“Parating na po ang Lu Ryen.” hindi maitago ni Chuyo ang kanyang tuwa. Namamanghang nagtakip siya ng bibig sa nakakahalinang anyo ng Prinsesa. Ano mang kasuotan ay bumabagay sa katawan nito. Hindi maitatago na ito ang tunay na bituin ng kanilang imperyo. Natitiyak ng punong katiwala na hindi nalalayong mahulog din ang Lu Ryen sa Prinsesa niya.
“S-Sa tingin mo magugustuhan niya ang ayos ko?” namumula ang mukhang hinawi ni Keya ang mga hibla ng buhok sa likod ng kanyang tenga.
“Kamahalan? Walang matinong lalaki ang tatanggi sa inyo. Hindi ko ito sinasabi dahil ako ang inyong punong tagapaglingkod kundi dahil iyon ang nakikita ng lahat. Kung ano man ang yelong bumabalot sa inyo ngayon ng Lu Ryen, natitiyak kong matutunaw ito pagkatapos ng gabing ito.”
“Chuyo.” Saway ng Prinsesa sa kanyang punong katiwala. Mas lalong namula ang mukha ni Keya sa narinig. Binabalot siya ng kaba at tuwa dahil ang Lu Ryen ang nagdesisyong lumapit sa kanya.
“Mahal na Prinsesa, narito na po ang Lu Ryen.” anunsiyo ng tagapaglingkod sa labas ng silid ng Prinsesa.
Mabilis na binakate ng punong katiwala ang silid. Lahat ng mga alalay ay sampong hakbang ang layo sa kwarto ng prinsesa. Di maitago ang tuwa sa mga mata ng mga tagasunod ng makita nilang maiwan ang Lu Ryen at ang kanilang prinsesa sa iisang silid. Napunit ang matamis na ngiti sa mukha ni Chuyo ng makita niya ang blangkong ekspresiyon sa mukha ng matangkad na bantay ng Lu Ryen. Bakit tila hindi ito natutuwa? Mas nanaisin ba nitong makasama ng panginoon nito ang mabababang xienli kaysa sa prinsesa niya?!
“Hmph!” pagkatapos ng gabing ito, nasisiguro ni Chuyo na wala ng kwekwestiyon sa relasyon ng Prinsesa at ng Pangalawang Xuren ng Zhu.
Sa loob ng silid, tahimik na pinagsisilbihan ni Keya ang Lu Ryen. Marahang sinalinan niya ng alak ang kopa nito. “Lu Ryen, nauunawaan ko na… Hindi ko kayo masisisi kung lumalayo kayo sa akin dahil sa aking ama.” pagkatapos matuklasan ni Keya ang pagkamuhi ng kanyang ama sa punong heneral, naiintindihan na niya ang paglayo ng Lu Ryen sa kanya.
Tinanggap ni Yura ang alak. “Kamahalan, kung may makakarinig sa inyo iisipin nilang hindi ako naging tapat sa Emperador.” paano ito naisip ng prinsesa? Ni minsan ay hindi siya nagpakita ng pagsuway sa kautusan ng ama nito.
“Kaylan mo ako tatawagin sa pangalan ko?” hindi itinago ni Keya ang kanyang hinanakit. “Alam kong nagkamali ako sayo ngunit hindi ito sapat upang iturin mo akong estranghero.” hindi napigilan ng Prinsesang isumbat ito sa Lu Ryen. Bukas ang mga kamay nitong yakapin ang kanyang mga xienli habang siya na konsorte nito ay tinatalikuran nito. Natutunan na niyang tanggapin na humahapdi ang puso niya na tila napapaso sa tuwing naiisip ng prinsesa ang mga xienli ng Lu Ryen. Sinalakay ng panghihina ang dibdib ni Keya na nagdulot ng matinding paninikip.
Inilapag ni Yura ang kopang hawak ng mahagip niya ang pabango ng kanyang konsorte. Hindi ito matapang at hindi rin ito gaanong matamis. Ang mga elementong ginamit ay pamilyar sa kanya. Subalit may isang elemento ang hindi maaaring maihalo sa ibang elemento. Unti-unting natugunan ang kanyang pagdududa ng makita niya ang pamumutla ng prinsesa. Maagap na sinuportahan niya ito ng bahagyang bumigay ang katawan nito. Binihag ni Yura ang kamay ni Keya upang pakiramdaman ang pulso nito. Hindi nga siya nagkamali, nahaluan ng mapanganib na elemento ang pabango ng prinsesa. Walang makakadiskubre na lason ito, kahit ang pinakabihasang manggagamot sa palasyo ng imperyal ay hindi ito paghihinalaan. Eepekto lamang ang lason kung bibilis ang takbo ng pulso ng gagamit nito. Ano mang matinding emosyon na mararamdaman nito ay magsisilbing panganib dito kapag suot nito ang pabango. Ang lasong ito ay di hamak na mas makamandag sa lasong nakuha niya sa paligsahan. Iisang tao lang ang naisip ni Yura na may kakayahang makagawa nito. Hinayaan niyang sumandal ang prinsesa sa kanya ng tuluyan itong manghina.
Binuhat ng Lu Ryen ang Prinsesa sa higaang hinanda ng mga katiwala para sa kanila. Lalong nanikip ang dibdib ni Keya ng maramdaman niyang niluwagan ng Lu Ryen ang kanyang panlabas na kasuotan. Bumilis ang pintig sa dibdib ng prinsesa ng bumaba si Yura sa hubad niyang balikat na tila may hinahanap itong halimuyak ng kanyang balat. Tuluyan siyang kinain ng kadiliman ng sunod niyang maramdaman ang pagkalas ng panloob niyang kasuotan.
Nang mahubad ni Yura ang nakakapit na pabango sa Prinsesa ay agad niya itong tinakpan. May tiwala siyang kaya niyang burahin ang sino mang magiging balakid sa kanya. Ngunit ngayong nasa harapan na niya ito, nabubuwag ang yelo sa kanyang dibdib…
Nakahinga ng maluwag si Chuyo ng makita niyang namatay ang ilaw sa silid ng prinsesa. Nais niyang maiyak dahil alam niyang isang malaking hakbang ito sa relasyon ng dalawa. Nanatili namang blangko ang ekspresiyon ng matangkad na bantay ng magdilim ang kwarto. Inutusan ni Chuyo ang mga kasama nitong lisanin ang lugar. Tanging ang Punong katiwala ng Prinsesa at ang bantay ng Lu Ryen ang naiwan sa madilim na pasilyo.
Lumipas ang magdamag. Sinalubong ng lupain ng salum ang bukang liwayway. Sa pagdating ng bagong umaga ay pagkalat ng mga usapin tungkol sa unang gabi ng Pangalawang Xuren ng Zhu at ng Prinsesa ng Emperatris sa palasyo ng imperyal.
“Ang buong akala ko’y hindi nagkakamabutihan ang dalawa?” tanong ng Ikalawang Prinsipe sa Prinsipeng tagapagmana.
“Kaylan ka pa naging mausisa sa relasyon ng iba?” balik tanong ni Silas sa kapatid. Alam niyang walang mahalaga kay Siyon kundi ang sarili nito at sarili nitong interes.
Dinaanan ng mga daliri ni Siyon ang isang pulseras na nababalutan ng ibat-ibang kulay ng mga hiyas. Ang mga ganitong klase ng bato ay nakikita lamang sa pinakamalalim na kweba kung saan maraming buhay ang kailangang maibuwis upang mabungkal ito. Hinandog ito sa kanya ng isang mayamang mag-aalahas ng malaman nitong nangongolekta siya ng mga bihirang kayamanan. Nais nitong makakuha ng koneksiyon mula sa kanya upang makapagbukas ito ng malaking kalakalan sa loob ng kapitolyo. “Mahal kong kapatid, hindi ako magiging interesado sa relasyon nila kung hindi ko nakita ang ekspresiyon ni Yiju ng araw na iyon. Hindi ba’t matalik na kaibigan mo ang kapatid ng Lu Ryen? Ngunit nanahimik ka sa tabi ng malagay ito sa panganib. Hindi ko inaasahang sa pangatlo nating kapatid ako makakakuha ng reaksiyon.”
“Nais mong tutulan ko ang kautusan? Siyon, mas maliwanag pa sa sinag ng araw ang iyong intensiyon.” tumayo ang Prinsipeng Tagapagmana at nilisan ang pagoda kung saan inimbitahan siya ng Pangalawang Prinsipe na uminom ng tsaa. Sumunod dito ang linya ng mga katiwala at kawal ng imperyal.
Naiwang mag-isa ang nakakabighaning prinsipe sa matayog na pagoda. Napasinghap ang ilang alalay mula sa malayo na nakabantay dito ng masinagan ito ng araw. Napapalamutian ang buhok nito ng mamahaling ornamento na kumikinang sa tuwing nadadampian ito ng liwanag. Nakadagdag ito sa mapang-akit na kaanyuhan ng ikalawang prinsipe. Maging ang mga kawal ay hindi mapigilan ang sariling mapatingin dito.
Hindi lamang ang mga ito ang humahanga kundi maging ang mismong Prinsipe ay nahuhumaling sa sarili niyang kaanyuhan. Bawat sutlang yumayakap sa katawan nito ay matataas na klase ng tela. Hindi niya hahayaang mabahiran ang balat niya ng mababang uri ng kasuotan. Maging ang mga palamuting nakakabit dito ay katumbas ng mabibigat na ginto ang halaga. Batid ng lahat na ang angkan ng ina nito ang pinakamayamang angkan sa loob at labas ng imperyo.
Bahagyang natawa ang Pangalawang Prinsipe sa ginawang pag-iwas ni Silas ng mabanggit niya ang kapatid ng Lu Ryen. Kahit anong pagtatakip ang gawin ng Prinsipeng tagapagmana, wala parin itong maitatago sa kanya. Nawala ang ngiti ni Siyon ng dumako ito sa kanyang punong katiwala na tahimik na naghihintay sa isang sulok.
“Kamahalan,” mabilis na yumukod ang tagapaglingkod upang tumanggap ng utos mula sa Ikalawang Prinsipe.
“Imbitahin mo ang Lu Ryen sa gaganaping pagdiriwang sa aking palasyo.” gusto niyang makilala ang nag-iisang taong nakaligtas sa lasong ipinain niya.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Silas: Pangunahing Prinsipe / Prinsipeng Tagapagmana
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Chuyo: Punong Katiwala ni Keya
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply