“Lapastangan!” kasabay ng pagbitaw ni Kaori ng katagang iyon ay tumuloy ang kanyang patalim sa leeg ng lalaking nakakulay-abo ang kasuotan. Umapaw ang galit dibdib ng bantay ng makita niya ang paraan ng tingin nito sa kanilang Xuren. Subalit bago pa lumapat ang kanyang patalim, mabilis na hinawakan ni Yura ang balikat ni Kaori upang hilain ito sa kanya.
Lumikha ng matinis na ingay ang pagtatama ng matalim na bagay sa espada ni Won ng harangin nito ang matulis na patalim na sana’y babaon sa dibdib ni Kaori. Humigpit ang pagkakahawak ni Won sa kanyang sandata ng maramdaman niya ang matinding panginginig nito, tanda na hindi simpleng estranghero ang nasa harapan nila. Hinarang ni Won ang kanyang katawan ng makita niya ang lalim ng tingin na binibigay nito sa kanilang Xuren.
“Won.” tawag ni Yura sa kanyang kaliwang bantay ng maramdaman niya ang binabalak nito.
Hindi man kumakalma ay ibinaba ni Won and espada niya ng marinig ang babala sa tinig ng Xuren, subalit nanatiling nakabantay ang tingin niya sa magiging kilos ng lalaking nakakulay-abo.
“Kung hindi ko gagalawin ang mga bantay mo, hindi ko makukuha ang atensiyon mo.” ang wika ng nakakulay abo na lalaki ng muli niyang nasilayan ang mukha ng Pangalawang Xuren ng Zhu. Sadyang ang mukhang ito ay bumaon ng malalim sa alaala niya, pitong taon man ang lumipas ay hindi ito nawaglit sa isipan niya.
“Nais mong magtago sa iyong mababang kasuotan kaya bakit hindi mo ito panindigan?” hindi na hinintay ni Yura ang tugon nito.
Nalilibang ang tinging sinundan ng nakakulay-abong lalaki ang papalayong Lu Ryen na nanatiling malamig sa kanya pagkatapos siya nitong makilala.
Bago sila makarating sa Palasyo ng Emperatris, binalikan ni Yura ang dalawa niyang bantay. Mariing yumuko ang mga ito dahil malinaw sa kanila ang kanilang pagkakamali. Hindi man nagpakilala ang lalaking nakakulay-abo, sapat na ang kaalamang nakikilala nito ang kanilang Xuren ngunit nanatili parin itong mapangahas. Pagpapakita na may mataas itong posisyon sa Palasyo ng imperyal. Bago sila tumapak sa teritoryong ito, ibinigay sa kanila ng Xuren ang lahat ng bagay na kailangan nilang malaman.
Hindi masisisi ni Yura ang mga bantay niya, nahasa ang mga ito upang protektahan siya. Madalas silang nalalagay sa mapanganib na sitwasyon at lahat ng nakakaengkwentro nila ay nakakapalitan nila ng patalim. Siya ang nagdadala ng peligro sa buhay ng mga ito dahil bawat desisyong pinipili niya ay may kaakibat na panganib. Nagsimulang umusbong ang galit sa dibdib ni Yura dahil sa kakulangan niya ng kapangyarihang protektahan ang mga tauhan niya. Ngayon ay unti-unti ng nauunawaan ni Yura ang bagay na nais ipaunawa ni Yanru sa kanya. Kung may nais siyang protektahan, hindi siya magdadalawang isip na gamitin ang sarili niya bilang pansanggalan. Subalit hanggang ngayon ay nag-iwan parin ito ng mapait na marka sa alaala ni Yura.
Bumaba ang kapatid niya sa posisyon nito bilang Pangunahing Xuren ng Punong Heneral, upang protektahan ang isang alipin ng Palasyo ng imperyal na pinaglalaruan ng Pang-apat na Prinsipe ng Emperador. Napuno ng mga sugat ang buong katawan ng alipin dahil sa mga daplis ng palaso na dumaan dito. Nang makita ito ni Yanru, hindi ito nagdalawang isip na protektahan ang alipin mula sa mga palaso. Hindi ito iniwasan ng kapatid niya kahit na may kakayahan itong gawin iyon. Ang Pangunahing Xuren ng Zhu na maagang sumuong sa digmaan upang protektahan ang lupain ng imperyo ay nagawa lamang sugatan ng isang marahas na Prinsipe. Niluluhuran ang Prinsipe dahil sa kanyang titulo habang ang kapatid niya ay niyuyukuran dahil sa binuhos nitong dugo’t pawis sa imperyo.
Sumidhi ang kagustuhan ni Yura na palayain ang kanyang Ama at kapatid sa ilalim ng pamilya ng imperyal. Hindi siya papayag na magamit ang huling patak ng dugo ng mga ito upang iangat ang trono ng Emperador sa buong lupain. Pinapangako niya sa sariling magkakaroon siya ng kakayahang protektahan ang mga taong mahalaga sa kanya.
Bumalik ang tingin ni Yura sa dalawa niyang bantay. “Tumingin kayo sa akin ng tuwid.” utos ni Yura.
Umangat ang tingin ni Won at Kaori sa kanilang Xuren. Pinilit nilang salubungin ang tingin nito. Kumalma ang alon sa kanilang dibdib ng makita nilang nakangiti ang mga mata ng Xuren sa kanila.
“Pagbalik natin sa hukbo, ipagdiriwang natin ang pagpili niyo ng sarili niyong Amun.” pahayag ni Yura.
“Xuren!” magkasabay na sambit ni Won at Kaori. Hindi ito ang inaasahang marinig ng dalawang bantay subalit hindi nila naitago ang kanilang pagkabigla at tuwa ng payagan na sila ng Xuren na kumuha ng sarili nilang batang goro na nais nilang hasain. Ang bawat mandirigmang Goro na may angking kakayahan ay nabibigyan ng pribilehiyo na magkaaroon ng sarili nilang Amun. Ito ang magiging tagasunod at tagapagmana ng karunungan na nais ipasa ng mandirigmang Goro sa susunod sa kanyang yapak.
Napagtanto ng dalawang bantay ang nais ipahiwatig ng Xuren sa kanila. May magandang bagay na naghihintay sa kanila kung masisiguro nilang makakalabas sila ng ligtas sa palasyo ng imperyal.
Bumalik ang malamig na ekspresiyon ni Yura ng makita niya ang paparating na Prinsesa ng Emperatris. Hindi siya nagtangkang lapitan ito kundi hinintay niyang makalapit ito sa kanya. Nang magtapo ang dalawa bahagyang lumayo ang mga alipin at bantay ni Yura upang bigyan ang mga ito ng espasyo.
Pinigilan ng Prinsesa ang sariling ipakita ang kanyang pagkasabik ng masilayan niyang muli ang Lu Ryen. “Matagal ka ng gustong makita ni Ina, subalit dahil sa sunod-sunod na pagbisita ng mga mensahero mula sa ibat-ibang kaharian, ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataong makita tayong dalawa.”
Yura, “Kung ganon, huwag na natin siyang paghintayin.”
“Nakarating sa akin na inimbitahan ka ng aking kapatid sa kanyang pangangaso. Bukas si Yiju sa kahit na sino ngunit iilan lamang ang tunay na pinahihintulutan niyang manatili sa tabi niya.” kung ng una ay hindi matanggap ni Keya ang pagtanggap ng kapatid niya kay Yura Zhu, ngunit ngayon ay nagpapasalamat siyang hindi nagkaroon ng lamat ang relasyon ng dalawa ng dahil sa kanya. Bahagyang nag-iwas ng tingin si Keya ng matagal na nanatili sa kanya ang tingin ng Lu Ryen. Hindi niya magawang salubungin ng matagal ang tingin nito. Ito ang kauna-unahang nagbaba siya ng tingin, kahit ilang yelo pang ang ibuhos kanya ni minsan ay hindi siya umiwas sa parusa ng kanyang Ina. Ngunit ngayon, naduduwag siyang salubungin ng tingin ng kanyang Lu Ryen.
“Mahal na Prinsesa, Mahal na Lu Ryen, naghihintay na po sa inyo ang Emperatris.” pabatid ng Punong tagapaglingkod ng Emperatris ng makita nitong matagal na tumigil ang dalawa.
Natutuwang sinalubong si Yura ng Emperatris. Malugod na tinanggap nito ang handog na regalo ng Lu Ryen ngunit makikitang mas interesado ito sa Nagbigay ng regalo. Matagal ng hinihintay ng Emperatris na makilala ang Pangalawang Xuren ng Zhu na maingay niya ngayong naririnig sa paligid ng palasyo ng imperyal. Hindi sila nakadalo ng Emperador sa pag-iisang dibdib ng kaisaisa niyang Prinsesa ng dahil narin sa kahilingan ni Keya. Nais nitong maging simple ang pagdiriwang at kapag dumalo ang Emperador at ang Emperatris ng imperyo hindi na isang simpleng seremonya ang magaganap.
“Hindi na ako makapaghintay na dumating ang magiging apo ko mula sa inyong dalawa.” hindi itinago ng Emperatris ang kanyang kagalakan ng mahulog siya sa matinding paghanga ng makita niya ang Lu Ryen. Lubos na mas nakakamangha ang tunay na larawan kumpara sa ginuhit ng pintor niya. “Nais kong mabantayan ang magiging apo ko mula sa inyo hangga’t nakakatayo pa ako ng tuwid. Huwag niyo sanang ipagkait ito sa akin. Ano sa palagay mo Yura?” matamis na tanong ng Emperatris sa Pangalawang Xuren ng Zhu. Sa kabila ng maliwanag nitong mga ngiti ay nagtatago ang madilim nitong intensiyon. Hindi na mabilang ang mga babaeng alipin at mga naging konsorte ng Emperador ang nalagas sa mga kamay nito. Kung ang kapangyarihan ng Emperador ay kumalat sa lupain ng silangan, ang impluwensiya naman ng Emperatris ay umiikot sa palasyo ng imperyal.
Batid ni Yura na hindi lingid sa kaalaman ng Emperatris ang pagkuha niya ng apat na Xienli sa unang gabi nila ng Prinsesa. At ang makulay na mga bulong-bulungan tungkol sa kanya. Ang maluwag na pagtanggap nito sa kanya sa kabila ng lamat sa pagitan nila ni Keya ay nagpapahiwatig na nais nitong ipaalam sa lahat na matibay ang pundasyon nila ng Prinsesa. Tunay na dalubhasa ang Emperatris sa pagmamanipula ng mga bagay. Malinaw dito kung gaano kahalaga ang opinyon ng mga tao sa palasyo ng imperyal. Ang tanong nito kay Yura ay nagpapaalala na hindi niya maaaring balewalain ang anak nito at kailangan niyang panindigan ang responsibilidad niya sa Prinsesa.
“Ina?!” namumulang tawag ni Keya sa Emperatris.
Mahinang natawa ang Emperatris na nagtakip ng kanyang bibig.
“Hindi ko kayo minamadali, nais ko lang malaman niyo na naghihintay ako.”
Bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang Punong Katiwala ng Emperatris. “Kamahalan, narito po ang Mahal na Prinsipe.”
“Papasukin mo siya.” nagtataka man ay natutuwa ang Emperatris sa pagbisita ni Yiju. Ang Prinsipe niya na matagal ng hindi nagpapakita sa kanya na tila pinagtataguan siya ay kusang lumitaw sa harapan niya ngayon.
“Yiju? Ang buong akala ko’y nakalimutan mo ng bisitahin ang iyong Ina.”
Bahagyang tumigil ang tingin ng Pangatlong Prinsipe sa isang direksiyon bago ito lumipat sa Emperatris.
“Ina, ipagpaumanhin niyo kung ngayon lamang ako nakadalaw sa inyo.” nakangiting turan ni Yiju sa Emperatris, subalit sa gilid ng kanyang mga mata ay nakatuon ang pansin niya sa Lu Ryen na tahimik umiinom ng tsaa nito.
“Mabuti narin at nandito ka ng masaluhan mo kami.”
Sa Palasyo ng Emperatris, masaganang nananghalian ang mga maharlika…
“Batid kong anak ka ng magiting na Punong Heneral. Subalit ayon sa aking narinig, ni minsan ay walang nakakita na humawak ka ng espada.”
Napahinto sa pagsubo ang Emperatris sa tanong ng kanyang Prinsipe. “Yiju, hindi man siya bihasa sa pakikidigma subalit mas matalas ang isipan niya sa ano mang anyo ng armas.”
“Kuya, tungkol nanaman ba ito sa iyong pangangaso?” si Keya na tila nababasa ang iniisip ng kanyang kapatid. Ang kapatid niya ay kilala sa larangan ng pangangaso. Wala sa mga Prinsipe ang nakakatalo sa bilis ng mga palaso nito.
“Nais ko lang malaman kung bihasa siya sa paghawak ng pana, kung hindi man ay handa akong maglaan ng panahon na turuan siya.”
“Matagal na akong hindi humahawak ng pana.” ang tugon ni Yura.
“Ngayon palang ay pinapaalam ko sa iyong magiging mahigpit ako.”
“Kuya,” saway ni Keya sa kapatid at binigyan ito ng matalim na tingin.
Hindi naitago ni Yiju ang tuwa sa gilid ng labi niya. Bakit habang tumatagal na nakikita niya ang Lu Ryen ay lumalalim ang kagustuhan niyang mapalapit dito.
“Masaya ako na makitang nagkakasundo kayo.” Puna ng Emperatris, nakahinga siya ng maluwag, hindi na niya kailangang gumawa ng paraan upang mapalapit ang loob ng dalawa, dahil mismong si Yiju na ang lumalapit sa Xuren ng Zhu. Kailangan ni Yiju ng taong magiging kakampi nito sa sandaling dumating ang panahon na kailangan ng mamili ng Emperador. At ang Pangalawang Xuren ng Zhu ang napili ng Emperatris na magiging sanggalan ng anak niya.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Chuyo: Punong Katiwala ni Keya
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply