Sa tarangkahan ng Palasyong Xinn, naghihintay ang mga tagapaglingkod sa pagdating ng Prinsesa ng Emperatris. Hindi maiwasang mag-usisa ng mga katiwala kung bakit nais makita ng Prinsesa ang Lu Ryen gayong ginagawa nito ang lahat ng paraan upang lumayo ang loob ng Lu Ryen dito.
Tumigil ang bulung-bulungan ng makatanggap ng matalim na tingin ang mga alipin mula kay Dao. Nang makita ng Punong katiwala ang paparating na Prinsesa. Mabilis ang mga hakbang na sinalubong niya ito.
“Kamahalan,” yumukong bati ni Dao sa Prinsesa. Sa pagkakataong ito, napansin ng Punong Katiwala na lubos na naghanda ang Prinsesa sa pagbisita nito. Nakakabighani ang kasuotang napili nito na ikakapula ng sino mang lalaking makakakita dito. Tunay na ito ang bituin ng kanilang imperyo. Namana nito ang kagandahan ng kanyang Ina at karingalan ng kanyang Ama. “Naghihintay na po ang Lu Ryen sa inyo Kamahalan.” Dagdag ni Dao ng makita niyang nagtagal ang tingin ng Prinsesa sa mga nakayukong Xienli. Kahit binihisan ng Lu Ryen ang mga Binibini nito ng eleganteng kasuotan, makikilala parin ng may matalas na paningin kung sino ang tunay na maharlika.
Malamig ang tinging dinaanan ng Prinsesa ang mga Xienli na tila wala silang halaga sa paningin niya. Taas noo namang nakasunod si Chuyo sa kanyang Prinsesa kasunod ang iba pang mga alalay nito. Pumasok sila sa Punong silid ng Palasyo kung saan napupuno ito ng ibat-ibang klase ng halaman na nakadisenyo sa mga dingding ng lugar. Tila isang paraisong hardin ang kanilang pinasok at hindi isang silid.
“Narito na po ang Prinsesa.” Pabatid ni Dao sa Lu Ryen. Nilisan ng mga katiwala ang silid upang bigyan ng panahong mapag-isa ang Lu Ryen at ang Prinsesa.
Nang umangat ang tingin ni Yura, nakita niya ang isang mapanghalinang Binibini. Tumayo siya upang salubungin ito. Yumuko at nagbigay galang sa kanya ang Prinsesa. Bahagyang kumunot ang noo ni Yura subalit agad niya rin itong itinago.
Ang Prinsesang niligtas niya sa kabundukan at ang Prinsesang nasa harapan niya ngayon ay ang naging Konsorte niya. Sinalubong ni Yura ang tingin ng Prinsesa. Naghihintay siya sa susunod nitong gagawin. Mas pipiliin nitong mamatay sa halip na madungisan. Tumakas ito upang hindi matali sa isang kasunduan. Nangahas itong insultuhin siya sa unang araw ng kanilang kasal. Masasabi ni Yura na isang matapang na Binibini ang Prinsesa.
“Labing pitong araw na ang lumipas simula ng huli nating pagkikita.” Si Keya na nanatili ang tingin sa Lu Ryen.
Napansin ni Yura ang malalim na tinging binibigay nito sa kanya. “Kamahalan, tatlong araw ang lumipas simula ng ikasal tayo.” Pagtatama niya.
“Ang una nating tagpo ang tanging naaalala ko.” tinawid ng Prinsesa ang distansiya sa pagitan nila ng Lu Ryen upang kunin ang kamay nito. Walang nakitang tugon ang Prinsesa mula sa Lu Ryen na mistulang nagmamasid lamang sa kanya ng ikulong ng mga palad niya ang kamay nito. Kinakabahan man ay nilabanan ni Keya ang takot niya sa maaaring pagtanggi sa kanya ng Lu Ryen. Binura niya ang lahat ng pag-aalinlangan sa puso niya. Pag-aari niya ito at hindi ito maaaring mapunta sa iba. “Ang kamay na ito ang nagligtas sa akin, ang humawak sa akin upang selyuhan ako bilang konsorte niya. Kaya bakit hindi mo subukang muling hawakan ang kamay ko? Sa pagkakataong ito, pinapangako kong magiging mabuting Konsorte ako para sayo.”
Hindi ito ang inaasahan ni Yura na susunod na magiging hakbang ng Prinsesa. Hindi na mahalaga kung ano man ang tinitimpla nito dahil walang magbabago mabuti man ito o hindi sa kanya. Kailangang may magsakripsyo upang maisakatuparan ang layunin ng kanyang mga plano. Siya ang ginawang pain ng Emperador upang hawakan sa leeg ang kanyang Ama kaya walang dahilan upang hindi niya gamitin ang paborito nitong Prinsesa.
Marahang binawi ni Yura ang kanyang kamay at siya ang humawak sa kamay ng Prinsesa. “Magagawa ko bang bitawan ang aking Konsorte?” matamis na tanong ni Yura sa Prinsesa subalit iba ang sinasabi ng kanyang mga mata. Dahan-dahang pinakawalan ni Yura ang kamay ni Keya. “Nakalimutan mo na bang ikaw ang unang bumitaw?”
“Iyon ay dahil hindi kita nakilala.”
“Nakilala? Ang minsang tagpo natin noon ay hindi sapat upang makilala niyo kung sino ako Kamahalan.” nilagpasan ni Yura ang Prinsesa ng makita niya ang natuyong dahon mula sa isa sa mga halaman niya. Pinitas niya ito upang durugin sa kanyang palad. Hindi siya magdadalawang isip na burahin ang sinong magiging hadlang sa mga plano niya. “Marahil ay nag-iwan ako ng malalim na impresyon sa inyo dahil nalagay sa panganib ang buhay niyo ngunit kahit sinong Binibini ay ililigtas ko sa mga sandaling iyon. Huwag niyong hayaang mabulag kayo dahil minsang niligtas ko ang buhay niyo.”
Pinigilan ni Keya ang maluha ng talikuran siya ng Lu Ryen. Nararamdamam na niyang tatanggihan siya nito ngunit napakasakit paring marinig ito mula dito. Muling hinarap ng Prinsesa ang Lu Ryen at kumapit dito. “Kung ito ang nararamdaman mo tungkol sa akin wala akong magagawa, ngunit hindi ibig sabihin nito ay iyon ang dapat kong maramdaman.” Tuluyan ng kumawala ang mga luha ni Keya. “Ilang beses ng nalagay sa panganib ang buhay ko ngunit ng makita kita, iyon ang unang beses na naramdaman kong kaya kong magmahal ng isang estranghero. Marahil para sayo ay kahit sinong Binibini ay ililigtas mo, ngunit para sa akin iisang lalaki lamang ang gugustuhin ko.”
Nagtatanong ang tinging inukol ni Yura kay Keya ng makita niyang binubuhos nito ang damdamin nito sa kanya. Nililinlang man niya ang lahat gamit ang katauhan niya bilang Pangalawang Xuren ng Zhu ngunit wala siyang planong paibigin ang Prinsesa. Mas nanaisin niyang kamuhian siya nito sa halip na magtapat ito ng nararamdaman nito sa kanya. Kailangan niya itong ilayo sa kanya, hindi niya nagugustuhan ang nakikita niya sa mga mata ng Prinsesa. Nais siya nitong hawakan na tila pagmamay-ari siya nito.
Sadyang sinusubukan siya ng kapalaran, kung paano niya paninindigan ang kanyang lihim. Pinapaalala sa kanya na hindi magiging madali ang daang tatahakin niya.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply