Nanginginig ang katawang nakabalot si Keya ng makapal na kumot. Ngayon niya lang mas lalong naramdaman ang epekto ng parusang binigay sa kanya ng Emperatris. Maingat na ininum niya ang mainit na tsaa upang maibsan ang panlalamig niya.
“Kamahalan!” Pasugod na pumasok ang Punong Katiwala ng Prinsesa sa kanyang silid. “Nagtagal si Prinsipe Yiju sa Palasyong Xinn at narinig ko din na inimbitahan niya ang Lu Ryen sa susunod niyang pangangaso. Hindi niya ito sinugod upang kastiguhin kundi upang kaibiganin ito.” Natutuwang pabatid ni Chuyo sa kanyang Prinsesa.
Malalim na kumunot ang noo ni Keya. Sa kabila ng kanyang panginginig ay sinikap niyang tumayo. “Kasinungalingan.” Hindi siya bibiguin ng Kuya niya. Sa tuwing may nang-aapi sa kanya hindi nito iyon pinapalagpas. “Gusto kong makita ang kapatid ko.”
“Pinatawag po siya sa isang importanteng pagpupulong ng mga Punong Kawal tungkol sa proteksiyon ng mga mensahero ng kanlurang imperyo. Siya po ang inatasan ng Emperador sa tungkuling ito kaya mas mainam na huwag na muna natin siyang gambalain Kamahalan.” Payo ni Chuyo. Alam niya kung gaano kaimportante sa Emperatris na magawa ng maayos ng Pangatlong Prinsipe ang mga utos ng Emperador. Kung magkakaroon muli ng gusot, natitiyak ni Chuyo na hindi na lamang ang kanyang Prinsesa ang mapaparusahan. Kung malalagay sa alanganin si Prinsipe Yiju, sino ang proprotekta sa Prinsesa niya?
Hindi manhid si Keya upang hindi mabasa ang iniisip ng kanyang Punong alalay. Lalong nadagdagan ang pagkamuhing nararamdaman niya para sa Lu Ryen. “Maghanda ka ng isusuot ko, Hindi ang kapatid ko ang kailangan kong makita.” Wika ni Keya na tinakasan na ng panlalamig sa katawan. Sapat na ang galit na kanyang nararamdaman upang matunaw ang lamig na bumabalot sa kanya.
Babalik na sana si Dao sa kanyang silid pahingaan matapos niyang atasan ang mga katiwala sa mga kailangan nilang gawin, ng dumating ang isa nanamang panauhin na walang paabiso sa pagbisita nito. Ikinamangha ng matandang Katiwala na ang mismong Prinsesa ang bagong panauhin ng Lu Ryen.
“Ipapaalam ko po agad sa Lu Ryen ang pagdating niyo mahal na Prinsesa.”
“Hindi na kailangan.” Malamig na sagot ni Keya. “Dalhin mo ako sa kanya ngayon din.” Gustong makita ni Keya ang Lu Ryen na lumason sa isip ng kanyang kapatid.
Sa bungad ng hardin, maririnig ang malamyos na musika na nagpapakalma sa sino mang makakarinig nito. Naglalaro sa mga daliri ng Lu Ryen ang mga pinong kwerdas na lumilikha ng nakakaantig na himig. Isinalin ni Yura sa instrumento ang awit na narinig niya mula sa isang manlalakbay na nakasama niya sa kanyang paglalayag sa karagatan. Nag-iwan ito ng malalim na impresyon kay Yura, dahil sa kabila ng mga trahedyang naranasan nito sa dagat bumabalik parin ito sa tubig na itinuring nitong pangalawang tahanan.
Napako ang mga paa ni Keya ng masilayan niya ang lalaking laging laman ng mga panaginip niya. Sari-saring emosyon ang bumuhos sa kanya ng makita niya ang Lu Ryen. Matinding pagkabigla at pagdududa ang nangingibabaw sa Prinsesa.
Nililinlang ba siya ng kanyang paningin?
Hindi namalayan ni Keya ang pagtulo ng luha niya. Umatras ang mga paang bumalik ang Prinsesa sa kanyang Palasyo…
Naiwang nagtataka si Dao sa biglaang pagdating at pag-alis ng Prinsesa ng walang pabatid sa Lu Ryen. Napansin niyang namumutla ang Prinsesa ng umalis ito. Napapailing na lamang ang matandang katiwala sa sarili niya sa dami ng nangyari ngayong araw. Pinagmasdan niya ang Lu Ryen na tila hindi nagagambala sa mga nangyayari sa paligid nito kahit na ito ang sentro ng atensiyon ng lahat.
Nahihilo na si Chuyo sa Prinsesa niya na kanina pa paikut-ikot sa loob ng silid nito na tila wala itong naririnig o nakikita. Agresibo itong sumugod sa Palasyong Xinn ngunit matamlay itong bumalik.
“Kamahalan, anong nangyari? Bakit hindi po kayo nagpakita sa Lu Ryen?”
Nanghihinang napaupo si Keya sa harap ng kanyang salamin. Nilabas niya ang gintong aguhilya na nakatago sa loob ng kanyang manggas. Naluluhang napapikit siya ng mariin.
“Chuyo… nahanap ko na siya…”
“Sino pong tinutukoy niyo Kamahalan?” naguguluhang tanong ng Punong katiwala.
“Ang Lu Ryen… siya ang lalaking nagligtas sa akin sa mga bandido…”
Napasinghap si Chuyo sa narinig. Tinakpan niya ang bibig at di makapaniwalang tinignan ang Prinsesa.
“K-Kamahalan, hindi ba dapat matuwa kayo dahil natagpuan niyo na siya? Idagdag pang siya ang inyong Lu Ryen. Tunay na pinagtagpo ang landas niyo Kamahalan!” natutuwang wika ni Chuyo. Hindi niya maintindihan kung bakit nasasaktan ang Prinsesa niya.
“Nakalimutan mo na ba ang mga ginawa ko? Marahil kinamumuhian niya na ako ngayon.”
“Iyon ay dahil hindi niyo siya nakilala. Naging tapat kayo sa nararamdaman niyo para sa estrangherong nagligtas sa inyo. Lingid sa inyo na ang estrangherong ito at ang Lu Ryen ay iisa. Kung ipapaliwanag niyo ito sa Lu Ryen, natitiyak kong maiintindihan niya ito Kamahalan.”
Sunod-sunod na napailing si Keya. “Hindi ako naging mabuting Konsorte sa kanya. Paano kung hindi na magbago ang pagtingin niya sa akin?”
“Kamahalan, kahit anong mangyari kayo parin ang Pangunahing Konsorte ng Lu Ryen.” Gustuhin man niya kayo o hindi, kailangan niya kayong tanggapin dahil kayo ang Prinsesa ng Emperatris. Nais idagdag ni Chuyo.
Humahapdi ang puso ni Keya. Kung maaari niya lang sampalin ang sarili niya sa kahangalang nagawa. Binigyan niya ito ng mga babae sa unang gabi nila bilang Konsorte nito. Tinanggihan niya ang ibig nitong pagbisita sa kanya at hinayaan niyang kastiguhin ito ng kanyang kapatid. Kahit sino ay iisiping hindi siya naging mabuting Konsorte dito.
Bumalik ito sa kanilang lupain upang pakasalan siya, nang matagpuan siya nito sa kagubatan hindi ito nagdalawang isip na iligtas siya. Hindi malayong mapagtanto nitong nais niyang takasan ang kasunduan subalit pinili nitong manahimik. Kahit isang tingin ay hindi niya binigay dito ng araw ng kanilang pag-iisang dibdib. At ang mga sumunod na ginawa niya ay hindi katanggap-tanggap. Paano niya iyon nagawa dito?
“Kamahalan…?” nag-aalalang pinunasan ni Chuyo ang nag-uunahang mga luha ng kanyang Prinsesa. “Bakit sumusuko na kayo? Hindi pa huli ang lahat, maaari pa kayong bumawi sa kanya. Hindi ba’t pangarap niyong makasal sa lalaking mahal niyo? Ngayong natupad na ang kagustuhan niyo bakit kayo pinanghihinaan ng loob? Ang Prinsesa na kilala ko ay hindi nagpapakita ng kahinaan kahit na ilang beses siyang parusahan ng Emperatris. Hindi yumuyuko kung hindi ang Emperador ang kanyang kaharap. Hindi sumusuko hangga’t hindi napapasakanya ang mga bagay na gusto niya. Kamahalan, huwag kayong papayag na maagaw ng ibang babae ang Lu Ryen.”
Natauhan si Keya sa huling salitang binitawan ng Punong alalay niya. Isipin niya palang na mapupunta ito sa iba ay nadudurog na ang puso niya. Siya ang naglagay ng lamat sa pagitan nila kaya matatangggap niya ang ano mang opinyon ng Lu Ryen tungkol sa kanya, ngunit hindi siya papayag na mapunta sa iba ang panahon at atensiyon nito. Nakapagdesisyon na siya, itatama niya ang maling nagawa niya upang bumalik ito sa kanya. Tumayo si Keya at pinunasan ang mga luha niya, kalmadong inutusan niya ang kanyang Punong Alalay.
“Bibisitahin ko siyang muli ngayong gabi, ipaalam mo sa Palasyong Xinn ang pagpunta ko.”
“Masusunod Kamahalan.” Pinigilan ni Chuyo ang mapangiti. Sa wakas ay bumalik narin ang Prinsesa niya.
Palasyong Xinn…
Isa-isang inamoy ni Yura ang mga pabango sa kanyang harapan. Bawat isa ay may kanya-kanyang hugis at halimuyak. Nanggaling ang mga pabangong ito sa ibat-ibang sulok ng imperyo. Nahasa ang talas ng pang-amoy ni Yura sa dami ng medisinang pinapakilala sa kanya ni Yeho. Bawat dahon at ugat na ginagamit nito ay may pangkaraniwang amoy na naiiba sa lahat. Isang sangkap lamang ang nadagdag o mawala ay madali itong nakikilala ni Yura.
“Mahal na Lu Ryen, bibisita po ang Prinsesa ngayong gabi. Bakit hindi niyo po siya pilian ng pabangong ibibigay niyo sa kanya?” suhestiyon ni Dao ng makita niyang pumipili ang Lu Ryen ng pabango para sa kanyang mga Xienli. Nakikita na ni Dao kung gaano kaespesyal ang mga babae sa buhay ng Lu Ryen. Ayon sa kanyang mga naririnig, madalas makita ang Pangalawang Xuren ng Zhu na bumibisita sa Fenglein. Kinagigiliwan daw ito ng mga Fenglin dahil itinuturin silang Prinsesa ng Xuren. Sana ay ganoon din ito sa Konsorte nito na isang tunay na Prinsesa.
“Hindi niya ito kailangan.” Matipid na tugon ni Yura.
Ibig bang sabihin nito ay wala itong planong mapalapit sa Prinsesa? Tanong ng Punong Katiwala sa isip niya. Hindi niya masisisi ang Lu Ryen kung bakit malamig ito sa Konsorte nito, subalit hindi makakabuti dito kung pareho nilang tatalikuran ang isa’t-isa. Yumukong nagpaalam si Dao bago nito nilisan ang silid.
Binuksan ni Yura ang isang kulay berdeng pabango ng maiwan siyang mag-isa. Tinapon niya ang laman nitong likido, at kasama ng pabangong nabuhos ay isang piraso ng papel na nakaikot ang pagkakatupi. Nababalutan ito ng espesyal na medisina upang hindi ito mabasa. Binuksan ni Yura ang papel at binasa ang laman nito. Nang makuha niya ang ibig ipahiwatig na mga linyang tanging iilan lamang ang nakakaunawa. Sinunog niya ang papel sa nakailaw na lampara.
“Won.” Tawag ni Yura sa kanyang bantay.
Lumabas si Won sa isang sulok upang tanggapin ang kasunod na utos ng kanyang Xuren.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Chuyo: Punong Katiwala ni Keya
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply