Makikita ang tuwa sa mukha ng mga Fenglin ng makatanggap sila ng imbitasyon mula sa palasyo ng Ikalawang Prinsipe. Batid nilang isang marangyang pagdiriwang ang ihahanda nito. Ang mga dadalong panauhin ay mula sa malalaking angkan. Isipin pa lamang nila na makakatagpo sila ng mga Xuren na maaaring magkainteres sa kanila ay hindi na maitago ng mga Fenglin ang kanilang tuwa. Hindi pa man sila nakakatapak sa palasyo nito ay nakakapanlula na ang halagang iniwan sa kanila kasama ng imbitasyon upang walang dahilan ang Fenglein na tanggihan ito. Ngunit sino sila upang tumanggi sa imbitasyon ng Pangalawang Prinsipe? Para sa mga katulad nila, isa itong malaking pagkakataon upang makaangat sa kanilang estado.

Naging okupado ang mga Fenglin sa pagpili ng isusuot nilang kasuotan na maglalabas ng kanilang tunay na alindog sa darating na pagdiriwang.

Kumunot ang noo ni Gayo sa imbitasyong dumating sa kanya. Bilang may-ari ng Fenglein, marami siyang nasasagap na mga kwento mula sa mga opisyales na naglalabas-masok sa kanyang teritoryo. Sa tuwing nalalasing ang mga ito ay lumalabas ang pinakakatago nilang mga hinaing. Base sa kanyang mga narinig, hindi simpleng prinsipe ang Ikalawang Prinsipe. Bilang ina ng mga fenglin, hawak niya ang kaligtasan ng mga ito. Ngunit hindi niya maaaring suwayin ang imbitasyon ng isang mataas na maharlika.

“Hindi mo kailangang dumalo.” payo ni Gayo sa mabining dalaga na natatakpan ng kulay rosas na seda. Nakasaad sa imbitasyon na lahat ng fenglin ay iniimbitahang dumalo, ngunit lingid sa kaalaman ng lahat na hindi niya nirehistro ang mayuming binibini sa kanyang Fenglein. Bago ito pumasok sa kanyang teritoryo ay nakatanggap na ito ng proteksiyon mula sa taong naghahangad ng kaligtasan nito. Hindi maintindihan ni Gayo kung bakit ginusto nitong pumasok bilang fenglin gayong may pagpipilian ito na wala sa mga kasama nitong pikit matang tinanggap ang kanilang kapalaran dahil ito nalang ang lugar na nakalaan sa kanila.

Hinawi ng mga daliri ni Sena ang manipis na pulang seda. Mahinang napangiti siya ng pisilin ni Gayo ang kanyang kamay. Ramdam niya ang pagiging ina nito sa kanya.

“Wala ng dahilan para manatili ka dito. Ang taong hinihintay mo ay hindi na babalik. Marahil nakarating na sayo na nagiging mabuti na ang relasyon nila ng prinsesa kaya para saan pa ang paghihintay mo?” hindi na mabilang ni Gayo kung ilang beses niya itong tinanong sa dalaga ngunit hindi siya mapapagod habang nakikita niyang walang buhay ang mga ngiti nito. “Walang hinangad ang Xuren kundi ang mapabuti ka. Ginagawa mo ba ito upang gantihan siya dahil hindi niya kayang suklian ang nararamdaman mo?”

Pinigilan ni Sena ang pamumula ng kanyang mga mata. “Napakasama ko ba dahil hindi ko gustong tumigil siya sa pag-aalala sa akin? Natatakot ako na sa sandaling hindi na niya ako inaalala ay tuluyan na niya akong makalimutan.”

“S-Sena?”

“Akala ko makukuntento na ako, pero kahit saglit lamang ay nais ko siyang makita.”

“Paano ka nakakasigurong dadalo ang Xuren sa pagdiriwang? At kahit magkita kayo-” natigil si Gayo ng mabasa niya ang hapdi sa mga mata ng mayuming binibini. Napahugot na lamang siya ng malalim. “Sana maging huli na ito,” muling pinisil ni Gayo ang kamay ni Sena bago niya ito nilisan ng mag-isa sa silid nito.

Naukol ang nanlalabong tingin ni Sena sa nakasinding ilaw ng lampara. Nang maligaw siya sa kasukalan, ang lampara na hawak ng Xuren ang naging liwanag niya upang makabalik dito. Subalit ang tunay na nagbigay ng direksyon sa buhay niya ay ang Xuren. Nang mawala na ito sa kanyang paningin, tuluyan naring tinakasan ng liwanag ang mundo niya. Naging madilim ang bawat araw na dumarating sa kanya.

Kahit isang saglit.

Kahit isang sulyap.

Nais niya muling masilip ang ilaw na nagbigay sa kanya ng liwanag.

Dumaan ang dalawang araw na paghahanda ng mga katiwala sa darating na pagdiriwang sa palasyo ng Ikalawang Prinsipe.

Pumailanlang ang malakas na halakhakan ng mga kalalakihan. Nagtipon-tipon ang mga xureng naimbitahan sa kasiyahan. Ang bawat isa sa mga ito ay kabilang sa mga pamilyang may malalakas na koneksiyon sa angkan ng Yan. Kung ang Prinsipeng tagapagmana ay sinusuportahan ng mga maharlika. Ang Ikalawang Prinsipe ay sinusuportahan ng mararangyang pamilya ng mga mangangalakal na kung saan ang koneksiyon ay kumakalat sa loob at labas ng imperyong salum.

“Kamahalan, matagal naming hinintay ang pagbabalik niyo. Tanging ikaw lang ang nakakaisip ng ganitong uri ng pagdiriwang.” papuri ng isang Xuren ng pinagsisilbihan sila ng mga magagandang dilag. Ang mga katiwalang babae ng ikalawang prinsipe ay sadyang nakuha base sa kanilang anyo. Bukod sa piling mga Xuren ang naimbitahan ay walang makikitang matandang opisyales na susuway sa kanila. Idagdag pang may proteksiyon sila ng Pangalawang Prinsipe kaya may kalayaan silang gawin ang naisin nila ngayong gabi.

Nangingiting pinalapit ni Duran ang kanyang tauhan. “Nagsisimula pa lang ang gabi, marami pang sorpresang hinanda ang Ikalawang Prinsipe.”

“Xuren Yan, dumating na po sila.” bulong ng tauhan sa tabi ni Duran. Binigyan nito ng makahulugang tingin ang pinsan niya na kanina pa naiinip. Inangat ni Siyon ang kanyang kopa bilang tugon dito.

Mabilis na sumunod ang tauhan ng makuha nito ang mensahe.

Umibabaw ang tugtugin at makukulay na kasuotan ng mga mananayaw ng fenglin. Tunay na sila ang diyosa ng mapang-akit na alindog. Sa kabila ng magagandang alipin ng ikalawang prinsipe, hindi parin ito maikukumpara sa mga dilag na fenglein. Sadyang nakakapukaw ng atensiyon ang mapang-akit nilang mga galaw na nagpapanabik sa mga kalalakihang nakatunghay sa kanila.

Subalit nabigo nitong makuha ang atensiyon ng Pangalawang Prinsipe na manhid na sa ganitong kagandahan na tinuturin nitong ordinaryong tanawin. Nagtatanong ang tingin ni Siyon kay Duran. Iling ang naging tugon ni Duran ng hindi nito nakita ang fenglin na hinihintay nila.

Nanginginig ang mga kamay ng katiwalang babae ng pagsilbihan nito ang Prinsipe. Naramdaman niya ang pagbabago ng timpla nito na bagay na pamilyar sa kanila. Huminto ang pintig ng pulso ng katiwala ng matalamsikan niya ng alak ang kasuotan nito. Nabahiran ng matamis na ngiti ang labi ng Pangalawang Prinsipe na nagbabanta ng panganib.
“Kamahala–!” mabilis na may tumakip sa bibig ng katiwalang babae at humablot na mga tauhan dito ng subukan nitong magmakaawa sa Prinsipe. Nakapukaw ito ng pansin ng ilang Xuren ngunit ng makita nilang banayad na umiinom ang prinsipe na tila wala itong narinig ay bumalik ang atensiyon nila sa makulay na palabas ng mga fenglin. Wala ng nakaalala sa aliping tahimik na pinutulan ng hininga sa tagong sulok.

Nagsimulang kabahan si Duran ng makita niyang sunod-sunod ang paglagok ng inumin ng pinsan niya. Alam niyang marami ang hindi na sisikatan ng umaga kung magpapatuloy ito. Sa kabila ng tahimik na pagtanggap ni Siyon sa pagtanggi ng Lu Ryen sa imbitasyon nito ay nag-iwan ito ng tinik sa pinsan niya. Hindi niya ito mapapakalma kung hindi niya ito mabibigyan ng ibang mapagtutuunan nito ng atensiyon. Malinaw na tinanggap ng Fenglein ang kanilang imbitasyon na lahat ng fenglin nito ay dadalo sa kasiyahan kaya bakit hindi dumalo ang fenglin ng Pangalawang Xuren ng Zhu? Ipapatawag na ni Duran ang kanyang tauhan upang ipahanap ito ng marinig niya ang pagbabago ng tugtugin.

Nahinto ang sunod na paglagok ng inumin ni Siyon ng pumasok sa pandinig niya ang matalim na tila napunit na musika na di kalaunan ay nasapawan ng malamyos na tugtugin. Dumating ang nakakulay rosas na fenglin na humalo sa makukulay na mananayaw. Subalit kahit na sumama ito sa mga fenglin ay makikita parin na naiiba ito sa kanila. Binaba ng Ikalawang Prinsipe ang kanyang inumin ng bumaba ang tingin ng fenglin na tila nagtatago ito sa paningin ng lahat, ngunit ng umangat ang tingin nito ay tuwid na sinalubong nito ang mga tingin ng mga nakatunghay dito na tila wala silang halaga sa paningin nito.

Tahimik na lumapit ang isang tauhan sa Xuren ng Yan at bumulong sa tabi nito.

“Ang Fenglin ng Lu Ryen,” mahinang usal ni Duran na lihim na nakahinga ng maluwag at tinignan ang pinsan niyang nakatuon na ang tingin sa mabining fenglin.

Sumabog ang hiyawan ng mga fenglin ng makita nila ang malakas na pagsilab ng apoy na gumapang sa paligid ng entablado.

Sunod na umalingawngaw ang mga palakpakan ng mga xuren sa pananabik ng pagsisimula ng tunay na laro ng kanilang kasiyahan ngayong gabi. Lubos na hinahangaan nila ang mga klase ng laro na naiisip ng Pangalawang Prinsipe.

Natunaw ang hilakbot na naramdaman ng mga fenglin ng ipaalam sa kanila ang magaganap sa larong ito. Sumungaw ang matinding paghahangad ng mga itong makuha ang nais nila pagkatapos ng gabi.

Napahigpit ang kapit ni Sena sa gilid ng kanyang kasuotan ng matuklasan niya ang kapusukang nilalaro ng mga xuren. Sadyang walang halaga sa kanilang paningin ang mga babaeng tulad nila. Sinasamantala ng mga ito ang paghahangad ng mga fenglin na makalaya mula sa mababa nilang kasuotan.

Iba’t-ibang panauhin ang nakilala ni Sena sa fenglein at wala sa mga ito ang maaaring maikumpara sa Xuren niya. Nasusuotan man ang mga ito ng magagarang kasuotan, hindi parin nito natatakpan ang madumi nilang kalooban.

Nahahabag si Sena sa kanyang mga kasama dahil tuluyan ng nabulag ang mga ito ng sarili nilang pagnanasa. Ngunit mas nahahabag siya sa kanyang sarili pagkat narito parin siya, umaasang masulyapan ang Xuren niya kahit sandali lang…

Lumuwag ang pagkakahawak ni Sena sa gilid ng kanyang kasuotan ng makita niyang naghahanda ang mga kawal sa pagpana ng nag-aapoy na palaso sa masukal na kakahuyan. Marahil ito na ang tugon na hinihintay niya. Mananatili siyang maruming pinta. Babalik at babalik siya sa putik na pinanggalingan niya. Pinapaalala sa kanya na hindi siya karapat-dapat para dito.

Nang pakawalan ng mga kawal ang mga palaso, nagsimulang kumalat at nagtakbuhan ang mga fenglin.

Nahubad sa mukha ng mga xuren ang pagiging ginoo. Ang tanging naiwan sa kanilang mga mata ay matinding pagnanasa. Hindi na sila makapaghintay na mamatay ang liwanag ng apoy na kumalat sa kakahuyan upang simulan nilang hanapin ang fenglin na yayakapin nila ngayong gabi.

Tinanguan ni Duran ang kanyang tauhan na naunang palihim na pumasok sa kakahuyan. “Ito ba ang magiging tugon mo sa pagtangi sayo ng Lu Ryen?” tanong niya sa pinsan niya na marahang nagpapaikot ng daliri nito sa labi ng kopa. “Kapag nakuha nito ang atensiyon ng Pangalawang Xuren ng Zhu. Kailangang maiparamdam mo sa kanya na sa susunod ay hindi na magiging madaling tanggihan ka.”

“Mas interesado akong makita na malagyan ng takot ang mga matang iyon.” tukoy ni Siyon sa fenglin na walang bahid ng takot na sumalubong sa kanya ng tingin.

Hindi na bago kay Duran ang tinutungo ng isip ng pinsan niya. Sa kabila nito ay nababahala parin siya dahil mas nagiging mapaglaro ito. Sumasabay siya sa agos nito ng mga bata pa sila, ngunit ngayong siya na ang susunod na mamumuno ng kanilang angkan at nakasalalay kay Siyon ang magiging impluwensiya ng pamilya nila sa imperyo. Kailangan niyang pagtakpan ang mga libangan nitong ituturing ng iba na isang malaking kahibangan.






TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Sena: Tanyag na Fenglin/ Kababata ni Yura

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Gayo: May Ari ng Fenglein

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.