Namatay ang ingay sa paligid at tanging ang tunog ng tambuli ang maririnig. Kababakasan ng matinding pagkabigla ang mga taong nag-aabang sa madugong labanan na inaasahan nilang magaganap.
Nasaksihan nila kung gaano kabagsik ang mga atake ng mga bilanggo sa mga Prinsipe. Kalayaan ang naghihintay sa kanila sa sandaling magapi ng mga mandirigmang bilanggo ang mga maharlika. Walang pag-aalinlangan sa atake ng mga ito na tila hindi sila kakakitaan ng ano mang kahinaan.
“Ikaw ba ang anak ng Punong Heneral?!”
Nangangalit na hiyaw ng isang bilanggo ng atakihin nito ang isang Prinsipe. Mararamdaman sa nanlilisik nilang mga mata ang pagnanais na madurog sa kanilang kamay ang anak ng Heneral na siyang nagnakaw ng kanilang kaharian at pumaslang ng kanilang mga kapatid. Nais nilang iparamdam sa Punong Heneral ang sugat na wumasak sa kanilang mga puso at dignidad.
“Walang karapatang mabuhay ng kanyang mga laman gayong pinatay niya ang aming mga supling! Hindi siya ang panginoon ng digmaan kundi siya ang panginoon ng kamatayan–“
Nahiwa ang maselang laman ng bilango na pumutol sa hininga nito. Bumagsak ito ng hindi nasisilayan ang mukha na hinahanap nito.
Bumaba ang tingin ni Yura sa mga bilanggong nakalugmok sa lupa. Hindi mahalaga sa kanya kung siya ang makakatanggap ng galit ng mga ito, ngunit wala siyang palalapasin kapag pamilya niya ang pinagbabantaan. Hindi siya katulad ng kanyang Ama na nagbibigay ng pangalawang pagkakataon, o si Yanru na naghihintay na sumuko ang kanyang kalaban at tanggapin ng mga ito ang kanilang pagkatalo.
Ang agresibong paglusob ng mga bilanggo ay nauwi sa pagbuklat ng mga luma nilang sugat ng dumaan ang patalim ni Yura sa mga parteng gigising sa pakiramdam ng mga bilanggong makaramdam ng sakit. Lihim na pinainom ang mga ito ng gamot na nilalagay sa kanilang mga pagkain at inumin upang maging manhid ang kanilang katawan sa sakit.
Ang medisina ay ilan lamang sa mga nagawa ni Yeho na hindi pumasa sa mga marka ng kanyang kapatid dahil hindi pa nito nahanap ang natitirang sangkap upang maging mabuting gamot ito sa katawan. Kung iinumin ito ng hindi pa nakukumpleto tiyak na mamatay ang gagamit nito ng hindi nito namamalayan. Hindi lingid kay Yeho na may palihim na kumukopya ng mga gamot na kanyang ginagawa. Pinahintulutan nito iyong mangyari upang madiskubre kung sino ang nangahas na nanakawin ito sa kanya. Natuntun ni Yeho na pumapasok ang kopya ng kanyang mga medisina sa loob ng palasyo ng imperyal.
Ang medisinang nililikha ng kapatid niya para sa hukbong Goro ay lapastangang ginagamit sa mga mandirigmang bilanggo na kalaban ng kanilang imperyo.
Umangat ang tingin ni Yura sa kinaroroonan ng Emperador. Paano nagagawa ng kanyang ama na maging tapat sa imperyo gayong ang tunay na traydor ay nakaupo sa trono?
Bumuhos ang sigawan ng mga tao matapos nilang matauhan. Hindi nila nakitang gumalaw ang Lu Ryen sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi nakaligtas sa kanilang paningin ang pagpapakawala nito ng nakatagong patalim sa kanyang kamay tungo sa mga mandirigmang bilanggo. Walang pumatak na dugo ngunit malalim ang mga daplis ng sugat na dumaan sa mga maselang parte ng kanilang katawan. Dahilan upang mamilipit ang mga ito sa sakit bago malagutan ng hininga.
“H-Halimaw… ito ba ang tinatagong kahinaan ng Zhu?” bulong ng isa sa mga nanonood na tila kinalibutan sa kanyang nasaksihan.
“Kahibangan, sino man ang maniniwala nito ay isang malaking kalokohan.”
“Kung may tama man sa sinabi ng mandirigmang bilanggo, iyon ang Panginoon ng Kamatayan. Subalit hindi ito ang Punong Heneral. Dahil kung naging Heneral ang Pangalawang Xuren ng Zhu, natitiyak kong wala itong bubuhayin…”
Mabilis na nagbigay daan ang mga nakaharang na kawal ng imperyal ng humarap sa kanila ang Lu Ryen. Pakiramdamn nila ay hindi nababagay ang Pangalawang Xuren ng Zhu sa ganitong paligsahan. Isang malaking insulto sa pangalan nito ang mapabilang sa laro ng mga maharlika.
“Hindi ito ang inaasahan mo hindi ba?” natutuwang tanong ng batang ministro sa kanyang katabi. Lumalim ang tingin ng Punong Kawal ng imperyal sa Lu Ryen. Hindi malaman kung ano ang nasa isip nito. “Ano sa tingin mo?” nakangising baling ni Tien sa kaibigan. Alam niyang malalim ang interes ni Xian sa mga taong may angking kakayahan sa pakikipaglaban. At mabibilang lamang ang nakakapukaw ng interes nito.
“Wala siyang amoy.”
“Anak siya ng Punong Heneral na kilalang pinakadakilang tagasunod ng Emperador. Idagdag pang Pangunahing Konsorte niya ang Prinsesa. Hindi pa ba sapat iyon?”
“Tagasunod? Nakita mo bang yumuko siya sa pamilya ng imperyal?”
“Hindi ka nagpakita ng interes sa kanya ng una, kaya bakit binabantayan mo ang mga kilos niya?”
Napaisip si Xian sa tanong ni Tien. Totoong wala siyang interes na kilalanin ang Lu Ryen, ngunit ng maramdaman niyang kailangan ng Pangatlong Prinsipe ng kaibigang mapagkakatiwalaan nito. Nais niyang makasigurong hindi ito bibiguin ng Pangalawang Xuren ng Zhu.
“Xian, ito lamang ang mapapayo ko sayo bilang kaibigan. Tunay na isang misteryo ang Lu Ryen, ngunit ito ang isang bagay na hindi ko hahawakan hangga’t hindi ko nasisigurong hindi ako mapapaso.” Hindi maaabot ni Tien ang posisyon niya bilang pinakabatang ministrong pumasok ng imperyal kung hindi siya marunong tumingin ng taong dapat niyang iwasan.
Makahulugang tinignan ng Punong kawal ang Ministro. “Kaya ba mahigpit ang hawak mo sa Pangatlong Prinsipe? Paano ka nakakasigurong ito ang kagustuhan niya?”
“Sa tingin mo naproprotektahan mo ang lahat dahil wala kang pinapanigan? Kapag dumating ang araw na pinayuhan ka ng Emperador na bitawan ang Pang-anim na Prinsipe, sinong ililigtas mo?” bumalik ang tingin ni Tien sa Lu Ryen. “Bakit hindi mo kunin ang pagkakataong ito na matuto mula sa kanya. Hindi nagdalawang isip ang Lu Ryen na pakawalan ang kanyang patalim sa mga bilanggo ng sandaling insultuhin nito ang Punong Heneral. Pagpapakita na hindi ito yuyuko sa sino mang tatapak sa pangalan ng kanyang pamilya.”
Pumasok ang makukulay na mananayaw sa entablado ng tunggalian matapos linisin ng mga kawal ang katawan ng mga bilanggo. Mistulang walang nalagas na mga buhay ng muling magdiwang ang mga tao. Ang ilang prinsipe na lubhang nasugatan ay dinala sa pagamutan ng imperyal. Walang nasawi sa hanay ng mga maharlika subalit pito lamang ang natira sa maaaring pumasok sa susunod na tunggalian.
Iniiwasan ng paligsahang ito ang hidwaan sa pagitan ng mga kaharian, kaya naman mga bilanggo ang ginamit upang maging katunggali ng mga Prinsipe sa unang yugto ng laro. Sa pangalawang pagsubok ay isasalin ang mga Prinsipe sa pag-inom ng sampung kopa na matatapang na alak. Pagkatapos silang painumin ng nakakalasing na inumin ay pauulanan sila ng mga palaso na dapat nilang iwasan, kung hindi nila nanaising magkapirapiraso ang kanilang katawan.
Ang alak na inihanda para sa kanila ay katumbas ng isang malaking palyok ang epekto. Sadyang tinimpla ang nasabing alak para sa larong ito.
Hindi pa man nakakalapit si Yura ay inaatake na ang pang-amoy niya ng matapang na likido. Kahit ang ordinaryong tao ay mahihilo hindi pa man ito naiinom. Paano ito malalagpasan ng Pangalawang Xuren ng Zhu na kasing talas ng asong lobo ang pang-amoy? Tinignan ni Yura ang panyong tinahi ng kanyang Ina na nilapatan ni Yeho ng medisina, kahit wala ang presensiya ng kanyang pamilya nararamdaman ni Yura ang proteksyong binibigay ng mga ito sa kanya. Kung si Yanru ang nasa posisyon niya, natitiyak niyang lalaban ito ng patas at hindi ito gagamit ng ibang daan upang maipanalo ang isang paligsahan. Kahit na alam nitong may bahid ng pandaraya ang kanyang mga katunggali, mas nanaisin nitong matapos ang laro ng may dignidad kahit na matalo ito. Para kay Yura ay isa itong malaking kahangalan na namana ni Yanru sa kanilang Ama, dahilan kung bakit mas nakikinig siya kay Yeho.
Isa-isang lumapit ang mga Prinsipe sa mga kopang nasalinan ng mga alak. Nang lumapat sa labi ni Yura ang likido, nalasahan niya ang bakas ng lason na naipahid sa gilid ng kopa. Lason na nawawala kapag natutuyo at nagiging matalim kapag nababasa. Kaya naman kailangan ng likido upang maging epektibo ito. Kung magtagumpay man ang mga ito na masawi siya pagkatapos niyang matamaan ng mga palaso, walang maiiwang ebidensiya dahil wala sa alak ang tunay na lason. Sadyang tuso ang nakaisip nito dahil bawat yugto ng paligsahan ay hindi nito nakalimutang tamnan ng pain na nakadisenyo para lamang sa kanya. Sunod-sunod ang paglagok ni Yura ng alak kahit na batid niyang hindi lamang siya nilalasing ng inumin.
Walang bumagsak sa mga Prinsipe matapos nilang inumin ang sampung kopa na hinanda sa kanila. Nakakatayo parin sila ng tuwid ng sumunod silang paulanan ng mga palaso. Sadyang tunay na sila ang karapat-dapat na representante ng kanilang kaharian. Nagawa nilang iwasan at tamaan ang mga palaso gamit ang kanilang mga sandata.
Napasinghap ng malalim ang mga nanonood ng makita nilang sinalubong ng Lu Ryen ang mga palaso na tila mga patak lamang ito ng ulan. Ang nakakahindak na mga patalim ay nagmistulang laruan lamang sa kanyang mga kamay. Simple at hindi komplikado ang mga kilos ng Lu Ryen kung ikukumpara sa mga Prinsipe na nagpapakita ng kanilang husay sa paggamit ng sandata.
Mistulang nagpagpag lamang si Yura ng dulo ng kanyang roba ng matapos ang pangalawang yugto ng paligsahan.
Sa halip na paghanga ay matalim na tingin ang binigay ng mga Prinsipe sa Lu Ryen. Pakiramdam nila ay ginanap ang larong ito upang ipamalas sa lahat ang hindi pangkaraniwang kahusayan na dumadalaoy sa dugo ng Zhu.
Nang mapag-isa si Yura sa silid pahingaan na hinanda sa kanya, sinimulan niyang ibaon ang ilang karayum sa kanyang kamay. Nagsimulang maglabasan ang itim na mga lason na kumakalat ngayon sa kanyang katawan.
Sadya bang umangat ang tingin ng Emperador sa kanya kaya napakatalim ng ginamit nitong lason? Sinanay man siya ni Yeho sa matatapang na medisina na maituturing na mapanganib sa katawan ngunit hindi niya ito inabuso.
Sa paglabas ng itim na likido ay pagkagat ni Yura sa panyong nakaipit sa kanyang mga labi. Pilit na nilalabanan niya ang panlalabo ng kanyang paningin.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Xian: Punong Kawal ng Imperyal
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply