Palasyong Xinn.

Binuhos ni Yura sa halamang nakatanim sa maliit na paso ang pabango hanggang maubos ito. Nakita niya kung paano nagbago ang kulay ng halaman ng tuluyan itong malunod. Natitiyak niyang ibang buhay ang malalanta kapag hinayaan niyang maiwan ito sa prinsesa.

Alam niyang ibabalik siya ni Yeho sa kahit na anong paraan ngunit hindi niya nanaiising madungisan ang kamay nito ng inosenteng buhay.

“Xuren, natanggap na po ng Punong Guro ng Guin ang inyong mensahe.” pabatid ni Won at sunod na binuhusan nito ng tubig ang halaman upang mabawasan ang makapal na halimuyak na kumakalat sa silid. Alam niyang ang lubos na maaapektuhan nito ay ang sensitibong pang-amoy ng kanyang Xuren.

“Ang Prinsesa?”

“Dinalaw po siya ngayon ng Emperatris.”

“Harangin mo ang pagpasok ng pabangong ito sa palasyo niya.

“Masusunod Xuren.”

Tuluyang binitiwan ni Yura ang lagayan ng pabango sa kanyang kamay ng mapag-isa siyang muli sa silid. Hindi niya gustong suwayin ang kanyang kapatid ngunit…

“…Dahil sa matinding pag-aalala niya sayo, nagmakaawa siya sa Emperador na bawiin ang kautusan…

Kung may iba pang paraan ng hindi kinakailangang malagasan ng buhay ay mas pipiliin niya ito. Manhid siya pagdating sa mga taong naghahangad na mapahamak siya. Subalit hindi niya kayang maging yelo kung kaligtasan niya ang hinahangad ng mga ito. Ito ang dahilan kung bakit mariing tinatanggihan ni Yura ang magkapatid. Alam niyang magiging malaking balakid ang mga ito sa kanya.

Lumapit si Yura sa durungawan upang tulungan siyang itaboy ng hangin ang halimuyak ng pabango. Sadyang malupit na parusa ang lason para sa mga taong hindi kayang kontrolin ang kanilang emosyon.

Napukaw ang atensiyon ni Yura sa puting ibon na lumilipad papunta sa direksyon niya. Muli itong dumapo sa halamang binabalik-balikan nito sa kanyang silid.

Matagal na tumigil ang pansin ni Yura sa puti nitong balahibo. Mistulang may alaalang humihila sa kanya sa kawalan ng may imaheng bumabalik sa kanya.

Naramdaman ni Yura ang sariling umangat mula sa mabalahibong damo. Bahagyang bumuklat ang nanlalabo niyang mata. Nahagip ng kanyang paningin ang lalaking may puting kasuotan. Bago nagsara ang kanyang talukap, naramdaman niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya…

Bahagyang sumikip ang dibdib ni Yura ng unti-unting luminaw sa kanya ang imahe nito. Pinakalma niya ang kanyang pulso bago tuluyang maging lason sa kanya ang pabango.

“Lu Ryen,” Narinig niyang tawag sa kanya ni Dao bago ito pumasok sa kanyang silid. May mga hawak itong maliliit na kahon na may eleganteng disenyo na nakaukit sa mga ito. “Pinadala po ang lahat ng ito sa inyo ng Emperatris.” maingat na inilapag ni Dao ang maliliit na kahon sa lamesa ng Lu Ryen. “Pinapasabi ng Emperatris na makakatulong ito sa inyong dalawa ng Prinsesa.”

Isinantabi ni Yura ang imaheng bumabalik sa kanya at inukol ang pansin sa dinala ni Dao. Binuksan niya ang kahon upang mabaling dito ang atensiyon niya.

Dala ng kuryusidad, hindi namalayan ng Punong katiwala na bahagyang umangat ang kanyang tindig upang masilip ang regalong ipinadala ng Emperatris. Napapitlag si Dao ng biglang isara ng Lu Ryen ang kahon na tila napaso ito.

“Itago mo ito sa lugar na hindi ko nakikita.” Si Yura na wala ng interes na buksan ang laman ng iba pang maliit na kahon.

Mariing inipit ng punong katiwala ang kanyang bibig upang pigilan ang pagsungaw ng kanyang ngiti. “Masusunod po Lu Ryen.” ang regalong ipinadala ng Emperatris ay sadyang mapangahas. Hindi na kailangan ng Lu Ryen ang tulong ng pulang ugat dahil bata at malusog pa ito. Bihira lang tumubo ang ganitong klase ng ugat sa kanilang lupain kaya naman nakikita niya na hindi na makapaghintay ang Emperatris sa magiging apo nito sa Prinsesa.

“Dao.” lumipat ang tingin ni Yura sa halamang nililiparan ng puting ibon. “Ilabas mo ang halamang ito sa aking silid, pagkatapos ay sunugin mo ito. Ganoon din ang gawin mo sa mga halamang katulad nito sa loob ng palasyong xinn.” dapat noon niya pa iyon ginawa ng hindi na lumalim ang pagkahumaling ng ibon sa halaman.

Nagtataka man ay sinunod ng punong katiwala ang kagustuhan ng Lu Ryen. Ang buong akala niya’y naaaliw ang Lu Ryen sa halamang ito dahil ito ang binabalik-balikan ng puting ibon.

Samantala, sa palasyo ng Pangalawang Prinsipe ng Salum…

“Tinanggihan niya ang imbitasyon ko.” ulit ni Siyon sa mensaheng ibinalik sa kanya ng kanyang tauhan. Anak man ito ng Punong Heneral, siya pa rin ang Ikalawang Prinsipe ng Salum. Isang malaking insulto sa pangalan niya ang pagtanggi nito.

“Kilala ang Xuren na ito sa pagiging mailap.” kumento ni Duran, ang pinsan ng ikalawang prinsipe. Sinalinan niya ng alak ang bakanteng kopa ni Siyon. “Hindi mo matukoy kung saang panig siya nabibilang.”

“Base sa nakaraang mga impormasyong pinadala mo sa akin, hindi nagkakasundo ang dalawa.”

“Namangha ako na hindi siya nagpapadala sa impluwensiya ng Emperatris. Marahil sa pagkakataong ito ay tunay na nahulog ang loob niya sa prinsesa. Kung magiging tapat siya sa prinsesa, di malalayong magiging tapat din siya sa Pangatlong Prinsipe. Kapag nangyari iyon, hindi na lamang ang Prinsipeng tagapagmana ang kailangan mong bantayan.” kung makukuha ng Emperatris ang suporta ng Punong Heneral, magiging malaking hamon ito sa pinsan niya.

Sumilay ang pakurbang linya sa labi ni Siyon matapos niyang sumimsim ng alak. “Nang nilabas ko ang lason, hindi ko pa nakikita ang Lu Ryen.” ninamnam niya ang naiwang pait sa kanyang panlasa ng maalala niya ang Xuren ng Zhu sa paligsahan.

Mariing napailing si Duran sa Ikalawang Prinsipe. Nakalimutan niyang libangan ng pinsan niyang mangolekta ng mga espesyal na bagay, hindi lamang mamahaling alahas kundi pinakamamahalin sa lahat ang nais nito. Mga angking kagandahang na bihira lang matatagpuan. Batid niyang sa sandaling magkainteres si Siyon sa isang bagay, dalawa lang ang napupuntahan nito. Mahuhulog ito sa kanyang kamay, o madudurog ito sa palad niya. Isang paraan lang ang naisip niya gayong hindi nito nagawa ang huli. “Kung nais mong makuha ang Lu Ryen sa iyong panig, may iba pang paraan.” makahulugang pahiwatig ni Duran na pumukaw sa interes ng Pangalawang Prinsipe.

Sinalinan ni Siyon ng alak ang kanyang pinsan na siyang naging anino niya sa lahat ng bagay. Kahit lumiban siya ng matagal sa palasyo ng imperyal ay mararamdaman parin ang kanyang presensiya dahil sa impluwensiya ng kanyang angkan na siyang hinahawakan ni Duran.

“May mga bulungbulungan sa kapitolyo na nahagip ng aking pandinig. Kinahuhumalingan daw ng Xuren ng Zhu ang isang Fenglin. Bago ang araw ng kanyang kasal ay binisita niya ito at nilibot sa kapitolyo.”

Natawa ng marahan ang Prinsipe sa narinig. “Kung nahulog ang Pangalawang Xuren ng Zhu sa tulad nito, ibig sabihin ay may nakita ito sa Fenglin na wala sa isang prinsesa.”

Muling napailing si Duran sa takbo ng isip ni Siyon. “Bakit hindi natin imbitahin ang Fenglein sa gaganaping pagdiriwang? Marahil ay magbago ang isip ng Lu Ryen.”

Lumalim ang ngiti sa labi ni Siyon. Mas naging interesado siya sa Fenglin na hindi nagawang angkinin ng Lu Ryen na tumanggi sa kanya.






TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Yeho: Pangunahing Xirin ng Zhu

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.