Nagsimulang bumuhos ang patak ng ulan sa paligid ng kapitolyo. Ang maliwanag na kalangitan ay unti-unting natatakpan ng itim na mga ulap. Paroon at parito ang mga tao upang makahanap ng masisilungan. Natigil ang kasiyahan ng mga naglilibang sa kabisera ng makita nilang nangangalit ang kalangitan. Marami ang nadismaya sa pagbabago ng timpla ng panahon.

Samantala, sa Palasyong Xinn makikita ang isang anino na bukas ang palad sa pagsalubong ng pagpatak ng ulan…

“Lu Ryen,” dala ni Dao ang liham na kanyang natanggap mula sa Palasyo ng Emperador. “Mukhang maagang dumating ang imbitasyon ng kanyang kaarawan.”

Binawi ni Yura ang palad niya at tinanggap ang panyo upang patuyuin ang kanyang kamay. Sunod na inilahad ni Dao ang liham sa Lu Ryen.

Itinabi ni Yura ang mga papel bago binuksan ang laman ng liham.

Bumaba ang tingin ng Punong katiwala sa mga blangkong papel na nasa lamesa ng Lu Ryen, madalas niyang nakikitang nagsusulat ang Lu Ryen ngunit sa tuwing nagliligpit siya ay wala siyang nakikitang pinta sa mga papel nito.

“Magiging maingay ang palasyo sa susunod na mga araw,” binaba ni Yura ang sulat matapos mabasa ang nilalaman nito. “May tiwala ako sa kakayahan mo.”

“Maaasahan niyo po…” tahimik na lumabas si Dao sa silid ng Lu Ryen. Hindi niya namalayan ang ngiti sa labi niya ng masalubong niya ang mga katiwala, ngunit natunaw rin ito ng mapansin niya ang kakaibang kinikilos ng mga ito.

Hinila niya ang batang tagapaglingkod sa isang tabi. “Sabihin mo sa akin kung anong nangyayari?”

“Hindi po ba nabanggit sa inyo ng Lu Ryen?” nagtatakang wika ng katiwala. “Nang dumating ang mensahero ng Emperador, sunod na inanunsiyo ng palasyo ng imperyal ang napiling kumatawan sa kanya sa darating na paligsahan ng magigiting na Prinsipe ng imperyo, kasabay nito ay nalagdaan ng dequan ang batas ng kompetisyon.” nakita ng katiwala na hindi parin maintindihan ng Punong tagapaglingkod ang ibig niyang sabihin. “Ang Lu Ryen ang napiling representante ng Emperador.” mariing wika ng katiwalang lalaki kay Dao.

Lumuwag ang pagkakahawak ng Punong katiwala sa batang tagapaglingkod. “A-Ang Lu Ryen..?” ulit ni Dao na tila mali siya ng narinig.

“Opo. Kaya naman lubos na nag-aalala ang mga katiwala sa ating panginoon. Kung may mangyaring masama sa Lu Ryen, paano na kami-“

Malakas na binatukan ni Dao ang batang katiwala. “Walang mangyayaring masama sa Lu Ryen.” pagtatama niya dito kahit na maging siya ay ginagapangan ng kaba sa dibdib. Ito ba ang ibig sabihin ng Lu Ryen na magiging maingay ang palasyo sa susunod na mga araw? Hindi niya nakitang nagbago ang ekspresiyon ng Lu Ryen ng mabasa nito ang liham. Ngunit kung iisipin, ni minsan ay hindi niya nakitang nabulabog ang Lu Ryen, mula ng una itong dumating sa Palasyong Xinn at sinorpresa ito ng Prinsesa ng apat na Xienli, ang pagsugod dito ng Pangatlong Prinsipe, at ang sunod-sunod na pagkatok sa kanilang tarangkahan ng anak ng Punong Ministro ay hindi niya nakakitaan ng ano mang pagkabahala ang Lu Ryen, na tila inaasahan na nito iyong mangyari o sadyang bukas ito sa ano mang dumating dito. Marahil dito nanggagaling ang tiwala ni Dao na magagawa nitong lagpasan ang ano mang panganib kahit wala siyang kasiguraduhan sa tunay na kakayahan ng Lu Ryen.

Nais balikan ng Punong katiwala ang Lu Ryen ngunit ng makita niya ang dalawang bantay na aktibong nagsasanay ng kanilang armas sa ilalim ng pagoda, umatras ang kanyang mga paa. Sa di mawaring dahilan ay lumuwag ang dibdib niya.

Sunod-sunod na inatake ni Kaori ang mga parteng kahinaan ni Won. “Kung magtatagal tayo sa lugar na ito, nasisiguro kong hindi ko na mabubuhat ang sarili ko.” daing ni Kaori matapos niyang maubos ang pagkaing inihain sa kanya ng mga katiwala.

Sa huling pag-iwas ni Won sa atake ni Kaori ay sunod na inatake niya rin ang kahinaan nito. Muntik ng masubsub ang mukha ni Kaori ng sipain ni Won ang pag-upo niya. Napapangiwing hinawakan ng pareho niyang kamay ang parteng tinamaan nito.

“Marahil ay kailangan na ng Xuren na magpalit ng bantay.” pinagpag ni Won ang gilid ng kasuotan nito.

“Mamamatay muna ako bago mangyari ‘yon.” muling umatake si Kaori sa kaliwang bantay. Sa pagkakataong ito ay mas maliksi at marahas ang kanyang mga atake. “Kung ganon, hindi niya lang nais gawing bihag ang Xuren kundi nais niya ring isugal ang buhay nito sa isang laro?” lalong tumatalim ang mga atake ni Kaori na maging si Won ay napilitan itong seryosohin.

“Mainam na maagang lumabas ang kanyang tunay na intensiyon. Hindi na kailangang basahin ng Xuren ang susunod niyang mga hakbang dahil siya na ang kusang naglatag nito.”

“Mabigat lang sa akin na hindi ko madadamayan ang Xuren sa laban na ito.” bumagal ang kilos ni Kaori dahilan upang muling matamaan ni Won ang kahinaan nito.

“Huwag mo ng hangarin na samahan siya kung hindi mo kayang disiplinahin ang sarili mo sa pagkain, magiging pabigat ka lang sa Xuren.” napapailing na muling pinagpag ni Won ang gilid ng kanyang damit at hindi pinansin ang pait sa mukha ng kanang bantay.

“Won?!” nanggigigil na muling inatake ni Kaori ang matangkad na bantay at hindi na niya ito binigyan ng pagkakataong makapaghanda.

Nahinto ang pagsusulat ni Yura ng marinig niya ang masiglang palitan ng patalim ng dalawa niyang bantay sa gitna ng pagbuhos ng ulan.

Matapos niyang isulat ang huling kataga, unti-unting naglaho ang pinta na tila hinihigop ito ng papel. Sa tuwing natutuyo ang pinta, tuluyang nawawala ang mga sulat niya. Muling itinabi ni Yura ang papel kasama ng iba pang mga blankong papel sa kanyang koleksiyon.

Matatagalan bago siya muling makapagsulat, nais niyang namnamin ang mga sandaling hindi tumatahan ang langit sa pag-iyak. Muling inilahad ni Yura ang kanyang palad upang saluhin ang patak ng mga luha nito.

Nang ikulong siya ni Yanru, tanging ang malakas na buhos ng ulan ang nakapagpakalma sa kanya. Ang duguang larawan ng kanyang Ama bago siya itakas ni Yanru sa mga kalabang humahabol sa kanila, at ang kadilimang bumalot sa kanya ng makulong siya sa isang madilim na silid. Iyon ang mapapait na alaalang bumabalik kay Yura sa tuwing dumarating ang ulan. Natuyo na ang mga luha niya ngunit patuloy parin ang pagbuhos ng ulan na tila ito na ang lumuluha sa lugar niya. At ang ingay ng kulog at kidlat ang siyang humihiyaw at nagagalit para sa kanya.

Ang mga emosyong meroon siya noon ay tila rumaragasang tubig na umaagos na lamang sa palad niya ngayon.

Napukaw ang atensiyon ni Yura ng may puting ibon ang lumipad sa loob ng kanyang silid. Dahil bukas ang mga bukana ng kanyang kwarto, malayang nakakapasok ang simoy ng hangin sa loob. Ngunit maging ang naligaw na puting ibon ay malaya ding bumisita sa kanya.

Nang dumating ang isa sa kanyang Xienli upang ipaghanda siya ng tsaa, binalak nitong itaboy ang ibon ngunit pinigilan ito ni Yura. Bahagyang umilig ang katawan ng ibon dahilan upang madapuan ng tilamsik ng tubig ang hinahandang tsaa ni Numi. Nag-aalalang tinignan ng Xienli ang Lu Ryen ngunit nanatili ang tingin nito sa ibon. Mabilis na nagpakuha si Numi ng pangpalit sa tsaa, hindi niya napansin ang paglitaw ng mga sulat sa blangkong papel na natilamsikan ng tubig bago ito muling natuyo at naglaho.

“Nais niyo po ba siyang alagaan?” si Numi ng mapansin niyang nagtagal ang tingin ng Lu Ryen sa puting ibon.

“May nagmamay-ari na sa kanya.” tugon ni Yura ng mapuna niya ang manipis na singsing na nakatali sa kaliwang paa ng naligaw na ibon.

Nanibago ang Xienli sa pinapakitang interes ng Lu Ryen, simula ng manatili siya sa tabi nito hindi nagtatagal ang tingin nito sa isang bagay. Kinukuha niya ang lahat ng pagkakataon na mapagsilbihan ito, hindi sila tinatanggihan ng Lu Ryen ngunit wala silang lakas ng loob na mas mapalapit dito hangga’t hindi nila nararamdaman ang konsento nito. Ang matigas na pagtanggi ng Lu Ryen sa Prinsesa at ang kwentong may malalim itong relasyon sa isang Fenglin ang nagtutulak sa kanya na makuha ang atensiyon nito.

“Lu Ryen, hindi kaya nakarating sa Emperador ang pagiging malamig niyo sa Prinsesa kaya kayo ang napili niyang magrepresenta sa kanya sa paligsahan?” batid niyang malalim ang lamat ng relasyon ng dalawa subalit mas papabor sa kanya kung tuluyang mawala ang Prinsesa sa paningin ng Lu Ryen. Mababaw lamang ang kahilingan ni Numi noon, ang kailangan niya lang ay panginoong hindi siya aabusuhin. Nagbago ang lahat ng makilala niya ang taong nasa harapan niya. Sadyang kapag nalasap mo na ang tamis ng sinag ng araw, hahanap-hanapin mo ang liwanag nito at makakalimutan mo ng makuntento.

“Numi,” ibinaba ni Yura ang tsaa na sanay lalapat sa labi niya. “Ano man ang mayroon kami ng Prinsesa, hindi magbabago na siya ang aking Pangunahing Konsorte.” may himig na babala ang tinig ng Lu Ryen.

Hindi ito ang inaasahang tugon ng Xienli. Hindi pa man siya nagsisimula ay maaga ng pinatay ng Lu Ryen ang apoy na nag-uumpisang gumapang sa kanya. “Lu Ryen, patawarin niyo po ako.” mabilis na yumukod si Numi ng mapagtanto niya ang kanyang kapangahasan. Isipin niya palang na babalik siya sa madilim niyang buhay ay tuluyan siyang binalot ng matinding takot. “Lu Ryen, pinapangako kong hindi na ito mauulit.” hindi namalayan ni Numi ang mariin niyang pagkakapikit sa takot na makita ang malamig na tingin ng Lu Ryen.

“Malamig na ang aking tsaa.”

Sapat na ang mga salitang iyon upang umangat ang tingin ng Xienli kay Yura. Maingat ang mga kilos na muli itong hinandaan ni Numi ng bagong tsaa. Mabuti ng maaga siyang nagising sa katotohanan bago maging huli sa kanya ang lahat.

“May nagmamay-ari na sa kanya…” ang sinabi ng Lu Ryen tungkol sa puting ibon ay maituturing ng paalala kay Numi ngunit nabulag pa rin siya ng kanyang kapusukan. Mabaling man sa iba ang pagtingin ng Lu Ryen, tulad ng ibon ay babalik at babalik parin ito sa taong naglagay ng selyo dito bilang palatandaan na may nagmamay-ari na dito.

Sa labas ng Palasyong Xinn ay tuluyan ng humupa ang ulan at sumisilip ng muli ang araw sa kalangitan. Naramdaman ito ng puting ibon sa loob ng silid ni Yura na mistulang nagdadalawang isip na lisanin ang lugar, hindi ito naligaw sa kwarto ng Lu Ryen kundi hinanap nito ang halimuyak ng mga halaman na umakit dito dahilan kung bakit napadpad ito sa silid. Nang matagpuan nito ang pinanggagalingan ng halimuyak, agad na pumitas ito ng piraso ng talutot bago ito malayang lumipad upang hanapin ang bungad papunta sa labas kung saan ito nanggaling.

Sa sumunod na mga araw, makikita ang madalas na pagbisita ng puting ibon sa silid ng Lu Ryen.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Numi: Unang Xienli

Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.