“Tama ba ang narinig ko? Gusto niyang bilhin ang share ko sa kumpanya?” napangiti si Sin ng matamis habang umiinom ng orange juice.  Nilalaro niya ang labi ng babasaging inumin habang hinihintay ang sagot ng Secretary ng bagong Chairman ng Valcarcel Group. Hindi tinanggap ng dalaga ang mga respetadong panauhin sa pormal na paraan kundi sa tabi lamang ng swimming pool niya kinausap ang mga ito. Idagdag pang nakatwo-piece black bathing suit si Sin kaya nakalantad ang perpektong korte ng kanyang katawan. Pagpapakita na hindi niya pinapahalagahan ang mga posisyon ng mga ito. Hindi niya sinipot ang appoinment niya sa kanila kaya ang mga ito ang personal na pumunta sa kanya. Isa siya sa pangalawang may hawak ng pinakamalaking share sa kumpanya kaya naman maingat na nililigawan siya ng mga ito.

Ibinigay sa kanya ni Cash ang parteng namana nito sa magulang nila kaya napunta lahat sa pangalan niya ang share ng kanilang magulang.  Nais nitong mamuhay ng simple kasama ang asawa nito, at palakihin ang anak nila sa isang simpleng pamilya. Alam niyang masaya na ang kapatid niya, noon pa man ay mga simpleng tao ang mga kinakaibigan nito kahit na nakakaangat sila sa buhay ay mas pinipili nitong makihalubilo sa mga mahihirap nitong kaibigan. Na kahit anong gawin niyang pag-intindi ay di niya maintindihan. Siguro ay talagang malambot ang puso ng kapatid niya, pero kahit pa malaki ang pagkakaiba nila ay magkasundong-magkasundo sila ng kanyang kapatid sa maraming bagay. Lalo silang napamahal sa isat-isa ng pumanaw ang magulang nila.

“Ang 38 percent na share niyo sa kumpanya ay babayaran namin sa halagang 48 percent.  Sigurado akong pabor ito sa inyo Miss Sindra.” paliwanag ni Mr. Galleto na dating Secretary ng bumabang Chairman at nanatili paring Secretary na bagong Chairman ng Valcarcel Group. Ang mga tulad nitong talentadong tao ang mahirap palitan kaya napanatili nitong panghawakan ang titulo nito sa kumpanya ng angkan niya.

“Hmm… Kung ganon kahalaga ang share ko sa kumpanya para ipagpalit ninyo sa napakalaking halaga, what makes you think na isusuko ko ang share ko nang ganon-ganon nalang?”

“Pag-isipan niyo itong mabuti,” seryosong payo sa kanya ni Mr. Galleto.

Sunod-sunod ang ginawang pag-iling ni Sin. Wala siyang pakialam kung nagmukha siyang bata sa paningin nito, at sa dalawa nitong kasama. “Hindi ko uulitin ang sinabi ko. Isa pa, I feel really insulted,” napahawak si Sin sa dibdib niya. “Bakit hindi mismo ang Chairman niyo ang magmakaawa at lumapit sa akin? Halos pag-aari ko na ang kalahating katawan ng kumpanya pero kayo parin ang pinapunta niya?” napapailing na tumayo siya at sinuot ang manipis na roba. “Is he looking down on me?” tinatamad na tinali ni Sin ang laso ng roba niya habang pinagmamasdan ang lalim ng pool. “Dahil ba may magulang siya at ako wala?” bumalik ang tingin niya kay Mr. Galleto. “Huh? Does he really think that he can bully me? How disdainful, conceited brat.”

Hindi nakaligtas kay Sin ang lihim na pagtaas sa kanya ng kilay ng Secretary na parang sinasabing…  Miss, are you referring to yourself?  Gusto niyang matawa. He has guts, if only he was ten years younger, she sighs…

Sinalubong ni Sin ang mga tingin ng Secretary, “You can’t blame me, malaki ang ipinundar ng magulang ko sa kumpanyang ito, ano nalang ang sasabihin nila kung basta ko na lamang itong pakakawalan? At isa pa, wala akong tiwala sa bago niyong Chairman, kauupo niya palang pero gusto na niyang bilhin ang share ko?” hindi na napigilan ni Sin ang tumawa. “Sabihin mo sa kanya na kahit lumuhod siya sa harapan ko, wala siyang makukuha ni katiting na porsyento.” Lihim na napamaang sa kanya si Mr. Galleto. Kung di siya nagkakamali ay nakita niya ang pagkaaliw sa mga mata nito.

Sa wakas ay nakumbinsi ni Sin ang mga ito na wala silang makukuha sa kanya. Tumayo siya sa pagkakaupo at pumunta sa tapat ng tenth feet ng swimming pool. Kinalas niyang muli ang roba na hinayaan niyang bumagsak, kasabay nito ay tumalon siya sa tubig at sumisid sa pinakailalim nito hanggang sa dalhin siya sa alaala na ayaw na niyang balikan.

Six years ago…

“Sin!” hinabol siya ni Seth pero mabilis at malalaki ang hakbang niya palayo dito. Hindi alintana ni Sin ang lakas at bigat ng ulan na bumubuhos mula sa madilim na kalangitan. Tumatakbo siya ng nakapaa habang ang lakas ng buhos ng ulan ay nagpapalabo sa kanyang paningin. Idagdag pa ang mga luhang nag-uunahang tumulo, dahilan kung bakit hindi na niya napansin ang kahoy na pumatid sa paa niya. Mukhang nakikisama ang lakas ng hampas ng alon sa galit na nararamdaman niya.

“Sin!” muling tawag ni Seth sa pangalan niya. Naabutan siya nito at tinulungan siyang bumangon mula sa kanyang pagkakabagsak.

“Huwag mo akong hawakan!” nandidiring binawi ni Sin ang kamay mula dito na dahilan ng muling pagbagsak niya sa puting buhangin. “Don’t you dare touch me again!”

“Sin… I… I–“

“Paano mo ito nagawa sa’kin?!”

“I’m in love with you!  All this time-”

“Damn you!”

“Please, listen to me!”

“Don’t you dare come near me. I swear I’ll kill myself!” banta ni Sin ng muling magtangkang lumapit sa kanya si Seth.

“Sin?!”

“Don’t fucking call my name!” puno ng galit ang bawat salitang binibitiwan ni Sin. Nakita niya ang sakit sa mga mata ni Seth na parang patalim ang mga salitang binibitiwan niya dito.

“Kung ang kapatid ko ang nandito hindi mo sasabihin ‘yan! Pero wala na siya. Ako, ako ang nasa tabi mo ngayon!”

“How dare you!” pinuno niya ng buhangin ang kabilang kamay niya at itinapon sa mukha ni Seth. Napahawak ito sa mukha dahil napunta ang ibang buhangin sa mga mata nito. Kinuha niya ang pagkakataong iyon para makalayo dito. Sinalubong niya ang paghampas ng malaking alon upang isama siya sa pag-anod nito.

“Sin!!!” iyon ang huling narinig niya bago siya kainin ng malaking alon.

Lumabas ang mukha ni Sin sa tubig at humihingal na humugot siya ng hangin. Nang napuno ng hangin ang dibdib niya, lumangoy siya sa gilid ng pool at tuluyan ng umahon sa tubig. Sinalubong siya ng isa niyang katulong at binigyan ng towel.

“Thanks.” inabot niya ang towel at inunang pinunasan ang mukha. Dumating ang isa pang katulong para ibigay sa kanya ang telepono dahil may importante daw siyang tawag. Kunot-noong sinagot niya ito.

“Yes? It’s me.”

“Sin…”

Bigla siyang natigilan nang makilala niya ang may-ari ng boses sa kabilang linya. Kahit anim na taon na niya itong hindi nakikita, hindi siya magkakamaling hindi ito makilala.  

“Seth.”

Humigpit ang pagkakahawak ni Sin sa telepono. Nagsisimulang mamuo ang galit sa dibdib niya.