“Mahal na Prinsesa, huminahon po kayo.” nag-aalalang pinigilan ng Punong Alalay ang Prinsesa na lumabas ng silid. “Mahigpit po ang bilin ng Emperador na hindi kayo maaaring lumabas ng kwarto ninyo hanggang hindi dumarating ang araw ng inyong kasal.” Hirap na hinarang ni Chuyo sa pinto ang kanyang likod na puno ng pasa. Nananakit pa ang kanyang katawan dahil sa parusang natanggap niya ng hayaan niyang makatakas ang Prinsesa sa palasyo. Hindi pa siya gumagaling ay narito nanaman ang Prinsesa na nagpupumilit na umalis.
“Bakit kailangan kong magdusa para lamang sa lalaking hindi karapat-dapat na maging kabiyak ko?”
“Kamahalan, isa pong prominenteng lalaki ang pakakasalan niyo. Natitiyak kong maraming kababaihan ang naiinggit sa inyo ngayon.”
“Hindi mahalaga sa akin kung anak man siya ng Punong Heneral. Pakakasalan ko ang taong gusto ko hindi ang lalaking gusto ng aking Ama!” matigas na saad ni Keya. “Buksan mo ang pinto, huwag mo akong pigilan!”
Labag sa loob na tumabi si Chuyo kahit nagproprotesta ang damdamin niya. Tiyak na di na niya kakayanin ang susunod na parusang matatanggap niya mula sa Emperatris. Natatakot man siya sa Emperatris ngunit di niya rin kayang suwayin ang Prinsesa na napupuno ng galit. Kung dati ay naitatago ng Prinsesa ang emosyon nito kahit na matindi ang hindi nito pagsang-ayon sa kasal, ngayon ay wala ng halaga dito kung makita man ito ng lahat. Nagawang makatakas ng Prinsesa sa palasyo dahil pinagplanuhan nito iyong mabuti ng walang makakahalatang nais nitong takasan ang kasal. Hindi ito nagpakita ng protesta ng ilabas ng Emperador ang kautusan tungkol sa kasal nito kundi pinakita nitong masaya ito sa desisyon ng Emperador upang payagan itong lumabas at bumisita ng templo. Ginamit ng Prinsesa ang pagkakataong iyon upang makatakas. Maging siya na Punong alalay nito ay walang alam sa plano ng Prinsesa. Maingat at matalino ang Prinsesa pagdating sa mga ganitong bagay kaya hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaganito ito ngayon. Simula ng bumalik ang Prinsesa, nakita ni Chuyo na malaki ang pinagbago nito.
Nang buksan ni Keya ang Pinto, naroon ang Pangatlong Prinsipe na tahimik na naghihintay sa labas. Madilim ang anyo nito na ikinaatras ng mga paa ni Keya.
“K-Kuya…?” nawala ang galit na nararamdaman ni Keya at napalitan ng takot ng makita niya ang kanyang kapatid.
Nakahinga naman ng maluwag ang Punong Katiwala ng Prinsesa ng makita niya ang Pangatlong Prinsipe. Si Prinsipe Yiju lamang ang may kakayahang pumigil sa Prinsesa. Bukod sa pareho silang anak ng Emperatris, lubos na nirerespeto ito ng Prinsesa.
“Tama ba ang narinig ko? Nais mo muling suwayin si Ama upang gawin ang nais mo? Hindi mo ba iniisip ang kahihinatnan ng iyong desisyon? Pagkatapos ng nangyari sayo ng tumakas ka hindi ka pa rin nag-iingat?” sunod-sunod na tanong ni Yiju kay Keya. “Nakaligtas ka sa panganib ngunit hindi ka pa rin natututo!”
“Kuya, Dapat ikaw ang unang nakakaunawa sa akin.” May bahid na hinanakit na sumbat ni Keya sa kapatid niya. “Simula pa ng mga bata tayo alam mo ng pangarap kong makasal sa lalaking mahal ko. Dahil habang buhay kong ilalaan ang panahon ko sa kanya, kaya bakit niyo ito pinagkakait sa akin?” hindi mapigilan ni Keya ang umiyak.
Nabuwag ang matigas na anyo ni Yiju ng makita niya ang mga luha ni Keya. Nag-aalalang nilapitan ni Yiju ang kapatid at niyakap. Kahit gusto niyang magalit kay Keya hindi niya rin kayang tiisin ang mga luha nito. Siya ang unang nagagalit dito kapag may nagawa itong mali subalit siya rin ang unang lumalapit dito upang patahanin ito sa pag-iyak. “Bakit hindi mo maisip na ginagawa ito ni Ama upang mabigyan ka ng proteksiyon at ilaan ang lalaking sa tingin niyang karapat-dapat na mapunta sayo? Mabuti ang pamilya ng Punong Heneral. Ang Pangunahing Xuren ng kanilang pamilya ay nagpakasal lamang sa kanyang konsorte at hindi na muli itong nasundan. Kaya natitiyak kong magiging mabuti sayo ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral.”
“Ngunit hindi siya ang gusto ko.” Sumiksik si Keya sa dibdib ng kapatid dahil hindi niya kayang salubungin ang tingin nito.
“Anong ibig mong sabihin?” Pilit na pinaharap ni Yiju ang kapatid sa kanya.
“May gusto na akong iba. Kaya paano ko pakakasalan ang anak ng Punong Heneral kung iba ang mahal ko?”
“Keya?” hindi makapaniwalang tawag ni Yiju sa kapatid. Kilala ni Yiju ang mga lalaking nakakasalamuha ni Keya at nasisiguro niyang wala sa kanila ang maaari nitong magustuhan. Maliban nalang kung may nakilala ito sa labas ng palasyo… “Ang tinutukoy mo ba ay ang lalaking nagligtas sayo?” nalaman ni Yiju na pinapahanap ng kanyang kapatid ang lalaking tumulong dito. Ang alam niya’y nais lamang itong pasalamatan ni Keya ngunit sa nakikita niya ay may mas malalim pa itong dahilan.
“Alam kong hindi ko na mababago ang kautusan. Subalit hinahangad kong makita siya bago iyon mangyari. Kuya tulungan mo akong mahanap siya.” Nagsusumamong pakiusap ng Prinsesa sa kapatid.
“Makinig ka sa’kin,” mariing hinawakan ni Yiju ang magkabilang balikat ni Keya. “Lalo mo lang pinahihirapan ang sarili mo. Walang magbabago kahit na magkita kayo. Ilalagay mo lang sa panganib ang iyong reputasyon at reputasyon ng pamilya ng imperyal. Huwag mong kalilimutan na isa kang Prinsesa ng Salum at hindi isang ordinaryong binibini na nagiging hangal sa pag-ibig. Pinagsisisihan ko na hindi kita nabantayang mabuti dahil kung may nangyari sayo sa kamay ng mga bandido hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Kung hindi ka nag-aalala para sa sarili mo Keya, isipin mo nalang ang mararamdaman ko at mararamdaman ni Ina at Ama kapag sinunod mo ang kagustuhan mo.”
Nanghihinang kumapit si Keya sa kanyang kapatid. Alam niyang mali ang ginagawa niya subalit ngayon lamang siya nakaramdam ng ganito. Handa siyang magpakamatay upang isalba ang kanyang dangal ngunit ngayon ay hindi niya magawang isuko ang sarili niya sa iba kahit na karangalan ng kanyang pamilya ang nakasaalang-alang. Marahil kung hindi niya nakilala ang estranghero na pumulot ng kanyang aguhilya, hindi magiging ganito kahirap para sa kanya na tanggapin ang kautusan ng kanyang Ama.
Umiiyak na nakatulog ang Prinsesa sa kanyang silid. Nanatili naman si Yiju sa tabi ng kanyang kapatid hanggang sa makatulog ito. Humahapdi ang puso niya para kay Keya, wala siya sa tabi nito ng malagay ito sa matinding panganib at wala rin siyang magawa upang tulungan ito sa kagustuhan nitong mahanap ang estranghero na nakapukaw ng damdamin nito. Kahit gusto niyang hanapin ang taong nagligtas sa kanyang kapatid, pinatigil na ng kanyang Ama ang paghahanap dito. Tulad ng pagpapatahimik nito sa mga taong nakasaksi o nakarinig ng pangyayari. Tinakpan nito ng salapi ang pagkalat ng balita na pagtakas ni Keya kaya hindi ito lumabas sa palasyo. Nais din nitong patahimikin ang nagligtas kay Keya subalit misteryoso itong naglaho at wala itong iniwan na bakas.
Nahahabag na pinagmasdan ni Yiju ang kapatid. Nagbago ang kanyang ekspresyon ng mapansin niya ang itim na tela na nakatago sa ilalim ng unan ni Keya. Kinamumuhian ni Keya ang itim na kulay dahil minsan na itong tinuka ng itim na ibon, dahil dito lahat ng itim na kulay sa kwarto nito ay pinatanggal ng kapatid niya kaya hindi mapigilang magtaka ni Yiju kung bakit naroon ang itim na tela at maingat na nakatago sa ilalim nito.
Nag-aalalang lumapit si Chuyo upang itabi ito. Pinigilan ito ni Yiju at kinuha mula rito ang itim na tela. Nadiskubre niyang isa itong kapa ng lalaki.
“Pag-aari ba ito ng estranghero na nagligtas sa kanya?”
“O-Opo kamahalan…” nakayukong tugon ni Chuyo. Isang kahihiyan ang magtago ng gamit ng isang lalaki lalo na at hindi pa naikakasal ang Prinsesa. Idagdag pang pag-aari ito ng ibang lalaki.
“Huwag mong hayaang makita ito ng iba.”
Nabigla ang Punong katiwala sa mahinahon na tugon ng Pangatlong Prinsipe. Hindi niya mapigilang humanga sa lalim ng pagmamahal ng Prinsipe sa kapatid nito. Kahit na maraming anak ang Emperador, hindi parin maitatangging mas malapit si Prinsipe Yiju at Prinsesa Keya sa isa’t-isa.
“Sisiguraduhin ko pong walang makakatagpo nito Kamahalan.”
Huling hinaplos ni Yiju ang mukha ng kapatid bago nito nilisan ang silid. Mabigat ang loob na bumalik siya sa kanyang Palasyo. Alam niyang hindi siya makakatulog ng mahimbing ngayong gabi.
Bumagal ang mga hakbang ni Yiju ng may bagay na sumagi sa isipan niya. Nagmamadaling nilabas niya ang panyong nakatago sa kanyang dibdib ng bumalik sa alaala niya ang tatlong manlalakbay na nakasakay sa kabayo. Itim ang kasuotan ng mga ito at ang isa sa kanila ay walang suot na kapa. Natitigilan na muli niyang pinag-aralan ang panyo.
Samantala…
Sa madilim na silid, maririnig ang isa-isang pagbagsak ng piraso ng mga tela sa sahig.
Dinaanan ng mga hubad na paa ang mga bato patungo sa munting bukal na karugtong ng silid. Sumalubong ang makapal na hamog na bumabalot sa paligid. Marahang lumubog ang hubad na pares ng paa sa tubig na unti-unting bumaba hanggang sa dibdib.
Rumaragasa ang ingay ng tubig na humahalik sa katawan ng isang binibini na hindi mailarawan ang kabighanian. Kung mayroon mang makakakita ng tunay nitong anyo, sasabihin nilang kahit mga diyosa ay mahihiyang lumapit dito. Nakakapanghinayang isipin na mananatiling nakatago sa dilim ang pinakamakinang na bituin.
“Yura.” Tawag ni Yeho sa kapatid at inabot dito ang tsaa na may halong medisina.
Tinikman ni Yura ang mainit na tsaa habang ninanamnam ng katawan niya ang maligamgam na tubig. Hinayaan niyang hugasan ni Yeho ang nakalugay niyang buhok na malaya na ngayon sa mahigpit na pagkakatali.
Maingat na inayos ni Yeho ang bawat hibla ng mga buhok ni Yura na tila ito na ang huling beses na mahahawakan niya ito. “Kung pinakasalan ko ang Pangunahing Prinsipe, hindi mo na kailangang pagdaanan ito.” Ang wika ni Yeho na may bahid ng pait. Naging makasarili siya at hindi inisip na si Yura ang aako ng responsibilidad na dapat ay sa kanya. Hindi siya hihingi ng tawad dahil maging sarili niya ay hindi niya kayang patawarin.
“Kung binigay ka namin sa pamilya ng imperyal, mawawalan ng magaling na manggagamot ang Hukbong Goro. Tiyak na mamimighati si Ama dahil maraming mahuhusay na mandirigma niya ang mawawala.”
Napapikit si Yeho at niyakap si Yura mula sa likod nito. “Pinapangako kong ibabalik kita.” Sa kahit na anong paraan… Mariing pangako ni Yeho sa kapatid.
Mistulang nabalutan ng hamog ang mga mata ni Yura na tila dinala ang isip niya sa pinakamadilim na parte ng gabi.
Leave a Reply