Naramdaman ni Sena ang aninong sumusunod sa kanya simula ng pasukin niya ang kakahuyan. Pinili niyang tahakin ang pinakamadilim na parte ng kagubatan upang mailigaw ito. Nang maramdaman niya ang papalapit nitong presensiya, nagmamadali ang mga hakbang niyang lumusong sa kasukalan.

Hindi niya alintana ang mga matataas na dahon sumusugat kanya. Maririnig ang pagkapunit ng laylayan ng kanyang kasuotan ng madaanan nito ang patulis na kahoy na nakaabang. Hindi na matukoy ni Sena ang daang tinatahak niya, ang mahalaga ay makalayo siya sa aninong sumusunod sa kanya. Hindi na niya binalikan ang naiwang sapin ng kanyang mga paa. Tahimik na ininda niya ang pagbaon ng matitinik na damo sa kanyang talampakan.

Naudlot lamang ang pagtakbo niya ng mapatid ang kanyang paa sa malaking ugat ng puno. Nang tumigil si Sena, doon niya lamang naramdaman ang hapdi ng mga sugat na kanyang natamo. Pilit na bumangon siya ngunit hindi na niya maitapak ang kanyang mga paa. Itinago niya ang sarili sa pinakamasukal na parte ng kakahuyan at pilit na pinapakalma ang panginginig ng buo niyang katawan.

Muling bumalik sa kanya ang panahong tinatakbuhan niya ang dalawang lalaking pumaslang sa magulang niya. Ang pagkamuhi at takot niya ng halayin siya ng mga ito sa pinakamadilim na parte ng gubat. Mariing tinakpan ni Sena ang parehong taynga na tila naririnig niya ang kanyang mga hiyaw at hinagpis habang pinagsasamantalahan siya ng mga ito. Ang buong akala niya’y walang nakakarinig sa kanya, subalit dumating ang Xuren upang iligtas siya. Pakiramdam ni Sena ay muli siyang naisilang ng mga sandaling iyon at ito ang una niyang namulatan. “Xuren…” tuluyang bumigay ang mga luhang pinipigilan ni Sena.

Natigil si Yura ng marinig niya ang pagpatak ng ulan sa labas. Hininto niya ang pagsusulat ng dumating si Won. Naglaho ang pinta sa puting papel ng madaanan ito ng hangin.

Isinara ni Won ang durungawan bago nito hinarap si Yura. “Nakarating sa Emperador ang protesta ng Guin sa pinaplanong pagbuo ng panibagong hukbo. Ang mariing pagtutol ng mga ito ay nakakuha ng ibat-ibang opinyon mula sa mga opisyales at ministro ng imperyal. Dahil dito ay magpapadala ang Emperador ng mga mapagkakatiwalaan nitong tao sa kaharian ng Nyebes. Sa ngayon ay hindi pa ito nakakapagdesisyon kung sino ang ipapadala nito.”

“Kung ganon ay kailangan nalang nating hintayin kung sino ang kanyang isusugo.” tinupi ni Yura ang papel at isinama sa mga blangkong papel na naipon sa tabi niya. “Hindi maglalakas ng loob ang mga opisyales ng Nyebes na bumuo ng sarili nilang hukbo kung walang malaking tao ang sumusuporta sa likod nila.” Kung sino man ang ipapadala ng Emperador ay may malaking parte sa gagawin nilang pagkilos. Umangat ang tingin ni Yura kay Won ng mapansin niyang may nais pa itong sabihin sa kanya.

“Xuren,” batid ni Won na hindi niya maaaring itago ito kay Yura. “Inimbitahan ng Ikalawang Prinsipe ang Fenglein sa kanyang palasyo…” matapos ipaalam ng bantay ang mga naganap sa kasiyahan, nalaglag sa sahig ang mga blangkong papel na tila dumaan ang matalim na hangin. Nawala ang Xuren na kanina lang ay kalmadong nakaupo sa harapan ni Won. Hindi na gustong dagdagan ng kaliwang bantay ang alahanin ng kanyang panginoon ngunit alam niya kung gaano kahalaga sa Xuren niya si Sena.

Nadaanan ng anino ni Yura ang dalawang magkapares na magkasalikop sa gilid ng madamong kakahuyan. Hindi alintana ng mga ito ang pagpatak ng ulan kundi sumama ang kanilang ungol sa himig ng kalikasan. Maging sa ibang parte ng gubat ay naririnig niya ang mga kahalayan ng mga ito. Nabulabog ang mga insekto mula sa isang malaking puno ng may malakas na pwersang tumama sa malaki nitong sanga. Dumaan ang matalim na hangin na humiwa sa mga dahong bumagsak mula sa puno. Nararamdaman ni Yura na bumibigat ang kamay niya. Namumuo ang galit sa kanyang dibdib, bagay na matagal na niyang hindi naramdaman. Lalo lamang itong bumibigat ng hindi mahagilap ng kanyang paningin si Sena. Sa halip ay may kahina-hinalang presensiya ang pumukaw ng kanyang pansin. Sinundan ni Yura ang direksiyong tinahak nito. Nakita niyang pinulot nito ang napilas na piraso ng kasuotan.

Bumagsak sa lupa ang katawan ng isang lalaki ng may pwersang tumama sa kanyang likod.

Hinugot ni Yura sa kamay ng lalaki ang napilas na tela. Nang makita niya ang disenyo ng rosas, nakumpirma niyang pag-aari ito si Sena. Sinundan ni Yura ang naiwan nitong bakas. Bawat hakbang na kanyang nadaraanan ay tila nasusugat ang damdamin niya para dito. Huminto siya ng marinig ang mahihinang hikbi sa madilim na sulok ng kakahuyan. “Sena…” mariing ikinubli ni Yura ang namumuong galit sa puso niya. Ang buong akala niya’y sa kanyang paglayo ay pinoprotektahan niya ito ngunit ngayon ay nakikita niyang ginawa niya lamang iyon upang takasan ang nararamdaman nito para sa kanya.

Umatras si Sena ng maramdamang hindi na lamang siya nag-iisa. Tumila na ang ulan ngunit patuloy parin ang pag-agos ng mga luha niya. Pigil ang hiningang hinintay niya ang dilim na babalot sa kanya ngayong gabi. Nang mawala ang itim na ulap na tumatakip sa liwanag ng buwan, tumambad sa paningin ni Sena ang nakaitim na Xuren. Sa kabila ng madilim nitong kasuotan na hinahawi ng hangin, nanatili itong maliwanag sa kanyang paningin. Nakalimutan ni Sena ang natamong tama ng kanyang paa ng bigla siyang tumayo upang salubungin ito. Maagap na sinalo siya ng Xuren ng mawalan siya ng balanse. Naglaho ang lahat ng takot na bumabalot sa kanya ng makulong siya sa yakap nito. Mahigpit na kumapit siya dito bago siya tuluyang nawalan ng malay.

Maingat na binalot ni Yura kay Sena ang panlabas niyang kasuotan bago niya ito binuhat sa kanyang mga bisig.

Ang lahat ay namangha na hindi inisip ng Lu Ryen ang kanyang reputasyon sa harap ng mga matataas na xuren ng lumabas ito sa kakahuyan kasama ang fenglin sa bisig nito. Sa paraan ng pagkakahawak nito sa mayuming dilag ay tila ito ang kanyang pinakamahalagang pag-aari.

Hindi inaasahan ni Duran ang biglaang pagdating ng Lu Ryen. Nang salubungin niya ito ay nilagpasan lamang siya nito. Naghahagilap ang tingin ng Lu Ryen sa paligid. Di kalaunan ay mabilis na pumasok ito sa kakahuyan ng hindi nito nakita ang hinahanap nito. Hindi niya lubos akalaing napakaespesyal ng fenglin na ito sa Pangalawang Xuren ng Zhu.

“Yura Zhu, anong ibig sabihin nito? Hindi mo ba babatiin ang Ikalawang Prinsipe?” hinarang ni Duran ang daraanan nito. “Tinanggihan mo ang imbitasyon ngunit narito ka upang kunin ang isa sa kanyang mga panauhin? Hindi ba’t isang malaking insulto ito?” ang kapangahasang ito ay hindi maaaring palagpasin ni Duran. Nasundan niya ang mga kilos ng Lu Ryen simula ng pumasok ito sa pamilya ng imperyal. Kaya batid niyang mahirap itong hawakan. May kakayahan itong protektahan ang sarili nito kahit wala ang tulong ng Punong Heneral. Ngunit hindi papayagan ni Duran na daanan lamang ng Lu Ryen ang pinsan niya.

Lumapit si Won kay Yura upang kunin si Sena sa bisig nito ngunit tinanggihan ito ni Yura at hinarap ang pinsan ng Pangalawang Prinsipe. “Panauhin? Kung ganito ang magiging kahihinatnan ko bilang panauhin niya, tama lang ang desisyon kong tanggihan ang imbitasyon ng Pangalawang Prinsipe.” humigpit ang hawak ni Yura kay Sena. Hindi lang ang buhay ng mga mandirigmang Goro ang ninakaw ng Ikalawang Prinsipe kundi ang mga ama at kapatid ng pamilyang naiwan ng mga ito. “Hindi ko makakalimutan ang insultong ito.”

Nilisan ng Lu Ryen ang lugar na sinakop ng matagal na katamikan. Nabasag lamang ito ng malalim na halakhak ng Pangalawang Prinsipe. Kinakabahang napadako ang tingin dito ni Duran.

Muling dumilim ang mga ulap na tumakip sa liwanag ng buwan. Maririnig ang nangangalit na kulog na nagbabadya ng malakas na pagbuhos ng ulan.

“Ako na ang bahala sa kanya. Maaari niyo na kaming iwan.” wika ni Yura sa mga tagapaglingkod matapos nilang bihisan si Sena na nanatili parin walang malay.

Maingat na itinabi ni Dao ang mga gamot at telang pangbalot sa sugat ng binibini ng lisanin nila ang silid ng Lu Ryen. Ang mga Xienli na nag-uusisa kung sino ang inuwing babae ng Lu Ryen ay pinabalik ni Dao sa kanilang mga silid. “Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Dao sa matangkad na bantay ng Lu Ryen. Nakita niyang nagmamadaling lumabas ang Lu Ryen ng palasyo ng sundan ito ng kaliwa nitong bantay. Hindi niya man narinig ang kanilang napag-usapan ngunit nakita niyang nagdilim ang anyo ng Lu Ryen ng lumabas ito ng kwarto nito.

“Magpahanda ka ng silid para sa bagong Xienli ng Xuren.” ang malamig na tugon ng bantay na nagpahina sa tuhod ng Punong katiwala upang bahagya itong sumandal sa katabi nitong alalay.

Lumalim ang linya sa noo ni Dao. Masyado pang maaga para tumanggap ang Lu Ryen ng bago nitong Xienli. Bakit may nangyaring ganito gayong nagiging maaayos na ang relasyon ng kanilang panginoon sa prinsesa?

Marahang dinampian ni Yura ng gamot ang mga galos at pasa na nagmarka sa mga paa ni Sena. Umakyat ang tingin niya sa mahimbing na pagkakatulog nito na tila wala itong sugat na natamo.

“…umaasa akong makikita niyo ako bilang isang babae at hindi lamang isang kaibigan na nais niyong protektahan.”

Binigyan niya ito ng pagkakataong makalaya sa kanya ngunit mas pinili nitong manatili sa tabi niya. Dahil sa kanya ay nalagay ito sa panganib na maaaring magbalik dito sa pinakamadilim nitong nakaraan. Sa ngayon ay wala ng ibang paraan kundi ang panindigan ni Yura ang pagiging Xuren niya kay Sena. Sa huli, siya ang taong lubos na magbibigay ng malalim na sugat dito. Kailangan niyang makagawa ng ibang paraan upang maprotektahan ang mga taong mahalaga sa kanya. Sa susunod ay hindi na lamang si Sena ang malalagay sa panganib kung magiging mahina siya. Dumating na siya sa puntong kailangan niyang maging mas mapanganib sa mga taong nagbabanta sa buhay ng mga mahal niya. At sa hinaharap ay mananatiling sarado si Yura sa ano mang bagay na magpapahina sa kanya.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Sena: Tanyag na Fenglin/ Kababata ni Yura

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.