“Sin…” hindi namalayan ni Sin na napahigpit ang pagkakahawak niya sa telepono ng marinig niya ang boses ng nasa kabilang linya.

“Seth.”

“So, you finally decided to see me?” halos pabulong na tanong nito sa kanya. Marahil kung hindi nakatuon dito ang buong atensyon niya ay di niya ito maririnig.

“Isn’t this what you want? Now you have my attention.”

“May malalim akong dahilan kung bakit ko ito ginagawa.”

“Oh really? gusto mong bilhin ang share ko na alam naman nating malaking issue sa pamilya natin, hindi ka ba natatakot sa magiging reaksiyon nila Uncle Stern? Nag-aalala ako kung saan ka pupulutin.”

Isa ng malaking scandal sa angkan nila na ang naging tagapagmana ng Valcarcel Group ay anak sa ibang babae, kahit pa isa itong legal na Valcarcel sa pangalan at sa papel.

Panganay na anak si Uncle Sutto, ang ama ni Seth at kapatid ng Daddy niya. Sumunod naman dito ang kanyang ama, kaya pangalawa ang Daddy niya sa may pinakamalaking mana. Kasunod ng iba pa nilang mga kapatid na may kanya-kanyang share sa kumpanya. Kahit malaki ang pagtututol ng mga ito sa pag-upo ni Seth bilang Chairman ay wala paring silang nagawa dahil suportado si Seth ni Uncle Sutto. Dumating ang panahon noon na bumagsak ang kanilang kumpanya at Si Uncle Sutto at ang Ama niya ang gumawa ng paraan para makabangong muli ang kumpanya nila hanggang naging isa ito sa pinakamalaki at maimpluwensiyang kumpanya maging sa ibang bansa. Kaya naman kung anumang maging desisyon ng panganay na anak ay walang magagawa ang mga kapatid nito. Dumating si Seth sa buhay nila ng panahong bumabangon na ang kumpanya. Dalawang taon ito ng inampon ito ni Uncle Sutto, kaya marahil naging paborito nito si Seth kaysa sa tunay nitong anak na si Bryan dahil pakiramdam nito ay swerte ito sa buhay nila.

Namatay si Bryan ng labing pitong taon ito, magkasunod ang pagkawala nito at ng magulang niya kaya naman ganoon nalang gumuho ang mundo ni Sin. Gusto na niyang sumunod sa pinsan. Bryan is her bestfriend, her soulmate, her first love… Alam niyang hindi tama pero iyon ang tunay na nararamdaman niya. Maingat na itinago niya ang sikretong iyon hanggang sa mawala ito sa kanya ay hindi niya iyon nagawang ipagtapat dito, kaya ganoon nalang kasakit sa kanya ang pagkamatay ni Bryan. Ilang gabi siyang umiiyak, walang sino man ang makapagpatahan sa kanya at mas nais niyang mapag-isa. Nag-aalala ang mga Uncle at Auntie niya kaya dinala siya ng mga ito sa kanilang vacation house na nasa isang isla. Halos magdadalawang buwan na siyang tumigil doon at wala ng balak bumalik sa kanila. Hinayaan siya ng mga itong mapag-isa sa lugar kasama ng mga bantay niya.

Subalit isang araw, biglang dumating si Seth, pilit siya nitong pinapabalik. Masama ang loob dito ni Bryan dahil hanggang sa huling hininga nito ay nasa tabi ni Seth ang mga magulang nito. Siya ang nakaramdam ng galit para dito, kaya naman ibinuhos niya ang pagkamuhi niya kay Seth, lahat ng sakit at galit sa dibdib niya ay ibinigay niya dito. Hindi nito nakayanan ang mga ginagawa niya kaya nagawa ni Seth ang isang bagay na hindi dapat nito ginawa sa kanya… Isang bagay na di niya lubos akalaing mangyayari sa kanila. Alam niyang nasaktan niya ito, pero hindi sapat iyon para lalo nitong sugatan ang damdamin niya. Binigyan siya ni Sethng dahilan para lalo niya itong kamuhian. Ito ang dahilan kung bakit mas lalong nagulo ang buhay niya. Sa tuwing bumabalik sa kanya ang lahat, lalo lamang siyang naguguilty sa nararamdaman niya para kay Bryan.

Pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Seth, hindi na muli itong nagpakita sa kanya, Nag-aral ito sa state upang iwasan siya.

“Tama ba ang narinig ko na nag-aalala ka sa akin?”

Napangiti si Sin sa tanong ni Seth na may halong sarkasmo, ngunit hindi umabot sa mga mata niya ang mga ngiting iyon, dahil blangko at walang emosyon ang tanging makikita sa mga mata ng dalaga. 

“Seth, nag-aalala akong hindi na ang sarili kong buhay ang kukunin ko kundi sayo.”

“Mabuti kung ganon,”

“Do you hate me?” naramdaman ni Sin na natigilan ito dahil matagal itong hindi nakasagot.

“I wish I could,” anito ngunit parang sa sarili nito iyon binulong.

“Dahil gagawa ako ng bagay na tiyak kong kamumuhian mo.”

“You always did, iyon lang naman ang kaya mong ibigay sa akin.”

“Bakit hindi nalang ikaw ang nawala?” pinutol ni Sin ang linya matapos iyong sabihin.

Matagal na tumigil ang telepono sa kamay ng Chairman ng Valcarcel Group kahit matagal ng nawala ang nasa kabilang linya. Pagkalipas ng anim na taon ay ngayon niya lang muli narinig ang boses nito. Pilit niya mang itago ay naroon parin ang parte niya na nagnanais na muling marinig ang boses ng dalaga subalit ang matatalim nitong mga salita ang pumipigil sa kanyang makita ito. Sa tuwing may mga pagtitipon ang pamilya nila ay pareho silang hindi dumadalo kaya nagawa nilang hindi magkita ng ganoon katagal kahit malapit lamang ang mundo nila. Ngunit matatapos na ngayon ang pagtatago nila sa isat-isa.

“She’s a threat,” kumento ni Mr. Galleto sa tabi ni Seth.

“She’s always been,” sagot ni Seth na tila may dalawang ibig sabihin. Hindi niya alam kung napansin iyon ng Secretary niya na may matalas na pakiramdam.

“Nagtataka ako kung bakit lagi mo siyang pinapabantayan, ngayon alam ko na. I never thought that she is something else, dahil base sa mga report niya na papalit-palit ng mga lalaki, party queen, at kung anu-ano pa ay buong akala ko’y di siya magiging hadlang sayo. Pero ng makita ko siya ng araw na ito, nag-iba ang opinyon ko sa kanya. Matalino siya, kaya naman nagtataka ako kung bakit hanggang ngayon ay wala siyang ginagawa.”

“Alam kong wala akong magiging kakampi sa angkan ng Valcarcel.” pagbabago ni Seth ng usapan.

“Naiintidihan ko, kaya sinimulan ko ng kausapin ang ibang shareholders. Ang iba ay pumanig sa atin, at ang iba naman ay pinag-iisipan pa, sigurado akong magtutulungan ang mga Valcarcel laban sayo.”

“Mukhang hindi talaga nila matanggap na ako ang pumalit kay Dad. Sa tingin mo, dapat bang ako ang nakaupo ngayon dito gayong hindi ako ang tunay na anak?”

“Anong sinasabi niyo? Anak kayo ni Sir Sutto at malaki ang tiwala niya sa inyo. Ipinagkatiwala niya sa inyo ang kumpanya at tinalikuran ang sarili niyang mga kapatid dahil naniniwala siya sa kakayahan niyo. Kaya ipakita niyo sa kanilang hindi nagkamali ng desisyon ang inyong ama.”

Alam ni Seth ang tunay na intensiyon ng kanyang Ama, nais nitong ipakita sa lahat na kinikilala siya nito bilang anak nito, lalo nasa kanyang mga kapatid. Nais nitong matanggap siya ng angkan ng Valcarcel.

Valcarcel. Isang napakalupit na pangalan na ipinatong sa balikat niya. Pangalan na nag-uugnay sa kanya kay Sin, at parehong pangalan na naglalagay ng malaking pader sa pagitan nila.