Nang mapag-isa si Yura sa bago niyang silid. Hinubad niya ang pulang kasuotan at nagpalit ng kasuotang hinanda ng kanyang Ina. Mapili ang Ina niya pagdating sa klase ng tela na isusuot niya. Maingat nitong sinusuri ang bawat seda na tinatahi nito para sa kanya. Hanggang sa hindi na niya namalayang nagiging sensitibo ang kanyang balat sa mga kasuotang hinahanda ng iba.
Nang makita niya ang manipis at mapang-akit na damit ng apat na Binibini, tunay na sumilay ang mga ngiti sa labi ni Yura. Mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang planong tinatanim ng Prinsesa. Kung magpapatuloy ito, mas magiging madali sa kanya ang lahat. Tutulungan niya itong diligan ang mga bulaklak na tinatanim nito sa teritoryo niya.
“Lu Ryen, narito na po ang mga Xienli.” Pagbibigay-alam ng Punong tagapaglingkod sa labas ng silid ni Yura.
“Papasukin mo sila.”
Pumasok sa silid ang apat na Binibini na kanina’y nakasuot lamang ng manipis na seda ngunit ngayon ay nabihisan na ng simple subalit eleganteng kasuotan. Sa unang tingin ay mapagkakamalan mo silang Xirin ng mataas na angkan. Ang Prinsesa na ang naglatag ng instrumento na magagamit niya. Walang dahilan para tanggihan niya ito. Isa-isang pinag-aralan ni Yura ang mga Binibini na kasalukuyang naghahanda ng kanyang tsaa at naghahain sa kanya ng pagkain.
“Bakit hindi niyo ako saluhan?” imbita ni Yura ng hindi gumagalaw ng pagkain ang mga Binibini pagkatapos siyang hainan ng mga ito. Bumakas ang pagkabigla sa mukha ng apat na Xienli. Naiintindihan ni Yura kung bakit ganoon ang kanilang reaksiyon. Nasanay silang naghahain lamang ng pagkain at ni minsan ay hindi sila inimbitahang saluhan ng kanilang mga amo. “Parte na kayo ng tahanan ko. Simula ngayon sasabayan niyo na akong kumain.” Pinitas ni Yura ang piraso ng ubas mula sa kumpulang mga prutas at nilapit sa labi ng isa sa kanyang Xienli.
Namumula ang mukhang binuka ni Numi ang kanyang bibig upang tanggapin ito. Nang sandaling dumampi ang daliri ng Lu Ryen sa labi niya, sinalakay siya ng matinding kaba. Lumalalim ang paghingang nagbaba siya ng tingin. Hindi kayang salubungin ni Numi ang tingin ng Lu Ryen, pakiramdam niya ay kinakapos siya ng hangin dahil sa bilis ng pintig sa kanyang dibdib.
Dumaan ang ilang sandali at unti-unting nagdilim ang paningin ng apat na Binibini. Walang kamalay-malay ang mga Xienli na kinakain na sila ng kadiliman.
Tahimik na ninanamnam ni Yura ang huling tsaa na sinalin sa kanya ng isa sa kanyang Xienli bago ito mahulog sa malalim na pagkakatulog. Ang bagong gamot na nalikha ni Yeho ay mas matapang sa nakaraang mga pampatulog na ginawa nito para sa kanya. Matagal itong kumapit kay Yura dahil mahabang panahon na siyang umiinom nito. Ito ang dahilan kung bakit lumikha si Yeho ng mas matapang na medisina. Kung ibang tao ang titikim nito, kahit ang simpleng amoy nito ay sapat na upang makatulog ang mga ito.
Maingat na pinunasan ni Yura ang daliri niya na may bahid ng gamot. Lumibot ang tingin niya sa malawak na silid na nadekorasyunan ng marilag na kagamitan. Kung ang tahanan ng Punong Heneral ay sumisimbulo ng katatagan at kadakilaan, ang mga Palasyo naman ng imperyal ay sumisimbulo ng kapangyarihan at karangyaan. Huminto ang tingin ni Yura sa apat na Binibini na mahimbing na ngayong natutulog. Naniniwala siyang sa kabila ng malambot nilang anyo, nagtatago ang matigas at matinik nilang pagkatao. Kung madali lamang silang mabali, hindi magagawa ng apat na Binibini na makatapak sa palasyo ng imperyal. Dahilan kung bakit hindi nagdalawang isip si Yura na gamitin sila bilang kasangkapan. Ito ang unang gabi niya sa palasyo ng imperyal. Inaasahan na niyang mas magiging madilim ang susunod na mga araw.
Hirap na napalunok ang Matandang katiwala ng makita niyang namatay ang ilaw sa silid ng Lu Ryen. Ang unang gabi na dapat ay nakalaan sa Prinsesa ay napunta sa apat na Xienli. Tahimik na pinagbawalan niya ang mga utusan na lumabas ng Palasyong Xinn. Kung maaari ay nais niyang pigilan ang paglabas ng mga iskandalosong katha ng mga katiwala na nakasaksi sa nangyari ngayong gabi. Ngunit kahit gaano kahigpit ang Matandang katiwala mayroon paring nakakaligtas sa kanya…
Sa sulok ng Palasyo ng Prinsesa, palihim na nag-uusap ang dalawang tagapaglingkod.
Hindi maipinta ang mukha ni Chuyo habang nakikinig sa binubulong sa kanya ng utusang babae. Maraming tainga at mata ang haligi ng Palasyo ng imperyal kaya hindi nahirapan ang Punong katiwala ng Prinsesa na sumagap ng impormasyon mula sa Palasyo ng Lu Ryen.
Bagsak ang mga balikat na bumalik si Chuyo sa silid ng kanyang Prinsesa. Bumigat pang muli ang kanyang pakiramdam ng makita niya ang Prinsesa na nakatunghay sa hawak nitong aguhilya. Ang gintong aguhilya ay maingat na inaalagaan ng Prinsesa. Hindi ito maaaring hawakan ng mga katiwala na nagliligpit ng gamit nito, maging siya ay hindi pwedeng hawakan ito. Ang Prinsesa ang mismong nagtatago nito at maging ang itim na kapa ay nasa pag-iingat nito. Hindi ito matutulog ng hindi nito iyon katabi. Sa halip na mag-alala ay pagkahabag ang naramdaman ni Chuyo para sa Prinsesa.
Nabihag ng misteryosong estranghero ang puso nito at wala itong planong lumaya. Ang Prinsesa niya na taas noong humaharap sa mga matataas na opisyales ng imperyo at tumatapak sa sino mang magtatangkang bahiran ng lamat ang pangalan nito ay bumagsak lamang sa ganitong sitwasyon. Hindi lubos matanggap ng Punong katiwala ang nangyayari sa Prinsesa niya. Hindi na ito maaaring magpatuloy, kailangang itigil na ng Prinsesa ang kahibangang ito! Hindi niya gustong isipin ang maaaring mangyari sa sandaling makarating ito sa Emperatris!
“Chuyo,” tawag ni Keya sa kanyang Punong alalay ng mapansin ang pagbalik nito. “Nagustuhan ba ng Lu Ryen ang handog ko?” natitiyak ni Keya na nakarating na sa Pangalawang Xuren ng Zhu ang ibig niyang ipahiwatig. Pumayag siyang maging konsorte nito ngunit hindi nangangahulugang pumapayag siyang magpasakop dito. Mas iingatan at mamahalin ni Keya ang sarili niya pagkatapos ng kahihiyang natanggap niya sa kamay ng mga bandido.
“Mahal na Prinsesa…”
Naagaw ang atensiyon niya mula sa aguhilya at nalipat kay Chuyo ang kanyang tingin ng marinig niya ang bigat sa tinig nito. “Bakit? Nagsumbong ba siya sa aking Ina o humingi siya ng tulong sa Emperador?” sunod-sunod na mariing pag-iling ang ginawa ng Punong alalay. “Kung ganon, marahil ipapatawag niya ang Punong Heneral upang Kastiguhin ang ginawa ko.” Hinanda na ni Keya ang sarili niya sa ano mang maging kahihinatnan nito kaya hindi na siya nababahala kung ano man ang mangyari.
Dismayado na muling napailing si Chuyo sa kanyang Prinsesa. “Mas mapapanatag ako kung magagalit siya sa ginawa ninyo Kamahalan subalit hindi po iyon ang nangyari. Malugod na tinanggap niya ang mga ito at binigyan ng titulong Xienli. Apat na Binibini ang nagsilbi sa kanya sa unang gabi ng inyong kasal, kapag nakarating ito sa labas ng Palasyo iisipin ng mga tao na hindi kayo sapat para sa Lu Ryen dahil mas pipiliin niya pa ang mabababang alipin sa halip na ang Prinsesa.” Matagal ng nagsisilbi si Chuyo sa Prinsesa kaya naman bukas ito sa pakikinig ng opinyon niya.
Huminto ang daliri ni Keya sa hawak niyang aguhilya, “Hindi niya tinanggihan ang handog ko sa halip ay ginawa niyang Xienli ang mga ito?”
Sunod-sunod na napatango si Chuyo ng makita niya ang pagkabigla ng kanyang Prinsesa. Hindi niya ito masisisi dahil maging siya ay nagulat ng malaman niya ito, ang inaasahan ni Chuyo na malalagay sa kahihiyan ay ang Lu Ryen ngunit bumaliktad ito sa Prinsesa niya. Malayo ito sa inaasahan nila dahil ang Punong Heneral at ang Pangunahing Xuren ng Zhu ay nanatiling tapat sa nag-iisa nilang kabiyak kaya kahit sino ay iisiping susunod sa kanilang yapak ang Pangalawang Xuren ng mga ito, ngunit hindi iyon ang nangyari. Nasisiguro ni Chuyo na pagdating ng umaga, nakarating na ito sa Emperatris. Napalunok siya ng malalim ng inalala ang bakas ng mga pasa sa likod niya.
“Mahal na Prinsesa, anong gagawin natin?” natatakot ang tinging saklolo ni Chuyo.
“Kung ganon, wala na akong dapat ikabahala. Tama nga ang mga nakalap ko tungkol sa Xuren na ito, sadyang murang mga babae lamang ang nagpapasaya sa kanya. Sa labas siya ng tahanan ng Punong Heneral lumaki at mababang uri ng mga tao ang nakakasalamuha niya kaya kahit mga utusang babae ay kaya na siyang pasayahin. Anong naisip ni Ama at ganitong lalaki ang gusto niyang maging kabiyak ko? Ni anino niya ay hindi ko nanaising makita!”
Leave a Reply