Sa pagsara ng pinto sa likod ni Yura ay pagkapit ng kamay niya sa haligi ng kanyang silid. Marahan niyang sinandal ang katawan at hinayaan ang sariling maupos sa malamig na sahig. Marahang bumaba ang talukap ni Yura… hinayaan niyang balutin ng dilim ang kanyang paningin. Muli niyang naramdaman ang sarili niyang presensiya ng tuluyang pasukin ng lason ang kasuluksulukan ng kanyang laman. Ang pakiramdam na pinupunit siya ng pinung-pino ay hindi na bago sa kanyang katawan. Madalas ay tinatanggap niya ang magdamag na bangungut upang hindi mabuhay ang katawan niya sa gamot. Kung malalagpasan niya ang araw na ito, kusang maghihilom ang lason sa katawan niya ng hindi nalalapatan ng lunas.
“Lu Ryen…”
Bumukas ang mga mata ni Yura. Mahigpit ang bilin niya sa kanyang Punong Katiwala na hindi siya tatanggap ng sino mang panauhin sa mga oras na ito.
“Narito po ang Pangatlong Prinsipe, nais niya po kayong makita.” Wala ng nagawa si Dao ng nagtuloy-tuloy ang Prinsipe sa kanilang Palasyo. Hindi niya maintindihan kung bakit nag-aalala ito gayong dumating ang kanilang Lu Ryen na walang kahit na ano mang galos sa katawan. Lubos siyang nagulat at namangha ng malaman niya ang nangyari sa paligsahan. Kahit na may tiwala siya sa kakayahan ng Lu Ryen ay hindi iyon ang inaasahan niyang kaya nitong gawin. “Lu Ryen?” ulit ni Dao ng wala siyang marinig na tugon mula sa loob.
“Buksan mo ang pinto.” mariing utos ni Yiju sa Punong Katiwala. Nais niyang kumpirmahin ang mensaheng nasa likod ng mga katagang binitiwan ni Siyon.
“Kamahalan-” hindi na nagawang tutulan ni Dao ang Pangatlong Prinsipe ng ito na mismo ang nagbukas ng pinto at pumasok sa loob ng silid. Napalitan ng pagtataka ang pag-aalala ng Punong katiwala ng hindi nila nakita ang Lu Ryen. Walang bakas ng anino nito sa loob.
Naramdaman ni Yiju ang simoy ng hangin na nanggagaling sa nakabukas na durungawan ng silid…
Pigil ang hiningang itinago ni Yura ang kanyang presensiya. Sa gitna ng bigat ng kanyang nararamdaman, hindi maririnig ang kaluskos ng kanyang mga hakbang.
Hindi namalayan ng mga alipin na nagbubuhat ng kahoy na panggatong ang anino na dumaan sa likod nila.
Hindi lamang paningin ni Yura ang nanlalabo kundi maging ang kanyang isipan ay nagbabantang bumigay. Nang mahagip ng kanyang paningin ang puting ibong dumaan sa kanyang harapan, wala sa sariling sinundan niya ito. Pumasok ang ibon sa pader ng isang palasyo.
Malakas na bumahing ang nagbabantay na kawal at hindi nito nakita ang aninong dumaan sa kanila.
Niligaw si Yura ng ibon sa isang hardin na may matatayog na mga halaman, sa kabila ng hindi pamilyar na lugar. Ramdam ni Yura na walang presensiya ng tao sa paligid. Nang masiguro niyang mag-isa na lamang siya, bumagsak ang katawan niya sa makapal na damo.
Maliban sa kanyang pamilya, wala siyang ibang maaaring pagkatiwalaan. Maging sa kanyang dalawang bantay na handang ilahad ang kanilang buhay sa kanyang palad ay hindi niya mapagbuksan ng kanyang lihim. Sa huli, ang maaari niya lang gawin ay itago ang sarili niya sa isang madilim na sulok at indain ang matalim na lasong bumabaon sa kanya ng mag-isa. Ang alimyon ng damo na yumayakap sa balat niya ang huling nalanghap ni Yura bago siya tuluyang lamunin ng dilim. Huli na para mamalayan niya ang mga hakbang papunta sa kanyang kinaroroonan…
Tumigil ang Pang-anim na Prinsipe ng masilayan niya ang hindi imbitadong panauhin sa kanyang hardin. Matagal na nakatunghay ang Prinsipe sa walang malay na Lu Ryen, tila pinag-aaralan niya kung bakit ito pumasok sa teritoryo niya sa ganitong kalagayan?
Tinakasan ni Hanju ang pinsan niya na natutuwang nagsasalaysay ng nangyari sa paligsahan. Wala itong interes ng ganoong mga laro, ngunit dahil naroon ang Pangalawang Xuren ng Zhu. Hindi ito pinalagpas ni Jing. Nanginginig ang boses nito sa sobrang pagkamangha na nagtulak kay Hanju upang lumabas at maghanap ng lugar na hindi naririnig ang boses ng pinsan nito. Na ang tanging lumalabas ay pangalan ng Lu Ryen na nasa hardin ngayon ng Pang-anim Prinsipe.
Nanatili si Hanju sa kanyang kinatatayuan. Sa mata ng ordinaryong tao, iisipin na natutulog lamang ito. Ngunit sa tingin ng Pang-anim na Prinsipe, tinatakasan na ng buhay ang Lu Ryen. Hindi na halos maramdaman ang paghinga nito. Kung hindi niya nakilala ang Pangalawang Xuren ng Zhu sa pangangaso, hindi siya maniniwalang iisa ang taong tinutukoy ng pinsan niya na nanalo sa paligsahan at ang taong mistulang wala ng buhay sa kanyang harapan.
Walang intensiyon ang Pang-anim na Prinsipe na tulungan ang Lu Ryen, ngunit kung may mangyayari dito sa loob ng kanyang teritoryo… hindi na niya gustong isipin ang kahihinatnan na maaaring maganap. Idagdag na Konsorte nito ang Prinsesa ng Emperatris at ito ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral, natitiyak ni Hanju na mabubulabog ang susunod na mga araw niya. Hindi na lamang ang pinsan niya ang kailangan niyang iwasan kundi ang malalaking tao sa imperyo ng Salum.
Nilapit ni Hanju ang daliri sa ilong ni Yura. Naramdaman ng Pang-anim na Prinsipe na mabagal lamang ang paghinga nito. Di naiwasang nasagi ng daliri ng Prinsipe ang labi ng Lu Ryen. Mistulang napaso siya ng bawiin niya ang kanyang kamay. Lumalim ang tingin ni Hanju sa parteng iyon, hindi ito maputla na tila may bahid ng presa ang kulay. Maging ang balat nito ay hindi namumutla, sadyang maliwanag lang ang kulay ng balat ng Lu Ryen…
Tumindig ang Pang-anim na Prinsipe ng hindi na muling tinapunan ng tingin ang Lu Ryen, napagtanto niyang kailangan lamang nito ng pahinga. Marahil ay magigising din ito pagkalipas ng ilang sandali. Mula sa malayo ay naghihintay si Hanju, ngunit lalapag na ang dilim ay wala parin siyang naririnig na kaluskos mula sa madilim na sulok ng kanyang hardin. Lihim na napahugot ng malalim ang Prinsipe.
Ang Xuren ng Zhu ay walang damdamin. Wala siyang awa sa kanyang kalaban ngunit mas malupit siya sa kanyang sarili. Hindi nito binigyan ng pagkakataong ang Emperador na magdiwang sa kaarawan nito. Subalit iniwan ng Lu Ryen ang sarili nito ng walang proteksiyon. Batid ni Hanju na sa sandaling magising ito, kamatayan ang magiging hatol ng Lu Ryen sa sino mang makatuklas ng kahinaan nito.
Tahimik na pumasok ang Prinsipe sa kanyang silid, at sa kanyang bisig ay maingat na hawak nito Pangalawang Xuren ng Zhu…
Leave a Reply