Katahimikan ang una mong maririnig pagpasok mo sa maaliwalas na palasyo ng Pang-anim na Prinsipe ng Salum. Tahimik na nagtratrabaho ang mga katiwala at makikita ang maingat na pagkilos nila sa bawat gawain. Sa unang tingin ay aakalaing walang nakatira sa palasyo dahil walang bakas ng mga tao sa mga pasilyo at patyo nito. Naroon lamang ang mga tagapaglingkod sa oras ng paglilinis at kung may kailangang ayusin ngunit kadalasan ay naiiwang bakante ang lugar. Mabigat na kaparusahan ang matatanggap ng sino mang mag-iingay ng walang dahilan. Makikitang pinahahalagahan ng Prinsipe ng palasyo ang katahimikan sa teritoryo niya ngunit sa kabila nito, mayroong isang taong may lakas ng loob na basagin ang katahimikan ng lugar.
“Hanju!” natutuwang tawag ni Jing sa pinsan hindi pa man siya nakakalapit sa silid nito. Umaalingawngaw ang ingay nito sa sulok ng palasyo. Sunod-sunod na naglabasan ang mga tagapaglingkod ng marinig ang boses ng nag-iisang Xuren ng Punong Ministro. Mabilis nilang nakilala ang tinig nito dahil ito lang naman ang nakakapasok sa palasyo ng Pang-anim na Prinsipe ng walang pahintulot ng kanilang Kamahalan.
“Xuren Jing, ipagpaumanhin niyo ngunit nagpapahinga ngayon ang mahal na Prinsipe.” Mabilis na hinarang si Jing ng Punong katiwala at ng mga alipores nitong tagapaglingkod.
Bumalik kay Jing ang alaala ng nangyari sa kanya kagabi, kung paano siya hinarang ng matangkad na bantay at wala siyang nagawa kundi umatras. Sa pagkakataong ito, hindi siya papayag na harangin ng kahit na sino. “Hmph! Nakalimutan niyo bang ako ang pinakapaboritong pinsan ni Hanju? Hindi siya matutuwa kapag nalaman niyang pinagbabawalan niyo akong makita siya!”
Isa sa mga tagapaglingkod ang pinigilan ang sariling matawa sa pahayag nito. Ang Pang-anim na Prinsipe ang mahigpit na nagbilin sa kanila na huwag nilang pahihintulutan na gambalain ito ni Xuren Jing. Hindi nila alam kung anong ginawa ni Xuren Jing sa Prinsipe nila kagabi ngunit pagkagising nito kanina ay iyon agad ang inutos nito sa Punong Katiwala. Marahil malaki ang naging kasalanan ni Xuren Jing kaya ganon nalang kalamig ang ekspresyon ng kanilang Prinsipe.
“Kailangan pong magpahinga ng Prinsipe kaya ipagpaumanhin niyo kung hindi niya kayo mapauunlakan mahal na Xuren.” Malumanay na paliwanag ng Punong katiwala ngunit ang mga alalay nito ay mahigpit na nakabantay sa pinto.
Gustong magtago ni Jing. Ano nalang ang sasabihin ng kanyang Ama? Maging mga alipin ay may lakas na loob na harangin siya. Sadyang mahina ba ang kanyang awtoridad at hindi man lang natatakot ang mga ito sa kanya?!
“Naiintindihan ko, kung ganon ay ipagpapaliban ko muna ang aking pagbisita.” Mabilis na tumalikod si Jing na ikinabigla ng Punong Katiwala at mga kasama nito. Hindi ito ang inaasahan nilang reaksiyon mula dito. Ang inaasahan nila ay makikipagsagupaan ito sa kanila gamit ang mabulaklak nitong bibig subalit ngayon ay kalmado itong umatras. Nakahinga sila ng maluwag dahil nakaligtas sila sa maaaring parusa nila kung sakaling maabala nito ang Prinsipe.
Nang bumaba ang alerto ng mga katiwala. Mabilis na bumalik si Jing upang itulak ang mga ito at walang habas na pumasok ito sa loob ng silid. Saglit na natulala ang mga katiwala sa bilis ng pangyayari, nang matauhan ay agad nila itong sinundan. Sunod-sunod na mga yabag ng mga paa ang maririnig na pumasok sa loob ng silid ng Pang-anim na Prinsipe.
“K-Ka-Kamahalan…” namumutlang humarap at yumuko ang Punong katiwala at ibang mga tagapaglingkod sa Prinsipe na kasalukuyang nagpipinta. Sagrado ang oras ng pagpipinta para sa Pang-anim na Prinsipe, walang sino man sa kanila ang maaaring umabala dito. Lalo na si Xuren Jing nasa tuwing bubuka ang bibig ay hindi nauubusan ng sasabihin, dudugo nalang tenga mo sa pakikinig sa kanya ay hindi parin ito mapapagod na kausapin ka.
Hindi pinigilan ni Jing ang sariling tumawa ng malakas ng makita niya ang matinding takot sa mata ng mga alipin. “Hanju, huwag mo silang sisisihin kung pinapasok nila ako. Sadyang napakamasunurin lang ng iyong mga katiwala at pinayagan nila akong gambalain ka.” habang kumikirot ang tiyan ni Jing sa katatawa lalo namang nagiging kulay papel ang mukha ng mga tagapaglingkod. Ilan sa kanila ay nananalangin na sana ay tamaan ito ng kidlat. Ang mga Xuren na kilala nila ay may dignidad at karespe-respeto ang asal at kilos. Ngayon palang sila nakakilala ng ganitong Xuren. Hindi ito natatakot na masira ang imahe nito kahit na anak ito ng pinakamataas na Ministro sa imperyo. Isang bagay na hindi mo alam kung hahangaan o kamumuhian mo. Ngunit ng mga sandaling iyon, pagkamuhi ang salitang nararamdaman ng mga katiwala para kay Xuren Jing.
Huminto ang mga daliri ni Hanju sa pagpinta at malamig na tinignan ang pinsan nitong maingay na humahalakhak. Nang lumipat ang tingin nito sa kanyang mga katiwala, mas naging malamig ang tingin ng Prinsipe na ikinanlamig ng mga ito. Mistulang pinapasok ng matalim na yelo ang kanilang katawan. Nanginginig na umatras ang mga tagapaglingkod ng senyasan sila ng Prinsipe na lumabas.
Pinapahinahon ni Jing ang sarili sa pagtawa ng maiwan na lamang silang dalawa ni Hanju sa silid nito. Pinagpatuloy naman ng Pang-anim na Prinsipe ang pagpipinta ng hindi ito pinupuna.
Naging seryoso si Jing ng hindi siya kinikibo ng pinsan niya. “Hanju, hindi ko na uulitin ang nangyari kagabi. Nagagawa mong uminom ng dalawang kopa noon kaya hindi ko inaasahang bumaba ang limitasyon mo.” Sa kabila ng malamig na katauhan ni Hanju, hindi mo iisiping alak lang ang makakapagpatumba dito. Muli, pinigilan ni Jing ang matawa ng maisip niyang baka sa susunod ay isang simsim lang ng alak ay malalasing na ito. Subalit hindi niya na alam kung kaylan niya muling mapapainom si Hanju. Pumayag lamang itong sumama sa kanya dahil kaarawan niya kahapon. Ito ang tipo ng tao na hinding-hindi mo makikitang papasok sa loob ng Fenglein. Kinamumuhian nito ang ganoong lugar kaya napakaimposibleng mapapayag niya ito. Subalit dahil espesyal ang araw niya kahapon at nadala ito sa sentimyento niya nagawa niya itong mapapayag. Ang makita ang pinsan niya na gawin ang mga bagay na napakaimposible nitong gawin ang pinaka-espesyal na regalo para kay Jing.
“Ju! Huwag ka ng magtampo sa’kin. Kaya lang naman kita dinala sa loob ng Fenglein ay upang maupos ang mga bulung-bulungan na kumakalat na hindi babae ang gusto mo. Kahit na hindi mahalaga sayo ang iniisip nila hindi ko papayagan na masira ang reputasyon mo at gamitin ito ng mga tuso mong kapatid laban sayo.”
Nanatiling walang kibo si Hanju na nagpatuloy lang sa pagpipinta na tila hindi siya nito naririnig. Sanay na siyang hindi pinapasin ng pinsan niya ng ilang araw kapag may nagawa siyang kasalanan dito kaya nagpatuloy lang siya kahit hindi siya nito kinikibo.
“Isipin mo na lang kung hindi ko iyon ginawa at lumala ang bulung-bulungan tungkol sayo at makarating ito sa Emperador? Maaaring ipakasal ka niya ng maaga upang isalba ang pangalan mo. Mabuti kung katulad ng Xirin ng Zhu ang mapapakasalan mo, paano kung ang Xirin ni Ministro Kan ang maging konsorte mo?” tukoy ni Jing sa malusog na Binibini na kilala sa pagiging matakaw at mainitin kapag hindi nito natitikman ang mga paborito nitong pagkain. “Kung sabagay hindi ka mahihirapan sa kanya dahil pagkain lang ang nakakakuha ng interes niya.” Natawa si Jing ng maalala niyang nakalimutang batiin ng malusog na Xirin ang Pangalawang Prinsipe sa pagtitipon dahil ang inihaing pagkain ang una nitong binati. Sa halip na magalit ang mga tao na nakasaksi ay awa ang naramdaman nila dahil hindi na marunong tumingin ng magandang lalaki ang Binibini kundi pagkain nalang ang tanging nakikita nito.
Walang nakuhang reaksiyon si Jing mula kay Hanju na okupado parin sa pinipinta nito. “Ju! Kung hindi mo pa rin ako kakausapin hindi ko sasabihin sayo kung anong ginawa mo sa anak ng Punong Heneral kagabi.” bahagyang huminto ang kamay ni Hanju na ikinangisi ni Jing. “Dinala kita sa Fenglein para linisin ang pangalan mo hindi para patotohanan ang mga bulung-bulungan tungkol sayo.” Nakagat ni Jing ang loob ng labi niya sa pagpipigil na mapangiti ng ihinto ni Hanju ang pagpipinta at mapunta sa kanya ang buong atensiyon nito. Sa totoo lang ay hindi na siya kailangang gisahin ni Hanju para sabihin niya dito ang nangyari dahil kanina pa siya nangangating ikwento dito ang tungkol sa Pangalawang Xuren ng Punong Heneral.
“Hindi mo ba tatanungin sa akin kung anong ginawa mo?” lumapit si Jing at tinignan ang kakaibang uri ng ibon na pinipinta ni Hanju. Natigilan siya ng makitang kulay itim ang buong katawan ng ibon pero agad ding nawala ang pagkakakunot ng noo niya dahil alam niyang sa sandaling makatikim ng alak si Hanju, wala na itong naaalala paggising nito.
Itinabi ni Hanju ang ipininta at matalim na tinignan ang Pinsan. “Jing.” Nagbabanta ang tinig na tawag nito.
Tuluyang napangiti si Jing ng magawa niyang makakuha ng reaksiyon mula sa Prinsipe ng yelo. Inangat ni Jing ang kaliwa niyang kamay na tila may tinuturo, tumikhim ito bago ito nagsabing… “Gusto ko siya… Siya ang gusto ko…” ginaya niya ang tinig ni Hanju upang magkaroon ito ng ideya. “Iyan ang sinabi mo sa kanya ng pinapili kita kung sinong Fenglin ang gusto mo.” Hindi nakaligtas kay Jing ang bahagyang pagbabago ng ekspresiyon ni Hanju kaya hindi niya ito palalagpasin. “Hanju Hanju… ni minsan ay hindi ka nagkakamali sa mga pasya at desisyon mo kaya imposibleng magkamali ka sa taong gusto mo. Kung sabagay, kapag naging isang Xirin ang Pangalawang Xuren ng Zhu, natitiyak kong walang lalaki ang hindi malalasing sa kanya.” Sa pagkakataong ito, natutuwa si Jing sa pananahimik ni Hanju dahil alam niyang sinasala nito ang mga sinasabi niya. “Tanyag si Yura Zhu sa talas ng kanyang memorya, isang bagay na lubos na hinahangaan ko bilang Punong Opisyal ng aklatan ng imperyal. Ang mga libro sa isang malawak na aklatan ay kaya niyang itala sa isipan niya kahit minsan niya lang itong makita. Ibig sabihin ay napakaimposibleng makalimutan niya na pinagkamalan siyang Fenglin ng Pang-anim na Prinsipe ng Salum. Idagdag pang nalalapit na ang kasal nila ni Prinsesa Keya, hindi maaaring hindi magtagpo ang landas niyo.”
“Kasinungalingan.” Matipid na tugon ni Hanju.
“Bakit naman ako magsasayang ng laway para lamang linlangin ka? Ang Pangalawang Xuren ng Zhu ang pinag-uusapan natin dito at hindi lang kahit na sino. Alam mong matagal ko na siyang pinapahanap. Hindi na mabilang ang mga taong pinagtanungan ko para ilarawan ang kanyang anyo upang pag magkita kami ay agad ko siyang makilala. Ilang beses akong bumabalik ng Fenglein dahil nabalitaan kong naroon ang paborito nitong Fenglin na madalas nitong bisitahin kapag bumabalik ito ng kapitolyo.” Depensa ni Jing, hindi niya tinatago ang matinding paghanga niya sa kakayahan ni Yura Zhu, nais niya itong tulungan na magamit ang tunay na potensiyal ng talento nito. Isa siya sa lubos na natuwa ng malaman niyang magiging parte ito ng pamilya ng imperyal. Mas maraming paraan na mapalapit siya dito at hindi na siya mangangapang hanapin ito. “Paano ako magkakaroon ng magandang impresiyon sa kanya kung sa unang pagkikita namin ay sinira mo ang pagkakataon kong makilala siya? Hanju, ikaw ang may mabigat na kasalanan sakin at hindi ako ang may kasalanan sayo.”
“Jingyu, manahimik ka.”
“Hindi ako titigil hanggang hindi ka sumasang-ayon na imbitahin siya sa Palasyo mo at ipaliwanag sa kanya kung bakit iyon nangyari. Sa ganoong paraan ay mabubura natin ang maling impresyon natin sa kanya.”
Nang mabasa ni Hanju ang tunay na intensiyon niya agad na dinipensahan ni Jing ang sarili.
“Hindi kita ginagamit para mapalapit ako kay Yura Zhu, gusto ko ring maging maayos ang gusot sa pagitan niyo.”
“Hindi ko kailangang ipaliwanag ang sarili ko.” Iyon ang ekspresyong nabasa ni Jing sa mukha nito.
“Hanju, ito na ang pinakahuling kahilingan ko sayo.” Naalala ni Jing na ganito din ang sinabi niya kahapon. “Huwag mo akong sisisihin sa nangyari kagabi. Ikaw ang sumama sa akin sa Fenglein, ang kamay mo ang nagturo sa kanya at ang labi mo ang nagsabing gusto mo siya–.”
“Seb.” Tawag ni Hanju sa pangalan na nagpatigil kay Jing. Lumabas ang aninong bantay na nakatago sa sulok ng silid.
“Kamahalan.” Bumaba ang tuhod ng aninong bantay upang tanggapin ang utos ng Prinsipe.
“Ihatid mo ang Xuren sa labas ng palasyo.” Pinagpatuloy ni Hanju ang pagpipinta at hindi na muling tinapunan ng tingin si Jing. Mararamdaman ang paglamig ng temperatura ng silid.
“Masusunod po.”
“Kinagagalak kong gamitin ang aninong bantay ng Prinsipe para lamang ihatid ako.” Nakangisi paring wika ni Jing bago ito lumabas ng silid. Kuntento na si Jing na nagawa niyang galitin ang pinsan kahit hindi siya nito tulungang mapalapit sa Xuren ng Zhu.
Nang mapag-isa ang Prinsipe, napagtanto niyang lumagpas ang mga guhit ng kanyang pinta.
Leave a Reply