Muling naging makulay ang kapitolyo ng Salum sa pagdating ng kaarawan ng Emperador. Nagdagsaan ang mga tao sa kabisera upang masaksihan ang nakakapanabik na paligsahan ng mga Prinsipe mula sa ibat-ibang lupain ng silangan. Kumpara sa nakaraang kompetisyon, mas marami ang bilang ng bumisita sa kapitolyo, batid nilang mas magiging madugo ang paligsahang magaganap. Ang Dequan ay sapat na upang mapukaw ang interes ng malalaking tao sa imperyo. Subalit ang tunay na ikinamangha ng lahat ay ang napili ng Emperador na kumatawan sa paligsahan. Ito ang pinanggagalingan ng maiingay na usaping kumakalat ngayon sa kabisera.

“Ang Pangalawang Xuren ng Zhu?”

“Anak man siya ng Punong Heneral, subalit ni minsan ay hindi siya lumaban sa ano mang digmaan.”

“Walang myembro ng pamilya ng Zhu ang hindi marunong humawak ng armas. Kahit ang ordinaryong nilang katiwala ay marunong umilag sa patalim.”

“Ngunit sa labas siya ng tahanan ng Punong Heneral pinalaki, sinasabi nilang mahina ang kanyang pangangatawan kaya lumaki siyang hindi humahawak ng ano mang armas.”

“Buhay at kamatayan ang magiging takbo ng larong ito. Bakit siya ang isusuong ng Emperador kung wala siyang kakayahan?”

“Humahanga man ako sa kagitingan ng Punong Heneral, ngunit ang pusta ko ay mapupunta sa Prinsipe ng Rhaku!”

Nagsimulang pumili ang mga tao ng Prinsipeng pinaniniwalaan nilang may kakayahang manalo sa paligsahan.

“Ang Prinsipe ng Nyebes ang may malaking potensiyal na mag-uwi tagumpay! Ang ipinamalas niya sa nakaraang kompetisyon ay hindi ko makakalimutan. Maliit lamang ang agwat nila ng Pangatlong Prinsipe, kung hindi maagang natapos ang ibinigay sa kanilang oras ay natitiyak kong mag-iiba ang resulta ng laro.”

“Nakalimutan niyo na ba ang mga bagong ipinalit na representate ng ibang kaharian? Narinig kong ang ilan sa kanila ay mahusay sa marahas na labanan. Kaya hindi sila ang pinasugo sa mga naunang kompetisyon ay dahil madugo ang kanilang pamamaraan, at ngayong pinatupad na ng Emperador ang Dequan, wala ng dahilan upang hindi sila dumalo.”

Sumidhi ang ingay sa pinakamalaking bahay sugalan ng kabisera. Ang bawat representate ng mga kaharian ay may kanya-kayang banga kung saan nakalagay ang kanilang pangalan. Halos mapuno ang laman ng ilang banga, maliban sa ilan na naiwang bakante…

Nagngingitngit ang gilid ng panga ni Kaori habang pinakikinggan niya ang mga opinyon ng mga tao tungkol sa kanyang Xuren. “Mukhang makakaipon ako ng kahong-kahong ginto sa araw na ito.” nang kapkapin ni Kaori ang bulsa niya ay wala na siyang nahugot na salapi. “Won,” nanghihingi ang palad na tawag ni Kaori sa matangkad na bantay.

“Ilang banga ang pupunuin mo bago ka makuntento?” lahat ng madaanan nilang banga na may pangalan ng Xuren ay hindi pinapalagpas ni Kaori.

“Alam kong pinasama ako ng Xuren sayo upang hindi ko masaksihan ang paligsahan. Wala ba talaga siyang tiwala sa akin?” nagmamaktol angil ng kanang bantay.

“Bakit sa tingin mo ginawa niya ‘yon?” may himig na nagpapaalala na wika ni Won. Nang minsan may maghamon sa Xuren nila sa isang patas na laban. Hindi napigilan ni Kaori ang sariling harangin ang atake ng kalaban ng makita nitong sumumpong ang karamdaman ng Xuren na bihira lang lumabas sa umaga.

“Ako dapat ang pumuprotekta sa Xuren, pero bakit pakiramdam ko, ako ang pinoprotektahan niya?”

“Ngayon mo lang napagtanto?”

“Won?! kaylan ba kita makakausap ng hindi mo binabalik sa akin ang mga tanong ko?”

“Tinutulungan lang kitang paganahin ang isip mo. Madalas na tiyan ang nilalagyan mo ng laman kaya nababakante ‘to.” duro ng kaliwang bantay sa noo ni Kaori. Hinuli ng kanang bantay ang daliri ni Won at mariin iyong binigyan ng kagat.

“Kaori?!” hindi makapaniwalang hinablot ng kaliwang bantay ang kamay niya. Tinawanan lamang ito ni Kaori bago ito tinakbuhan. Madilim ang mukhang sinundan ito ni Won. Hanggang ngayon ay hindi parin nawawala ang pagiging taong gubat nito.

Sa tabing sulok, lumabas ang lalaking nakasuot ng iskolar na kasuotan. Napapangiting sinundan nito ng tingin ang paalis na dalawang bantay. Sadyang napakainteresante ng mga taong nakapaligid sa Pangalawang Xuren ng Zhu. Sa dalas ng pagpapalit niya ng katauhan, hindi na niya maalala ang mga pangalan na ginamit niya. Ngunit ang Lu Ryen lamang ang nakakakilala sa kanya ano mang anyo ang gamitin niya. At kahit nakilala siya nito, nanatili paring malamig ang tingin nito sa kanya. Ito rin ang mga matang tumitig sa kanya ng matalim ng masugatan niya ang kapatid nito. Hindi maintindihan ni Royu kung bakit nais protektahan ng isang mataas na Xuren ang isang hamak na alipin. Simula noon ay nakuha ng Zhu ang kanyang interes. Nang makita niyang muli ang Pangalawang Xuren ng Zhu, inatake niya ang bantay nito dahil alam niyang hindi ito mananahimik sa tabi tulad ng kapatid nito.

“Ginoo? Kanino po kayo susugal?” tanong ng matandang lalaki ng mapansin nitong nakatingin ang iskolar sa mga banga.

Naglabas ng gintong salapi ang iskolar na ikinagulat ng matandang lalaki, bihira lang siyang makatagpo ng iskolar na nagdadala ng malaking halaga sa bulsa nito.

Nahulog ang gintong salapi sa isa sa mga bakanteng banga. Kasabay nito ay ang sunod-sunod na hampas na tunog ng higanteng tambol sa palasyo ng imperyal. Hudyat na nagbukas na ang paligsahan.

Nagbabaan ang mga tuhod ng mga Ministro at Opisyales ng dumating ang Emperador. Sinalubong ito ng mainit na pagbati. Hindi tumitigil ang pagdagsa ng mga regalo sa palasyo ng imperyal. Patuloy ang pagpasok ng mga karwahe mula sa ibat-ibang lupain upang ipakita ang kanilang katapatan sa Emperador ng Salum.

Umaalingawngaw ang hiyawan ng mga tao ng makita nila ang labing anim na representanteng Prinsipe mula sa ibat-ibang panig ng kaharian ng Salum. Kakikitaan ng angking katangian ang bawat isa sa kanila. Ngunit ang higit na nakakakuha ng pansin ay ang Prinsipe ng Rhaku at ang Prinsipe ng Nyebes.

Muling humampas ang tunog ng tambol sa paglatag ng unang pagsubok ng paligsahan. Nagdala ito ng labis na tuwa at kaba sa mga taong nakarinig nito. Marahang humugot ng malalim na hininga si Keya ng masilayan niya ang pagdating ng kanyang Lu Ryen. Huli na ng malaman niyang ito ang napili ng Emperador. Hindi niya mapigilang magtanim ng sama ng loob sa kanyang Ama dahil sa naging desisyon nito. Pinangako niya sa sarili na hindi niya bibigyan ng pagkakataon ang Lu Ryen na kamuhian siya subalit sa ginawa ng kanyang Ama, binigyan nito ng dahilan ang Lu Ryen na lalong lumayo ang loob nito sa kanya. Lingid sa kaalaman ni Keya na hindi lamang siya ang nakakaramdam ng ganito patungkol sa kanilang Ama.

Madilim ang ekspresyon ni Yiju ng dumaan sa paningin niya ang mga bilanggo ng digmaan. Hindi lamang mga ordinaryong mandirigma ang mga ito kundi sila ang piling pinakamabangis na mandirigma ng kanilang hukbo. Ang ilan sa mga ito ay mga heneral na bumagsak sa kamay ng Punong Heneral ng Salum. Kaya naman isang matamis na pribilehiyo para sa mga ito kung madudurog sa kanilang kamay ang Xuren ng Zhu. “Ama, anong naglalaro sa isipan mo?” lumipat ang tingin ni Yiju sa Emperador na natutuwa sa mga papuri ng kanyang mga Ministro.

Paano nito nagagawang tanggapin ang mga papuri at pagbati ng lahat matapos nitong itulak ang mag-amang heneral sa madilim na digmaan ay ipapasugo nito sa madugong laro ang Pangalawang Xuren ng Zhu? 

Napukaw ang atensiyon ni Yiju ng muli niyang marinig ang hiyawan ng mga tao. Pinakawalan ang mga bilanggo at sunod na pinalibutan ng mga kawal ng imperyal ang paligid ng bilugang pagtutunggalian ng mga Prinsipe at mga mandirigmang bilanggo ng digmaan, upang walang makapasok at makalabas. Sino man ang magnanais na umatras, kamatayan ang naghihintay na kaparusahan. Huminto ang tingin ni Yiju kay Yura na mistulang isang kuneho na napapalibutan ng mababangis na lobo. Bumigat ang kanyang dibdib sa kaalamang maaari itong masawi sa labanan. Umusbong ang kagustuhan niyang protektahan ito.

“Ama,” natigil ang mga opisyales na nakalibot sa Emperador at sabay na napatingin sa Pangatlong Prinsipe. Tahimik na nagpaalam ang mga opisyales ng maramdaman nilang nais kausapin ng Prinsipe ang Emperador.

Napakunot ang Emperador sa inakto ng Pangatlo niya, “May nais kang sabihin sa akin?” Hindi nagkakamali si Yiju sa pagtawag sa kanya. Malinaw dito kung kaylan siya dapat tawagin ng ganoong paraan.

Nang masiguro ni Yiju na walang makakarinig sa kanila, “Nais kong ako ang italaga niyo sa paligsahang ito.” alam ni Yiju na hindi niya maaaring suwayin ang kautusan ng Emperador kaya kinakausap niya ito ngayon bilang kanyang Ama.

“Tungkol ba ito kay Keya?” Batid ng Emperador na ang kapatid nito ang kahinaan ni Yiju at siya ring nagtutulak dito na makagawa ng mapangahas na bagay upang protektahan ito. “Pumayag man ako, sa tingin mo sasang-ayon ang Lu Ryen sa iyong kagustuhan?” tumawa ng marahan ang Emperador ng makitang hindi ito sumagi sa isipan ng Pangatlong Prinsipe. “Mas nanaisin ng Zhu na mamatay sa digmaan sa halip na umuwing talunan. Kahit ilang beses mo silang patayin, babangon at babangon sila. Hindi papayag ang Zhu na ibaba ang kanilang sandata. Ipaparamdam nila sayong sila ang tunay na may hawak ng kapangyarihan.”

“Ito ba ang kagustuhan niyo? Ang tapakan ang katapatan ng Punong Heneral sa inyo?”

“Hangal! Nasa imperyo ang kanyang katapatan at hindi sa Emperador ng Salum.”

Bahagyang napaatras si Yiju ng makita niya ang pagkamuhi sa mga mata ng Emperador. Unti-unti na niyang nauunawaan ang intensiyon ng kanyang Ama. Ang paglabas nito ng kautusan sa araw ng matagumpay na pagbabalik ng Punong Heneral, ang pagbibigay nito ng mataas na titulo kay Yura na katumbas ng isang Prinsipe, at ang pagbaba nito ng Dequan sa paligsahan. Ang lahat ng ito ay mga pain para lamang sa araw na ito.

“Ang makitang madurog ang isang Zhu sa harapan ko ang pinakamatamis na regalong matatanggap ko sa aking kaarawan.” Hindi nito matutumbasan ang tatlong kaharian na natanggap niya sa kanyang koronasyon bilang tagapagmana ng Salum.

Nagbago ang tingin ni Yiju sa Emperador. Ito ba ang Amang nirerespeto at lubos na hinahangaan niya? Napupuno ito ng galit at poot sa taong kanyang naging sandata at sanggalan sa lahat ng digmaang dinedeklara nito sa ibat-ibang panig ng lupain.

“Ama,” sinalubong ni Yiju ang tingin ng Emperador. “Ito na ang huling beses na magkakamali akong tawagin kayo.” nilisan ni Yiju ang tabi ng Emperador ng hindi pinaliwanag ang sarili niya. Tuluyang naglaho sa paningin niya ang Amang nagpayo sa kanyang hanapin ang sarili niya at huwag ikumpara ang kakayahan niya sa kanyang mga kapatid.

Huminto ang mga hakbang ni Yiju ng makita niya si Keya sa isang sulok. Namumula ang mga matang tumakbo ito ng yakap sa kanya. Kung ganon ay narinig nito ang lahat, kung maaari ay gusto niyang itago kay Keya ang katotohanang naging isang kasangkapan lamang ito sa mga plano ng kanilang ama.

Mariing napahigpit ang yakap ni Keya kay Yiju ng marinig niya ang malalakas na hiyawan ng mga tao, hindi niya kayang makitang malagay sa panganib ang Lu Ryen kaya inipon niya ang lahat ng tapang niya upang harapin ang kanyang Ama. Magmamakaawa siyang bawiin nito ang kautusan subalit nadurog ang puso niya ng mapagtanto niyang walang halaga sa Emperador ang nararamdaman niya. “Kuya… tanging ikaw lang ang tunay na nagmamahal sa akin. Kaya hindi mo kailangang isakripisyo ang sarili mo… Ikaw at ang Lu Ryen, pareho kayong mahalaga sa akin.”

Pakiramdam ni Yiju ay may pangil na sumugat sa kanya. Napupuno siya ng kagustuhang protektahan si Yura at hindi pumasok sa kanyang isipan na ginawa niya iyon para kay Keya. Hindi maipaliwanag ng Pangatlong Prinsipe kung anong mali sa nararamdaman niya. Ngunit sigurado siyang may hindi tamang nangyayari sa kanya.

Parehong natigilan ang dalawa ng madinig nila ang tunog ng tambuli, hudyat na tapos na ang unang yugto ng paligsahan. Isa lamang ang ibig sabihin nito… Namumutlang bumagsak ang nanghihinang tuhod ni Keya na mabilis na inalalayan ni Yiju.

Humihingal na tumakbo si Chuyo sa kinaroroonan ng magkapatid na imperyal. Kinakapos ang hiningang lumapit siya sa mga ito, “M-Mahal na Prinsesa, ang Lu Ryen…”

Tuluyan ng nandilim ang paningin ni Keya hindi pa man nito natapos napakinggan ang kanyang Punong katiwala.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.