Nalagas ang mga tuyong dahon mula sa mga puno ng dumaan ang tatlong nakasakay sa kabayo. Sa bilis ng kanilang pagpapatakbo, nag-iiwan ito sa daan ng malalalim na bakas. Habang humahaba ang kanilang paglalakbay ay lalong bumibilis ang kanilang takbo na tila nagmamadali.
Pasikat na ang araw ng ipagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay pabalik sa silangang imperyo. Mistulang wala na silang planong tumigil ng biglang huminto ang isa sa tatlong nakasakay ng kabayo.
“Xuren?”
Tawag kay Yura ng isa sa kanyang mga bantay. Sinenyasan niya itong tumahik ng muling tumunog ang huni ng mga ibon. Agad itong naintindihan ni Won, ang kaliwang bantay ni Yura. Mabilis na bumaba ito ng kabayo at nilapat ang palad sa lupa upang pakiramdaman ang paligid. Labas pasok sila sa bundok kaya madali nilang makilala ang tunay na huni ng mga ibon sa tunog na likha ng tao.
“Malayo sila sa atin, sa tingin ko ay hindi tayo ang pakay nila.” Si Won ng masiguro niyang lumalayo sa direksiyon nila ang mga bandido.
“Xuren, bakit hindi muna tayo magpahinga? Siguradong gutom na ang mga kabayo natin sa mahabang paglalakbay.” mungkahi ni Kaori, ang isa pang bantay ni Yura.
“Hindi kaya ang tiyan mo ang nagugutom?” puna dito ni Won.
Namula ang buong mukha ni Kaori sa narinig. Galit na bumaba ito ng kabayo nito at hinarap si Won. Nang magtapat ang dalawa makikita ang laki ng diperensya nila sa isa’t-isa. Matangkad na tao si Won kaya madali itong mahanap kahit ilagay ito sa napakaraming tao. Kabaliktaran ni Kaori na mistulang sampung taong gulang lamang dahil sa mabagal na paglaki nito kahit na parehong taon sila pinanganak.
Hindi lamang ang kanilang panlabas na anyo ang lubos na magkaiba, kundi maging ang mga kilos at aksyon nila ay malayo sa isa’t-isa. Kahit na magkasama silang lumaki sa tahanan ng Punong Heneral at iisang Xuren ang kanilang pinagsisilbihan, hindi parin sila mapagkasundo.
“Nakalimutan mo na bang ikaw ang umubos ng buong manok na inihaw ko kagabi?” nanggigigil na tanong ni Kaori dito.
“Ilang ulit ko bang sasabihin sayo na ligaw na lobo ang tumangay nito. Kung hindi ka umalis para humuli ng kuneho hindi iyon mawawala.” Kalmadong tugon ni Won na tila hindi apektado sa hinaing nito.
“Kung binantayan mo ito, hindi mananakaw ang manok ko.” Giit ni Kaori.
“Ang tungkulin ko ay bantayan ang Xuren at hindi ang manok mo-“
Natigil ang bangayan ng dalawa ng makarinig sila ng sagupaan ng mga armas. Ang ingay ng labanan ay nakamamatay, hindi na lamang ito simpleng pangingikil ng mga bandido kundi may halong panganib ang intensiyon ng mga ito. Sabay na napatingin ang dalawang bantay kay Yura at hinihintay ang pahintulot nito.
“Bakit di muna tayo tumigil at magpahinga.”
Nang marinig ni Won ang pasya ng Xuren mabilis itong nawala na tila dumaan ang matalim na hangin. Mga ilang sandali lang ang lumipas ng muli itong bumalik sa tabi ni Yura.
“Xuren, inaatake ng mga bandido ang karwahe ng isang maharlika. Base sa pakikipaglaban ng mga bantay, natitiyak kong kawal sila ng pamilya ng imperyal.” Kahit nakasuot ng pang-ordinaryong kasuotan ang nagbabantay sa dilaw na karwahe hindi makakaligtas sa kaliwang bantay ang paraan ng pakikipaglaban ng mga ito.
Nang marinig ni Yura ang pamilya ng imperyal, nawala ang interes niya at bahagyang lumamig ang kanyang ekspresiyon. Hindi siya bumaba ng kanyang kabayo sa halip ay pinatakbo niya ito palayo sa lugar. Mabilis naman na humabol sa kanya ang dalawa na kagyat ding sumakay ng kanilang kabayo.
“Xuren, hindi mga ordinaryong bandido ang umaatake sa kanila.” Dagdag ni Won. Kung simpleng mga tulisan lamang ang mga ito, hindi mahihirapan ang mga kawal ng imperyal na sila ay lupigin. Nang makita ni Won na hindi apektado ang Xuren nila, nagsimula na siyang mag-alala. Hindi siya nangangamba sa myembro ng imperyal na nasa loob ng karwahe kundi sa Xuren niya. Hindi niya gustong pagsisihan nito ang desisyon nito ngayon.
“Halos madurog ang kamay ng mga kapatid nating mandirigma sa pagsasanay upang protektahan ang lupaing ito. Isinakripisyo nila ang ordinaryo nilang buhay para maging tahimik ang buhay ng mas nakakarami. Kung mamatay man sila, hindi ito para sa pamilya ng imperyal kundi para sa libo-libong pamilya ng Salum. Kung hindi kayang protektahan ng mga anak ng Emperador ang sarili nila, wala silang karapatang mamuno.”
Iyon ang mga salitang narinig nila mula kay Yura ng isang batalyon ng mga mandirigmang Goro ang ibinuwis upang protekhan ang Pangalawang Prinsipe. Hindi na nakabalik ang mga kapatid nilang kasama nilang lumaki at nagsanay dahil ang mga ito ang nagsilbing pain para sa mga kalaban ng Pangalawang Prinsipe. Hindi nila masisisi ang Xuren kung bakit malalim ang pagkamuhi nito sa pamilya ng imperyal. Bawat digmaan na dinedeklara ng Emperador ay hudyat na paglagas ng kanilang mga kapatid. Ang pagpapalawak nito ng teritoryo ay nangangahulugan ng patuloy na pagdanak ng dugo.
Bahagyang napapikit si Yura ng marinig niya ang hiyaw ng mga kawal.
“Protektahan niyo ang Prinsesa!”
Hinila ni Yura ang renda ng kabayo upang pihitin ito pabalik. Walang tanong na muli siyang sinundan ng kanyang mga bantay. Nakahinga ng maluwag si Won ng marinig niyang Prinsesa ang nasa loob ng karwahe. Gaano man kalaki ang galit nito sa Emperador, mahina ang Xuren nila pagdating sa mga babaeng nangangailangan ng proteksiyon.
Nabuwag ng mga bandido ang pormasyon ng mga kawal na nakapalibot sa karwahe. Bihasa man ang mga kawal ng imperyal, wala parin silang laban dahil nasa teritoryo sila ng mga tulisan. Nawasak ng mga bandido ang karwahe at nabigo ang mga kawal na protektahan ang Prinsesa. Marami ng nasawi sa parte ng mga ito at ang ilang natitira ay nasa huli na ng kanilang hininga. Nang tuluyang mawasak ang karwahe, bumungad sa mga bandido ang isang binibining maharlika. Ito ang Prinsesa ng Emperatris na tinuturing na bituin ng imperyo. Naglalaway na pinaligiran ito ng mababangis na tulisan. Sa pagkakataong ito ay hindi pilak at ginto ang nais nilang nakawin.
“Mga lapastangan! Wala kayong karapatang lumapit sa akin!” pilit na tinatago ng Prinsesa ang takot sa kanyang mga mata ng palibutan siya ng mga bandido. Kung alam niya lang na mangyayari ito sa kanya, hindi na sana niya sinuway ang kanyang Amang Emperador upang takasan ang itinakdang kasal niya sa anak ng Punong Heneral.
Sumabog ang malakas na halakhakan mula sa mga bandido ng marinig nila ang winika ng Prinsesa. Nang malaman nilang maharlika ang aatakihin nila. Napuno sila ng pananabik na makapaghiganti, sa ganitong paraan nila mabibigyan ng hustisiya ang kawalang-hiyaan na ginawa sa kanila ng mga maharlika at opisyales ng imperyo. Sila ang mga takas na kinulong na walang kasalanan, mga alipin na tinuring na mas mababa pa sa hayop. Ninakawan ng dangal at binabad sa matinding kahihiyan. Kaya naman gusto nilang iparamdam sa mga maharlika ang ipinaranas ng mga ito sa kanila.
“Kamahalan, kilala mo ba kung sino ang nasa harapan mo? Kami ang mga bandido na dumudurog at naglilibing ng buhay sa bawat maharlikang nahuhuli namin. Subalit dahil espesyal ka, mas magaan ang parusang matatanggap mo.”
Muling sumabog ang malakas na halakhakan mula sa mga bandido ng marinig nila ang sinabi ng kanilang Pinuno. Lumapit ang Pinuno ng mga bandido sa Prinsesa at marahas na hinila nito ang mahabang manggas na kasuotan ng Prinsesa dahilan upang mapunit ito at mahati sa gitna. Kumulog muli ang mga hiyawan at makikita ang matinding pagnanasa sa kanilang mga mata.
Hindi lang damit ang napunit kay Keya kundi maging ang kanyang dignidad bilang Pangunahing Prinsesa ng Salum ang nasira. Mas nanaisin niya pang mamatay sa sarili niyang kamay sa halip na mamatay sa kamay ng mga ito. Pumikit siya ng mariin at walang pag-aalinlangan hinugot niya ang aguhilya na nakasuksuk sa kanyang buhok upang wakasan ang buhay niya.
Hindi niya naramdamang bumaon ang aguhilya sa kanyang leeg kundi may mabilis na kamay ang pumigil sa kanya.
Lumitaw ang dalawang nakaitim na lalaki na agad na sumugod sa mga bandido. Ni hindi nila namalayan ang pagdating ng mga ito. Tila isang matalim na hangin ang dumaan na humiwa sa kanilang mga kasamahan. Ang ilan ay nakangiti pang bumagsak na di namamalayang wala na silang hininga. Nang lumapag ang dahon na nahulog mula sa puno ay pagbagsak din ng apat na bandido. Napalitan ng kilabot ang tuwang nararamdaman nila ng sunod-sunod na bumagsak ang iba pa sa lupa na wala ng buhay.
Sa isang iglap, apat na tao na lamang ang nakatayo. Tumahimik ang paligid at namatay ang mga hiyawan na naririnig kanina lamang sa sulok ng kagubatan.
Nang buksan ni Keya ang kanyang mga mata. Nakadapa na sa lupa ang mga bandidong nakapaligid sa kanya kanina. kinikilabutang napatingin si Keya sa kamay na mahigpit na nakahawak sa kanya. Nagpumiglas siya at kumawala mula dito. Nang lingunin ni Keya ang taong humawak sa kanya, matagal siyang natigilan ng di namamalayang nabitawan niya ang aguhilyang regalo sa kanya ng kanyang Ama.
Nabingi si Keya sa lakas ng pintig ng kanyang dibdib. Ang takot ay napalitan ng matinding kaba na di niya mawari. Nanatili siyang natitigilan ng hubarin nito ang sarili nitong kapa upang itakip sa nakalantad niyang balat. Yumuko ang estranghero upang pulutin ang aguhilyang nahulog niya sa lupa, nang ibalik nito iyon sa kanyang palad doon lamang siya natauhan. Namuo ang pamumula sa mukha ng Prinsesa ng mapagtanto ang nangyari sa kanyang kasuotan, mabilis na binalot niya ang sarili.
“Parating na ang mga kawal na naghahanap sa inyo.” Si Yura ng marinig niya ang kalampag ng daang-daang mga kawal na pinadala ng Emperador upang hanapin ang Prinsesa. “Mas makakabuti kung manatili kayo dito.” Sa ganoong paraan ay mabilis itong mahahanap. Sinenyasan ni Yura ang dalawang bantay na lisanin na nila ang lugar.
Akmang pipigilan ito ni Keya ng malamig na hangin ang nahawakan niya. Matagal na nakatingin ang Prinsesa sa pinaglahuan ng estranghero. May parte ng puso niya ang sumikip ng mawala ito sa kanyang paningin.
“Mahal na Prinsesa?!” dali-daling pinatakbo ng mga kawal ang kanilang mga kabayo ng matagpuan nila ang Prinsesa ng Emperatris. Nakahinga sila ng maluwag ng malamang ligtas ito. Kung may nangyaring masama sa Prinsesa, kamatayan ang magiging hatol sa kanila ng Emperador pagbalik nila sa Palasyo ng imperyal.
Ang nanghihinang anyo ng Prinsesa ay naging matigas ng makita niya ang pagdating ng kanyang mga kawal.
“Magmadali kayo, nais kong hanapin niyo ang lalaking nagligtas sa akin. Hindi pa sila nakakalayo kaya natitiyak kong matatagpuan niyo sila.”
“Kamahalan, lubos pong nag-aalala sa inyo ang Emperador at Emperatris. Kailangan niyo na pong bumalik.” Magalang na wika ng pinuno ng mga kawal sa Prinsesa.
“Hindi mo ba ako narinig? Gusto kong hanapin niyo ang lalaking nagligtas sa akin! Hindi ko kayo pahihintulutang makabalik sa palasyo hangga’t hindi niyo siya nahahanap!”
Leave a Reply