Sa pagbaba ng liwanag ng araw ay kasabay ng paghalik ng makapal na hamog sa kabundukan.

Ang mahabang paglalakbay ay sinalubong ng malamig na temperatura ng lisanin nila ang kapatagan. Hindi lamang ang matatayog na puno ang nagtatago sa liwanag ng kalangitan kundi maging ang makapal na hamog ay nagpapalabo sa paningin ng mga kawal. Makikita ang panlalamig ng kanilang mga batok ng dumaan ang malamig na himoy ng hangin na may kasamang patak ng luha ng mga dahon mula sa puno.

Bumukas ang mga mata ni Yura ng madaanan nila ang mga batong nailatag sa daan dahilan upang mawalan ng balanse ang karwahe at matigil sila sa lugar.

Napabalikwas ng bangon si Jing ng maramdaman niyang bumalik ang kanyang kamalayan. Sa pagbuklat niya ng kanyang mga mata ay tumagos na palaso ang dumampis sa gilid ng kanyang mukha. Hindi pa siya tuluyang nakakabalik sa kasalukuyan ng bumukas ang pinto ng karwahe at hilain siya palabas nito.

Kagyat na sandali ng makalabas sila ay pagsadsad ng karwahe sa lupa. Umulan ng mga palaso sa kanilang kinaroroonan. Maririnig ang maingay na halinghing ng mga kabayo sa paligid na naalarma sa biglaang pag-atake.

Sunod na naramdaman ni Jing na tinulak siya ng Lu Ryen sa matangkad nitong bantay. Pagkatapos bumuhos ng mga palaso ay sunod na paglitaw ng bandido na pumaligid sa kanila.

Natitigalgal na humigpit ang kapit ng anak ng Punong Ministro kay Won. Nahulog lamang ito sa malalim na pagkakatulog kaya hindi nito lubos maisip na ito ang pangyayaring mamumulatan nito. Labag sa loob na prinotektahan ito ng matangkad na bantay dahil sa mahigpit na bilin ni Yura.

Sa kabila ng tensiyon sa paligid, nasindihan ang pananabik ni Kaori na makipagbunuan sa mga bandido subalit saglit lamang iyon ng maramdaman niyang may mali sa mga ito. Hindi pa nalalapatan ng buhay na dugo ang kanyang patalim ng makarinig siya ng pagsipol na naghuhudyat na pag-atras ng mga bandido. Agad na hinagilap ng paningin ni Kaori ang Xuren. Mabilis na naglaho ang bantay sa kaguluhan ng bigyan siya ng pahintulot na sundan ang mga bandido.

Tumagos ang mahabang patalim mula sa karwahe ng Ikalawang Prinsipe papunta sa direksiyon ni Yura. Ilang hibla ng buhok ni Yura ang hinawi ng hangin ng dumaan ang patalim sa gilid ng kanyang leeg. Bumagsak ang katawan ng isang bandido sa tabi ng Lu Ryen. Bumaba si Siyon ng kanyang karwahe at dinaanan ng paningin niya ang pagtakas ng mga bandido mula sa mga kawal. “Lu Ryen, sino sa tingin mo ang maglalakas ng loob na harangin ako?”

“Kamahalan, alam niyo ang sagot sa tanong niyo.” tugon ni Yura na hindi nag-abalang tumingin sa direksyon nito.

Dumaan ang nagyeyelong temperatura ng hangin sa pagitan ng Lu Ryen at ng Ikalawang Prinsipe.

Hinugot ni Siyon ang mahabang patalim na nakabaon sa katawan ng isang lalaki na wala ng buhay. Mariing pinahid nito ang dugong kumapit sa kasuotan ng bandido. Nangingiting nilapitan nito ang Lu Ryen habang nilalaro ng Ikalawang Prinsipe sa kamay nito ang patalim.

“Hindi ko sasayangin ang pagkakataong maging kaibigan ang Pangalawang Xuren ng Zhu ng dahil lamang sa isang mababang fenglin. Kalimutan na natin ang nangyari at magsimula tayong muli.” Nilahad ng Ikalawang Prinsipe ang gintong patalim kay Yura. Sumisimbulo ng panganib o sinseridad ang kahulugan ng paghahandog ng patalim. Tanging ang tatanggap ng handog ang makakaalam ng tunay na intensiyon sa likod nito.

Tinanggap ito ni Yura mula kay Siyon. Dumampi sa palad niya ang malamig na patalim, bagay na pamilyar sa kanya. Nakakatuwang isipin na nais nitong kalimutan niya ang mga nawalang buhay ng kanyang mga kapatid na mandirigma. At ang salitang ginamit nito kay Sena… Nawaglit ba sa isipan nitong hindi siya madaling makalimot?

Nakahinga ng maluwag si Yiju ng makita niyang walang ano mang natamong galos si Yura. Ngunit saglit lamang iyon ng makita niya kung sino ang kasama nito. Nagtatakang pinuna ito ni Tien. “Huwag mong sabihing nag-aalala ka sa Lu Ryen na siyang nagwagi sa nakaraang paligsahan?”

Hindi ito sinagot ng Ikatlong Prinsipe kundi lumapit ito kay Yura. “Nasira na ang karwahe niyo, sa karwahe ko na kayo sumakay.” Si Yiju kay Yura.

“Yiju, ako ang nag-imbita sa Lu Ryen na sumama sa akin sa Nyebes. Mas tamang sa karwahe ko siya sumakay.”

Matagal na katahimikan ang lumipas bago ito binasag ng bagong dating na Xuren ng Punong Ministro. “Kamahalan hindi na kailangan, bakante ang karwahe ko. Hindi na namin kayo aabalahin pa.” abot-tenga ang ngiting wika ni Jing. Nang marinig niya ang paanyaya ng dalawa ay dagling bumilis ang mga hakbang niya papunta sa mga ito. “Lu Ryen?” anya ni Jing kay Yura. Tumango dito si Yura bago nagpaalam sa magkapatid. Nakaramdam si Jing ng panlalamig mula sa kanyang likod ng tila may dalawang pares ng mga matang nakatingin sa likod niya. Sa kabila nito ay hindi niya mapigilan na puriin ang sarili dahil nagawa niyang agawin ang Lu Ryen sa dalawang prinsipe. Hindi rin napigilan ni Jing na bigyan ng ilang tapik sa balikat ang matangkad na bantay na naghihintay sa kanya sa labas ng karwahe. Malapad ang ngiting nagwika siya rito. “Won, hindi ko kakalimutan na minsang niligtas mo ang buhay ko.” tukoy niya sa pagligtas nito sa kanya ng nilusob sila ng mga bandido. Wala man siyang tugon na natanggap mula dito ay hindi parin nawala ang ngiti sa labi niya.

Isinantabi ni Yura ang tsaa ng muli silang mapag-isa ni Jing sa karwahe. Sa pagkakataong ito ay hinayaan niya itong mag-ingay sa tabi niya. Kumpara sa dalawa ay mas pipiliin niya ang presensiya ng Xuren ng Punong Ministro.

“Yura Zhu, hanggang ngayon ay hindi ko parin nakukuha mula sayo ang istratehiyang ginamit mo sa lupain ng Yungsan. Marahil pagkatapos ng ekspedisyon nating ito sa Nyebes ay malilinawagan mo ako.”

“Sabihin mo sa akin kung bakit ang Punong Tagapangalaga ng aklatan ng imperyal ay interesado sa sining ng pakikidigma?”

“Dahil hindi mo lamang ito ginamitan ng armas kundi napagkaisa mo ang Tribong Alilis na protektahan ang kanilang lupain. Kilala ang tribong ito na humihiwalay sa imperyo dahil sa mabigat nilang katapatan sa sarili nilang kulturang pinaniniwalaan. Subalit nagawa mong makabalik ng buhay mula sa kanilang kamay kasama ang kanilang pinuno upang sumuko sa Punong Heneral.” Nais hukayin ni Jing ang nangyaring iyon kay Yura Zhu. Pinalibutan ng Hukbong Goro ang kabundukan ng Alilis ng bihagin ng tribo ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral. Alam ni Heneral Yugo na lalaban ng patayan ang tribo kung kaya’y wala siyang ibang paraan kundi pagbantaang papatagin niya ang teritoryo ng tribo kung hindi nila isusuko sa kanya ang kanyang anak. Ngunit sa pagkamangha ng lahat, hindi lamang ang isang pangkat ng tribo ng alilis ang sumuko sa kanya kundi ang pinaka pinuno ng mga ito kasama ang buong tribo.

“Xuren Jing, hinahangaan ko ang dedikasyon mo sa pananaliksik. Isa lang ang nais kong malaman, para kanino mo ito ginagawa?” Napukaw ng anak ng Punong Ministro ang interes ni Yura.

“Ang lahat ay nababahala kung sino ang karapat-dapat na umupo sa trono, hanggang sa mawaglit na sa kanilang isipan ang tunay na nagmamay-ari ng imperyo. Ang mga tao, sila ang tunay na nagmamay-ari ng korona. Ibabalik ko ito sa kanila.”

Hindi man ito ang inaasahang sagot ni Yura ngunit nagustuhan niya ang naging tugon nito. “Nakasalalay sa sagot mo ngayon ang patungkol sa lahat ng bagay na nais mong matuklasan.” Sa mga taong nakilala niya sa palasyo ng imperyal, tanging si Xuren Jing lamang ang may matigas na loob na baluktutin ang kasalukuyang imperyal.

“Kung ganon, ibabahagi mo ito sa akin?” Walang tugon ang Lu Ryen sa kanya subalit sapat na iyon upang mapatayo siya ng tuwid dahilan upang maumpog ang ulo niya sa bubong ng karwahe. “Yura Zhu, hindi mo maaaring bawiin ang sinabi mo, may paninindigan ang angkan ng Zhu.” Nananakit ang ulong dagdag ni Jing.

“Parte na ako ng pamilya ng imperyal, hindi mo magagamit sa akin ang pangalan ng aking ama.” Lihim na napangiti si Yura ng makita niyang nahulog ang ngiti ng anak ng Punong Ministro.

“Bakit kahit wala na ako sa presensiya ng taong iyon ay nakikita ko parin siya sayo?”

“Ang tinutukoy mo ba ay ang Pang-anim na Prinsipe?” Batid ni Yura na malapit ang dalawa sa isa’t-isa dahil ito lamang ang malayang nakakalapit sa nasabing prinsipe.

“Siya nga, ang pinsan ko ang nagsabi sa aking maging tapat ako sayo kung nais kong makuha ang tiwala mo. Kaya naman hindi ko itatago ang tunay kong intensiyon mula sayo. Hinahangad kong hindi ito nalalayo sa kagustuhan mo.”

Ang Ikaanim na Prinsipe… Nag-iwan ba siya ng bakas? O sadyang may taong minsan niya lamang makatagpo nguni’t tila matagal na nilang nauunawaan ang isa’t-isa? Ito ang tanong na naiwan sa isipan ni Yura.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Hanju: Ika-anim na Prinsipe

Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.