Ang matagal na katahimikan na namayani sa loob ng Palasyo ng Pang-anim na Prinsipe ay muli nanamang nabasag ng dumating ang nag-iisang Xuren ng Punong Ministro.

Hindi ito hinarang ng mga tauhan ng Prinsipe kundi maluwag itong pinagbuksan ng pinto at hinainan ng tsaa. Ito ang mga ordinaryong araw ni Jing sa palasyo ng pinsan niya kapag humupa na ang galit nito sa kanya. Nang makita ni Jing ang tsaa, ay tila nais niyang maduwal. Agad na ipinatabi niya ito sa mga katiwala. Hindi niya lubos akalain na matapos siyang imbitahin ng Lu Ryen ay iiwan siya nito sa isang silid kasama ang matangkad nitong bantay na siyang nagsilbi sa kanya ng tsaa. Wala siyang nagawa kundi ubusin ang tsaa na hinahanda nito dahil mahigpit daw ang bilin ng Lu Ryen na hindi siya maaaring umalis ng hindi ito nauubos. Hindi na mabilang ni Jing kung ilang beses siyang pabalik-balik sa kumon ng lisanin niya ang Palasyong Xinn. Sadyang maraming pagsubok siyang kailangang lagpasan upang mapalapit sa Lu Ryen.

“Ju, alam mo bang natagpuan ko ang taong mas higit na mailap sayo?” mabigat ang katawang binagsak ni Jing ang sarili sa malapad na upuan, dahilan upang mabulabog at lumipad palayo ang puting ibon na tahimik na tumutuka sa palad ng Pang-anim na Prinsipe.

Lumapit ang isang katiwala na tahimik na naghihitay mula sa isang sulok upang kunin ang natirang pagkain ng ibon sa kamay ng Prinsipe bago ito binigyan ng tubig na panghugas. Matapos na makapaghugas ay maingat na inabutan ito ng katiwala ng puting telang pangpatuyo sa kamay nito. Ni isang sulyap ay hindi naligaw ang tingin ni Hanju kay Jing ng tumuloy ito sa mahabang lamesa upang ituloy ang naudlot nitong pagguhit.

“Malamig na tinanggihan niya ang Prinsesa, higit nito ay marami ang nakasaksi. Hindi ba siya natatakot na makarating ito sa Emperador?” patuloy ni Jing na sanay ng kumakausap ng hangin kapag ang pinsan niya ang kanyang kaharap. “Ang Guin ang unang pangkat na pinaunlakan niya ng imbitasyon, subalit hindi siya nagpakita sa amin ng ano mang interes. Sa halip ay kinukwestiyon niya ang aming hangarin.”

Binaba ng Pang-anim na Prinsipe ang kanyang pangguhit. “Jingyu, gusto kong layuan mo ang taong ito.” may halong babala ang tinig ni Hanju.

“Napansin mo din bang may kakaiba sa kanya?” tila hindi narinig ni Jing ang babala ng Pang-anim na Prinsipe. “Sa halip na mapunta ito sa oposisyong pangkat, mas mainam na makuha ko siya sa panig natin.”

“Hindi mo siya kailangan.” mariing tugon ni Hanju. Para sa kanyang proteksyon ay nanatili ang Punong Ministro sa tabi ng Emperador kahit na hindi naprotektahan ng Emperador ang kapatid nito. Upang hindi maalerto ang mga kalaban nilang pangkat sa kapangyarihang hawak nito, hinayaan ng Punong Ministro na gawin ng pinsan niya ang mga nais nito kahit ikasira ito ng kanyang reputasyon. Alam ni Hanju na nais siyang protektahan ng mag-ama ngunit ganoon din siya para sa mga ito. Tanging ang Punong Ministro at ang pinsan niya ang naiwan sa kanya ng kanyang Ina. Hindi niya nanaising may mawala muli sa kanya. “Kung hindi mo ako pakikinggan, huwag mo na akong hanapin.” muling ipinagpatuloy ni Hanju ang pagguhit.

Napatayo si Jing sa kinauupuan at nilapitan ang pinsan niya. “Nagtatampo ka ba sa akin dahil ilang araw akong hindi nagpakita?” natatawang inagaw ni Jing ang hawak na pangguhit ni Hanju. Hinayaan naman ito ng Pang-anim na Prinsipe na muling kumuha ng bagong pangguhit mula sa nakaalalay na katiwala. “Kahit na naaaliw ako sa Lu Ryen, ikaw parin ang paborito ko. Isa pa, natitiyak kong magkakasundo kayo.” ang malamig na tingin ng Lu Ryen na nagbibigay ng kaba sa sino mang makakatanggap nito, at ang ngiti na hindi ngiti sa mga labi nito na tila nagbabanta ng panganib. Ito marahil ang dahilan kung bakit napukaw nito ang atensiyon niya. Nakikita niya ang Pang-anim na Prinsipe sa Lu Ryen. Malayo ang kinalakihan ng dalawa at mga naranasan ng mga ito, kaya bakit malaki ang pagkakapareho nila na tila pinilas na papel na mabubuo lamang sa sandaling sila ay magtagpo.

Nang mawala ang Pangalawang Konsorte ng Emperador, tuluyan ng nilayo ni Hanju ang sarili niya sa lahat. Tanging siya lang at ang kanyang Ama ang nakakalapit dito. Nais ni Jing na magkaroon din ito ng kaibigang mapagkakatiwalaan at kaibigang magtitiwala dito. Kung ito man ang Lu Ryen, buong puso siyang susugal upang matunaw ang yelo na bumabalot sa pinsan niya.

Napapailing na sinundan ng daliri ni Jing ang mga guhit sa malapad na papel. Agad din na binawi niya ang kamay ng makatanggap ng matalim na tingin kay Hanju. Natatawang bumalik siya sa kanyang upuan at nakuntento na lamang na panoorin ang pinsan. “Hanju, nalalapit na ang kaawaran ng Emperador, may naisip ka na bang regalo na ibibigay mo sa kanya?”

“…..”

Natunaw ang ngiti sa mga labi ni Jing. “Huwag mong sabihing nakalimutan mo?!” muling umalingawngaw ang boses ni Jing sa Palasyo ng Pang-anim na Prinsipe. Ang ilang tagapaglingkod na tahimik na nagtratrabaho ay sandaling natigilan, ngunit agad ding pinagpatuloy ang naudlot na gawain ng mapagtanto nilang nanggaling ito sa anak ng Punong Ministro.

“Alam kong kinalimutan mo ng siya ang Ama mo pero tandaan mong siya ang nakaupo sa trono. Naglilibang ka sa pagguguhit habang ang ibang Prinsipe ay abala sa paghahanap ng espesyal na regalo upang makakuha ang pabor ng Emperador. Nasisiguro kong sa pagbabalik ng Prinsipeng tagapagmana at ng Pangalawang Prinsipe ay mag-uuwi ang mga ito ng malaking sorpresa sa inyong Ama.” hanggang ngayon ay hindi parin nawawaglit sa isipan ni Jing ang dalawang kambal na Prinsesang mananayaw na nanggaling sa maliit na tribo. Ito ang hinandog ng Pangalawang Prinsipe sa Emperador. Hanggang ngayon ay hinahanap-hanap parin ng Emperador ang mapang-akit na alindog ng kambal sa tuwing kailangan nito ng magpapainit dito sa malamig na gabi. Sadyang alam ng Pangalawang Prinsipe ang nagpapasaya sa Ama nito. Dahil dito ay patuloy itong nagagantimpalaan ng mga importanteng tungkulin upang ipamalas ang kahusayan nito sa pamumuno.

Samantala, ang Prinsipeng tagapagmana ay mas interesado sa pagpapabuti ng buhay ng mga mahihirap. Naniniwala ito sa kakayahan ng Punong Heneral na protektahan ang kanilang nasasakupan mula sa mga mananakop, ang tanging nais nito ay ituon ang atensiyon sa pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong paraan ay hindi nito binigo ang Emperador sa pangangalap ng papuri para sa pangalan ng kanyang Ama. Magkaibang istratehiya subalit parehong epektibo upang makuha ang pagsang-ayon ng Emperador.

Sa pagdating ng dalawa, nasisiguro ni Jing na ang katahimikang nararanasan niya ngayon ay tuluyang mababasag sa susunod na mga araw.





TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu

Hanju: Ika-anim na Prinsipe

Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju

Xian: Punong Kawal ng Imperyal

Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.