Sa pagsikat ng araw ay pagsalubong ng mga kawal ng imperyal sa pagdating ng Prinsipeng Tagapagmana at ng Pangalawang Prinsipe. Nanggaling ang Pangunahing Prinsipe sa isa sa pinakamahirap na lupain ng imperyo. Habang ang Pangalawang Prinsipe ay nanggaling sa kaharian ng Damao bilang representante ng Emperador na maging saksi sa koronasyon ng bagong naitalagang Hari.

Nasinag ang paningin ng batang lalaki ng dumaan sa harapan niya ang mga gintong karwahe na napapalamutian ng mga makikinang na dekorasyon. Mabilis na hinila ito sa tabi ng kanyang ama upang yumukod at magbigay galang sa maharlikang dumaan. Labis na humahanga ang mga mata ng bata na lihim na sinundan ng tingin ang gintong karwahe.

Isang himala na hindi naengkwentro ng mga bandido ang mga karwahe. Iyong ang nasa isip ng mga tao, subalit ang ilan ay lubos na humahanga dahil hindi lingid sa kanila na ang mga tagasunod na kawal ng ginintuang karwahe ay matataas na kawal ng imperyal. Nasisiguro nilang ang nasa loob ng pinakamalaking karwahe ay ang Prinsipeng tagapagmana, kaya naman hindi sila nagdalawang isip na yumuko upang ibigay ang kanilang respeto sa susunod na Emperador ng imperyong Salum.

Gumuhit ang ngiti sa labi ng magandang lalaki na nasa loob ng karwahe habang dinaraanan niya ang mga taong yumuyukod sa kanya. Sadyang kung sino ang nagmamay-ari ng pinakamakinang na ginto ay siyang ituturing ng mga tao na kanilang Emperador.

Sa kabilang banda, kasunod na dumating ang grupo ng mga lalaking nakasakay sa matitikas na kabayo. Sa unang tingin ay tila mga pulutong lamang sila ng matataas na iskolar dahil sa kanilang kagalang-galang na kasuotan. Ngunit kung iyong susuriin ay mapapansin ang isa sa kanila ay may di pangkaraniwang disenyong tahi sa panloob nitong roba na lumilitaw sa tuwing hinahawi ito ng hangin. Ang tanging maaaring magmay-ari ng disenyong ito ay pangalawa sa pinakamataas na maharlika ng imperyo.

Muling bumukas ang tarangkahan ng palasyo ng imperyal upang salubungin ang kanilang tagapagmana. Hindi kakikitaan ng pagkadismaya ang Pangunahing Prinsipe ng agawin ng Pangalawang Prinsipe ang kanyang prusisyon. Sa halip ay isa-isa nitong tinanggap ang pagbati ng mga kawal ng imperyal.

Malalaki ang mga hakbang ng Punong Kawal upang salubungin ang Pangunahing Prinsipe, nilagpasan nito ang pagdating ng Gintong karwahe at tumuloy sa kasunod nitong pulutong. Bumaba si Xian sa kanyang tuhod upang batiin ang pagbabalik ni Prinsipe Silas.

“Naghihintay po sa inyong pagdating ang Emperador at mga Ministro.”

“Xian,” nakangiting tawag ni Silas dito ng bumaba ito ng kabayo. “Naninibago parin ako sa kasuotan mo, parang kaylan lang ng naglalaro kayo ni Yiju at Hanju sa palasyo ko.” hinila paangat ng Prinsipeng tagapagmana ang pagkakaluhod ng Punong kawal saka ito tinapik sa balikat, “Sa susunod na mangangaso kayo ng mga kapatid ko ay huwag mo akong kalilimutang imbitahin.”

“Mukhang nawaglit na ako sa isipan ng ating Punong Kawal.”

Parehong napukol ang atensiyon ng dalawa sa magandang lalaking bumaba mula sa gintong karwahe.

“Kamahalan,” pagkilala ni Xian dito, subalit mapapansing bahagya lamang itong yumuko.

“Hindi ka na ngumingiti sa tuwing nakikita mo ako, samantalang noon ay natutuwa ka kapag kasama-.”

“Siyon, naghihintay na sa atin si Ama, huwag natin siyang paghintayin.” Putol ni Silas sa kapatid. Muli nitong tinapik ang balikat ni Xian bago ito tumuloy sa pasilyo ng imperyal.

Nangingiting nilagpasan ng Pangalawang Prinsipe ang Punong Kawal bago ito sumunod sa Prinsipeng tagapagmana.

Daplis na dumaan ang talim sa mga mata ni Xian ng sundan nito ng tingin ang likod ng Pangalawang Prinsipe. Naroon parin ang pait sa dibdib niya sa tuwing nakikita niya ito.

Sa pagbabalik ng dalawang Prinsipe, muli nanamang sisigla ang mga pangkat ng mga Ministro. Pareho silang binigyan ng gantimpala ng Emperador sa kanilang mga naging kontribusyon ngunit hindi matimbang ng mga tao kung sino ang mas mabigat sa puso nito. Binigyan man nito ng seguridad ang posisyon ng Pangunahing Prinsipe ngunit hindi rin ito nagkukulang sa pagpapakita ng pabor sa Pangalawang Prinsipe, maging ang ibang Prinsipe ay binibigyan din nito ng pagkakataong ipamalas ang kanilang kakayahan. Dahilan kung bakit dumarami ang naghahangad sa trono. Sa darating na kaarawan ng Emperador hindi lamang isang malaking pagdiriwang ang magaganap kundi isang mainit na kumpetisyon, dahil muli nanamang mabibigyan ng pagkakataon ang mga Prinsipe na makuha ang pabor nito.

“Mahal na Emperador, sa paligsahan ng mga Prinsipe mula sa ibat-ibang kaharian ng imperyo, sino sa mga Prinsipe ang napupusuan niyong magrerepresenta sa inyong pangalan?” ang katanungan ng isa sa mga Ministro na umani ng matinding interes sa lahat ng nasa loob ng pasilyo ng imperyal.

“Aking mga butihing Ministro, sino ang sa tingin niyo’y dapat kong italaga sa posisyong ito?” balik tanong ng Emperador sa kanyang mga tagasunod. Makikitang tumuwid ang likod ng karamihan na tila hinihintay ang pagkakataong ito.

“Ngayong nakabalik na ang Pangalawang Prinsipe, nasisiguro kong hindi niya bibiguin ang pagkakataong ito upang maging handog niya sa inyong kaarawan Kamahalan.” mabilis na tugon ng isa sa mga ministro.

“Nagawang ipanalo ng Pangatlong Prinsipe ang nakaraang paligsahan, natitiyak kong magagawa niya ito muli ngayon.”

“Alam nating mas mahuhusay ang susunod na ipapadalang Prinsipe ng mga kahariang ito. Kaya kailangan nating masiguro ang ating pagkapanalo sa magaganap na paligsahan.”

“Sinasabi mo bang hindi sapat ang kakayahan ng Pangatlong Prinsipe?”

“Ang nais ko lang ay makasiguro na ang Palasyo ng ating imperyal ang magtatagumpay.”

Sinenyasan ng Emperador ang kanyang opisyales na ilabas ang bagong kautusan patungkol sa paligsahan.

Matapos basahin ng opisyal ang kautusan ay mabilis na tumigil ang mga argumento at dumaan sa malawak na pasilyo ang matinding katahimikan. Hindi nabibigo ang Emperador na yanigin ang kanilang mundo sa tuwing naglalabas ito ng kautusan.

Dequan? Nilagdaan ng Emperador ng dequan ang batas ng paligsahan? Kung buhay at kamatayan ang magiging sugal sa larong ito, walang sino man sa kanila ang nanaising isuong sa panganib ang Prinsipe na kanilang napili. Marami pang pagkakataon na makuha nila ang pabor ng Emperador ngunit kung magiging gahaman sila ngayon maaring mawalan na sila ng pagkakataon sa susunod. Lingid sa kanila na kahit gaano man kahusay ang iyong kakayahan hindi ka makakaligtas sa panganib na nag-aabang, dahil sa batas ng dequan walang kwekwestiyon kung paano ka namatay. Ang ganitong pagkakataon ay tiyak na gagamitin ng mga magkakalabang pangkat upang burahin ang isang malaking tinik sa kanilang lalamunan.

“M-Mahal na Emperador, iginagalang ko po ang inyong desisyon. Marahil ay tama si Ministro Fu na ang Pangatlong Prinsipe ang karapat na magrepresenta sa inyong pangalan.” ang tugon ng Ministro na dating pinaglalaban ang Pangalawang Prinsipe.

“Kamahalan, nasisiguro kong ang Pangalawang Prinsipe ang magpapanalo sa paligsahan na ito.” mabilis na bawi ni Ministro Fu.

“Ito ang dahilan kung bakit kayo ang aking pinapili, sinong ama ang nanaising ilagay sa panganib ang buhay kanyang anak?” napapailing na wika ng Emperador. Muling tumahimik ang lahat. Kung magbibigay sila ng pangalan ng Prinsipe, ibig sabihin nito ay nais nila itong isuong sa kamatayan. Sadyang naguguluhan sila sa tunay na intensiyon ng Emperador.

“Kamahalan, ang Hari ng Gijan ay wala pang naisisilang na Prinsipe sa kanyang kaharian kaya pinili niya ang anak ng kanyang Punong Ministro na maging representante niya sa paligsahan. Pinahintulutan ito sa kadahilanang kabiyak ito ng anak niyang Prinsesa.”

“Ano ang nais mong puntuhin?” ang Punong Ministro sa opisyales na naglabas ng impormasyon.

“Punong Ministro, hindi lamang nalilimitahan sa mga Prinsipe ang paligsahan kundi maging sa bawat myembro ng pamilya ng imperyal. Ang titulong Lu Ryen ay katumbas ng titulo ng isang Prinsipe.”

Umusbong ang bulung-bulungan sa pagitan ng mga Ministro at opisyales sa narinig.

“Ang Pangunahing Xuren lamang ng Zhu ang alam kong mahusay sa pakikidigma…”

“Aanhin mo ang matalas na kaisipan sa matalas na patalim? Isa pa, nakita mo na ba ang Lu Ryen?” hindi mapigilang magkumento ng isa sa tagapakinig.

“Huwag kayong palilinlang sa panlabas niyang kaanyuhan, hindi ba’t mas maganda pa ang ating Pangalawang Prinsipe sa mga matataas na Xirin ng imperyo? Sinong makakapagsabi na kaya niyang ubusin ang isang buong tribo ng mga bandido ng mag-isa?”

“Ibahin mo ang Pangalawang Prinsipe, natuto siya mula sa mga bihasang mga guro na nanggaling sa ibat-ibang panig ng lupain. Hindi niya nililimitahan ang sarili niya, kundi bukas siya sa mga pambihirang kaalaman ng mga dayuhan. Samantala, ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral…”

“Anak parin siya ng dakilang panginooon ng digmaan, dumadaloy sa kanya ang dugo ng isang tunay na mandirigma.” pagdiriin ng opisyal.

Ang bawat pangkat ay may nais protektahan, hindi sila magdadalawang isip na gumamit ng ibang pangalan upang sagipin ang napili nilang Prinsipe. Kung ang awtoridad ni Heneral Zhu ay nasa kanyang hukbo, ang impluwensiya naman ng mga nasa imperyal ay nasa mga ministro at mga opisyales ng palasyo ng imperyal. Subalit mayroon paring tapat na humahanga sa kontribusyon ng Punong Heneral sa imperyo.

“Mahal na Emperador, ang Hari ng Gijan ay walang lalaking supling upang magrepresenta sa kanya, subalit kayo ay mayroong siyam na Prinsipe na maaari niyong italaga sa tungkuling ito.” tanging ang Punong Ministro lamang ang may kakayahang magbigay ng ganitong opinyon sa Emperador.

Pigil ang mga hiningang hinintay ng mga ministro at opisyales ang magiging tugon ng Emperador.

Napukaw lamang ang atensiyon ng lahat ng inanunsiyo ang pagdating ng Prinsipeng Tagapagmana at ng Pangalawang Prinsipe.

Lu Ryen ang katagang huling narinig ng dalawang Prinsipe ng pumasok sila sa pasilyo ng imperyal. 





TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu

Yugo: Punong Heneral ng Hukbong Goro

Silas: Pangunahing Prinsipe / Prinsipeng Tagapagmana

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Ministro Fu: Ministro na Sumusuporta kay Yiju

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.