Works Collection

ANBNI: 9 | Sino ang nagpabalik sa kanya!

Huminto sa pagsasanay ang mga batang Goro upang salubungin ang pagdating ng kanilang Punong Heneral. Nasa siyam na taon ang pinakabatang mandirigma na sinasanay ng hukbo. Ang mga bihasang mandirigma ay kumukuha ng pinili nilang batang Goro upang personal nilang hasain at ipasa ang talento sa pakikipaglaban. Ang ibang mga batang mandirigma ay anak ng mga Goro na pinalaki sa kampo ng hukbo. Papayagan lamang silang sumama sa digmaan kung pumasa sila sa mga mapanganib na pagsubok. Masigasig na nagsasanay ang mga ito upang paghandaan ang araw na iyon. Hinubog sila ng mga gerero kaya hindi lamang ang kanilang pisikal na kakayahan ang napatibay kundi maging ang kanilang kaisipan.

 

Kababakasan ng pagkasabik ang mga batang mandirigma ng malaman nilang dumating ang Punong Heneral na lubos nilang nirerespeto. Ngayon lang nila muling makikitang makumpleto ang pamilya ng Punong Heneral dahil nakabalik narin ang Pangalawang Xuren na matagal na nawala.

 

Nang huminto ang malaking karwahe, sinalubong ng Punong Katiwala ng tahanan ang pagbaba ni Heneral Yugo at ng kanilang Ximo. Ang Punong tagapaglingkod ng tahanan ng Punong Heneral ay dating isa sa pinakamahusay na Heneral ng hukbong Goro, subalit ng magtamo ito ng malubhang sugat mula sa madugong laban, hindi na muli itong nakahawak ng sandata. Wala na itong pag-asang mabuhay kung hindi dahil sa Xirin ng tahanan na henyo sa medisina. Kahit nawala na ang husay nito sa pakikipaglaban, ito parin ang tauhang pinagkakatiwalaan ng Punong Heneral.

 

Sa loob ng dalawang araw na inilagi ng mag-asawang Zhu sa Templo ng Siam, hinarang ni Yeho na maiparating sa magulang niya na nakabalik na si Yura upang bigyan ang mga ito ng payapang mga araw…

 

“Sino ang nagpabalik sa kanya?!” sumabog ang tinig ng Punong Heneral ng makita nito si Yura sa loob ng pasilyo.

 

“Ako ang nagdesisyong bumalik.”

 

“Kapag pinapabalik kita, mas lalo kang lumalayo at ngayong pinapalayo kita kusa kang bumabalik! Yura Zhu, wala na bang halaga sayo ang mga salita ko?!” Nangangalit na alon ang anyo ng Punong Heneral na ano mang oras ay may nais itong lamunin. “Malinaw ang mensahe na pinadala kong liham sayo. Pumunta ka sa Hilagang Imperyo at ang Tiyuhin mo ang haharang sa sino mang magtatangkang maghanap sayo. Bakit hindi mo iyon sinunod?! Kung ginawa mo iyon makakagawa pa ako ng paraan-“

 

“Sino ba ang tinatakasan ko? Ang Emperador ng Salum? O ang lihim na kinatatakutan niyong malantad?”

 

“Yura, kaligtasan mo ang iniisip namin. Bakit kailangan mo kaming suwayin?” si Sula ng maramdaman niyang buo ang loob ng anak niya sa desisyon nito.

 

“Ina, hindi ko kayo sinisisi ni Ama. Naiintindihan ko ang desisyon niyo noon at hanggang ngayon ay hindi ito mali sa paningin ko.” Alam ni Yura na sinisisi ng magulang niya ang sarili nila, marahil iniisip nilang ito ang naging kabayaran ng pagtatakip nila sa tunay niyang pagkatao. “Tanggap ko ang desisyon niyo para sa akin kaya tanggapin niyo rin ang desisyon ko.”

 

Malalaki ang mga hakbang ng Punong Heneral papunta kay Yura. Kinabahan ang lahat na nagpaikli ng kanilang paghinga. Ngayon lang nila nakita ang matinding galit na nakaukol sa bunso nitong anak. Nanatili si Yura sa kinatatayuan niya at hinintay ang hatol ng kanyang Ama.

 

Nakulong ang mukha ni Yura sa mga kamay ng Punong Heneral. Ramdam niya ang bakas ng mga galos at malalim na sugat na naging marka ng mga laban nito. Marami ng taon ang nadagdag sa kanyang Ama ngunit ang mga digmaan ay nagpapatuloy parin. Hindi man mabilang ang mga taong nasawi sa mga kamay nito, nararamdaman niya parin ang init sa mga palad ng Punong Heneral. Kung maaari niya lang akuin ang lahat upang hindi na muling madagdagan ang galos sa palad ng kanyang Ama ay tatanggapin ni Yura.

 

“Protektahan mo ang lihim mo. Gumamit ka ng patalim kung kinakailangan.” Mahinang wika ngunit mahigpit na paalala ng Punong Heneral.

 

Sapat na ang mga salitang iyon upang gumaan ang mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ni Yura.

 

“Nandito lang kami ni Yanru, hindi namin siya pababayaan.” Si Yeho na nasa tabi ng kanyang Ina.

 

“Isusugal ko ang buhay ko sa sandaling malagay siya sa kapahamakan.” Dagdag ni Yanru.

 

Hindi malaman ng Punong Heneral kung matutuwa o mangangamba na nagkaroon siya ng mga anak na mas matalas, mas tuso, at mas mapangahas sa kanya. Pinili niyang maging Punong Heneral upang maprotektahan niya ang mga ito ngunit nadiskubre niyang ang mga anak niya ang magsisilbing sandata niya. Kumalma ang tila hampas ng mga alon sa kanyang dibdib at tinignan ang kanyang asawa. Ang katigasan ng mga anak nilang sumuong sa panganib ang namana ng mga ito sa kabiyak niya.

 

“Sula.” Tawag niya sa asawa. Nabasa nito ang nasa isip niya ng magtama ang kanilang paningin. Sumusukong napatango ang Ximo dahil alam niyang wala na siyang magagawa. Nababalot sila ng tensiyon sa halip na magdiwang dahil nakumpleto na ang kanilang pamilya.

 

Nagkaroon ng simpleng kasayahan sa loob ng tahanan ng Punong Heneral. Inimbitahan ang mga Goro at mga batang mandirigma na dumalo sa salo-salo. Hindi nakakalimutan ng Punong Heneral na maglaan ng espesyal na okasyon na para lamang sa kanyang pamilya at hukbo. Nasanay siyang magkaroon ng pagdiriwang para sa kanyang mga mandirigma bago niya isugo ang mga ito sa madilim na digmaan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang bunso niyang anak ang isusugo niya sa Palasyo ng imperyal. Ang bigat sa dibdib ng Punong Heneral ay napalitan ng tuwa ng makita niya ang kasiyahan sa malawak na bakuran.

 

Malayang sumilay ang ngiti sa mga mata ni Yura ng masilayan niyang sumasayaw ang mga batang Goro gamit ang kanilang mahahabang espada na mistulang mas malaki pa sa kanila. Maagap na sinalo ni Kaori ang espada na nabitawan ng batang mandirigma at ito ang nagtuloy ng sayaw na lalong ikinatuwa ng lahat. Hinagis ni Kaori kay Won ang espada at ito naman ang nagtuloy ng sayaw. Marami ang sumali at nagtuloy ng sayaw na inabot ng buong magdamag.

 

Ito ang mga panahong mararamdaman ni Yura na nabubuhay siya para masaksihan ang ganitong tanawin at marinig ang musika ng halakhakan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Ang tuwa sa mga mata ng mga ito ang pinakamabisang medisina sa mga mapait na alaalang bumabalik sa kanya. Tinikman ni Yura ang alak na binigay ng batang Goro. Naging matamis ang halimuyak ng inumin ng humalik ito sa labi niya. Napagtanto niyang ilusyon lamang ang lahat ng mga bagay na nakikita ng kanyang mga mata at natitikman ng kanyang panlasa, ang mahalaga ay kung sino ang nagbibigay nito sayo.

 

Sinalo ni Yura ang espada ng mapunta ito sa direksiyon niya. Tumigil ang lahat sa pagsasayaw at naukol ang mga mata nila sa Pangalawang Xuren.

 

Hinagis ni Yura sa hangin ang hawak niyang kopa na may lamang alak bago niya sinunod ang kanyang katawan. Inangat niya ang espada upang saluin ang kopang nahulog mula sa taas. Nanatiling puno ang laman ng kopa at walang patak ang nasayang ng masalo ito ng dulo ng espada.

 

Pigil ang hininga ng mga batang Goro, makikita sa kanilang mga mata ang matinding paghanga. Hindi nila gustong kumurap sa takot na mayroon silang hindi masaksihan. Ilang ulit na pinaglaruan ni Yura ang kopa bago niya ito pinasa sa mga batang mandirigma na nag-uunahang makuha ito.

 

Nahagis ang kopa sa hangin hanggang maubos ang huli nitong patak…

1 Comment

  1. EXO

    “Kapag pinapabalik kita pinapabalik kita, mas lalo kang lumalayo ngayong pinapalayo kita kusa kang lumalapit!”

    My favorite part hahaha

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

© 2024 jilled26.com

Theme by Anders NorenUp ↑

error: Content is protected !!