Sa paglatag ng sinag ng araw, lumabas ng kapitolyo ang apat na malalaking karwahe kasunod ang daang-daang mga kawal na nakasakay sa kanilang kabayo.

“Hindi ako lubos makapaniwala na sa pag-imbita mo sa Lu Ryen ay susunod sa atin ang Ikatlong Prinsipe kasama si Ministro Tien at ang Xuren ng Punong Ministro.” Binawi ni Duran ang tingin sa kasunod nilang karwahe. Dumako ang tingin nito sa Ikalawang Prinsipe kung saan nakatuon ang atensiyon sa pulseras nitong suot.

“Sa maikling panahon na nawala ako, dumating ang Ikalawang Xuren ng Zhu. Sabihin mo sa akin kung bakit ang anak ng Punong Heneral na siyang tahimik na naglalayag sa ibang lupain ay maingay kong naririnig ngayon sa aking teritoryo?”

Bumakas ang linya sa noo ni Duran sa tanong ni Siyon. “Noong una ay kuryusidad lamang ng mga tao tungkol sa kanya ang pumukaw ng kanilang interes. Subalit ang pagtanggap niya sa apat na Xienli na handog sa kanya ng Prinsesa at ang malinis na pagkapanalo nito sa paligsahan ang nagpaingay ng kanyang pangalan. Pinagtibay nito ang prestihiyong pangalan ng Zhu ngunit ang pamamaraan ng Lu Ryen ay hindi nalilinya sa imahe ng Punong Heneral. Ito marahil ang dahilan kung bakit mas lumalim ang interes sa kanya ng mga tao.”

Marahang hinubad ni Siyon ang pulseras mula sa kanyang pulso bago sinalubong ang tingin ni Duran. “Hindi lamang ang mga ito ang nagkainteres sa kanya kundi maging ang aking Ama.”

Binabaan ng Xuren ng Yan ang kanyang tinig. Nagdidilim ang anyong nagwika ito. “Sa pagkakataong ito, sisiguraduhin kong hindi na siya–“

“Duran.” Putol ni Siyon sa Pinsan at hindi binigyan ng tuon ang talim sa mga mata nito. “Wala kang gagawin.” Muling humugot ng bagong pulseras ang Ikalawang Prinsipe sa maliit na kahon. Mapanuring sinusukat nito ang timbang ng mga hiyas. Tinitimbang kung karapat-dapat ba itong mapabilang sa kanyang koleksiyon.

Napaupo ng tuwid si Duran sa narinig. “Hindi ba’t iyon ang dahilan kung bakit siya ang napili mong sumama sa atin sa Nyebes? Tinanggihan niya ang imbitasyon mo, at hayagan ka niyang ininsulto sa harap ng iyong mga panauhin. Huwag mong pahintulutan na masundan itong muli.”

“Naniniwala kang sapat na ang impluwensiya ng ating angkan sa lupaing ito?” Muling binalik ni Siyon ang hawak na pulseras sa kahon at hinawi ang telang tumatakip sa durungawan ng karwahe. Nadaanan ng kanyang paningin ang grupo ng mangangalakal na naglalakbay pabalik sa kapitolyo. “Pag-aari man ng ating nasasakupan ang malalaking lupain ng imperyo subalit wala sa atin ang katapatan ng mga tao. Iyon ang bagay na kinamumuhian ng aking Ama sa Punong Heneral. Kahit ilang lupain at kaharian ang makamkam ng Imperyong Salum, nananatili sa Zhu ang puso ng mga tao. Malinaw sa kanya na hindi niya maaaring burahin ang mga ito sa imperyo. Ang kailangan niya ay isang Zhu na kaya niyang hawakan.”

Kumawala sa mga daliri ni Yura ang telang tumatakip sa Durungawan ng karwahe. Bumaba ang tingin niya kay Jing na nahulog sa malalim na pagkakatulog matapos nitong tanggapin ang tsaa mula sa kanya. May inihandang karwahe para dito ngunit tahasan itong tumuloy sa karwahe niya. Nakakamanghang isipin na ang maluwag na bibig nito kanina ay mariing nakatikom kapag tulog ito.

Naglabas siya ng panyo upang pahirin ang natirang medisina sa kanyang daliri. Ang panyong may disenyong rosas sa gilid nito ay hinandog sa kanya ni Sena bago siya umalis ng Palasyong Xinn. Maaga pa para iwanan niya ito sa Palasyo ng imperyal subalit hindi niya rin ito maaaring isama sa kanya dahil sa Ikalawang Prinsipe. Ipinagbilin man ito ni Yura kay Dao ngunit wala paring kasiguraduhan na maproprotektahan ito ng Punong Katiwala.

Nang bahagyang magpakawala si Yura ng buntong-hininga ay naramdaman niya ang paglapit ng presensiya ng kanyang bantay sa labas ng durungawan ng karwahe.

“Xuren, ipag-utos niyo lang kung nais niyong ihulog ang lampang ‘yan sa daan.” Mungkahi ni Kaori na nakatanggap ng mabigat na batok mula kay Won.

“Mag-ingat ka sa mga binibitawan mo at baka may makarinig sayo.” Saway dito ni Won. Kahit pa masakit sa pandinig ang presensiya ni Xuren Jing, anak parin ito ng Punong Ministro ng Salum. “Kung gagawin mo iyan siguraduhin mong walang magtuturo sayo.”

Nang akmang aangil si Kaori sa matangkad na bantay ay lumabas ang kamay ni Yura sa pagitan ng mga telang tumatakip sa durungawan ng karwahe at parehong nakatanggap ng pitik sa noo ang dalawa. Namumula ang mukhang pinili ni Kaori na manahimik. Bahagya namang yumuko si Won upang itago ang kanyang ekspresiyon.

Umangat ang gilid ng labi ni Yura sa pagiging saragate ng dalawa niyang bantay.

Binawi ni Yiju ang tingin mula sa labas ng bintana ng karwahe matapos niyang makita ang malapit na samahan ng Lu Ryen sa dalawa nitong tauhan.

“Nagagawa niyang maging malambot pagdating sa dalawa niyang bantay, subalit hindi niya makuhang maging tapat kay Keya.”

Napapailing na sinundan ng tingin ni Tien ang kasunod nilang karwahe. Mas mabilis pa sa pagkalat ng apoy ang tungkol sa bagong Xienli ng Lu Ryen. Alam niyang hindi ito nagustuhan ng Ikatlong Prinsipe. “Naiintindihan ko na nais mong protektahan ang Prinsesa, subalit hindi makakatulong kung papasukin mo ang relasyon nila ni Yura Zhu. Panahon na para maging maluwag ka sa kapatid mo. Ang pagsubok na ito ay kailangan niyang pagdaanang mag-isa bilang konsorte ng Lu Ryen. Magtiwala ka sa kanya Kamahalan, siya ang Prinsesa ng Emperatris. Ang Emperatris na siyang tumapak sa lahat ng babaeng naghahangad ng pabor ng Emperador.”

“At siya ring naghahangad ng titulo ng Prinsipeng tagapagmana. Hindi ko nanaising matulad si Keya sa aming Ina.”

“Iniisip niyo ba ang bilin ng Emperatris?” Tukoy ni Tien sa kagustuhan ng Emperatris na sumama ang Ikatlong Prinsipe sa ekspedisyong ito upang hindi mapunta ang lahat ng karangalan sa Ikalawang Prinsipe. “Madalas mo siyang tinatanggihan pagdating sa ganitong mga bagay.”

“Dahil ni minsan ay hindi niya ako binigyan ng pagkakataong magdesisyon para sa sarili ko.”

“Kaya naman namangha ako ng hindi ka nagdalawang isip na paunlakan ito.”

“Nais ko lang makawala sa kanyang paningin kahit pansamantala lamang.”

“Kamahalan, mahigpit man ang pamamaraan ng Emperatris sa pagpapalaki sa inyo ng Prinsesa ngunit iisa lang ang hangad niya. Ang magkaroon kayo ng matibay na posisyon sa imperyo.”

“Tien, hindi ko hinangad ang posisyong nais niyo para sa akin.” Pagdidiin ni Yiju sa huli. Dahil sa trono ng kanyang Ama, ang mabuting samahan nilang magkakapatid ay tuluyang gumuho. Naging matigas ang kanyang Ina sa kanila ni Keya, at nawalan siya ng mga tapat na kaibigan. Ano pang maaaring makuha sa kanya kung hahangarin niya ito?

Maririnig ang malalim na buntong-hininga ng batang ministro sa loob ng karwahe. Tila lumawak ang espasyo sa pagitan nila ng Prinsipe. Nangingiting napailing ito sa sarili. “Malimit na pinapaalala sa akin ni Xian na nagiging ganid na ako sa kapangyarihan. Na tuluyan ng nalason ang aking isipan kung kaya’t mas pinili ko ang aking posisyon kaysa sa aking mga kaibigan. Hindi ko hinangad na maintindihan niyo ako, dahil alam kong darating din kayo sa puntong may nais kayong protektahan. At magagawa mo lamang iyon kung may sapat kang impluwensiya sa imperyo.” Sinalubong ni Tien ang tingin ng Ikatlong Prinsipe. “Kamahalan, kapag dumating ka sa puntong wala kang kakayanang protektahan ang taong mahal mo, maiintindihan mo ako.”

Bumalik ang tingin ni Yiju sa labas ng karwahe. “Kung darating man ang araw na iyon, kailangan kita sa tabi ko upang ipaalala sa akin na nalason na ang aking isipan.”

Nais idagdag ni Tien na hindi lang ang isipan nito ang maaaring malason, ngunit pinili niyang manahimik na lamang. Ang panahon na ang makapagsasabi kung mapaninindigan nito ang pinaniniwalaan nito ngayon.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.