“Kung ang ibang mga lobo ay lumalayo sa mga mangangaso, ibahin mo ang mga lobo sa teritoryong ito.” bulong ng isang mangangaso sa bago nilang kasamahan.

“Hindi ba malubhang mapanganib ito para sa Pangatlong Prinsipe?”

“Mapanganib? Hindi sumusuong ang Prinsipe sa mga ganitong lugar kung walang kaakibat na panganib. Kung saan ang may peligro, doon siya dinadala ng mga pana niya. Hindi siya lumalabas ng gubat hangga’t hindi niya nadadakip ang pinakamabangis na nilalang sa teritoryong ito. Ni minsan ay hindi sumasablay ang palaso ni Prinsipe Yiju. Nakalimutan niyo na bang siya ang nanalo sa ikapitong paligsahan ng mga Prinsipe mula sa ibat-ibang panig ng kaharian?”

Namamanghang napatango ang isa, “Pero paano ang Lu Ryen? Ito ang unang beses na sumama siya sa pangangaso ng Pangatlong Prinsipe, hindi ba’t mas mapanganib ito sa kanya?”

“May kasama siyang dalawang bantay, hindi simpleng mandirigma ang ilalagay ng Punong Heneral sa tabi ng Lu Ryen. Nakakapanghinayang lang na kailangan niya ng proteksiyon ng mga ito. Ang sabi nila, tanging ang Pangunahing Xuren lamang ng Zhu ang hinasa ng Punong Heneral na sumunod sa kanyang yapak.”

Napangisi ang isa sa mga mangangaso, “Mapurol man siya sa paghawak ng armas, matalim naman siya pagdating sa babae.”

Natigil ang bulong-bulungan ng mangangaso ng makaramdam sila ng matalim na tingin mula sa likod nila. Dalidaling nagbawi sila ng tingin ng makita nila ang matangkad na bantay ng Lu Ryen na malamig na nakatingin sa kanila.

Matinis na tumagos sa hangin ang palaso ng Pangatlong Prinsipe ng marinig nito ang kaluskos ng hayop sa isang tagong sulok. Pinuntahan agad ng mga mangangaso ang tinamaan ng pana ng Prinsipe. Namamanghang nagkatinginan ang mga ito sa kanilang nabungaran. Natagpuan nila ang balahibo ng isang maliit na hayop sa nakabaon na palaso sa sanga ng puno. Hindi sila makapaniwala na nagawang makatakas ng maliit na hayop sa palaso ng Pangatlong Prinsipe.

“Ito ba ang sinasabi mong ni minsan ay hindi sumablay ang palaso nito?” nag-aakusang tingin ng pinakabatang mangangaso sa kasama.

Napako ang tingin ni Yiju sa nanginginig niyang kamay, hindi na niya kailangang tignan para malaman kung saan tumama ang palaso niya. Hangga’t hindi kumakalma ang alon sa dibdib niya, di malayong maligaw ang kanyang mga palaso.

Mahinang napasipol si Kaori at lihim na hinahalakhakan ang Prinsipe sa isip niya. Natigilan lamang siya ng makita niyang nagbago ang ekspresiyon ng kanyang Xu Ren.

Naramdaman ni Yura ang pagbigat ng presensiya na mga nagmamasid sa kanila. Hindi sila ang nag-aabang kundi sila ang inaabangan ng mga ito. Bihira lamang siyang makatagpo ng matatalinong halimaw na tulad nito.

Hindi rin nakaligtas kay Yiju na may kakaiba sa paligid, sinenyasan niya ang mga tauhan niyang maging alerto. “Yura, huwag kang lalayo sa tabi ko.” nagdadalawang isip na siya kung tama bang dinala niya ito sa mapanganib na parte ng kagubatan. Nang una ay nais niya lamang itong takutin ngunit ngayon ay siya ang nakakaramdam ng kaba para dito. “Yura-“

Napako ang Pangatlong Prinsipe sa kinatatayuan ng mabilis na inangat ng Lu Ryen ang kanyang pana. Walang pag-aalinlangan sa mga mata ni Yura ng direktang nagpakawala ito ng palaso sa kinaroroonan ng Prinsipe. Dumaan ang palaso sa kaliwang bahagi ng mukha ni Yiju na halos isang hibla ng sinulid ang pagitan sa balat niya ng tumagos ito sa kanyang direksiyon. Ang bilis at tuwid sa kilos ng Lu Ryen sa pagpapakawala ng palaso ay hindi magagawa ng isang baguhan.

Maririnig ang mabigat na pagbagsak ng asong lobo na sana’y aatake sa Pangatlong Prinsipe. Naalarma ang mga mangangaso ng magsimulang maglabasan ang isang pangkat ng mga lobo. Kung paano nilang nagawang itago ang sarili nila sa kabila ng kanilang malaking bilang ay sadyang nakakakilabot. Natauhan si Yiju at mabilis na naglabas ng kanyang patalim.

Nakakabingi ang mababangis na angil ng mga halimaw sa pusod ng gubat.

Ang tilamsik ng sariwang pulang likido sa mga dahon at damo ay nagbabadya ng matinding panganib sa panig ng mga mangangaso.

Ang pinakabatang mangangaso na hindi pa nakakaengkwentro ng ganitong kababangis na mga lobo ay hindi nagdalawang isip na ilabas ang nakatago sa ilalim ng dibdib niya. Isang maliit na kasangkapan na maaring magamit sa sandaling malagay sila sa matinding panganib. Mariing kiniskis ng mangangaso ang hawak nito sa magaspang na bato at ng magsimula itong sumilab, mabilis na inangat nito ang hawak na naglabas ng kislap paakyat sa taas na bumuga ng malakas na ingay sa paligid.

Nabulabog ang kagubatan at natigil ang dalawang pangkat sa pangangaso, maging ang mga kawal na palihim na natutulog sa ilalim ng puno ay bumalikwas ng bangon. Nakahanda sila sa mga ganitong sitwasyon ngunit matagal na bago may nagpakawala ng Silap kung kaya naging kampante sila. Dagling gumalaw ang grupo ng mga kawal tungo sa direksiyon na pinanggalingan ng ingay. Maging ang pangkat ng Punong kawal at ng Pang-anim na Prinsipe ay tumungo sa iisang lokasyon.

Kung nanggaling ang Silap sa pangkat ng Pangatlong Prinsipe, nangangahulugan lamang na nasa matinding panganib ang mga ito. Ni minsan ay hindi gumagamit ng Silap ang Prinsipe dahil malaking insulto ito sa kakayahan nito. Idagdag pang nasa pangkat nito ang ilang mga bihasang mangangaso.

Nagmamadali ang mga kilos ni Xian. Bilang Punong kawal ng imperyal, tungkulin niyang masiguro ang kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya ng imperyal. Idagdag pang kababata at malapit na kaibigan niya ang Prinsipe. Maging si Tien na walang interes sa pangangaso ay dagling sumunod sa Punong Kawal. Kung ibang Prinsipe ang nalagay sa alanganin, marahil ay magpipikit mata lamang ito.

Nakatanggap ng malakas na batok ang batang mangangaso mula sa mga kasamahan. Nagtatakang napatingin siya sa kanyang paligid ng mapansin niyang biglang tumahimik. Nanginginig na tumakbo siya palayo at nagsindi ng Silap kaya hindi niya nasaksihan ang nangyari. Ngunit ang mga mangangaso na dilat ang mga mata ay nanginginig pa ang mga laman, hindi dahil sa matutulis na pangil ng mga mababangis na lobo, kundi sa talim ng dalawang bantay na hindi nahuhuli sa patalim ng Pangatlong Prinsipe. Marahas ngunit mabilis ang estilo ng mga kilos nila, nakakakilabot ang iniwan nilang tama sa mga lobo ngunit napakalinis ng kanilang sandata na tila hindi sila ang humiwa nito. Kung ganito ang mandirigmang niluluwal ng Hukbong Goro, hindi nakapagtataka kung bakit nagawa nilang sakupin ang malalaking teritoryo ng ibang lupain.

Muling inilapit ni Yura ang medisinang dahon sa ilong niya ng lumapot ang amoy ng dugo sa paligid. Sa mata ng iba, iisiping walang muwang sa karahasan ang anyo ng Lu Ryen. Subalit pagkatapos ng nangyari, namuo ang pagdududa ng Pangatlong Prinsipe sa kakayahan nito. Sa kabila ng pagharap niya sa atake ng mga mababangis na lobo ay nakabantay ang tingin niya sa Lu Ryen.

Lumapit si Yura sa Pangatlong Prinsipe ng mapansin niyang matagal itong natigilan. Duguan ang patalim nito at may ilang bahid ng dugo sa kamay nito. “Kamahalan, nasaktan ba kayo?” naglabas si Yura ng panyo at nilahad dito.

Lumuwag sa kamay ni Yiju ang duguang patalim ng makita niya ang guhit na tatsulok sa panyo ng Lu Ryen. “Ikaw?”



TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Hanju: Ika-anim na Prinsipe

Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju

Xian: Punong Kawal ng Imperyal

Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.