Magkasabay na nagbukas ang dalawang silid ng Fenglein. Lumabas sa isang pinto ang nakaputing Xuren at sa kabilang pinto si Yura. Tinakpan ni Yura ang kanyang ilong ng malanghap ang amoy ng matapang na alak.

 

“Ju!” tawag ng nakaberdeng lalaki na sumunod na lumabas ng pinto. “Pinangako mo sa akin na gagawin mo ang lahat ng gusto ko. May isa kang salita, hindi mo maaaring baliin ang pangako mo.” Hinarang ng nakaberdeng Xuren ang pag-alis ng nakaputing Xuren na tinawag nitong Ju. Makikitang nahihilo na sa alak ang nakaputing Xuren subalit pinipilit parin nitong tumayo ng tuwid kahit nanlalabo na ang paningin nito.

 

“Pagbabawalan ko silang hawakan ka, kung hindi sila ang gusto mo papipiliin kita ng iba, sinasabi ko sayo, dito mo mahahanap ang ibat-ibang uri ng kagandahan–” natigilan ang nakaberdeng lalaki ng umangat ang kamay ng nakaputing Xuren at tinuro nito ang direksiyon ng kabilang pinto. Ngayon lang napansin ni Jing na matagal na nakatigil ang paningin ni Hanju sa direksiyong iyon.

 

“Gusto ko siya… siya ang gusto ko…”

 

Nag-aalalang lumapit si Sena kay Yura ng makita niyang nagtakip ito ng ilong. Sensitibo ang pang-amoy ni Yura pagdating sa alak kaya mabilis na nilabas ni Sena ang kanyang panyo at nilapat sa ilong ni Yura.

 

Pinigilan ni Jing ang pag-awang ng kanyang bibig at pasimpleng sinilip niya ang direksiyong tinuro ni Hanju. Isang mabining Fenglin at nakaitim na Xuren ang nakita niya. “Sigurado ka bang siya ang gusto mo?” naaaliw na tanong ni Jing sa lasing niyang pinsan. Alam niyang mahina ito sa alak subalit hindi niya lubos akalaing isang kopa lang ang kailangan nito para malasing. Hindi pa man sila nagsisimula ay tinamaan na ito. Kung nandito lang si Xian at Tien upang masaksihan ito, nasisiguro niyang mamamangha ang dalawa sa kanya kung paano niya nalasing ang pinsan niya na lubos na nirerespeto ng dalawa.

 

“Siya ang gusto ko.” Mahina ngunit malinaw na ulit nito na hindi nakaligtas sa matalas na pandinig ni Yura.

 

Hinila ni Yura si Sena sa kanyang likod at malamig niyang tinignan ang nakaputing Xuren. “Hindi dahil gusto mo siya ay maaari mo na siyang makuha. Kung may kakayahan kang kunin siya sa akin bakit hindi mo subukan?” may bahid na panganib na tanong ni Yura.

 

Nawala ang pagkakangisi ni Jing ng matanggal ang kamay ng Fenglin na nakatakip sa kalahating mukha ng nakaitim na Xuren. Pakiramdam niya ay nabuhusan siya ng malamig na tubig ng makilala niya ito. Hindi siya maaaring magkamali, ilang ulit niyang pinaguhit ang mukha nito kaya imposibleng hindi niya ito makilala. Malaking anino ang humarang kay Jing ng subukan niya itong lapitan.

 

“Xuren, naghihintay na po ang karwahe sa labas.” Magalang na wika ni Won kay Yura, ngunit dumilim ang anyo nito ng mabaling ang atensiyon nito sa nakaberdeng lalaki.

 

Wala sa loob na napaatras si Jing ng makaramdam siya ng panganib mula sa bantay. Hindi niya lubos maisip na ang anak ng pinakamataas na Ministro ng silangang imperyo ay matatakot lamang sa isang bantay.

 

Hindi na muling tinapunan ni Yura ng tingin ang mga ito at nilisan ang lugar habang mahigpit na hawak ang kamay ni Sena.

 

Napako sa kinatatayuan si Jing dahil sa matalim na tingin sa kanya ng matangkad na bantay. Sumasaklolo ang tingin na nilingun niya si Hanju ngunit wala siyang nakitang ano mang reaksiyon mula dito dahil ang walang malay nitong mga mata ay nakasunod lamang sa papalayong Xuren. Hindi makapaniwalang nilapitan ni Jing ang pinsan niyang nahulog sa kawalan.

 

Binuksan ni Kaori ang pinto ng karwahe ng makita nitong lumabas ng Fenglein ang Xuren niya. Nagtaka siya ng hindi sumakay ang mga ito ng karwahe kundi sa kabayo niya. Naiwan siyang naguguluhan ng dumating Si Won. “Nais bang libutin ng Xuren ang buong kabisera kasama si Sena?” nagtatakang tanong ni Kaori.

 

“Masyadong matapang ang amoy ng alak sa loob. Kailangan niyang magpahangin.”

 

“Iyon ang isa pang bagay na hindi ko maintindihan. Mas matalas ang pang-amoy ng Xuren sa akin subalit natitiis niyang mapalibutan ng matatapang na amoy.”

 

“Marami ka naman talagang bagay na hindi naiintindihan.” Mariing tugon ni Won.

 

Hindi nagawang ipagtanggol ni Kaori ang sarili ng sumakay agad si Won sa kabayo nito at sinundan ang Xuren. Naiwan si Kaori kasama ang walang laman na karwahe.

 

Maliwanag ang buwan kaya kahit gabi ay makikita parin ang paligid na nadaraanan ng dalawang anino na nakasakay sa kabayo. Kahit matagal ng hindi nabibisita ni Yura ang kabisera, malabo parin na maligaw siya. Sapat na ang minsan upang maalala niya ang mga daan.

 

“Xuren, hindi parin kayo nagbabago.” Puna ni Sena. “Lumalabas lamang kayo ng gabi sa tuwing gusto niyong bumisita sa kabisera.”

 

“Iyon ay dahil mas makulay ang gabi sa umaga.” Madilim man ang paligid mas makulay naman sa paningin ni Yura ang liwanag mula sa ibat-ibang lampara na nakakalat sa kabayanan. At maging ang mga bituin sa kalangitan na nagsisilbing araw ng gabi ay labis na makulay kumpara sa sikat ng araw.

 

“Nalulungkot ako hindi lang dahil mahihirapan na akong makita kayo sa sandaling pumasok kayo sa pamilya ng imperyal, kundi dahil hindi ko kayang isipin na makukulong kayo sa mga pader ng palasyo.” Pinupunit ang puso ni Sena na makitang matali ang mga pakpak ni Yura na malayang nakakapaglayag saan man nito naisin.

 

“Makukulong?” ang salitang iyon ay matagal ng nawalan ng kahulugan kay Yura. Kung iniisip ni Sena na isang kalayaan ang paglalayag niya sa malalayong lupain, para kay Yura ay isa lamang iyong ilusyon. Hindi siya lumalayo upang sundin ang nais niya. Ginagawa niya iyon upang hindi na siya alahanin ng kanyang pamilya. At ngayong kailangan siya ng mga ito, bukal sa loob niyang gawin ang parte niya, “Wala kang dapat ikalungkot dahil kahit saan man ako mapunta, walang bagay o sino man ang makakapagpakulong sa akin.”

 

“Kahit na ang Prinsesa?”

 

“Kahit na ang Prinsesa.” Tugon ni Yura bago niya hinigpitan ang pagkakahawak kay Sena at pinatakbo ng mabilis ang kabayo.

 

Pinigilan ni Sena ang pagbilis ng tibok sa kanyang dibdib ng humigpit ang pagkakahawak sa kanya ni Yura. Nang masamyo niya ang kakaibang halimuyak ng katawan nito hindi niya mapigilang mamula. Sunod na nakaramdam siya ng matinding kaba para kay Yura. Madalas itong mawala at hindi ito tumitigil ng matagal sa iisang lugar kaya hindi ito nakakakilala ng kaibigan o mga taong makikilala nito. Tanging ang pamilya, mga bantay, at mga hukbong goro lamang ang madalas nitong nakakasalamuha kaya hindi nito nabibigyan ng pansin ang ibang mga tao. Maliban sa kanya at sa mga kasama niyang fenglin ay wala ng ibang nakakalapit dito. Wala itong kamalay-malay na may kakayahan itong pumukaw ng damdamin ng iba, natitiyak ni Sena na kahit ang naririnig niyang matigas na Prinsesa ng Emperatris ay lalambot kapag nakita ito.

 

Bihasa man ang Xuren niya sa pag-alala ng maraming bagay, ngunit hindi ibig sabihin nito ay may kakayahan na itong bumasa ng puso ng iba. Dahil kung nababasa nito ang tinatago ng damdamin niya, tiyak na magbabago ang tingin nito sa kanya. Kapag nalaman nitong ilang beses na pumasok sa isipan niya na lagyan ng gayuma ang mga tsaang hinahanda niya para dito, upang makasama ito kahit isang gabi lang ay nasisiguro niyang tatalikuran siya nito. Nagpapasalamat siyang mas nanaig ang pagmamahal niya para dito at hindi ang pagnanais niyang maangkin ito. Hinihiling ni Sena na sana ay maging mabuting konsorte ang Prinsesa sa Xuren at hindi mabahiran ng makasariling pagnanasa ang damdamin nito.