Naging masigla ang bulwagan ng palasyo ng imperyal ng ianunsiyo ng Emperador ang napiling Prinsipe na ipapadala nito sa kaharian ng Nyebes. Mahigit kalahati ng mga ministro ang sumang-ayon sa naging desisyon ng Emperador. Subalit sa panig ng Prinsipeng tagapagmana, makikita ang kanilang pagtutol. Masyado ng pinapaboran ng Emperador ang Ikalawang Prinsipe. Nahihigitan na nito ang Pangunahing Prinsipe pagdating sa mga tungkulin na dapat ay nakaatang sa balikat ng Prinsipeng tagapagmana.
Matapos tanggapin ni Prinsipe Siyon ang kautusan, hiniling nito sa Emperador na ipagkatiwala sa kanya ang pagpili ng mga taong sasama sa kanya sa kaharian ng Nyebes. Nang makarating sa pandinig ni Jing na pinangalanan nito ang Pangalawang Xuren ng Zhu, agad na bumangon siya sa pagkakahiga mula sa sulok ng mga istante ng aklatan ng imperyal. Hinagilap niya ang kanyang ama upang irekomenda siya nito sa Ikalawang Prinsipe. Nakakasilaw man ang mga ornamento nito ay titiisin niya makalabas lamang siya kasama ang Lu Ryen upang hindi ito maligaw ng daan. Ngayong inilahad na nito ang kamay nito sa Guin, hindi niya hahayaang ibang kamay ang humawak dito.
“Ni minsan ay hindi ka pa nakalabas ng kapitolyo kaya paano mo makakayanan ang mahabang paglalakbay? Magiging pabigat ka lamang sa kanila. Idagdag pa na hindi maganda ang sitwasyong nangyayari ngayon sa Nyebes. Natitiyak kong hindi ka papayagan ng iyong Ina.” hindi pinansin ng Punong Ministro ang nag-iisa niyang anak at pinagpatuloy ang naudlot niyang pagbabasa.
“Ama, hindi habang buhay akong makakaiwas sa panganib. Hindi ako matututong tumayo sa sarili kong mga paa kung lagi kayong nakabantay sa akin ni Ina. Ito na ang pagkakataon kong makapaglakbay upang tuklasin ang mga karunungang matututunan ko sa espedisyong ito.”
Nakatanggap ng hampas ng aklat sa balikat si Jing mula sa kanyang ama. “Akala mo hindi ko alam ang ginagawa mong pagbuntot sa Pangalawang Xuren ng Zhu? Hihintayin mo bang mapaso ka bago ka matututo?”
“Tama ka Ama, matututo lamang ako kapag napaso ako. Kaya naman kailangan ko ang espedisyong ito upang lumawak ang karanasan ko at hindi ako makulong sa mga pahina ng libro.” magalang na ibinalik ni Jing sa kamay ng kanyang Ama ang aklat na tila hindi nito nakikita ang galit sa mga mata ng Punong ministro.
“Jingyu!”
Nananakit ang balikat na sunod na hinanap ni Jing ang pinsan niya. Nang bumadya sa paningin niya ang payapang paligid nito habang nagpapakain ito ng alaga nitong ibon ay tila gusto na niyang sumuko. Binulabog niya ang tahanan ng kanyang Ama habang tila hindi gumagalaw ang mga oras kay Hanju na hindi naaapektuhan sa mga nangyayari sa paligid nito. Marahil kahit lamunin na ng apoy ang palasyo nito ay hindi parin ito mababagabag. Isipin palang ni Jing na maaaring mangyari kay Hanju ang nangyari sa Ina nito ay kinakapa ng kaba ang dibdib niya.
“Ju,” kahit na tinawag niya ang pangalan ng pinsan ay nakatuon parin ito sa pagpapakain ng ibon nito. “Sana naging ibon nalang ako ng hindi ko na kailangan mamalimos ng atensiyon mo.” binagsak ni Jing ang sarili sa paboritong upuan ng patuloy ang paghaplos ni Hanju sa puting ibon. Nababagot na tinanggap niya ang inihaing tsaa ng mga katiwala.
Nang bumaba ang tingin ni Jing, marahang inangat ni Hanju ang ibon na tila may binabasa ito. Pagkatapos makuha ng Pang-anim na Prinsipe ang mensahe ay agad na binura nito iyon sa ibon bago niya ito pinakawalan. “Maaari mong mapaniwala ang iba na nagiging mapaglaro ka lamang subalit hindi lahat ay may simpleng pag-iisip na tulad mo. Huwag kang gagawa ng bagay na ikakabahala ng mga taong nag-aalala sayo.” tukoy ni Hanju sa Punong ministro at sa kabiyak nito.
“Bakit nasisiyahan ako kapag ikaw ang nagbibigay ng babala sa akin? Pakiramdam ko nagkakaroon na ng kahulugan ang ginagawa ko.” nakangising tugon ni Jing. Nagpapahiwatig na walang makapagpapabago ng kanyang desisyon. Naramdaman ni Jing na may kakaiba sa pinsan niya, hindi man siya nito sinusuportahan ngunit hindi rin siya nito pinipigilan na mapalapit sa Lu Ryen. “Heh…? Huwag mong sabihing nagbago na ang tingin mo sa Pangalawang Xuren ng Zhu? Nagkakaroon ka na rin ba ng interes sa kanya? Noon pa man ay narararamdaman ko ng magkakasundo kayo. Kung ganon ay kailangan kong magsikap upang hindi siya masilaw ng Ikalawang Prinsipe.” bumalik ang sigla ni Jing. Mariing napadaing siya ng mapaso ang kanyang bibig sa bigla niyang pag-inom ng mainit na tsaa.
Naglaho ang mga katagang nais na lumabas mula kay Hanju. Itinuloy na lamang niya ang kanyang ginuguhit. Nawalan na siya ng interes na payuhan ang pinsan niya. Napakamalikhain nitong gumawa ng sarili nitong interpretasyon ng mga salita niya. Sa halip na makatulong ay bagkus makasama pa dito ang kanyang mga payo. Subalit batid niya rin na sa kabila ng mapaglarong anyo ni Jing ay alam nito ang limitasyon nito. Sadya lamang na lantad ang pamamaraan nito kumpara sa kanya.
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Jing ng may maalala ito. Nag-aalalang napatingin ito sa kanyang pinsan. “Ju, kung makakasama ako sa Pangalawang Prinsipe, hindi kita masasamahan sa pagbisita-“
“Iilan lamang ang nakakaalala sa kanya. Sapat na sa aking hindi mo nakalimutan ang kanyang kaarawan.”
Dumiin ang pinta sa magaspang na papel. Niluwagan ni Hanju ang pagkakahawak sa kanyang pangguhit na hindi niya namalayang humigpit. Akala niya’y manhid na siya ngunit kahit ilang beses niyang ikulong ang apoy sa dibdib niya ay nagagawa parin nitong kumawala sa sandaling makalimutan niya itong selyuhan. Kapag dumating ang sandaling maaari na niyang pakawalan ang apoy na tinimpi niyang ikulong sa loob ng maraming taon… wala siyang iiwan kundi abo ng mga ito. Hindi niya hinahangad ang kapangyarihan ng emperador na nakuha nito gamit ang buhay ng kanyang ina. Ang tanging nais niya ay makita nitong mabuwag ang lahat ng pinaghirapan nito habang nakaupo ito sa trono nito. Ito lamang ang tanging paraan upang mapalaya niya ang kanyang ina sa kawalang katarungang pagkamatay nito. At ito din ang tanging paraan upang mapalaya niya ang kanyang sarili. Natitiyak niyang iyon din ang nais ng kanyang ina para sa kanya. Ang kumalas sa maruming mundo ng pamilya ng imperyal. Bagay na nais nitong gawin bago ito lamunin ng apoy.
Bahagyang kumunot ang noo ni Hanju ng makalahati niya ang kanyang ginuguhit. Isang ibon na nag-aapoy ang plumahe ang naipinta niya. Hindi mawari kung ito ang nasa panganib o ito ang tumutupok sa lahat ng nadaraanan nito. Sumagi sa isipan niya ang walang malay na anyo ng Pangalawang Xuren ng Zhu ng maligaw ito sa kanyang hardin. Tulad ng kanyang ina, ninakaw ng isang kautusan ang kalayaan nito. Hindi ito naging parte ng pamilya ng imperyal kundi naging pain ng Emperador sa Punong Heneral. Ito marahil ang dahilan kung bakit hinayaan niya itong makalabas ng kanyang palasyo dala ang lihim na maaaring maging banta sa kanya.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply