Pagkalipas ng mga araw na paglalakbay, nagbukas ang tarangkahan ng kaharian ng Nyebes sa pagdating ng kanilang mga espesyal na panauhin. Sinalubong ang mga ito ng pinakamataas na opisyal ng kaharian. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Punong Opisyal ang tunay na may hawak ng awtoridad. Kapatid ito ng reyna ng Nyebes at siyang itinalagang mamamahala sa estado habang walang kakayahan ang kasalukuyang nakaupo sa trono. Nasa malubhang karamdaman ang Hari dahilan upang ipagkatiwala ng reyna sa kanyang kapatid ang pamumuno. Ang Prinsipe ng Nyebes ay nasa tabi lamang ng tiyuhin nito, malugod ang pagbati nito sa mga Prinsipe ng Emperador ngunit ng dumako ang tingin nito sa Lu Ryen, natunaw ang ngiti sa mga mata nito. Hindi nito itinago ang naiwang pait ng nakaraang paligsahan.

Tumuloy ang mga panauhin sa tahanan ng Punong Opisyal, bumuhos ang pagkain at alak sa mahabang hainan. Maririnig ang malakas na halakhak ng Punong Opisyal kasama ng mga papuri nito sa kanyang mga panauhin. “Isang malaking pribilehiyo sa kaharian ng Nyebes ang inyong presensiya. Kinagagalak namin ang pagsugo sa inyo ng Emperador na maging hukom kung nararapat bang magkaroon kami ng bagong hukbo upang protektahan ang mga tao mula sa mga barbaro.”

“Nakakabahala ang pagdami ng kanilang bilang.” Kumento ni Tien.

“Ikinasasama ng aking kalooban na hindi pa kayo nakakatapak sa lupain ng Nyebes ay naengkwentro niyo na ang mga bandido.” Dagdag ng Punong Opisyal. “Sadyang lumalakas na ang kanilang pwersa, walang makakapagsabi kung hanggang kaylan namin maproprotektahan ang Nyebes mula sa mga ito.”

“Maliban sa kanilang bilang, mas interesado ako sa mga hawak nilang armas.” Saad ni Yura. Dinala niya sa kanyang labi ang kopa ng matigilan ang Punong Opisyal. Hindi nagmamadali ang kilos na uminom siya ng alak habang hinihintay ang sagot nito.

“T-Tunay na walang nakakaligtas sa Xuren ng Punong Heneral. Hangga’t wala pa kaming matibay na katibayan, hindi namin maaaring galawin ang taong nagbibigay ng armas sa mga barbaro. Nakakabahala man subalit mayroong isang malaking mangangalakal na sumusuporta sa mga ito.”

“Batid niyong nanggagaling sa kanya ang mga armas ngunit wala kayong ginagawang hakbang?!” Si Yiju na uminit ang ulo sa narinig.

Punong Opisyal, “Kamahalan, ang mangangalakal na ito ay mas madulas pa sa katawan ng ahas. Hindi lamang mga armas ang kanyang kinakalakal kundi higit sa kalahati ng mga kalakal na umiikot sa buong kaharian ay pagmamay-ari niya. Kung kaya’t hindi kami maaaring magpadalos-dalos. Ang malaking salapi na pumapasok sa palasyo ay galing sa kanyang suporta. Nakatawid ang Nyebes sa tagtuyot dahil dito. Magagalit sa atin ang mga tao kung aakusahan natin ito ng pagtataksil gayong ito ang pumawi sa gutom ng mga tao.”

Jing, “Sa madaling salita, isa siyang espada na may magkabilang talim. Pareho niyang binigyan ng armas ang dalawang panig at kung sino man sa kanila ang naiwang nakatayo ay kaibigan niya parin sa huli. Dugo at pawis ng mga tao ang pinipiga niya upang makapagpalabas ng mga salapi. Subalit iniisip mo na utang na loob niyo ito sa kanya? Ha! Nakakalungkot isipin na hawak ng isang hamak na mangangalakal ang buhay niyo.”

“Xuren Jing, huminahon ka.” Payo ni Tien dito. “Nais kong malaman kung ano ang katauhan ng mangangalakal na ito. Kung hindi siya magbibigay ng armas sa mga bandido, makakatulong ito sa paghina ng kanilang pwersa. Kailangang natin siyang makita.”

Natutuyo ang lalamunang napainom ng alak ang Punong Opisyal bago ito nagsalita, “Ang mangangalakal na ito ay kilala sa ngalang Tolo, malimit siyang humarap sa mga tao. Madalas na ang mga pinagkakatiwalaan niyang tauhan ang pinapaharap niya.”

“Huwag mong sabihin sa akin na ito lang ang impormasyong nakalap mo?” Mararamdaman ang higpit sa tono ng Ikatlong Prinsipe.

“K-Kamahalan, hindi ko alam kung makakatulong ito subalit napag-alaman ko na hindi mahilig si Tolo sa babae…” Namumuo ang butil ng pawis sa noo ng Punong Opisyal ng makita niya ang nagtatanong na tingin ng kanyang mga panauhin. Hindi niya lubos maisip na ang simpleng pahayag ng Pangalawang Xuren ng Zhu tungkol sa mga armas ay mauuwi sa iskandolosong usapin. Nagpatuloy ang Punong Opisyal, “Kundi naaaliw siya sa magagandang lalaki. Nagkainteres siya sa anak ng Pinuno ng mga Bandido kaya inalok niya ang mga ito ng armas kapalit ng binatilyo ng Pinuno.”

Hindi namalayan ni Jing na nanatiling nakabuka ang kanyang bibig matapos niya iyong narinig. “Isang malaking kahangalan! Hindi ko lubos maisip na ito ang naging sanhi ng paglakas ng pwersa ng mga Barbaro.”

Muntik ng masamid si Tien sa kanyang iniinom. Siya man ang nagmungkahi na makita ang mangangalakal ngunit pagkatapos ng kanyang natuklasan… “Kung ganon ay kailangan lang natin siyang tapatan ng lalaking papasa sa kanyang panlasa. Mas epektibo kung ito ang ating ihaharap sa kanya.” Napapatangong saad niya.

Punong Opisyal, “Marami ang sumubok subalit mahirap hulihin ang kanyang panlasa. Magandang lalaki na may angking katangian ang tanging nakakapukaw ng kanyang interes.”

Napapailing na nagwika si Duran sa Ikalawang Prinsipe na naaaliw sa takbo ng usapin, “Pagdating sa Pagkilatis ng ganitong mga bagay, sino ang tatalo sa ating Pangalawang Prinsipe? Bakit hindi natin lipulin ang pinakamagagandang lalaki ng kaharian upang pilian?”

Natatawang binaba ni Siyon ang nasimsim na alak, “Subalit ni minsan ay hindi pa ako nakaramdam ng pagnanasa sa lalaki, isang malaking pagsubok ito para sa akin.”

Sumabog ang tawanan sa loob ng malawak na pasilyo dahil sa winika ng Ikalawang Prinsipe. Maging si Jing na nangangalit ay hindi napigilang matawa. Maliban kay Yiju na nanatiling tahimik sa tabi. Hindi niya maintindihan kung bakit naapektuhan siya sa sinabi ni Siyon. Pakiramdam niya ay nagmarka ito sa kanya. Hinanap ng kanyang paningin si Yura subalit nakita niyang bakante ang kinaroroonan nito kanina.

“Nasaan ang Lu Ryen?” Tanong niya sa lingkod na nagsisilbi ng kanyang inumin.

“Nagpaalam po siya na maagang magpahinga.”

Hindi niya namalayang nawala ito dahil okupado ang kanyang isipan. Nawalan siya ng panlasa sa kanyang inumin ng maalala ang huli nilang pag-uusap. Hindi na mabilang ng Ikatlong Prinsipe kung ilang beses ng napuno ang kanyang kopa dahil sa sunod-sunod na paglagok nito ng alak.

Sa kabilang dako ng tahanan ng Punong Opisyal, pinili ni Yura ang pinakadulong silid. Kailangan niyang ipahinga ang kanyang pandinig mula sa maingay na kasiyahan. Hindi pa man nakukumpirma ni Yura ang lahat ng impormasyong nakuha niya bago siya tumuntong sa lupaing ito, ay sapat na ang nakita niya upang matukoy kung sino ang pinanggagalingan ng malansang hangin na bumabalot sa lupain ng Nyebes. “Maaari niyo na akong iwan, nais ko munang magpahangin bago pumasok sa loob.” Aniya sa mga lingkod na nakasunod sa kanya.

Magalang na nagpaalam ang mga katiwala sa Lu Ryen kahit gusto pa nilang manatili sa tabi nito. Hindi pa man nila nalalaman na ito ang Pangalawang Xuren ng Zhu ay naantig na ang kanilang damdamin. Napupuno ng makikisig na panauhin ang malawak na silid subalit natatangi ito sa kanilang paningin. Hindi nila matukoy kung sa mga mata ng Lu Ryen na tuwid na tumitingin sa kanila sila nahulog, o nahihipnotismo sila sa maselang mga daliri nito na marahang dumadampi sa mapupula nitong labi sa tuwing sumisimsim ito ng alak. Muling nagnakaw ng huling tingin ang mga katiwala sa Lu Ryen bago nila ito tuluyang iniwan.

Sandali lamang ang katahimikang lumipas ng makarinig si Yura ng yabag ng mga paa. Sunod na lumitaw sa kanyang paningin ang itim na aninong hinahabol ng mga armadong kawal ng Punong Opisyal.

Ininda ni Nalu ang hapdi sa gilid ng kanyang tagiliran ng madiskubre ng mga kawal ang kanyang presensiya. Hindi niya lubos akalain na may nakatagong pain sa ilalim ng mga pain sa lihim na kwarto ng Punong Opisyal kung saan nakatago ang mga kayamanan nito. Pinili nila ang pagkakataong okupado ang Punong Opisyal sa mga panauhin upang nakawan ito. Ngunit sadyang tuso ang kapatid ng reyna. Minaliit nila ang pagiging ganid nito sa kapangyarihan. Nilito ni Nalu ang mga sumusunod sa kanya ng pinili niyang lumiko sa kaliwang parte ng bakuran, subalit hindi niya inaasahan ang mahigpit na kamay na humawak sa braso niya upang hilain siya sa isang madilim na sulok. Naramdaman niyang lumapat ang kanyang likod sa haligi ng bakuran at sunod na natakpan ang kanyang paningin ng dilim. Sinubukan niyang magpumiglas ngunit mariing hawak nito ang pareho niyang kamay sa kanyang likod at madiin din nitong tinakpan ang kanyang bibig. Tumigil siya sa pagpupumiglas ng marinig niya ang pagdaan ng mga kawal.

Sa pagtagos ng hangin sa puno ay paglagas ng mga dahon, at sa paglapag ng huling dahon ay di maaninag ng mga kawal ang dalawang anino na nasa madilim na sulok.

Tanging maririnig ang malakas na pintig sa kanyang dibdib, di matukoy ng binibining nakabalot ng itim na kasuotan kung ang kaba niya ay dahil sa mga armadong kawal na naghahanap sa kanya o sa lalaking mahigpit na nakahawak sa kanya? Natakpan man ang kanyang bibig ngunit di nito naitago ang halimuyak na umagaw ng kanyang atensiyon. Nawaglit sa isipan ng binibini ang hapdi sa gilid ng kanyang baywang dahil sa mapang-anyayang halimuyak ng katawan nito. Hindi niya namalayang unti-unting kumalma ang pintig sa kanyang pulso. Kalaunan ay naaaninag din ng kanyang paningin ang mukha ng lalaking bumihag sa kanya, dahilan upang muling bumilis ang takbo ng pintig sa kanyang dibdib. Napahugot si Nalu ng malalim na hangin ng tanggalin ng lalaki ang kamay nito sa kanyang bibig.

“Wala na sila,” bulong ng estrangherong lalaki na nagpagising sa kanyang kamalayan. Ang hanging dumampi sa gilid ng kanyang mukha ay nagdulot sa kanya ng kakaibang init at pamumula. Sa maikling sandali ay sari-saring pakiramdam ang bumalot sa kanya. Itinulak ni Nalu ang lalaking nakaitim na roba ng sandaling pakawalan nito ang mga kamay niya. Nang magtama ang kanilang paningin, natunaw ang tanong na nais niyang sabihin.

Naglaho ang anino ng binibini ng marinig nito ang mga papalapit na yabag sa kanilang kinaroroonan.

“Lu Ryen?” Bumalik ang mga lingkod kay Yura ng malaman nilang may pumasok na mga manloloob. “Mas mabuti na pumasok na po kayo sa loob ng inyong silid hangga’t hindi pa po nahuhuli ng mga kawal ang mga magnanakaw.” Nag-aalalang payo ng isa sa mga katiwala.

Yura, “Magnanakaw?”

“Tama po, hindi na bago sa tahanan ng Punong Opisyal ang mga nagtatangkang nakawan ito subalit nagawa po ngayong mahanap ng mga mang-uumit ang lokasyon ng kayamanan. Hindi po simpleng manloloob ang mga ito, kaya mas mabuting tumuloy na po kayo sa inyong silid ng hindi po kayo maabala.”

Sumunod si Yura sa mga katiwala at lihim na itinago ang bahid ng dugo sa gilid ng kanyang manggas. Ano pang sorpresa mayroon ang Punong Opisyal? Hindi lamang mga bandido ang nais pumasok sa teritoryo nito. Ang larong niluluto ng mga ito ay nagsisimula ng magkaroon ng anyo. Hihintayin na lamang ni Yura kung sino sa kanila ang mapapaso.

Samantala, sa dakong sulok nagtatago ang itim na anino, “Lu Ryen…” Sambit nito sa lalaking nagtago sa kanya. Hawak ang sugat sa kanyang tagiliran, sinikap niyang makalayo sa lugar matapos ang huling sulyap niya sa papalayong Xuren…

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Hanju: Ika-anim na Prinsipe

Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.