“Nais niyong buksan ang Guin sa lahat.” kumpirma ni Yura.
“Kung magiging literato ang lahat ng taong ating nasasakupan, mas magiging maunlad ang ating imperyo.” kumento ng isa sa mga Guro. “Ngunit ang ideyang ito ay imposible nating makamit kung ang mismong mga namumuno sa imperyo ay mahigpit itong tinututulan.”
Dumako ang tingin ni Yura sa anak ng Punong Ministro, ang ilan sa mga Guro ng Guin ay nanggaling sa mababang angkan kaya naiintindihan niya ang kagustuhan ng mga itong maging pantay ang karunungang binibigay sa kanila, ngunit si Xuren Jing ay myembro ng isang mataas na angkan. Kakatwang sinusuportahan nito ang ideolohiya ng mga Guro ng Guin.
“Maraming mahuhusay na batang iskolar ang hindi nakakatapak sa mataas na posisyon dahil sa mababa nilang pinanggalingan. Kung magpapatuloy ito, mapupunta sa maling mga kamay ang kinabukasan ng ating imperyo.” Pinabasa ng Punong Guro kay Yura ang mga sulat ng mga iskolar na tinutukoy nito. “Nakita ko kung gaano kahusay ang pakikipagdigma ng hukbong Yulin, na kahit walang gabay ng Punong Heneral ay naisasagawa nila ng maayos ang kanilang tungkulin. Iyon ay dahil hindi niyo lamang sila tinuruang makipaglaban kundi nilinang niyo din ang kanilang kaisipan. Hindi mahalaga kung nanggaling sila sa mataas o mababang pamilya dahil pantay ang binibigay niyong pribilehiyo sa kanila. Kung magagawa natin ito sa buong lupain, walang mamamatay na mangmang.”
Marahil sa ibang panahon ay hindi ito malayong matupad ngunit sa kasalukuyan… lihim na kumunot ang noo ni Yura, naramdaman niya kung gaano kalalim ang kanilang adhikain ngunit wala silang ginawang malaking hakbang upang ipaglaban ito, pagkat alam nila kung gaano ito kapanganib. Isang maling desisyon ay kapalit ng maraming buhay. Dakila ang kanilang hangarin ngunit dakila rin ang mga buhay na kanilang isasakripisyo kung muli nila itong bubuksan.
“Isa lamang akong Lu Ryen sa pamilya ng imperyal, wala ako sa posisyon upang ilahad ang kamay ko.”
“Kung wala kang kakayahan, hindi masusunog ang mga buhay na naniwala sa pulang aklat. Nagawa mong maglabas ng kautusan ang Emperador gamit lamang ito.” nakangiting wika ni Jing habang binabasa ang isang lumang libro na nalapatan ng mga sulat ni Yura. Nang mabasa ng Emperador ang tunay na intensiyon ng aklat, mabilis nitong pinag-utos na sunugin ng Punong Heneral ang lahat ng kopya nito at lahat ng sino mang nakabasa ng nilalaman ng libro. “Pagkatapos ng nangyaring iyon ay naglaho ka ng parang bula sa mata ng lahat, hindi mo rin marahil inakala na isa ring kautusan ang magpapabalik sayo.”
Lumalim ang tingin ni Yura sa anak ng Punong Ministro.
“Lu Ryen, wala kang dapat ikabahala dahil manananatili ang aming katapatan sa Emperador ng Salum. Subalit kailangan namin ng tulad mo sa aming panig.” dagdag ni Hong. Kinakalap niya ang mga talentadong indibidwal na may angking kakayahan sa kanyang pangkat, at si Yura ay isa sa pinakahinahangad niyang makuha.
“Nang sandaling dumaan sa kamay niyo ang pulang aklat, ang katapatang pinangako niyo ay nagsimula ng mabuwag.” isa-isang dinaanan ng mga mata ni Yura ang mga mukha ng nasa loob ng silid aklatan. “Nagising ang kagustuhan niyong maghanap ng mga kasagutan. Kinukwestiyon niyo ang mga desisyon ng mga namumuno sa imperyo, hanggang sa naisin niyong baguhin ang panuntunan nito. Malinaw na isa itong kataksilan sa pangalan ng Emperador.”
Nag-iwan si Yura ng pangamba sa mga ito ng lisanin niya ang Guin matapos niyang marinig ang sagot na hinahanap niya.
“Punong Guro, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nating makuha ang panig niya, Nakalimutan niyo na ba kung sino ang kanyang Ama? Nilagay niyo sa panganib ang buhay natin.” Si Bauju na hindi napigilang maglabas ng kanyang saloobin. Kilalang tapat na mandirigma ng Emperador ang Punong Heneral, kahit ilang beses na biguin ng Emperador ang Heneral ay nananatili parin itong nakayukod sa nakaupo sa trono. Ang ganoong klase ng katapatan ay hindi nila maaaring subukan.
“Sinong nagsabi na kailangan natin ang Punong Heneral?”
“Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit nais mong makuha ang loob ng Lu Ryen? Gusto mong gamitin ang impluwensiya ng kanyang Ama upang intimidahin ang mga pangkat na tumututol sa atin?”
“Ang Lu Ryen ang kailangan ko hindi ang Punong Heneral.” mariing tugon ni Hong. “Bauju, huwag kang makuntento sa mga bagay na nakikita at naririnig mo.” napapailing na tugon ng Punong Guro bago niya ito iniwan na nahihiwagaan.
Nang makasakay si Yura sa kanyang karwahe ay may kamay na pumigil sa pagsara ng pinto. Ngunit mabilis din itong bumitaw ng tuluyan itong isara ni Won. Gulat na kinapa ni Xuren Jing ang daliri nito kung nakakabit pa ito sa kamay niya. Nakahinga ito ng maluwag at tinignan ng matalim ang matangkad na bantay.
“Alam mo ba kung ilang babae ang magluluksa kapag nawala ang mga daliri ko?!”
Walang ekspresyon na tinitigan lamang ito ni Won.
“Maliban sa aking espada ay ito ang pinakamatalim na armas na magpapasuko sa sino mang babaeng mahawa-“
“Papasukin mo siya.” Putol ni Yura dito bago pa madumihan ang pandinig ng kanyang bantay.
Agad na pumasok si Xuren Jing sa loob ng malaking karwahe at binalewala ang matinding pagtutol sa mata ng bantay. Umupo siya sa harap ni Yura at kusang nagsalin ng kanyang kopa mula sa nakahandang tsaa. Marahang itinabi ni Yura ang kopa niya na tila nawalan siya ng panlasa.
“Xuren Jing, batid kong nabigyan ko na kayo ng malinaw na sagot.”
“Hindi ako sumunod sayo para baguhin ang isip mo, narito ako para saluhan kang tikman ang napakasarap na tsaa na ito.”
Bahagyang hinila ni Yura ang bintana ng karwahe upang makapasok ang malamig na hangin. “Sa pagkakaalam ko ay mabigat ang inyong tungkulin bilang tagapangasiwa ng aklatan ng imperyal, subalit sa nakikita ko ay likhang isip lamang ito. May punto ang Punong Guro ng Guin ng sabihin niyang mapupunta sa maling mga kamay ang kinabukasan ng ating imperyo.”
Nasamid si Jing sa narinig na sinundan ng sunod-sunod na pag-ubo. Tuluyang binuksan ni Yura ang bintana at lihim na lumayo kahit wala na siyang maaatrasan sa loob ng karwahe.
Binaba naman ni Xuren Jing ang hawak na kopa at pinakalma ang sarili. Hindi makapaniwalang tinitigan niya ang Lu Ryen, sa pagkakakilala niya dito ay may matalas itong isipan ngunit hindi niya lubos akalaing matalas din ang dila nito tulad ng taong iyon. Halos pareho sila ng paraan ng pagkastigo sa kanya. Sa halip na mainsulto ay umusbong ang abot tengang ngiti sa labi ni Jing.
“Napakahusay mong bumasa, tunay na mabigat ang titulo ko ngunit magaan lamang ang ginagampanan kong tungkulin dahil sa magagaling kong tauhan na gumagawa nito para sa akin.” papuri ni Jing sa mga tauhan niya, ngunit kung maririnig siya ng mga ito ay tiyak na aangil ang mga ito sa kanya dahil sa dami ng trabahong pinapasan niya sa balikat ng mga ito. “Bilang ganti sa sakripisyo ng aking Ama sa paglilingkod sa Emperador, ako na anak niya ang aani sa lahat ng bigat na ginugol niya upang mabuhay ng magaan at malaya para sa kanyang lugar.” kung maririnig si Jing ng kanyang Ama ay tiyak na hindi ito magdadalawang isip na itakwil ang nag-iisa nitong tagapagmana. “Maiba tayo, nang pumasok ka sa pamilya ng imperyal ay sa Palasyong Xinn ka na lamang naglalagi. Natitiyak kong hindi mo pa nakikita ang magagandang parte ng kapitolyo. Sa labas ka ng lupain naglalakbay kaya naman hindi mo pa nasisilayan ang tunay na kayamanan na tinatago ng ating lupain. Hayaan mong ako ang magdala sayo sa mga paraisong ito.” hinihintay ni Jing na lumitaw ang kuryusidad sa mukha ng Lu Ryen, ngunit tulad ng bantay nito ay nanatiling blangko ang ekspresiyon nito sa kanya. Sadyang napakahirap nitong suyuin.
“Lu Ryen, maaari ba kitang tawagin sa pangalan mo? Pakiramdam ko kasi ay matagal na tayong magkaibigan. Nang mga panahong nagsasaliksik ako tungkol sayo…” nagsimulang magkwento si Jing sa mga ginawa niyang paghahanap sa Lu Ryen. Habang lumalayo ang mga kwento nito ay unti-unti namang nanlalamig ang pakiramdam ni Yura. Sa bawat segundong pumapatak ay isang dekada ang katumbas habang kasama niya ito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nais ng makabalik ni Yura sa Palasyong Xinn.
Tila naramdaman ni Kaori ang iniisip ng Xuren niya dahil mabilis nitong pinatakbo ang karwahe.
Dagling sinalubong ni Dao ang karwahe ng makita niya ang pagdating ng Lu Ryen. Nagtaka siya ng matanaw na hindi ito nag-iisa.
“Mahal na Lu Ryen, Xuren Jing…” salubong ni Dao.
“Ipapahatid na kita sa bantay ko.” si Yura ng mapansing nakasunod parin sa kanya ang anak ng Punong Ministro.
Nang mapunta ang tingin ni Jing sa matangkad na bantay ay sunod-sunod ang ginawa nitong pag-iling. “Hindi ko nainom ng maayos ang tsaa kanina dahil sa bilis ng takbo ng karwahe, bakit hindi mo ako imbitahing uminom ng tsaa sa loob?”
Mariing nakagat ni Kaori ang ilalim ng labi niya dahil sa inis na nararamdaman niya sa Xuren na ito. Wala ba itong pakiramdam? Hindi ba nito nakikita na ayaw ng Xuren niya sa presensiya nito? Sadyang mas makapal pa sa kalyo ng kamay niya ang mukha nito!
Lumapit si Dao upang ibulong sa Lu Ryen na may panauhin ito. “Mahal na Lu Ryen, naghihintay po sa inyo–” naudlot ang sasabihin ni Dao ng makita niyang sumunod din ang Prinsesa sa kanya. Sadyang hindi na nito mahintay na makita ang Lu Ryen.
Tumuwid naman ang pagkakatayo ni Jing ng makita niya ang Prinsesa ng Emperatris. “Kamahalan,” yumukod na bati niya dito. Subalit tila hindi ito nakita ng Prinsesa dahil ang tingin nito ay nakatuon lamang sa Lu Ryen.
“Nalaman kong nasugatan ang kapatid ko sa pangangaso kaya agad kitang hinanap upang makita ang kalagayan mo. Nasaktan ka ba?” puno ng pag-aalala na tinignang mabuti ni Keya si Yura.
Itinago ni Jing ang pag-awang ng bibig niya. Ano na lang ang mararamdaman ng Pangatlong Prinsipe kapag nalaman nitong nakalimutan na ito ng pinakamamahal nitong kapatid?
Iniwasan ni Yura ang kamay ng Prinsesa. “Wala kayong dapat ipag-alala, nasa mabuti akong kondisyon.” Lumipat ang tingin ni Yura sa anak ng Punong Ministro bago ito bumalik sa Prinsesa. “Ipagpaumanhin niyo Kamahalan kung hindi ko kayo mapauunlakan ngayon, personal kong inimbitahan si Xuren Jing dahil marami daw siyang bagay na nais ibahagi sa akin.” Tinawag ni Yura ang Punong katiwala ni Keya. “Kayo ng bahala sa Prinsesa.”
Chuyo, “M-Masusunod po mahal na Lu Ryen.”
Nagbigay galang si Jing sa Prinsesa at nag-aatubili ang mga hakbang na sumunod ito kay Yura. Bakit pakiramdam niya ay ginamit siya ng Lu Ryen upang itaboy ang konsorte nito? Idagdag pang kilala siya bilang isang Xuren na matinik pagdating sa magagandang dilag. Paano kung isipin ng Prinsesa na iniimpluwensiyahan niya ang Lu Ryen? Hindi ba siya naghuhukay ng sarili niyang libingan?! namumutlang sumunod ang tingin ni Jing sa likod ng Lu Ryen. Kung ganon, totoo ang naririnig niya na ang Lu Ryen ang umiiwas sa Prinsesa at hindi ang Prinsesa ang umiiwas dito?
Naiwang natitigilan si Keya habang tinititigan niya ang kamay niyang iniwasan ni Yura…
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Chuyo: Punong Katiwala ni Keya
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
Hong: Punong Guro ng Guin.
Bauju: Kanang kamay ng Punong Guro ng Guin.
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply