“May gusto na akong iba. Kaya paano ko pakakasalan ang anak ng Punong Heneral kung iba ang mahal ko?”
Matagal na nanatili ang tingin ni Yiju sa panyong nakatali sa kamay niya. Nakilala ba ito ni Keya? Tunay ba ang pinakita ng kapatid niya ng huling bisitahin nila ang Emperatris kasama ang Lu Ryen? Bumubulong ang mga ganitong katanungan sa isipan ng Pangatlong Prinsipe.
“Kamahalan?” Pangalawang tawag ni Xian sa Prinsipe.
Hindi namalayan ni Yiju na itinago niya ang kanyang kamay mula sa Punong Kawal.
“Nandito na ang manggagamot ng imperyal upang tignan ang sugat niyo.”
Pumasok ang nakaputing matanda sa loob ng silid at magalang na yumukod sa Prinsipe.
“Hindi na kailangan, galos lamang ito.”
“Kamahalan, kailangan pa rin nating masigurong hindi ito magkakaroon ng anumang impeksiyon.”
“Sa tingin mo ikamamatay ko ang simpleng galos?” may bahid ng inis ang tinig ng Prinsipe na ikinaputla ng manggagamot.
Tinanguan ni Xian ang manggagamot na lisanin ang silid, mabilis na nagpaalam ang matandang manggagamot sa Pangatlong Prinsipe. Hindi matukoy ng Punong Kawal kung bakit mahapdi ang timpla ng Pangatlong Prinsipe kung galos lang ang natamo nito? Simula ng nanggaling sila sa pangangaso ay wala itong kibo na tila okupado ang isipan nito ng mabigat na bagay. Dahil ba naglabas ng silap ang hawak nitong pangkat? O dahil mas maraming napatay na lobo ang mga bantay ng Lu Ryen? Iyon lang ang nakikitang dahilan ni Xian kung bakit nagkakaganito ang Prinsipe.
Tulad ng Punong Kawal, hindi rin maintindihan ni Yiju ang sarili niya. Dapat ay maging masaya siya para sa kanyang kapatid dahil natagpuan na nito ang lalaking nagmamay-ari ng itim na kapa, kaya bakit may parte niya ang tumututol dito?
Dinaanan ng daliri ni Yiju ang guhit ng tatsulok na nakaukit sa panyo. Nang itali ito ng Lu Ryen sa kamay niya, hindi naramdaman ng Pangatlong Prinsipe ang lalim ng sugat na bumaon sa kanya. Ito ay dahil sa pagpipigil niyang huminga, upang hindi malanghap ang dalang alimyon ng hangin na nagpapasikip sa kanyang dibdib. Hindi niya matukoy kung ito ay halimuyak ng katas ng dahon na pinahid ng Lu Ryen sa sugat niya o ang amoy ng halaman na kumapit dito.
“Kamahalan, natitiyak kong nakarating na sa Emperatris ang nangyari sa inyo.”
Mapait na ngiti ang gumuhit sa labi ni Yiju sa narinig. “Xian, simula ng hawakan mo ang posisyon ng Punong Kawal, laging ang Emperador at ang Emperatris na ang naririnig ko mula sayo. Kung ituring mo ako ay parang isang Xirin na hindi maaaring magalusan. Nasaan na ang kaibigan kong hindi nagdadalawang isip na bigyan ako ng mabibigat na atake sa tuwing nagsasanay kami?”
“Tungkulin kong protektahan ang pamilya ng imperyal.”
“Tumutol ako ng ibigay sayo ni Ama ang responsibilidad na ito. Dahil alam kong mawawalan nanaman ako ng kaibigan na sasalungat sa mga opinyon ko.”
“Hindi na ba kayo masaya sa mga payo ni Tien Kamahalan?”
“Si Tien?” ang ngiti ni Yiju ay hindi umabot sa mga mata niya ng maisip ang kaibigan. “Tulad ng aking Ina, napakataas ng ambisyon niya para sa akin.”
Napansin ni Xian na may kakaiba sa Pangatlong Prinsipe. Mistulang okupado ang isipan nito.
“Kamahalan, kung kailangan niyo ng kaibigang makikinig sa inyo nandito lang ako.”
“Kaibigan?” Ito ba ang dahilan kung bakit nais niyang mapalapit sa Lu Ryen? Ang mga matalik niyang kaibigan noon ay naging tagasunod niya ngayon. Naging Pinuno ng kawal ng imperyal ang isa habang ang isa ay naging isang ministro, ang ilan ay tuluyang lumayo sa kanya dahil napabilang ang kanilang angkan sa ibang partido. Bihira siyang makatagpo ng taong titingin sa mata niya ng tuwid ng hindi siya yuyukuran. Lahat ay nag-iingat sa mga salita nila sa takot na mainsulto o magalit siya sa mga ito. Ngunit ng makilala niya ang Lu Ryen…
Sa di malamang dahilan ay lumuwag ang dibdib ni Yiju. Nabigyan na ng linaw ang mga katanungan sa isipan niya.
Gusto niyang maging kaibigan si Yura. Ngunit nangangamba siya na kapag nakilala ito ni Keya, gagawin ng kapatid niya ang lahat upang masakop ito. Kilala niya si Keya, kapag may nais itong makuha nagiging makasarili at mapangahas ito. Hindi man siya sang-ayon sa mga paraan ng kapatid niya ngunit hindi niya rin hahayaang masaktan ito. Hindi niya pa lubos na kilala ang Lu Ryen, subalit ayon sa mga pinakita nito, alam niyang hindi ito magiging malambot sa kapatid niya. At ito ang pinangangambahan ni Yiju, alam niyang darating sa puntong magkakasalungat muli sila.
Huwag na niyang hangaring maging kaibigan ito, mapalad na siya na hindi ito isang patalim laban sa kanya…
Palihim na sumisilip ang mga dumaraan na batang iskolar ng Guin sa labas ng pinto ng kanilang silid aklatan upang mag-usisa sa nangyayari sa loob.
Pinalabas ang lahat ng iskolar na nagsasaliksik sa loob ng silid aklatan. Nalaman nilang dito gaganapin ang pagpupulong ng mga Tagapagturo kasama ang Punong Guro. Ang buong akala nila’y isa lamang itong ordinaryong pagpupulong subalit ng makita nilang dumating ang anak ng Punong Ministro, dito na nagsimulang mag-usisa ang mga iskolar. Mas lalong nadagdagan ang kanilang kuryusidad na ang huling pumasok sa loob ng malaking aklatan ay bago sa kanilang paningin. Hindi man nila nakilala ang Xuren na dumating, ngunit ng makita nila ang ornamentong nakaukit sa kasuotan ng dalawa nitong bantay ay napaatras ang kanilang mga hakbang.
Makalipas ang ilang sandali ay isa-isang lumitaw ang koleksiyon ng mga kasulatan ng Punong Guro ng Guin sa mahabang lamesa.
“Matagal ko ng hinihintay na dumating ang araw na ito.” Hindi maitago ni Hong ang kagalakan sa puso niya habang tinititigan ang Lu Ryen na tila isang susi na magbubukas sa nakatago niyang kayamanan.
Mula sa Punong Guro ay lumipat ang tingin ni Yura kay Jing. Pamilyar sa kanya ang salitang iyon na narinig na niya mula sa bibig nito, maging ang ekspresyon ng mukha nito ng makita siya ay tulad ng abot tengang ngiti ng anak ng Punong Ministro.
“Natutuwa akong pinaunlakan mo ang aming imbitasyon.” dagdag ni Hong.
“Naalala kong bumisita kayo noon sa aming tahanan upang payuhan ang aking Ama na huwag sunugin ang mga librong nakalap niya mula sa mga rebelde.” mararamdaman ang respeto ni Yura sa Matandang Guro.
“Ngunit hindi nakinig ang Punong Heneral, bagkus maging ang mga nakabasa nito ay sinunog niya kasama ng mga salitang namatay sa mga pahina ng aklat.”
“Dahil dito, kinundena niyo ang aking Ama kasama ang buong Guin at ipinaalam niyo sa lahat na siya ang tunay na halimaw ng imperyo at hindi ang mga rebelde.”
“Iyon ay dahil mababaw ang aking pang-unawa sa tunay niyang intensiyon. Hindi ko lubos maisip na magagawa ng aklat na iyon na bilugin ang kaisipan ng taong maghimagsik laban sa Emperador ng imperyo. Ang mga katanungang tinatanim nito ay nagbubunga ng mga argumentong lumilikha ng hidwaan sa pagitan ng mga tao. Wala itong pinipiling estado, dahil kung sino man ang kumagat sa mga mainit na katagang nakaukit sa mga pahina ay lalamunin ng nag-aapoy na galit. Mauuwi ito sa walang katapusang digmaan, sa halip na galit ay takot ang gustong itanim ng Punong Heneral sa sino mang magtatangkang mahawakan ang libro. Ito ang pinakamalupit ngunit mainam na paraan upang mapigilan ang pagkalat nito. Naiintinndihan ko na mas marami pang buhay ang mawawala kung hindi niya iyon ginawa. Sadyang nabulag ako ng aking Prinsipyo. Ipagpaumanhin mo kung kinuwestiyon ko ang hangarin ng iyong Ama, alam kong maliban sa Emperador, ang Punong Heneral ang tunay na protektor ng ating imperyo.”
“Sa mga ganoong panahon, mas pipiliin ng nakakarami ang manahimik. Kailangan ng imperyo ng mga tulad ninyo.”
“Ang mga salitang iyan ay mas nababagay sa inyo, Lu Ryen. Kung hindi ako naliwanagan ng Punong Heneral ay mananatili akong bulag sa tunay nilang adhikain.” mahihimigan ang bahid ng pait sa tinig ng Punong Guro ng Guin. Binigyan siya ng kopya ng aklat ni Heneral Yugo, ang buong akala niya’y sinisingil nito ang buhay niya ngunit ng mabasa ni Hong ang nilalaman ng libro na kasama ng nadagdag na mga paliwanag sa bawat pahina, ay kilabot at matinding pagkamangha ang sumalubong sa kanya. Kung sino man ang taong nakatuklas ng tunay na mensahe ng aklat ay di hamak na mas malalim ang kaalaman at pang-unawa nito sa kanya. Ang buong akala ni Hong ay alam na niya ang likod at harap ng kanilang imperyo, ngunit kumpara sa taong ito ay isa lamang siyang hamak na hangal. Hindi siya tumigil upang hanapin ang taong nagtulak sa Punong Heneral na lipulin ang lahat ng nagmamay-ari ng mga libro at sunugin sila kasama nito. Nang matagpuan niyang ito ang Pangalawang Xuren ng Zhu na walong taon lamang ng panahong iyon ay hindi niya lubos matanggap. Ang buong akala ng Punong Guro ay mas maraming taon ang ginugul nito sa kanya upang makakalap ng ganoong kaalaman, ngunit isang batang Xuren lamang ang tunay na nasa likod nito.
Nagsaliksik siya tungkol sa pangalawang Xuren ng Zhu at pinansundan niya ito mula araw at gabi. Subalit sa kanyang pagtataka, maging anino nito ay hindi nila makita.
Nang minsang magkaroon ng pagdiriwang sa tahanan ni Heneral Yugo, at isa siya sa mapalad na naimbitahan. Agad na hiniling niyang bisitahin ang silid aklatan nito. Nais niyang makita ang mga librong kinakalap ng Punong Heneral para sa mga anak nito kung bakit lumaki silang mga henyo. Nanggaling mula sa ibat-ibang lupain ang mga libro at ang ilan ay nakasulat sa mga lenggwahe ng mga dayuhan. Kilala ang Prinsesa ng Azula na bihasa sa ibat-ibang lenggwahe, ito marahil ang isa sa abilidad na pinamana nito sa mga anak nito.
Subalit sa dami ng koleksiyon na libro, wala siyang makalap na impormasyon kung paano basahin ang isipan ng mga kalaban. Sa magkakasunod na digmaang pinasok ng Punong Heneral, isang malaking hiwaga sa kanya kung paano nito nakikita ang butas sa mga plano ng kalaban at kung paano nito nababali ang isang matibay na istratehiya.
Nang masalubong ni Hong ang mga tauhan ng Zhu, bitbit ang mga batya ng mga pinta na may ibat-ibang kulay, sinundan niya ang mga ito. Nadatnan niya ang sampung taong gulang na Xuren na nagpipinta sa dingding ng malawak na silid ng buong mapa ng Salum at mga kalapit nitong lupain. Hindi lamang nakadetalye ang mga lugar na nasasakupan ng imperyo kundi maging ang mga lokasyon ng mga kumakalaban sa imperyo mula sa mga maliliit na tribo ay nakamarka sa mapa, makikita sa mga kulay kung anong lugar ang pinamumugaran ng mga kalaban.
Napagtanto ni Hong na hindi ang mabagsik na paraan ng Punong Heneral ang dahilan ng matagumpay na paglamon nito ng mga lupain kundi ang Xuren na nasa likod nito.
“Mahal na Lu Ryen, batid kong lingid sa inyo ang dahilan ng aking imbitasyon.” hindi na itinago ni Hong ang kanyang tunay na intensiyon. Matagal na niyang gustong makita ang Pangalawang Xuren ng Zhu ngunit kahit anino nito ay hindi niya masulyapan, subalit ngayon ay kusa itong tumapak sa kanyang teritoryo. Nababalot ng kagalakan ang mga mata nito habang itinaas naman ni Jing ang kanyang manggas upang takman ang lalim ng kanyang ngiti.
Ang librong pinasunog ng Punong Heneral noon ay nakalaan hindi para sa mga taong nasa mababang estado, dahil karamihan ng mga taong nasasakupan ng kanilang lupain ay iliterado. At hindi rin sapat na marunong kang bumasa at sumulat. Hindi mo makukuha ang mga nilalaman ng mga kataga sa aklat kung wala kang malalim na karunungan, upang bumaon sayo ang mapanglasong mga salitang nilalahad nito. Dumami ang naging kalaban ng angkan ng Zhu dahil malalaking angkan ang natapakan ng Heneral.
Sa madaling salita, ang mga matang nakatuon ngayon kay Yura na tila nagsasaliksik ay perpektong halimbawa ng mga taong maaaring magmay-ari ng pulang aklat.
“Nabasa ko ang mga liham na pinadala mo sa aking tahanan. Masasabi kong mapangahas ang inyong mga adhikain.” direktong tugon ni Yura sa Punong Guro ng Guin.
Nahahati sa maraming pangkat ang imperyo, at nasa gitna ang Guin pagdating sa estado. Mahina man ang bilang nito ngunit ang kanilang impluwensiya ay hindi nahuhuli sa nangungunang mga pangkat. Marami man ang mas makapangyarihan sa kanila ngunit hindi sila natitinag dahil sa matibay nilang pundasyon, na kahit ang nakaupo sa trono ay kailangan silang kilalanin bilang isa sa importanteng elemento ng imperyo. Marami parin ang naniniwala na ang Guin ang tumatayong balanse sa imperyo ng Salum. Ito ang dahilan kung bakit mas pinili ni Yura na paunlakan ang imbitasyon ng mga ito sa kabila ng imbitasyon sa kanya ng mga makapangyarihang pangkat.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Xian: Punong Kawal ng Imperyal
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Hong: Punong Guro ng Guin.
Bauju: Kanang kamay ng Punong Guro ng Guin.
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply