Madilim ang mukhang sinalubong ni Kaori ang paglabas ni Won sa silid ng kanilang Xuren.
“Bakit laging ikaw nalang ang tumatanggap ng utos? Wala bang tiwala ang Xuren sa kakayahan ko?” Pagmamaktol ni Kaori.
Malakas na pinitik ng kaliwang bantay ang noo ni Kaori. “Hindi ito ang tamang panahon para diyan.”
Malalim na napabuntong-hininga ang kanang bantay ng mawala ang anino ni Won. Walang malay ang mga tauhan ng Palasyong Xinn sa pagkawala ng isa sa mga bantay ng Lu Ryen na lihim na naglalaho sa mga mata ng palasyo ng imperyal. Nababagot na muling napasandal si Kaori sa isang sulok. Kung noon ay pinaghihirapan niyang humuli ng mga kuneho upang maibsan ang pananabik niya sa pagkain, ngayon ay kusa na itong hinahain sa harapan niya ng hindi niya pinaghihirapan. Tila mahikang nilalapag sa lamesa niya ang mga pagkaing hindi niya magawang tikman kapag naglalakbay sila sa kabundukan o naglalayag sa karagatan. Ang labis na tuwa na naramdaman niya ng unang dating niya sa Palasyong Xinn ay napalitan ng hinagpis ng mapagtanto niyang mas malinamnam sa kanyang panlasa ang mga pagkaing pinaghihirapan niyang makuha. Hindi maikukumpara ng marangyang buhay ang pakikipagsapalaran nila sa mga banyagang lupain. Nabubuhay ang dugo niya sa mga sitwasyong walang kasiguraduhan. Mas pipiliin ni Kaori ang buhay sa labas gaano man kapanganib ang nilalakbay nila ng Xuren, sa halip na makulong sa haligi Palasyong ito. Hindi siya sanay na makitang manatili sa iisang lugar ang Xuren. Kung ganito kapait ang nararamdaman niya, hindi na gustong isipin ni Kaori ang nararamdaman ng Xuren niya na maghapong nakakulong sa silid nito.
Nagliwanag ang mukha ni Kaori ng makita niya ang Punong Katiwala kasunod ang alalay na may hawak na pagkain.
“Ako na ang maghahatid nito sa silid ng Lu Ryen.” Mabilis na inagaw ni Kaori ang pagkain at hindi na hinintay ang tugon ng Punong katiwala. Walang lingon-likod na pumasok siya sa loob ng kwarto ng Xuren. Naiwang nagtataka si Dao at ang alalay sa inakto ng bantay, dahil mistulang mga pader ang mga bantay ng Lu Ryen. Wala silang naririnig o nakikita kapag dinadaanan nila ang dalawang bantay. Kung hindi kinakailangan ay hindi sila tinatapunan ng atensiyon ng mga ito. Tanging ang Lu Ryen lamang ang nakikita at naririnig ng dalawa. Kung hindi sila magsasalita hindi nila mararamdaman ang presensiya ng mga ito.
Tumungo si Kaori sa isa pang panloobang silid, at roon nakita niya ang Xuren na tahimik na gumuguhit ng isang larawan ng bulaklak na natagpuan nila sa pusod ng gubat. Saan man mapadpad ang Xuren, hindi nito nakakaligtaang iguhit ang mga bulaklak na hindi pa nakikita ng Ina nito. Mahilig ang Ximo nila sa mga iba’t-ibang uri ng bulaklak subalit dahil masama sa kalusugan nito ang amoy ng bulaklak sa larawan lamang nito iyon nahahawakan. Mula pa ng bata ang Xuren, madalas na itong gumuguhit ng bulaklak upang ihandog sa kanyang Ina, at hanggang ngayon ay hindi ito nawawala.
“Xuren.” Tawag ni Kaori dito kahit alam niyang kanina pa nito naramdaman ang presensiya niya.
“Naiinip ka na ba sa palasyo kaya maging ang tungkulin ng mga katiwala ay inangkin mo na?” si Yura na ang tingin ay nakatuon parin sa ginuguhit niya.
“Nais kong magpakita sa inyo dahil baka malimutan niyong nandito lang ako sa tabi niyo.” May himig na tampo ang tinig ng bantay. Kasama niyang lumaki ang Xuren at masasabi niyang mas mahaba ang mga panahong magkasama sila kumpara sa panahon na nakasama nito ang mga kapatid nito. Simula ng inatasan siya ng Punong Heneral na maging bantay nito, doon lamang nagkaroon ng kahulugan ang buhay niya. Ang Xuren na ang naging mundo niya. Nararamdaman lamang ni Kaori ang halaga niya kapag pinuprotektahan niya ang Xuren. Masaya siya na malayo ito ngayon sa panganib, subalit nalulungkot din siya kapag wala siyang nagagawa para dito. “Ako ang una niyong piniling maging bantay niyo subalit si Won ang una niyong tinatawag.” Dagdag ni Kaori na hindi tinago ang kanyang hinanakit sa Xuren. Dahil wala ang kaliwang bantay, malayang nakakausap ni Kaori ang Xuren ng hindi nakakatanggap ng matalim na tingin mula kay Won.
Hininto ni Yura ang pagguhit. Binigay niya sa Kanang bantay ang kanyang buong atensiyon. Animoy isang batang nasugatan ang nakita niyang ekspresyon sa mukha ni Kaori. Bumalik sa kanya ang alaala ng unang araw itong dumating sa kanyang tahanan. Puno ito ng galos at sugat ng matagpuan ito ng kanyang Ama mula sa masukal na kakahuyan. Asal ng mabangis na hayop ang kilos at pananalita nito kaya iniiwasan at tinataboy ito ng mga taong nakakatagpo dito, sa halip na tulungan at protektahan ito.
Ang batang iniwan sa kakahuyan ng kanyang ina ay natutong mabuhay ng mag-isa. Nakita ng Punong Heneral sa mga mata nito ang diwa ng isang tunay na mandirigma. Hindi nagdalawang isip ang Heneral na kupkupin ito at bigyan ng pangalan. Tinapon ito sa pagsasanay ng mga batang Goro. Kung ano ang ginagawang ensayo at pag-aaral ng mga normal na bata ay binibigay din dito na tila hindi ito naiiba sa lahat. Kasama itong nagagantimpalaan at napaparusahan. Ito ang pinakamahina sa pangkat ng mga batang Goro kaya nagulat ang lahat ng ito ang piliin ng Pangalawang Xuren ng Zhu na maging bantay nito. Hindi naman tumutol ang Punong Heneral ng ibigay nito sa batang gubat ang tungkulin na protektahan ang anak niya.
Magkahalong pagkamangha at takot ang naramdaman ni Kaori ng siya ang piliin ng Xuren na maging bantay nito. Kung dati ay wala siyang kinatatakutan kahit atakihin siya ng mababangis na hayop sa gubat o ibabad siya sa mabibigat na pagsasanay, dahil ang tanging pinoprotektahan niya ay ang sarili niya lamang. Kahit lamunin siya ng kamatayan ay bukas palad niya iyong tatanggapin, subalit sa isang iglap nagbago ang pananaw niya. Nagising ang matinding emosyon sa puso ni Kaori ng ibigay sa kanya ang responsibilidad na protektahan ang Xuren. Sinikap niyang hasain ang sarili niya upang maging karapat-dapat na bantay para dito. “Nangangamba ba kayong magkamali ako?” marahil ay marami pa siyang kailangang patunayan upang pagkatiwalaan siya ng Xuren.
“Iniisip mo ba talagang malilimutan kita?” si Yura na sinalubong ang nanunumbat na tingin ng kanyang bantay. “Hindi ko nakakaligtaang magbilin sa Punong Katiwala na ibigay ang lahat ng pagkaing paborito mo.”
“X-Xuren…” Namula ang buong mukha ni Kaori sa narinig. Maging ang taynga niya ay naging kulay mansanas. Hanggang ngayon ay tila isang batang musmos parin ang tingin nito sa kanya.
“Mas mapapanatag ako kung ikaw ang nasa tabi ko.” Bawi ni Yura sa nagtatampo niyang bantay. “Kapag may kapangyarihan na akong protektahan ka, pahihintulutan na kitang gawin ang lahat ng naisin mo.” Si Yura ang huling anak ng Zhu, siya ang nakakatanggap ng proteksiyon mula sa kanyang magulang at nakakatandang mga kapatid. Nang dumating si Kaori bilang bantay niya, itinurin niya na itong nakakabatang kapatid niya. Bantay man ang titulo ng relasyon nito sa kanya. Para kay Yura ay parte na ito ng kanyang pamilya.
Sa pagtatakip ni Yura sa kanyang katauhan, nararamdaman niyang nagiging ibang tao na siya. Nagiging madilim at matalim ang bawat desisyong tinatahak niya. Ang presensiya ni Kaori ang nagpapabalik sa kanya upang hindi siya mawala. Hangga’t nasa tabi niya ito. Hindi niya makakalimutan kung sino siya.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply