Nang mailigaw ng tatlo ang mga sumusunod sa kanila, pinili nilang tahakin ang makipot subalit pinakamalapit na daan upang makarating ng maaga sa tahanan ng Punong Heneral.

 

Nababahalang napatingin ang kanang bantay kay Yura ng maramdaman niya ang kagustuhan nitong makabalik. “Xuren, may natanggap po ba kayong masamang balita mula sa Punong Heneral?” hindi mapigilang tanong ni Kaori. Wala siyang narinig na tugon mula rito subalit sapat na iyon upang madagdagan ang pangamba niya. Kapag naglalakbay sila ng Xuren sa malayong lugar, umaabot sila ng dalawang buwan bago makabalik. Hindi tumitigil ang Xuren hangga’t hindi nito nararating ang dulo ng isang lupain. Subalit sa pagkakataong ito, hindi pa man sila nakakalayo ay tumigil na sila ng makatanggap ito ng liham mula sa Punong Heneral.

 

Nanatiling walang tugon si Yura sa tanong ng kanyang bantay. Nang sabihin ng kanyang Ama sa sulat na hindi siya maaaring bumalik hangga’t wala itong pahintulot. Alam niyang kabaliktaran nito ang nais ipahiwatig ng mensahe. Kilala niya ang kanyang Ama. Hindi ito marunong magtago. Kung aatake man ito ay sinisigurado nitong handa ang kalaban nito. Nasa kanilang abilidad kung may kakayahan silang salubungin ang atake. Maliban sa Emperador, wala itong inaatrasan. Sumungaw ang matalim na yelo sa mga mata ni Yura ng maisip niyang may kinalaman ang pamilya ng imperyal sa pagpapalayo sa kanya ng kanyang Ama.

 

Lubhang makipot ang daan na tinatahak ng tatlo, at sa gilid nito ay nag-aabang ang malalim na bangin. Sa kanila namang unahan ay may nakaharang na malalaking troso.

 

Isang nakaasul na lalaki ang tumutulong sa isang matandang lalaki na makatawid sa nakaharang na bumagsak na punong kahoy.

 

Kumaway ang nakaasul na lalaki ng makita nitong may paparating na manlalakbay na maaaring tumulong sa kanila. Napilay ang matanda kaya kailangan niya itong maihatid sa bayan upang maipagamot. Ang kabayo niya naman ay naduduwag na dumaan sa gilid ng bangin kaya hindi niya ito masakyan. Nabuhayan siya ng loob ng matanaw niya ang mga paparating na manlalakbay, subalit nawala ang ngiti niya ng makita niyang wala silang balak huminto at mas lalo pang bumilis ang kanilang pagpapatakbo habang papalapit ang mga ito sa kanila.

 

Sa maikling sandali, huminto ang oras ng nakaasul na lalaki ng magtama ang tingin nila ng manlalakbay na walang suot na kapa. Subalit naalarma siya ng maliksing tumalon ang mga kabayo ng mga ito sa malalaking troso, mabilis na tinakpan niya ang matanda ng tumawid ang mga ito at nilagpasan sila. Hindi makapaniwalang sinundan ng tingin ng nakaasul na lalaki ang tatlong nakaitim na nakasakay sa kabayo habang papalayo na ang mga ito. “Nasaktan po ba kayo?” tanong niya sa matanda ng matauhan siya.

 

“Kayo Ginoo nasaktan po ba kayo?” balik tanong ng matanda sa nakaasul ng makita nitong namumutla ito.

 

Nagtatakang tinignan ng nakaasul na lalaki ang nanginginig niyang kamay. Maraming nangyari sa kanya ngayong araw na ito. Hindi niya napigilan ang pagtakas ng kanyang kapatid. Naduwag ang kabayo niyang tumawid sa gilid ng bangin kaya naiwan siyang naglalakad sa gitna ng kakahuyan. Natagpuan niya ang napilay na matanda kaya tumigil siya upang tulungan ito. Ngayon naman ay muntik na siyang madurog ng mga kabayo. Tinago niya ang pait sa kanyang dibdib at muling binuhat ang matanda sa kanyang likod. Huminto siya sa paglalakad ng isang piraso ng tela ang hinangin papunta sa kanya. Tatlong guhit na hugis tatsulok ang nasa tahi ng panyo. Muling napako ang tingin niya sa pinaglahuan ng tatlong nakaitim na lalaki.

 

Nabulabog ang kabundukan sa paghahanap ng mga kawal sa mga taong nagligtas sa prinsesa. Lumatag na ang dilim ay ni anino ng mga ito ay hindi nila natagpuan. Mabigat ang loob na bumalik ang prinsesa sa palasyo ng imperyal upang harapin ang naghihintay sa kanya.

 

Samantala, isang nakakabinging katahimikan ang maririnig sa tahanan ng Punong Heneral ng dumating ang tatlong manlalakbay. Kinakabahang sinalubong si Yura ng kanilang mga tauhan ng bumaba siya ng kanyang kabayo. Sa likod niya ay nakasunod ang mga tauhang pinadala ng kanyang Ama upang harangin siyang pumasok ng kapitolyo.

 

Gaano man kahusay ang mga pinadala nitong mandirigma, mas matalim parin ang dalawang bantay na hinasa ng sarili niyang mga kamay.

 

Inutusan ni Won ang mga tagapaglikod na alalayan ang mga ito sa pagamutan ng kanilang Xirin.

 

Nang makarating kay Yeho ang balitang dumating na ang kanyang kapatid. Hindi ito kababakasan ng ano mang pagkabigla, na tila inaasahan na nitong darating ito ng mas maaga sa inaakala niya.

 

“Batid kong alam mo na ang dahilan kung bakit kita pinatawag.” Salubong ni Yeho kay Yura.

 

Nang makapasok si Yura sa loob ng kapitolyo, narinig niya ang mga bulung-bulungan ng mga tao tungkol sa plano ng Emperador na pagpapakasal ng kanyang pinakamamahal na Prinsesa sa anak ng Punong Heneral.

 

Niluwagan ni Yura ang pagkakatali ng kanyang manggas bago niya sinalubong ang tingin ng kanyang kapatid. “Nais mong pasukin ko ang pamilya ng imperyal?” Hindi ang kanyang Ama ang sumulat ng liham kundi si Yeho. Palihim nitong binago ang laman ng sulat na nangangahulugang hindi sumasang-ayon ang kanilang Ama. Hindi niya ito maaaring ipagsawalang bahala dahil hindi gagawa si Yeho ng isang bagay na walang malalim na dahilan.

 

“Kung kagustuhan ko ang masusunod, hindi ko papayagang malagay ka sa panganib. Subalit ito ang nakikita namin ni Yanru na pinakamainam na hakbang na kailangan nating gawin. Nagsisimula na silang magparamdam, at hindi na lamang palihim ang ginagawa nilang pagkilos.”

 

“At ang Hukbong Goro ang gagamiting pangsanggalan ng Emperador sa sino mang maghimagsik laban sa kanya.” paglilinaw ni Yura.

 

“Iyon ang bagay na hindi natin pahihintulutang mangyari.” Pahayag ni Yanru ng dumating ito sa loob ng silid. Malamig ang paninging nilapitan nito si Yura. “Sinanay kita hindi para sumama sa akin sa pakikidigma kundi upang maprotektahan mo ang sarili mo. Pinagbawalan kitang pumasok sa hukbo hindi dahil hindi ko kinikilala ang kakayahan mo kundi dahil kapatid kita. Hindi ko gugustuhing maukit sa isipan mo ang bawat patak ng dugo na binibuwis sa digmaan. Ngunit ngayon, nakikiusap ako sayo na protektahan mo ang pamilya natin. Huwag mong hayaang mapahamak ang ating angkan. At huwag mong papayagang magbuwis ng buhay ang ating mga kapatid na mandirigma sa mga laban na walang kabuluhan.”

 

“Yanru, kung tatalikuran ko ang pamilyang ito. Matagal na akong nawala. Hindi ko kailangang marinig ito mula sayo dahil alam ko kung ano ang dapat kong gawin.”

 

Pumagitna si Yeho ng maramdaman niya ang matinding tensiyon sa pagitan ng dalawa niyang kapatid. Nang maliliit pa sila, hindi ganito kalamig ang relasyon ni Yura kay Yanru. Noon ay halos hindi mapaghiwalay ang dalawa sa sobrang lapit nila sa isat-isa. Nagsimula lamang lumamig ang pakikitungo ni Yura kay Yanru ng hindi siya nito payagang sumama sa digmaan upang tulungan ang kanilang Ama. Nang mga panahong iyon ay nalagay sa matinding panganib ang Punong Heneral at maraming Goro ang naisakripisyo. Hindi matanggap ni Yura na pagkatapos siyang ibabad sa matinding pagsasanay, ikukulong lamang siya ni Yanru sa panahon ng panganib.

 

“Mas mabuti pang magpahinga ka muna bago natin ito pag-usapan.” Si Yeho kay Yura. “Sinamahan ni Ama si Ina sa Templo ng Siam, dalawang araw pa bago sila muling makabalik. Nandito ka na, wala na siyang magagawa kundi sumang-ayon sa plano natin.”

 

Walang tugon na nilisan ni Yura ang silid at iniwan ang dalawa niyang kapatid.

 

“Dapat mo ba talaga iyong sabihin sa kanya?” Si Yeho kay Yanru.

 

“Sinabi ko lang ang mga bagay na hindi mo kayang sabihin. Masyado kang malambot sa kanya kaya nagiging mahina siya.”

 

“At ikaw? Masyado kang naging matigas kaya lalong lumalayo ang loob niya sayo.”

 

Walang tugon na nilisan din ni Yanru ang silid matapos iyong marinig kay Yeho. Ginagawa niya lang ang sa tingin niyang tama na kahit na minsan ay naaalala niya ang imahe ng bunso nila na laging nakakapit sa kanya.