“Sino pa ba ang hinihintay natin?” nagtatakang tanong ni Tien ng hindi pa sila tumutuloy sa kakahuyan gayong nakumpleto na nila ang kanilang mga pangkat.
Nagtatanong din ang tingin ni Xian, ang Punong Kawal ng imperyal ng makita niyang may hinihintay ang Pangatlong Prinsipe. Lumipat ang tingin niya sa kampamento ng anak ng Punong Ministro at ng Pang-anim na Prinsipe. Napansin niyang kumpleto ang mga kabayo ng mga ito kaya wala sa kanila ang hinihintay nila.
Xian, “Marahil ay may inimbitahan siyang bagong panauhin.”
Tien, “Bakit wala akong narinig tungkol dito?”
“At bakit naisip mong kailangang dumaan sayo ang lahat ng bagay tungkol sa Pangatlong Prinsipe?” Puna ng Punong kawal na nagpatahimik sa isa. “Tien, nag-usap na tayo tungkol dito.” Paalala ni Xian sa kaibigan.
“Nakalimutan mo na bang isa akong Ministro? Maraming nakakarating at dumaraan sa akin gustuhin ko man ito o hindi.” katwiran ng tinaguriang pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum.
Makaraan ng ilang sandali ay nakita ng dalawa ang pagdating ng tatlong itim na kabayo sakay ang mga bagong panauhin.
Ilang sandali lamang ay lumabas na ang Pangatlong Prinsipe sa kanyang kampamento upang salubungin ito matapos ipaalam ng kanyang tauhan ang pagdating ng tatlo.
Nahihiwagaang sumunod ang tingin ni Tien sa nakaitim na Xuren, “Siya ay…?”
“Ang Pangalawang Xuren ng Zhu.” sagot ng Punong Kawal ng imperyal. Nakita na niya ang Xuren sa kalagitnaan ng seremonya ng ikasal ito sa Prinsesa ng Emperatris.
Tien, “Hindi ba’t hinahangaan mo ang kapatid niya na si Yanru? Matagal mo ng hinahangad na magtama ang patalim niyo. Bakit hindi mo muna subukan ang nakakabata niyang kapatid?”
Xian, “Hindi mo sila maaaring ipagkumpara. Ang isa ay lumaki sa ilalim ng Punong Heneral habang ang isa ay malaya sa tungkulin ng kanyang pamilya.”
Tien, “Malaya parin ba siya gayong nandito na siya sa Pamilya ng Imperyal? kung ako ang nasa lugar ng Lu Ryen, hindi ko na nanaising bumalik. Dahil hindi maiiwasan ng mga taong ipagkumpara sila ni Yanru Zhu. Nahihiwagaan parin ako kung tunay ba na mahusay siya sa paggawa ng mga istratehiya ng digmaan o sadyang pinoprotektahan lang ng kanyang pamilya ang kanyang reputasyon dahil parehong henyo ang mga sinundan niyang kapatid.”
Makahulugang tinignan ni Xian ang kaibigan.
Pinatawag ng Pangatlong Prinsipe ang lahat ng pangkat upang simulan na ang pangangaso, Nahati sa tatlong pangkat ang kanilang bilang. Ang grupo ng Punong kawal at Ministro Tien, Ang pangkat ng Pang-anim na Prinsipe at ng anak ng Punong Ministro, habang ang isa ay grupo ng Pangatlong Prinsipe kasama ang bagong panauhin na Lu Ryen.
“Bago tayo magsimula nais kong ipakilala sa inyo ang Pangalawang Xuren na Zhu. Simula ngayon ay makakasama na natin siya sa pangangaso.” Pahayag ni Yiju sa lahat.
Ang humihikab na si Jing na huling lumabas ng kampamento ay natigilan sa narinig. Nawala ang antok nito at mabilis na hinanap ng kanyang paningin ang taong pinakilala ng Pangatlong Prinsipe. Habang ang Pang-anim na Prinsipe na hindi interesado sa bagong panauhin ay dumiretso sa kanyang kabayo upang tignan ang kondisyon nito.
Jing, “Yura Zhu, naaalala mo pa ba ako?” maririnig ang tuwa sa tinig nito na tila natagpuan nito ang isang matalik na kaibigan na matagal na nitong hindi nakikita. Habang bahagya namang tumigil ang kamay ni Hanju sa paghaplos sa ulo ng kabayo ng marinig ang tanong ng Pinsan niya.
Biglang natawa si Jing sa sarili niyang tanong at sunod-sunod na napailing. “Nakalimutan kong matalas ang iyong memorya. Hindi mo makakalimutan ang isang tao kahit minsan mo lamang itong makita.”
Yiju, “Hindi mo nabanggit sa akin na nahanap mo na ang Lu Ryen?” madalas na naririnig ng Pangatlong Prinsipe ang pangalan ng Pangalawang Xuren ng Zhu sa bibig ni Jing. Kaya kahit hindi niya pa ito nakikita ay marami na siyang nalalaman tungkol dito. Si Yiju ang tipo ng tao na hindi hinuhusgahan ang pagkatao ng iba hangga’t hindi niya ito nakikilala, kaya naman ay walang halaga sa kanya kung ano ang opinyon ng mga ito tungkol kay Yura Zhu. Ngunit kung ang kapatid niyang si Keya ang malalagay sa alanganin, batid niyang pangungunahan siya ng kanyang emosyon bilang kapatid nito. Dahilan kung bakit mainit ang dugo niyang sumugod sa Palasyo ng Lu Ryen.
“Kamahalan, baka isipin ng Lu Ryen na matagal ko na siyang hinahanap, na lagi akong bumibisita sa paborito niyang Fenglein upang magtagpo ang aming landas. Na nais kong ikonsulta sa kanya ang istratehiyang ginamit niya ng siyam na taong gulang pa lamang siya upang masakop ang lupain ng Yungsan–“
“Mainam kung maaga tayong mangaso upang makarami tayo.” Putol ni Yiju sa anak ng Punong Ministro. Lihim na nakahinga ang lahat na isa-isa ng sumakay sa kanilang mga kabayo upang pasukin ang kakahuyan.
Tinanguan lamang ni Yura si Jing at sumabay sa Pangatlong Prinsipe.
“Nakakamanghang isipin na natitiis ni Hanju ang pinsan nito.” napapangiting kumento ni Yiju. Kung si Jing ay hindi nauubusan ng kwento, mabibilang naman ang katagang maririnig mula kay Hanju. Ang kapatid niyang ito ay sadyang malapit sa puso niya. Nanatili itong tahimik habang ang mga kapatid nila ay gutom na magpakita ng kanilang kakayahan sa kanilang Ama upang patunayan ang sarili nila. Siya naman ay tumutugon sa kagustuhan ng Emperatris upang mas maging matatag ang posisyon nito sa imperyo. Lahat ay may ginagawang paraan upang hadlangan ang pag-angat ng kapangyarihan ng isat-isa. Maliban kay Hanju na hindi kayang hawakan ng mga opisyales at maging ng kanilang Ama. Gusto man lumayo ni Yiju sa maduming laro ng mundo ng maharlika, wala siyang magawa kundi ang sumuong para kay Keya at sa kanyang Ina.
Walang narinig na anumang salita ang Pangatlong Prinsipe mula sa Lu Ryen simula ng dumating ito. Tumigil siya upang hintaying makalapit ito sa kanya.
Sa sulok ng mata ni Yura, dumaan sa paningin niya ang Prinsipeng tuwid na nakasakay sa kabayo nito. Hindi niya inaasahang ang nakaputing Xuren na nakita niya sa Fenglein ay siyang Pang-anim na Prinsipe ng Imperyong Salum.
“Huwag kang lalayo sa tabi ko sa sandaling makapasok tayo sa parteng masukal, teritoryo iyon ng pinakamababangis na halimaw sa gubat.” Paalala ni Yiju kay Yura.
Lumipat ang tingin ni Yura sa Pangatlong Prinsipe.
Kumunot naman ang noo ni Kaori sa narinig, “Anong ibig sabihin ng mangangasong Prinsipeng ito? hindi kailangan ng Xuren niya ng proteksiyon ng kahit na sino, at kung kailangan man nito ng proteksiyon, iyon ay tungkulin niya bilang bantay nito!”
Nabulabog ang mga kunehong naglalaro sa gilid ng masukal na batis ng makaramdam sila ng panganib sa paligid. Tuluyan ng napasok ng tatlong pangkat ang gubat, ang iba ay bumaba na sa kanilang mga kabayo ng hindi na kayang pumasok ng mga ito sa kasukalan.
Nakarating ang Grupo ni Jing sa kanang bahagi ng kagubatan, pinalilibutan ito ng mga mangangaso na nagsilbing bantay nito. “Kung wala ka rin namang planong mangaso bakit pa tayo papasok sa kalooban ng teritoryo nila?” maktol ni Jing sa Pinsan na tahimik na nililibang ang sarili sa gubat. “Tinatanggihan mo ang lahat ng imbitasyon subalit pagdating sa Pangatlong Prinsipe ay walang imbitasyon nito ang hindi mo pinaunlakan.” kahit hindi sabihin ng Pinsan niya, alam niyang malalim ang respeto ni Hanju sa kapatid niyang ito. Dahil ito lamang ang nakakaalala ng kaarawan ng pumanaw na Ina ng Pang-anim na Prinsipe, at hindi nito nakakaligtaang bumisita sa puntod nito. Naging mabuti ito sa Ina ni Hanju ng nabubuhay pa ito at hindi ito nawala sa tabi ni Hanju ng maiwan itong mag-isa. Umusbong ang panibugho sa puso ni Jing, “Ako ang laging nakadikit sayo, kahit ilang beses mo akong pinagtatabuyan lagi akong bumabalik sayo kaya bakit napakalamig mo pagdating sa akin? Bakit di ko makuha kahit kalahati lang pagmamahal na binibigay mo sa kanya?”
Hanju, “…”
Ang mga mangangaso na kaninay nag-iinit ang damdaming makagapi ng malalaking hayop ay tinakasan ng pag-asa ng magsimula nanamang sumpungin ang anak ng Punong Ministro. Ito ang dahilan kung bakit walang interes na mangaso ang Pang-anim na Prinsipe. Paano sila makakapag-abang ng huhulihin nilang hayop kung hindi tumitigil ang bibig nito na nagtataboy sa mga hayop na maaari nilang madakip?!
Nagpakawala ng pana ang isang mangangaso sa direksiyon ng mataas na puno upang ilabas ang inis niya. Nabulabog ang ibon na may-ari ng pugad na natamaan ng palaso. Lumipad ito sa direksiyon ng pangkat ng Punong kawal.
Natatawang tinignan ni Tien ang pinanggalingan ng ingay. “Marahil ay nasobrahan ng Punong Ministro ang pagdidisplina sa anak nito kaya naging maluwag ang bibig ni Xuren Jing.”
Xian, “Mag-ingat ka na hindi ito marinig ng Pang-anim na Prinsipe, isang opisyal ang nawalan ng dila dahil ininsulto nito ang Pinsan ng Prinsipe.”
Napapangiting nakagat ni Tien ang dila niya. “Nag-aalala na ako para sa Lu Ryen, mukhang malalim ang pagkahumaling sa kanya ni Xuren Jing. Nagpapasalamat ako na isang Xuren ang Pangatlong anak ng Punong Heneral dahil kung nagkataon na isa siyang Xirin, hindi ko gustong isipin ng kalamidad na maaaring mangyari.”
Sa kabilang dako walang ingay na nag-aabang ang grupo ng Pangatlong Prinsipe. Mabilis nilang nasundan ang sariwang bakas ng malalaking lobo. Matiyaga nilang pinapakinggan ang ano mang kaluskos na maririnig nila.
Tahimik na napahikab si Kaori sa tabi, sa tuwing nangangaso siya sa gubat ang una niyang hinahanap ay magandang pwesto para matulog, saka lamang siya gigising kapag nakasagap siya ng kakaibang amoy sa hangin. Lumaki siya sa loob ng gubat, hindi lamang pandinig ang ginagamit niya kundi pang-amoy. Nakikilala niya kung may nahahalong ibang elemento sa paligid, hindi pa man nakakapasok ang mga tao sa gubat ay naaamoy na niya ang mga ito dahil sa paglakbay ng hangin sa paligid. Nabuhay siya sa pag-iwas sa mababangis na hayop at mga tao sa kagubatan dahil sa matalas niyang pang-amoy. Walang nakakatalo sa kanya pagdating dito sa loob ng Hukbong Goro, maging si Won ay tanggap na mas matalas siya pagdating sa parteng ito. Ngunit isang tao lang ang hinding-hindi niya mahihigitan, wala itong madugong karanasan sa gubat na tulad ng dinanas niya ngunit sampung beses na mas matalim ang pang-amoy nito sa kanya. Nakokolekta nito ang ibat-ibang klase ng halimuyak kahit minsan lang itong dumaan sa kanya.
Pumitas si Yura ng dahon mula sa makapal ng mga damo na bumalot sa katawan ng isang puno. Dinala niya ang dahon malapit sa ilong niya, may matapang na aroma ang dahon ngunit mabisa itong gamot upang magpamanhid ng malalim na sugat. Sa tabi niya ay narinig niya ang malakas na pagbahing. Nakita ni Yura ang Pangatlong Prinsipe na nagtakip ng ilong nito, sa daliri nito ay nakasingit ang dahon na tulad ng hawak ni Yura.
Napalingon dito ang lahat na tahimik na nagmamatiyag sa tagong sulok.
Walang kibo na muling pumitas ng ibang piraso ng ligaw na damo sa puno si Yura.
Nahulog ang talulot mula sa daliri ni Yiju… Umakyat ang init sa gilid ng kanyang tenga ng masilayan niya ang marahang pagguhit ng pakurbang linya sa labi ng Lu Ryen… Nilusob ng matinding panganib ang dibdib ng Pangatlong Prinsipe. Hindi niya namalayang humigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang palaso.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Xian: Punong Kawal ng Imperyal
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply