Humugot ng malalim na hininga si Yura ng mapag-isa siyang muli sa kanyang silid. Marahang ibinaba niya ang sarili sa mahabang upuan. Di niya mawari kung hinihila siya ng kanyang pagod dahilan ng pagsisimulang pagkirot ng kanyang sentido, o dahil sa mga sinabi ng Pangatlong Prinsipe? Magpakaganon pa man, ipinikit ni Yura ang kanyang mga mata upang kunin ang pagkakataong ito na makapagpahinga. Hindi natapos sa paligsahan ang mga pagsubok na dumating sa kanya. Kinalas niya ang mahigpit na pagkakatali ng laso sa kanyang pulso upang hayaan ang sarili niyang makahinga.
Makalipas ang mahabang sandali, hindi na maaaring ignorahin ni Yura ang paglagitk ng mga kopa sa labas ng kanyang silid. Ang mabibigat ng mga paa na pabalik-balik sa labas ng kanyang pinto ang gumising sa kanyang kamalayan. Sumagi sa isip ni Yura ang napakatahimik na palasyong pinanggalingan niya kanina. Wala siyang narinig na ano mang kaluskos ng magising siya, at nanatili itong tahimik ng lisanin niya. Bagay na imposibleng magawa niya sa palasyong xinn na hindi nawawalan ng panauhin.
Tumuwid si Yura mula sa pagkakasandig niya sa kamay ng mahabang upuan. “Dao.”
Natigilan ang Punong katiwala ng marinig ang kanyang pangalan sa loob ng silid ng Lu Ryen. Dali-dali ang mga hakbang na pinuntahan niya ito. “Lu Ryen, naghanda po ako ng tsaa–” muling natigilan ang matandang tagapaglingkod ng makatanggap ng blankong tingin mula dito. Ito ang mga sandaling wala siyang maitatago sa Lu Ryen, pakiramdam niya ay nakikita nito ang tunay niyang saloobin. Hindi na itinago ng matandang katiwala ang bumabagabag sa kanya. “Kailangan niyo pong bisitahin ang Prinsesa. Hindi makakabuti sa inyo kung ilalayo niyo ang sarili niyo sa kanya.” nakita ni Dao kung paano nagalit at nag-alala ang Pangatlong Prinsipe sa Lu Ryen dahil sa Prinsesa. Kung papasok ang Emperatris, malalagay sa nakakabahalang sitwasyon ang kanyang panginoon. Ang pagtalaga dito ng Emperador na kumatawan sa paligsahan ay isa ng malaking kwestiyon sa kanya. Maaaring alam ng Emperador ang tunay na kakayahan ng Lu Ryen kaya ito ang napili upang pagtibayin ang posisyon nito sa pamilya ng imperyal, at maaari rin na ituring itong isang babala sa Punong Heneral. Marami ng pinagdaanan si Dao sa ilalim ng imperyal. Sa murang edad ay namulat siya sa makamundong gawain ng mga nasa kapangyarihan. Dahilan kung bakit nababahala siya sa mga nangyayari sa Lu Ryen, kung maaari ay nais niyang ilayo ito sa mga panganib na maaaring dumating dito.
Nararamdaman ni Yura ang katapatang nilalahad sa kanya ng punong katiwala. Hindi niya mabuhat ang sariling higpitan ito gayong lumagpas na ito sa tungkulin nito bilang tagapaglingkod. Batid ni Yura na tama ito, hindi makakatulong sa mga plano niya kung magiging malamig siya sa Prinsesa. Sinabi niya sa sarili niya na hindi siya magdadalawang isip na ilubog ang kanyang kamay kung kinakailangan, ngunit sadyang may parte niya ang hindi magawang maging manhid. Hangga’t kaya pang iwasan ni Yura ang Prinsesa ay gagawin niya dahil hindi niya papayagang matulad ito kay Sena. Ngunit sa pagkakataong ito ay kailangan niya itong harapin, hindi niya nanaising muling kumatok sa kanyang tarangkahan ang Pangatlong Prinsipe dahil sa kapatid nito. Bumalik sa alaala ni Yura ang nagyeyelong tingin sa kanya ng Prinsipe.
“Maghanda ka, ipaalam mo sa palasyo ng prinsesa ang pagbisita ko.” ang naging tugon niya na bumawas sa malalalim na linya sa noo ng punong katiwala.
Samantala, sa palasyo ng Pang-anim na Prinsipe…
Kumakatok ang puting ibon sa isang piraso ng papel na nakabuklat sa lamesa ng kanyang panginoon. Mararamdaman ang malamig na hanging humahawi sa dulo ng roba ng Prinsipe.
“Kamahalan?” nag-aalalang tanong ni Seb, ang aninong bantay ng matagal na nanahimik ang prinsipe matapos nitong basahin ang katagang naiwan sa likod ng liham. “Anong ibig ipahiwatig ng Lu Ryen?”
“Pareho naming hawak ang dulo ng tali. Sino man sa amin ang bumitaw, magkasama kaming mahuhulog sa malalim na bangin.”
Naguguluhan man ay mabilis na bumaba ang aninong bantay sa kanyang tuhod. “Ipag-utos niyo lamang kamahalan kung magiging mapanganib siya sa inyo. ” hindi papayagan ni Seb ang ano mang banta sa kanyang Prinsipe.
“Walang magbabago, ngunit mas maging maingat ka sa pagkakataong ito.”
Magalang na yumukod ang bantay bago nawala ang anino nito sa loob ng silid. Muling lumapag ang tingin ni Hanju sa piraso ng papel na patuloy na inuusisa ng kanyang alagang ibon. Nagawa niyang itago ang kanyang presensiya sa palasyo ng imperyal. Hindi niya papayagang mabasag ito ng Pangalawang Xuren ng Zhu. Hangga’t hindi lumalabas ang ingay sa pagkawala ng kanyang ina. Hindi mamamatay ang apoy na lihim na sinisindihan niya sa likod ng kanyang ama. Hindi siya magdadalawang isip na talikuran ang pamilya ng imperyal tulad ng pagtalikod ng Emperador kanyang ina.
“Ju!”
Nabulabog ang puting ibon na lumipad sa balikat ng prinsipe. Dagling tinakpan ni Hanju ng nahugot na libro ang papel. Bumukas ang pinto ng silid at walang pakundangan na pumasok ang pinsan niya.
“Kaylan mo ba bibisitahin si ina? Ilang beses ka na niyang hinahanap sa akin. Minsan tinatanong ko sa sarili ko kung ako ba talaga ang anak niya?” komportableng umupo si Jing sa bakanteng upuan ng kwarto na tila pag-aari nito. “Idagdag mo pa si ama na hindi tumitigil sa pagpuna sa akin. Gusto ko ng humiwalay at maghanap ng bagong mauuwian ng makalaya na ako sa kanila.” nagliwanag ang mukha ni Jing ng makaisip ng isang magandang ideya. “Bakit hindi mo nalang ako kupkupin bilang panauhin sa palasyo mo? Sigurado akong papayag si ama upang mabantayan kita.”
“Jing.” lumipad palayo ang ibon ng makaramdam ng panganib mula sa kanyang panginooon. Mas tamang sabihin na upang mabantayan kita, nais idagdag ni Hanju ngunit alam niyang walang pumapasok na salita sa pinsan niya. “Kung matututunan mong manahimik at makinig sa kanya, hindi niya ako hahanapin.”
“Gusto mong manahimik ako habang puno siya ng papuri kay Tien na siyang naging pinakabatang ministro dahil sa kahusayan nito? Hah! Mahusay siyang magpaikot ng mga opisyales kaya mabilis siyang nakarating sa kanyang pwesto.” Inaasahan ng lahat na si Jing ang makakatanggap ng titulo dahil siya ang anak ng Punong ministro, kaya napailing ang lahat ng maging Punong tagapangalaga siya ng aklatan ng palasyo ng imperyal. Bagay na ginusto niyang mangayari dahil iniiwasan niyang matulad sa kanyang ama. Mas may kalayaan siya kung malayo siya sa trono ng Emperador, magagawa niya ang mga bagay na hindi nito nagawa bilang Punong Ministro ng imperyo. Ngunit nasasagi parin si Jing sa tuwing ikunukumpara siya ng kanyang ina kay Tien. Mas nanaisin niyang maikumpara kay Xian na alam niyang tapat sa tungkulin nito.
Naramdaman ni Hanju na may kakaiba sa pinsan niya. “Anong nangyari?” malamig na tanong ng Pang-anim na Prinsipe.
Napahugot ng malalim na buntong hininga si Jing. “Nahahati ang pangkat ng iskolar. Nakuha ni Tien ang suporta ng mga ito dahil sa impluwensiya niya sa palasyo ng imperyal. Natutukso sila sa mga mabulaklak niyang pangako na ang bagong henerasyon ang magiging mukha ng imperyo. Kaya naman kailangang makuha ko ang Lu Ryen sa aming panig. Pagkatapos ng nangyari sa paligsahan, nasisiguro kong maraming mga mata ang nakatuon sa kanya.”
“Paano mo siya makukumbinsing mapabilang sa inyong pangkat?”
“Nasa gitna siya ng Emperador at ng Punong Heneral. Walang magdududa kung susuportahan niya ang Guin na siyang boses ng balanseng pamumuno.”
Walang kinakampihan ang Guin kung isa ka mang dukha o maharlika. Nasa Emperador ang suporta ng maharlika habang nasa Punong Heneral ang suporta ng mga tao. Para kay Hanju ay maaaring maging patalim ito ng Lu Ryen o panangga laban dito. Hindi niya gustong pasukin ang mundo nito ngunit tila may bagay na humihila sa kanya papunta sa Pangalawang Xuren ng Zhu.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Xian: Punong Kawal ng Imperyal
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply