“May dumating na imbitasyon mula sa Emperatris. Nais niya pong bisitahin niyo siya kasama ang Prinsesa.” Ang bungad ni Dao sa Lu Ryen habang pinagsisilbihan niya ito ng agahan. Ang buong akala niya’y hindi naging maganda ang pag-uusap ng Lu Ryen at ng Prinsesa kagabi ngunit mukhang nagkamali siya ng kanyang hinala.
Mula sa umuusok na tsaa ay lumipat ang tingin ni Yura sa Punong Katiwala. Makikitang dumaan na ang maraming taon dito ngunit hindi nawawala ang katapatan nito sa tungkulin. Hindi nadungisan ang mga kamay nito dahil naglingkod ito sa isang mabuting Emperador at maaga nitong nilisan ang palasyo ng imperyal upang sundan ang nakaraang Emperatris sa templo. Wala itong kamalay-malay na gagamitin itong kasangkapan upang bantayan ang mga kilos niya.
“Maupo ka.”
Natigilan si Dao sa pagsasalin ng tsaa, nais niyang kumpirmahin kung tama ang narinig niya mula sa Lu Ryen.
“Hindi mo ba ako narinig?” tanong ni Yura ng nanatili paring nakatayo ang Punong tagapaglingkod.
Nahihiwagaang sumunod si Dao at umupo sa tabi ng Lu Ryen.
“Sa susunod na araw, makakatanggap ka ng liham mula sa iyong kapatid. Ipapaalam niya sayo na lumipat na sila ng ibang lupain kung saan mabubuhay niya ng maayos ang kanyang mag-iina.”
“N-Naguguluhan ako, maaari niyo po ba akong liwanagan?”
“Pinangakuan ka ng Emperador na bibigyan niya ng malaking lupain ang kapatid mo kapalit ng matagal na panahon na pagsisilbi mo sa pamilya ng imperyal. Tinanggap mo ang tungkulin bilang Punong Alalay ng Palasyong Xinn dahil nais mong mapabuti ang buhay niya. Siya ang nag-iisang pamilyang naiwan sayo kaya mas pipiliin mong ilaan ang natitira mong mga taon sa palasyo ng imperyal. Ngayong naibigay ko na ang kahilingan mo, wala ng dahilan upang ipagpatuloy mo ang iyong paglilingkod.”
“Ang ibig niyo pong sabihin–“
“Ibibigay ko sayo ang kalayaan mo. Maikli man ang panahong nagkasama tayo ngunit nakita ko ang dedikasyon mo sa iyong tungkulin. Tanggapin mo ito bilang regalo ko sayo. Maaari ka ng mamahinga sa paglilingkod mo sa pamilya ng imperyal at manirahan kasama ang iyong kapatid sa bagong lupain.”
Ito ang huling bagay na inaasahan ni Dao na marinig. Walang sino man sa kanyang nakalipas na pinaglilingkuran ang nagsabi sa kanyang malaya na siyang gawin ang nais niya. Hindi na siya umasang magkakaroon siya ng kalayaan ng sandaling tumapak siya sa palasyo ng imperyal.
“Mahal na Lu Ryen, wala akong maalalang nagawa ko upang makatanggap ng ganitong gantimpla mula sa inyo.” hindi sumagi sa isip ni Dao na iniisip ng Lu Ryen ang kabutihan niya. Ang buong akala niya’y isa lamang siyang alipin sa mga mata nito. Hindi naitago ni Dao ang kanyang pagkamangha. Alam niyang hindi simpleng tao ang Lu Ryen ngunit hindi niya lubos akalain na mas malalim pa ito sa inaakala niya. Apat na araw pa lamang itong nanatili sa imperyal ngunit nadiskubre na nito ang lahat ng tungkol sa kanya, maging ang pangako ng Emperador na tanging siya lamang ang nakakaalam ay nagawa nitong basahin. Pakiramdam ni Dao ay wala siyang lihim na maiitago dito. Tinupad nito ang pangarap niya para sa kanyang kapatid kaya wala na siyang hahangarin pa kundi ibalik sa Lu Ryen ang kabutihan nito.
“Hindi ko iyon ginawa upang magtanim ka ng utang na loob sa akin.” si Yura. “Ngayong bumalik na sayo ang kalayaan mo, hindi mo na kailangang matali sa iyong tungkulin.”
“Tumanda na ako sa palasyo ng imperyal, at wala na akong alam na ibang gawin kundi ang maglingkod sa pamilya ng imperyal. Alam kong may malalim kayong dahilan kung bakit nais niyo akong palayain. Mahal na Lu Ryen, bakit hindi niyo ako subukang pagkatiwalaan?”
“Bakit sa tingin mo ikaw ang nilagay ng Emperador sa tabi ko?”
“Dahil alam niyang magiging tapat ako sa kanya.” Lumaki si Dao sa ilalim ng Ina ng Emperador. Nang pumanaw ang nakaraang Emperatris pinabalik siya ng Emperador upang muling magsilbi sa palasyo ng imperyal. Ang buong akala ni Dao ay maglilingkod siya sa ilalim ng Emperador ngunit nilagay siya nito sa Palasyong Xinn kung saan ang Pangalawang Xuren ng Zhu ang kanyang naging bagong panginoon.
“Kung papipiliin kita, sino ang proprotektahan mo?”
“Ang utang na loob ko sa kanyang Ina ay mananatili sa kanyang Ina.” Nais niya lamang gampanan ang kanyang tungkulin tulad ng nakasanayan niyang gawin, subalit ng makilala ni Dao ang bago niyang panginoon umusbong muli ang kagustuhan niyang maglingkod. Pinangako niya sa sarili na ito na ang huling panginoon na kanyang pagsisilbihan.
Nang makuha ni Yura ang tugon na hinahanap niya, sinalinan niya ng alak ang bagong kopa at marahang tinulak ito sa direksiyon ng Punong tagapaglingkod. “Sa sandaling inumin mo ito, isusuko mo sa akin ang buong katapatan mo. Binigyan kita ng kalayaang magpasya, huwag mo akong bibiguin.” mabigat ang huling katagang binitiwan ni Yura. Nagpapaalala na hindi siya tumatanggap ng mababaw na pangako.
Walang pag-aalinlangan na ininum ni Dao ang alak. Sa haba ng panahon ng kanyang pagsisilbi, ngayon niya lang naramdaman na may lugar siya sa tahanan ng kanyang Pinaglilingkuran. Napakapalad niya dahil sa tamang Panginoon niya ilalaan ang natitira niyang mga taon…
Masiglang napasipol si Kaori ng makalabas sila ng Palasyong Xinn. Tahimik naman na nakasunod si Won sa kanilang Xuren.
“Bakit kailangan nating magsayang ng panahon sa isang matandang katiwala kung maaari naman tayong kumuha ng sarili nating tauhan.” mahinang wika ni Kaori na nakasandal sa kanyang mga balikat habang sumasabay sa Kanang bantay.
“Kung papalitan natin ang Punong Katiwala, lilikha lamang ito ng hinala sa mga taong nagbabantay sa mga kilos ng Xuren.” paglilinaw ni Won.
Napangisi ng malalim si Kaori ng may maalala. “Mabuti pa ang matandang Dao na tapat na naglilingkod sa pamilya ng imperyal ay buong pusong nangako ng kanyang katapatan sa Xuren, hindi katulad ng kanyang bantay na ilang beses na humamon sa kanya bago niya isinuko ang kanyang sarili sa Xuren.” sinadya ni Kaori na ibalik ang nakaraang alam niyang hindi na gustong ungkatin ni Won.
Isang Heneral ang Ama ni Won na nasa ilalim ng Punong Heneral. Pangarap ni Won na sumunod sa yapak ng kanyang Ama na maging isang magiting na mandirigmang Heneral, kaya gayon nalang ang pagtutol nito ng itulak siya ng kanyang Ama sa labanan ng mga batang goro na maging bantay ng Pangalawang Xuren ng Zhu. Kung para sa kanila ay isa iyong karangalan, para kay Won ay hadlang ito sa pangarap niyang maging Heneral. Sa mundo ng mga Mandirigmang Goro, mayroon silang sinusunod na tradisyon. Maaari mong hamunin ang nakakataas sayo kung may nais kang patunayan. Lakas at tibay ng pag-iisip ang puhunan ng kanilang hukbo, kung sa tingin ng nasa nakababang tungkulin na hindi karapat-dapat na sundin ang nakakataas sa kanya. Maaari niya itong hamunin sa isang patas na laban kung saan ang mga mandirigmang Goro ang magiging saksi nito.
Hindi na mabilang ni Kaori kung ilang beses na pinaunlakan ng Xuren ang mga hamon ni Won. Kahit pa lagi itong umuuwing talunan ay hindi parin ito sumusuko. Paggising ng Xuren ay naroon na ito, bago kumain ay naghihintay muli ito, at bago matulog ay muli nitong hahamunin ang Xuren. Hindi siya humanga sa matinding dedikasyon ni Won na patunayan ang sarili nito na mas higit pa sa pagiging bantay ang kakayahan nito, kundi sa Xuren niya na ni minsan ay hindi napagod na tumanggi sa bawat hamon ni Won. “Halos hindi mo na maibuka ang mga mata mo at gumagapang ka na papunta sa Xuren ng tanggapin mo ang tungkulin mo bilang bantay niya. Ayon sa Hukbong Goro, iyon na siguro ang seremonyang hindi nila makakalimutan.” hawak-hawak ang tiyan na pinigilan ni Kaori ang tumawa ng malakas.
Mabilis na dumaan ang kamay ni Won sa nalagpasang halaman at walang ingat na tinakpan niya ng mabahong dahon ang bibig ni Kaori. Hindi maipinta ang mukha ng kaliwang bantay habang niluluwa ang mabahong dahon. Nagdilim ang anyong sumakay ito sa likod ni Won at inatake ito gamit ang bibig na dinumihan ng Kaliwang bantay.
Nang lingunin ni Yura ang dalawa, nakita niyang animo’y mga batang naghahabulan ang mga ito. Hindi niya mapigilang mapangiti sa inaasal ng mga bantay niya. Nang mga sandaling iyon, nakalimutan niyang nasa palasyo sila ng imperyal.
Lingid sa kanilang kaalaman ang pares ng mga matang nagmamasid sa isang sulok. Lumalim ang mga tingin ng nagmamasid ng makita nito ang pagguhit ng ngiti sa labi ng Lu Ryen.
Nang dumaan ang malamig na hangin, nabura ang mga ngiti ni Yura ng maramdaman niya ang bagong presensiya. Hindi siya lumingon sa likod niya upang harapin ito, kundi ang dalawang bantay niya na kanina lang ay naglalaro na tila walang muwang sa mundo, ay naging matalim na sandata na humarang sa dumating na presensiya na nais lumapit sa Xuren nila. Naramdaman ng mga bantay ang panganib ng taong ito na bigla na lamang lumitaw sa kung saan. Nakakapangamba na hindi nila maagang naramdaman ang pagdating nito.
Sumilay ang ngiting hindi umabot sa mga mata ng estranghero. Nakabihis ito sa simpleng kasuotan na mas mababa pa sa mga kawal ng imperyal. Hindi nito alintana ang patalim ng dalawang bantay na nagbabantang humiwa dito. Ang tingin nito ay nakatuon sa direksiyon ng Lu Ryen na nanatiling nakaharap ang likod sa kanya na animo’y wala itong intensiyon na kilalanin ang kanyang presensiya. “Ikaw ba ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral?”
Naging yelo ang ekspresyon ni Yura ng marining niya ang tinig ng taong biglang nanghimasok sa kanila. Hindi na niya kailangang lumingon upang makilala kung sino ito. Kahit walang gamit ng kanyang kakayahan makaalala ng mga bagay na minsan niya lang marinig o makita, hinding-hindi niya makakalimutan ang taong nag-iwan ng malalim na galos sa braso ng kanyang kapatid.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply