa loob ng palasyo ng imperyal.
Nababalutan ang Prinsesa ng pulang seda na eleganteng dinisenyuhan ng ginto. Marahan itong naglalakad habang sumusunod dito ang mahaba nitong seda na humahalik sa sahig. Inaalalayan naman ang isa nitong kamay dahil natatakpan ng pulang belo ang kanyang paningin.
Marami ang napaawang ang bibig ng masilayan ang Prinsesa sa nakakabighani nitong pulang kasuotan. Ang ilang Xirin na naroon ay naninibugho sa angking ganda at impluwensiya ng Prinsesa sa imperyo. Sa kabila ng pagkamuhi nila ay wala silang magawa kundi ang humanga at yumuko dito.
Tila tumigil naman ang oras ng dumating ang nakapulang Xuren na kumuha ng kamay ng Prinsesa. Ang simpleng itim na laso na nakatali sa buhok nito ay nagbibigay ng kakaibang karisma. Kahit siguro magsuot ito ng pinakamaduming damit ay mananatili itong mabango sa kanilang paningin. Ang Pangalawang Xuren ng Zhu ay tunay na mailap. Dahil kung noon pa nila ito natagpuan, tiyak na maraming Xirin ang magbubuwis ng buhay makuha lamang ito. Lubhang nadagdagan ang mga Xirin na nakaramdam ng matinding panibugho para sa Prinsesa.
Walang kamalay-malay si Keya sa mga matatalim na tingin na pinupukol sa kanya. Naramdaman niyang napalitan ang umaalalay sa kanya at alam niyang ito na ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral. Pinigilan ni Keya ang sariling bitawan ito. Pinakasalan niya ito, ngunit hindi ibig sabihin ay ibibigay na niya dito ang sarili niya. Nakalaan na siya sa iba, at ang lalaking lamang iyon ang may karapatang umangkin sa kanya. Ito ang pinangako ni Keya sa sarili niya.
Natapos ang seremonya ng hindi niya ito tinatapunan ng tingin. Ngayong gabi ay may hinanda siyang espesyal na regalo para dito na tiyak niyang magugustuhan nito…
Tahimik at mabilis na natapos ang seremonya na nasunod ayon sa kagustuhan ng Prinsesa. Ang marangyang pagdiriwang ay maagang nagtapos ng hindi man lang nabati ng mga panauhin ang Xuren ng Zhu.
Sinalubong si Yura ng mabulaklak na tanawin ng dumating siya sa Palasyong Xinn. Apat na Binibini na nakasuot ng maninipis na kasuotan ang bumati sa kanya.
“Ang Prinsesa po ang pumili sa kanila Lu Ryen.” Pinagpapawisang wika ni Dao, ang Matandang Punong katiwala ng Palasyong Xinn. Hindi niya maintindihan ang nais mangyari ng Prinsesa. Bakit iibigin nitong bigyan ng magagandang Binibini ang Lu Ryen sa unang gabi nila bilang magkabiyak? Nanatili siyang nakayuko sa takot na malagay sa panganib ang una niyang pagsisilbi sa kanyang bagong panginoon. Napagsilbihan na niya ang Ama ng Emperador mula ng batang katiwala pa lamang siya. Nang mamatay ito ay lumabas siya ng palasyo upang sundan ang nakaraang Emperatris na nagdesisyong manirahan sa templo. Nang pumanaw ang Emperatris muli siyang pinabalik ng kasalukuyang Emperador upang maging Punong katiwala ng Palasyong Xinn. Sa haba ng kanyang karanasan sa paglilingkod sa pamilya ng imperyal ngayon lamang siya nalagay sa ganitong sitwasyon.
“Nasaan ang Prinsesa?”
“Bumalik na po siya sa kanyang silid. Maaga siyang nagpahinga dahil hindi daw po maganda ang kanyang pakiramdam. Pinapasabi niya po sa inyong…” nag-aalinlangan ang matandang katiwala kung dapat niya ba itong sabihin sa Lu Ryen, ngunit wala na siyang magagawa dahil nandito na ang espesyal na regalo ng Prinsesa. “Ipagpaumanhin niyo daw po kung hindi niya kayo mapagsisilbihan ngayong gabi, sa halip ay hinahandog niya sa inyo ang mga binibining ito bilang regalo.” Mariing napalunok si Dao, paano ito tatanggapin ng Pangalawang Xuren ng Zhu? Isa itong malaking insulto sa pangalan ng Punong Heneral! Kilala ang Ama nito sa pagiging tapat sa kabiyak nito. Iisang babae lamang ang pinili nitong makasama, kaya ang ginawang ito ng Prinsesa ay hindi katanggap-tanggap.
“Kung ganon, ipabatid mo sa kanyang malugod ko itong tinatanggap.”
Ang alon sa dibdib ng matandang katiwala ay biglang humupa ng marinig ang sinabi ni Yura. Hindi makapaniwalang umangat ang tingin ni Dao sa Lu Ryen. Nakita niya ang isang larawan na inukit gamit ang kamay ng bathala. Muling bumalik ang alon sa kanyang dibdib, subalit sa pagkakataong ito ay mas malakas ang hampas nito. Kinilabutan si Dao ng makita niya ang pamumula ng mukha ng mga Binibini, hindi nakaligtas sa kanya ang mapangahas na nakaw tingin nila sa Lu Ryen. Bakit pakiramdam niya hindi ang Lu Ryen ang binibigyan ng handog kundi ang Lu Ryen ang nagsisilbing espesyal na handog para sa mga Binibining ito? Nahihibang na ba ang Prinsesa?! Ang lalaking tinatanggihan nito ay pipitasin na ng iba!
“Bigyan mo sila ng mas mainam na kasuotan. At dahil espesyal na regalo sila sa akin ng Prinsesa, nararapat lamang na ingatan ko sila. Ibigay mo sa kanila ang pribilehiyo ng Xienli.”
Matagal bago nakasagot ang Matandang katiwala. “M-Masusunod po.” Malayo ito sa inaasahan ni Dao. Buong akala niya’y payapa niyang pagsisilbihan ang Prinsesa at ang Lu Ryen sa natitira niyang mga taon, ngunit mukhang sa unang gabi palang ay nabawasan na ang taon niya.
Hindi lamang ang Punong Katiwala ang nasurpresa kundi maging ang apat na Binibini. Ang buong akala nila ay pagsisilbihan lamang nila ang Lu Ryen. Hindi nila lubos akalaing magiging opisyal na Xienli sila ngayong gabi. Marami silang pinagdaanan bago sila nakatuntong sa Palasyo ng imperyal. Ilan lamang sila sa mga naging bihag ng digmaan. Nang mamatay ang kanilang kaharian at masakop ng imperyong Salum, hindi na mabilang kung ilang beses silang nagpalipat-lipat sa mga kamay ng mga mangangalakal. Inaalagaan sila upang ibenta sa mas malaking halaga. Sila ang ilan sa mga mapalad na nakapasok sa palasyo ng imperyal upang magsilbi, subalit ng dumating sila sa lugar agad na pinadala sila sa Prinsesa at pumili ito ng apat mula sa kanila na tatlumpong alipin na nasala ng Palasyo.
Inaasahan nilang ireregalo sila ng Prinsesa sa mga matatandang opisyales tulad ng nangyari sa kanilang mga kasamahan ngunit hindi nila lubos akalaing ang mismong Lu Ryen ang pagsisilbihan nila.
Natutuwa sila na hindi na nila kailangang magpawis ng dugo bago malagyan ng laman ang kanilang sikmura. Kasabay nito ay nangangamba din sila sa tunay na intensiyon ng Lu Ryen. Mga bihag lamang sila ng digmaan. Kung nanaisin nito, makakahanap ito ng Xienli mula sa malalaking pamilya at respetadong angkan ng imperyo. Idagdag pang isang Prinsesa ang Konsorte nito, madali lamang silang mawala kung gugustuhin ng Prinsesa. Anong laban nila sa isang maharlika?
Naguguluhan sila kung bakit pinadala sila ng Prinsesa sa Lu Ryen. Dahil ang Lu Ryen na nasa harapan nila ay nakakapanlula, wala silang lakas ng loob na lapitan ito.
“Dalhin mo sila sa akin pagkatapos nilang magpalit.” Ang utos ni Yura sa Matandang katiwala bago ito tumungo sa Pangunahing silid ng Palasyong Xinn.
“Masusunod Lu Ryen.” Namamanghang napasunod ang tingin ng Punong tagapaglingkod sa bago niyang panginoon. Sa halip na magalit at mainsulto ito, malugod nitong tinanggap ang hinandang mga Binibini ng Prinsesa para dito. Kahit mababang babae ang pinili ng Prinsesa hindi ito nagdalawang isip na bigyan sila ng titulo. Napakahirap nitong basahin. Nabahiran ng tuwa ang mga mata ng matandang tagapaglingkod. Tunay na malaking pagsubok ang pagsilbihan ito.
Leave a Reply