Nabulabog ang kalmadong paligid ng Palasyong Xinn sa Pagdating ng Pangatlong Prinsipe. Mabilis na sinalubong ito ng Punong tagapaglingkod ni Yura na mahinahong humarap dito, marahil ay dahil dalawang Emperador na ang napagsilbihan ng matandang katiwala kaya sanay na ito sa pakikiharap sa mga maharlika.

“Mahal na Prinsipe, anong maipaglilingkod ko sa inyo?”

“Bakit hindi ang inyong Lu Ryen ang bumati sa akin?” balik tanong ni Yiju na lalong nagdilim ang anyo. “Sabihin mong narito ang kapatid ng kanyang Konsorte upang batiin siya.” May halong banta ang tinig ng Pangatlong Prinsipe. Hindi niya nagustuhan ang pagbabalewala ng Pangalawang Xuren ng Zhu sa kanyang kapatid. Kung alam lamang ni Yiju na ganitong lalaki ang pakakasalan ni Keya, marahil ay tinulungan na niya itong makatakas noon.

“Masusunod Kamahalan, Ipapaalam ko sa Lu Ryen ang pagbisita niyo.” Aniya ng Punong Katiwala. Batid ni Dao ang dahilan ng pagsugod ng Pangatlong Prinsipe. Nakarating sa kanya na hindi maganda ang lagay ng Prinsesa kaya pinayuhan niya ang Lu Ryen na bisitahin ito subalit hindi niya nakakitaan ng ano mang pagkabahala ang Lu Ryen, sa halip ay inutusan lamang siya nitong padalhan ang Prinsesa ng medisinang bulaklak. Hindi ang Prinsesa ang inaalala ni Dao kundi ang Emperador, kapag nakarating dito na malamig ang pakikitungo ng Lu Ryen sa paborito nitong Prinsesa, tiyak na hindi ito matutuwa.

“Huwag mong sabihin na kapiling niya ang kanyang mga Xienli sa mga sandaling ito kaya hindi niya mabigyan ng atensiyon ang sarili niyang Konsorte?!” tumalim ang tinig ni Yiju na nagdala ng takot sa mga tagapaglingkod na naroon.

Inaasahan na ng Punong katiwala ng Xinn na ang unang magagalit ay ang pinakamalapit na kapatid ng Prinsesa na si Prinsipe Yiju, ngunit hindi niya napaghandaan ang agresibong pagbisita nito sa Palasyo. Nakaramdam siya ng pag-aalala para sa Lu Ryen na kanyang pinagsisilbihan.

“Ipagpaumanhin niyo kung hindi ko nasalubong ang pagdating niyo Kamahalan.” Isang malinaw na tinig ang pumailanlang sa mahabang pasilyo. Lumabas si Yura kasama ang apat nitong Xienli. Napapalibutan man ito ng mga nakakabighaning Binibini, hindi parin maikukumpara ang marilag nitong anyo na nagpapalanta sa mga nakapaligid dito.

Natunaw ang tensiyong nararamdaman ng mga tagapaglingkod ng makita nila ang Lu Ryen, isang sulyap lamang nila dito ay sapat na upang maibsan ang kaba na kanilang nararamdaman, kundi napalitan ito ng pag-usbong ng damdadamin na protektahan ito mula sa Pangatlong Prinsipe.

Bahagyang natunaw ang matalim na mga tingin ni Yiju sa pagdating ng Lu Ryen. Naglaho ang mga salita na gusto niyang sabihin ng masalubong ng kanyang paningin ang pares ng mga mata na tuwid na nakatingin sa kanya. Ang mga katagang gustong niyang sabihin ay tila naglaho na parang bula. Sinalakay ng mabigat na hangin ang kanyang dibdib na hindi niya mawari kung saan nanggagaling.

“Kamahalan, narito na po ang Lu Ryen.” Paalala ng Punong Bantay ni Yiju ng mapansin nitong matagal na nanahimik ang Pangatlong Prinsipe na kanina lamang ay namumula sa galit.

“Yura Zhu,” tawag ni Yiju sa pangalan ng Lu Ryen ng matauhan siya. bumalik sa isipan niya ang dahilan kung bakit nais niya itong makita. “Nanggaling ka sa respetadong angkan, natitiyak kong hindi mo papayagang madungisan ang pangalan ng iyong Ama.” Ang kanina’y tinig ng Prinsipe na tila malakas na hampas ng alon ay bahagyang kumalma na ipinagtaka ng mga tagapaglingkod na nakikinig. “Batid kong ang kapatid ko ang nagsimula nito subalit hindi ito sapat na dahilan upang kalimutan mo na siya ang iyong Konsorte.” Dagdag ni Yiju, mali man ang ginawa ni Keya, hindi niya parin papayagan ang malamig na pakikitungo ng Zhu sa kanyang kapatid.

“Kung ganon, batid niyo rin na ang kapatid niyo ang unang nakalimot na ako ang kanyang Lu Ryen.” Tukoy ni Yura sa hindi pagsunod ng Prinsesa sa tradisyon ng kanyang angkan, na kung may ikakasal sa angkan ng Punong pamilya ng Zhu, Hihingi ito ng basbas mula sa kanilang mga ninuno at ipagdiriwang ito kasama ng magigiting na mandirigma ng Hukbo. Purong mandirigma ang angkan ni Yura at ito ang tradisyon na kinasanayan ng kanyang pamilya kaya isang pambabastos sa angkan ng Zhu ang pagbabaliwala ng Prinsesa sa tradisyong ito. Idagdag pa ang pagpapadala ng Prinsesa ng mga babae sa Lu Ryen sa unang gabi nila bilang magkabiyak. Kahit sino ay makikitang tinatanggihan ng Prinsesa ang Pangalawang Xuren ng Zhu. “Kamahalan, malinaw sa inyo kung sino ang may intensiyong dungisan ang reputasyon ng aking pamilya.”

Walang makapang salita si Yiju upang ipagtanggol ang kapatid niya. Ang kanyang atensiyon ay nanatili sa mga mata ng Lu Ryen, malakas ang pakiramdam niya na pamilyar ang pares ng mga matang malamig na nakaukol sa kanya. Mistulang may nagising na emosyon mula sa pinakamadilim na bahagi niya. Hindi mawari ni Yiju kung bakit sinasalakay siya ng matinding pagnanais na bihagin ang pares ng mga matang malalim na nakatingin sa kanya.

Nakakaramdam lamang siya ng ganito kapag nakakaengkwentro siya ng mailap at mapanganib na mga hayop sa pusod ng kagubatan. Ang pangangaso ng mababangis na lobo ang tanging bagay na nagpapabilis ng kanyang pulso dahil sa kaakibat nitong peligro, at dahil narin sa maalab na kagustuhan niyang makapangaso ng pinakamapanganib na nilalang sa gubat. Kaya bakit ganito ang nararamdaman niya sa mga sandaling ito?

“Kamahalan?” muli, ang Punong bantay ng Prinsipe ng makita nitong nakatitig lamang ang Pangatlong Prinsipe sa Lu Ryen.

“Ipagpaumanhin niyo Kamahalan, Naipaghanda namin kayo ng inumin na galing sa Gangza bakit hindi niyo ito subukang tikman kasama ng Lu Ryen? Natitiyak ko pong magugustuhan niyo ito.” Mabilis na imbita ni Dao upang matunaw ang tensiyon sa pagitan ng Lu Ryen at ng Pangatlong Prinsipe. Hindi niya gugustuhing magkaroon ng hidwaan ang dalawa. Kapatid ito ng Konsorte ng kanyang panginoon at anak ito ng Emperatris. Hindi makabubuti kung magiging kalaban ito ng Lu Ryen.

Tahimik na sinalinan ng alak ni Dao ang kopa ng Pangatlong Prinsipe at ng Lu Ryen. Sinenyasan niya ang mga katiwala na lisanin ang silid pagkatapos nilang maghain. Sunod na lumabas ang matandang katiwala upang bigyan ang mga ito ng pribadong lugar na mag-usap.

“Mapalad ka sa iyong Punong tagapaglingkod, siya ang isa sa lubos na pinagkakatiwalan ng yumaong Emperador ng nabubuhay pa ito.” Kumento ni Yiju at ninamnam ang alak na isinalin sa kanya.

“Mas tunay na mapalad ang Prinsesa, may kapatid siyang handa siyang ipagtanggol sa lahat ng bagay.” Ang tugon ni Yura sa Prinsipe.

“Hindi sa lahat ng bagay ay pinapahintulutan ko ang ginagawa ni Keya, lalo na kung mali ito. Subalit hindi ko papayagang masaktan siya. Wala akong intensiyong pasukin ang relasyon niyong dalawa. Ipagpaumanhin mo kung nabulag ako ng galit ko.”

“Naiintindihan ko, ngunit sana’y maintindihan niyo rin na kailangan kong turuan ang aking Konsorte na kilalanin ako bilang Lu Ryen niya.”

Natigilan ang Pangatlong Prinsipe at lihim na pinag-aralan ang Lu Ryen. Hindi ito kasing babaw ng iniisip niya. Ang buong akala niya’y katulad ito ng Xuren ng malalaking angkan na walang alam gawin kundi mangolekta ng mga binibining nagugustuhan nila. Napagtanto ni Yiju na walang kasalanan ang Pangalawang Xuren ng Zhu. Dahil alam niyang hindi madadaan sa matatamis na salita ang kanyang kapatid. Nakaramdam ang Prinsipe ng matinding pagkapahiya sa sarili dahil wala siya sa lugar upang kastiguhin ang Lu Ryen tungkol sa mga Xienli nito, kung ang mismong kapatid niya ay nahulog ang damdamin sa isang estraherong nagligtas dito mula sa mga bandido.

“N-Naiintindihan ko.” Muling napainom si Yiju sa kopa na wala na palang laman. Lihim na pinagalitan niya ang sarili kung bakit hindi siya kumakalma. Nababahala siyang mahalata ito ng Lu Ryen, nagsisisi siya sa paraan ng pagbisita niya dito. Hindi niya muna ito kinilalang mabuti bago siya sumugod sa palasyo nito. Nag-iwan siya ng hindi magandang impresyon sa unang pagkikita nila. Hindi niya gustong isipin na masisira ang relasyon niya sa Lu Ryen ng kanyang kapatid.

Mas marami siyang kaibigan kaysa kaaway subalit madali sa kanya ang magalit kung alam niyang hindi mabuting tao ang kinakalaban niya. Ngayong nagkamali siya sa Lu Ryen, hindi alam ni Yiju kung paano niya ito itatama. Napahigpit ang hawak niya sa kopa ng salinan ng Lu Ryen ng alak ang walang lamang kopa niya. Hindi mapigilan ng Pangatlong Prinsipe na hindi mapatingin sa mga mata ng Lu Ryen, hindi lamang mga mata nito ang nakakuha ng kanyang pansin… Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito… maging ang halimuyak ng katawan nito ay nagpapanikip ng kanyang dibdib… Nakaramdam si Yiju ng matinding panganib mula sa Pangalawang Xuren ng Zhu. Nagdilim ang kanyang paningin at walang paalam na hinablot niya ang pulso ng Lu Ryen.

Natapon ang kopa sa sahig kasama ng inumin na mabilis na kumalat ang amoy sa paligid ng silid. Ang alimyon ng alak ay hindi sapat upang takpan ang halimuyak ng taong nagmamay-ari ng pulso na mahigpit na hawak ng Pangatlong Prinsipe.

“Yura Zhu…”

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn

Numi: Unang Xienli

Sirin: Ikalawang Xienli

Xenn: Ikatlong Xienli

Luha: Ikaapat Xienli

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.