Namatay ang bulung-bulungan ng mga katiwala ng makita nila ang Lu Ryen. Sa kabila nito ay hindi nakaligtas kay Yura ang tensiyon sa lugar. Kahit anong pagtatakip ng Punong Opisyal, hindi parin nito maitatago ang pagkabalisa nito sa naganap na pangyayari kagabi. Anong kayamanan ang nakuha dito, na nagtulak sa Punong Opisyal na pakawalan ang kanyang mga armadong kawal upang halughugin ang kabisera ng Nyebes? Nag-uumpisa palang ang umaga ngunit ramdam na ni Yura ang bigat sa paligid.
“Xuren, naghihintay na ang karwahe.”
Nagtatanong ang tingin ni Yura kay Won ng mapansin niyang madilim ang anyo nito. Subalit hindi na niya iyon kailangang tanungin ng makita niya kung sino ang nakasunod sa likod nito.
“Lu Ryen, huwag mong sabihin sa aking aalis ka ng hindi ako iniimbitahan?” Salubong ni Jing kay Yura. “Kung alam mo lang ang bilang ng mga librong sinalo ko mula sa aking Ama para lamang payagan niya akong sumama sayo ay hindi mo maaating iwanan ako.” Nananakit ang loob na sumbat nito.
Lalong nagdilim ang anyo ng matangkad na bantay sa narinig. “Xuren Jing, sa tingin ko ay hindi pa lumilipas sa inyo ang mga nainom niyo kagabi. Mas makakabuti kung manatili kayo dito at magpahinga.” Lumitaw ang pagnanais ni Won buksan ang ulo ng Xuren na ito upang makita niya kung paano tumatakbo ang isip nito.
Tumigil ang tingin ni Yura kay Won. Nanibago siya sa kanyang bantay, madalas ay pipiliin nitong manahimik ngunit hindi iyon ang ginawa nito ngayon. Tanging si Kaori lamang ang nakakapaglabas ng reaksiyon mula dito, subalit ngayon ay mayroon na ang Xuren ng Punong Ministro. Hindi niya ito masisisi dahil sadyang may angking katangian si Xuren Jing na makuha ang kanilang atensiyon.
“Xuren Jing, nag-aalala lamang sayo ang aking bantay, bakit hindi mo ako samahang bisitahin ang kabisera ng Nyebes?” Paanyaya ni Yura dito.
“Bibisita kayo sa Kapitolyo?” Tanong ng bagong dating na si Tien. Iniwan niyang nagpapahinga ang Pangatlong Prinsipe, habang pinapagalaw niya ang kanyang mga tauhan upang alamin ang tunay na nangyari dito kagabi. Nang makita ng batang ministro ang Lu Ryen kasama ang Xuren ng Punong Ministro ay hindi niya napigilang lapitan ang mga ito upang mag-usisa.
“Ministro Tien, inimbitahan ako ng Lu Ryen na bisitahin ang kabisera. Kung wala kang importanteng sasabihin, mauuna na kami.” Malamig na tugon dito ni Jing.
“Jingyu, nakalimutan mo na ba na madalas mo akong anyayahing maglaro ng mga bata pa tayo? At ni isa sa mga ito ay hindi ko tinanggihan.”
“Hindi mo ako matanggihan dahil sa aking ama. Ngayong nakuha mo na ang gusto mo, wala ng dahilan para tanggapin mo ang paanyaya ko.” Ang masiglang anyo ni Jing ay nawalan ng kulay. “Bakit hindi ka nalang manatili sa tabi ng Ikatlong Prinsipe upang mabantayan mo ang mga kilos niya?”
Lingid sa kaalaman ng dalawang Xuren ang sandaling pagbabago ng ekspresyon ni Yura ng mabanggit ang Ikatlong Prinsipe.
“Kailangan ng Prinsipe ng mahabang pahinga dahil sa nangyaring kasiyahan kagabi. Kasalukuyang wala akong ginagawa. Lu Ryen, maaari ba akong sumama sa inyo sa kabisera? Nais ko ding bisitahin ang kapitolyo ng Nyebes.” Si Tien kay Yura na tila hindi nito naramdaman ang kaakibat na tinik sa mga salita ni Jing.
Parehong nakatingin ang dalawa sa Lu Ryen na nag-aabang ng tugon nito. Pakiramdam ni Yura ay naipit siya sa alitan ng mga ito.
Sa huli, tumuloy ang karwahe sa kabisera hatid ang tatlong Xuren.
“Ito ang unang beses na bibisita ako sa ibang lupain subalit bilang Punong tagapangalaga ng aklatan ng imperyal, batid ko ang mga lokasyon ng lahat ng aklatan sa kahariang ito.” Muling bumalik ang sigla ng Xuren ng Punong Ministro pagdating sa usapin ng mga librong kinokolekta nito.
“Kung ganoon, bakit hindi natin bisitahin ang unang aklatan na nasa isip mo?” Suhestiyon ni Tien na mistulang nababasa nito ang nasa isip ni Jing.
Tahimik na pinakikinggan ni Yura ang diskusyun ng dalawa. Sapat na ang mga narinig niya upang makita ang lalim na naging samahan ng mga ito. Ganoon pa man ay hindi niya inaasahang susunod ang dalawang Xuren sa kanya. Marahil ay kailangan niya munang isantabi ang naunang plano niya.
Sa pagpasok ng karwahe sa kabisera ng Nyebes, makikita ang makukulay na guriyon na nililipad ng hangin. Ang maingay na kalansing ng mga salapi at ng mga tao sa paligid ay patunay na buhay na buhay ang mga pamilihan at kalakal sa kapitolyo.
Huminto ang karwahe sa tapat ng dalawang palapag na aklatan. Wala itong magarbong entrada o disenyo subalit sa loob nito ay hindi kakikitaan ng ano mang alikabok. Sadyang mas pinili ng may-ari ang kalinisan ng lugar sa halip na panlabas nitong anyo.
Nag-aatubili ang mga kilos na dumiretso si Jing sa katiwala ng aklatan, may binulong ito na nagpaunat sa tindig ng binatilyo. Nang patunugin ng katiwala ng aklatan ang maliit na kampanilya, bumukas ang pinto ng isang silid at lumabas ang isang matandang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ng aking hamak na aklatan sa ating mga espesyal na panauhin?” Ang bungad ng may-ari sa tatlong Xuren.
Sumenyas ang binatilyo sa matandang lalaki, kagyat na nakuha ng may-ari ng aklatan ang mensahe nito. Gamit ang nakatagong susi sa loob ng manggas ng matanda, binuksan nito ang isa sa mga pinto ng aklatan. Mistulang nagiging misteryoso ang aklatan habang nagtatagal sila sa lugar. Idagdag pa ang mga pinto sa bawat sulok nito na di malaman kung anong silid ito nabibilang.
Malalaki ang hakbang na sumunod si Jing sa matandang lalaki. Dala naman ng kuryusidad, hindi namalayan ni Tien na sumunod din siya sa loob ng kwarto.
“Sa aking mga espesyal na panauhin, wala man akong koleksiyon ng mga respetadong manunulat sa imperyo subalit nangunguna ang aking aklatan pagdating sa mga malikhaing libro.”
Bakas ang tuwa sa mukha ni Jing hindi pa man nito nabubuklat ang mga pahina. Tila ninanamnam nito ang amoy ng mga libro, humugot ito ng isa sa mga aklat at makikita ang kakaibang pagbabago sa ekspresiyon nito na tila nakakita ito ng nakakamanghang mga bagay.
Hindi rin napigilan ng batang ministro na humugot ng librong naroon, hindi na ito nag-abalang basahin ang nasa labas ng aklat kundi binuklat nito ang kalahati ng mga pahina at bumungad dito ang makulay na tanawin. Mula sa kanyang kuryusidad ay nagdilim ang ekspresiyon ni Tien na napalitan ng matinding pamumula. Hindi matukoy kung ito ay bunga ng galit o pagkapahiya. Siya? Bilang Ministro ng imperyong salum ay makikita sa isang tagong aklatan na nagbabasa ng mga eskandalosong mga libro?! Sino mang makakakilala sa kanya ay natitiyak niyang kukondenahin siya sa gawaing ito.
“Jingyu!” Hindi na itinago ni Tien ang kanyang pagkahilakbot ng makita niyang patung-patung ang mga librong nasa braso ni Jing. “Ano ang magiging reaksiyon ng Punong ministro kapag nalaman niyang ito ang dahilan ng pagsama mo sa lupain ng Nyebes?” Masyado na ang kalayaang binigay ng Punong Ministro sa anak nito kaya kung ano-ano na lamang ang libangang naiisip nitong gawin.
“Tien, nakalimutan mo na bang ikaw ang nagsuhestiyon sa aking bisitahin ang unang aklatan na nasa isip ko?” Nakangisi na balik-tanong dito ni Jing na tila mas natutuwa ito sa reaksiyong nakita nito sa batang ministro.
Napapailing na lamang na iniwan ito ni Tien sa silid. Nang lumabas ng kwarto ang batang ministro, nahagip ng kanyang paningin sa sulok ng aklatan ang Lu Ryen kasama ang isang Binibini na tila isang Xirin ng mataas na angkan. Hindi na siya nagtangkang lumapit ng mapansin niya ang kakaibang pagdidikit ng mga ito. Sadyang hinahabol ng mga paparo ang Lu Ryen saan man ito magpunta. Inabala na lamang ni Tien ang sarili sa ibang parte ng aklatan.
Dumiin ang likod ni Yura sa istante ng mga libro ng iwasan niya ang manipis na patalim, mariing hinawakan niya ang pulso ng binibining palihim na umatake sa kanya. Niluwagan ni Yura ang kanyang pagkakahawak sa Xirin ng makita niyang nahirapan ito dahil sa higpit ng pagkakakulong ng pulso nito sa kamay niya. Simula ng lumabas si Yura sa tahanan ng Punong Opisyal, naramdaman na niya ang mga aninong sumusunod sa kanya.
Pigil ang kilos ng matangkad na bantay sa tagong sulok ng senyasan siya ng Lu Ryen na manatili. Batid ni Won ang kakayahan ng kanyang Xuren, subalit hindi parin siya mapalagay na walang ginagawa gayong may banta ng panganib dito.
Kinuha ni Nalu ang pagkakataong muling atakihin ang Lu Ryen ng sandaling lumuwag ang hawak nito sa kanya. Isang hibla nalang ang pagitan sa balat nito ng tumigil ang kanyang patalim. Nagtatanong ang tingin ni Nalu sa Lu Ryen ng hindi siya nito iniwasan. Nagbabanta ang tingin na mahinang nagwika siya dito ng maramdaman niya ang paglabas ng mga tao mula sa isang silid, “Gusto kong sumama ka sa’kin.” Hindi namalayan ni Nalu kung paano naagaw sa kanya ng Lu Ryen ang patalim. Walang tugon na umangat ang kamay nito sa likod niya, hindi nakaligtas sa kanya ang pag-iingat nitong hindi masagi ang gilid ng kanyang baywang na sariwa parin ang sugat. Ngayon lamang napagtanto ni Nalu ang kanilang posisyon, tila nakasandal ang buong katawan niya sa Lu Ryen na mistulang nakasandig siya dito ng yakap. Pinigilan niya ang pagbilis ng pintig sa kanyang dibdib sa takot na marinig ito ng Xuren.
“Sasama ako sayo.” Wika ni Yura sa Binibini habang binabalik sa kamay nito ang manipis na patalim.
Pasikretong umangat ang leeg ni Jing mula sa mga istante ng libro upang masilip ang kinaroroonan ng Lu Ryen at ng Binibining kasama nito. Makalipas ang maikling sandali ay nakita niyang pumasok ang dalawa sa isa sa mga silid ng aklatan. Mahinang napasipol si Jing ng marinig niyang nagsara ang pinto.
“Hindi ka pa ba nakukunteto sa mga hawak mong koleksiyon at maging ang mga ginagawa ng Lu Ryen ay pinag-iinteresan mo?” Puna ng batang ministro kay Jing ng nakasunod parin ang tingin nito sa silid.
Jing, “Ang pagiging istrikto mo ang dahilan kung bakit kahit umuulan ng magagandang dilag sa palasyo ng imperyal ay hindi ka parin nababasa.”
Tien, “Jingyu–“
“Naiintindihan ko pa ang Ikatlong Prinsipe dahil hinaharang ng Emperatris ang mga nagtatangkang akitin ito, subalit ikaw? Anong pumipigil sayo? Masyado mong nilalaan ang panahon mo sa iyong mga ambisyon kaya kahit matamis na patak ng isang Binibini ay hindi mo pa natitikman.”
“………..” hindi lubos akalain ni Tien na maririnig niya ito mula sa tanyag na iskolar ng Guin.
Samantala, sa kabilang silid ng aklatan. Binalot ng itim na tela ni Nalu ang paningin ng Lu Ryen. Ayon sa impormasyong nakalap nila tungkol dito, may kakayahan itong maalala ang bawat detalye ng mga nakikita nito na kahit minsan lang itong dumaan sa paningin ng Xuren.
Maraming sikretong pinto ang silid, kinuha niya ang isang kamay ng Lu Ryen upang dalhin ito sa kanilang lihim na pugad. Pinasok nila ang madilim na silid na may hagdanan pababa, walang narinig si Nalu mula sa Lu Ryen ng tahakin nila ang masikip na pasilyo. Hindi ba sumagi sa isip nito ang panganib na maaaring naghihintay dito? Nanatili itong walang imik hanggang dalhin niya ito sa isang malawak na silid na walang anong bintana sa loob. Tanging ang lampara sa gitna ng kwarto ang nagsisilbing liwanag ng lugar.
Sa loob nito ay naghihintay ang mga nakaitim na kasuotan, maging ang kanilang mukha ay nakakubli at tanging mga mata lamang nila ang makikita sa liwanag. Ramdam ni Yura ang mga presensiyang nagmamasid sa kanya sa kabila ng pagkakatakip ng kanyang paningin.
“Xirin, nasisiguro mo bang hindi kayo nasundan?” Nagdududa na tanong ni Rong sa binibini.
“Kung mayroon mang sumunod sa amin, natitiyak kong naligaw na siya ng mga pinto.” hindi pa man sumisikat ang araw ay marami na sa kanila ang umaaligid sa labas ng tahanan ng Punong Opisyal upang bantayan ang paglabas ng Lu Ryen, subalit hindi nila inakalang ito ang mismong darating sa kanilang teritoryo. Nabitawan ni Nalu ang Lu Ryen ng mamalayan niyang hawak niya parin ang kamay nito. Dahil madilim, walang nakapansin sa pagdaloy ng init sa kanyang mukha.
Kinalas ni Rong ang itim na telang tumatakip sa mata ng Lu Ryen. “Nais naming malaman kung bakit mo sinagip ang aming Xirin? Ano ang iyong tunay na intensiyon?”
Sunod-sunod na mga tanong ang sumalubong kay Yura ng maaninag ng kanyang paningin ang madilim na paligid. Hanggang ngayon ay hindi niya parin matanggap ang pakiramdam na nasa loob ng isang madilim na silid. Bumabalik sa kanya ang sandaling kinulong siya ni Yanru. Ang panahong nais niyang protektahan ang kanyang pamilya subalit tinanggal sa kanya ang karapatang ito. Nagsimulang bumalot kay Yura ang malamig na emosyong iniiwasan niyang maramdaman. “Hindi ako narito upang ipaliwanag ang sarili ko. Gusto niyong malaman ang aking intensiyon gayong naduduwag kayong ilantad ang inyong mga sarili?” Tanong ni Yura sa mga estrangherong nagtatago sa dilim.
Naunawaan ni Rong ang mensahe ng Lu Ryen, kilala nila kung sino ito subalit wala itong ideya sa mga taong nakapaligid dito. Sapat na sa kanya na tinulungan nito ang kanilang pinuno upang kilalanin niya ito ng may respeto. Nang akmang ibababa ni Rong ang kanyang bandana, pinigilan siya ng kanyang Xirin.
Nalu, “Kayo man ang Ikalawang Xuren ng Punong Heneral, subalit hindi mo na mababago na ikaw na ngayon ang Lu Ryen ng Prinsesa ng imperyong Salum. Paano kami magtitiwala na hindi mo kami ipapahamak?”
“Nang sandaling pinasok niyo ang tahanan ng Punong Opisyal, nilagay niyo na ang mga buhay niyo sa panganib. Wala akong ipapangako sa inyo ngunit kung bibigyan niyo ako ng dahilan, nasisiguro kong hindi magsasalubong ang ating patalim.”
Matagal na katahimikan ang dumaan sa madilim na silid. Ang presensiya ng Lu Ryen ay tila nagpapaliit sa malawak na espasyo ng paligid.
Binaba ni Nalu ang kamay niyang pumipigil kay Rong, alam niyang nasagot ng Lu Ryen ang tugon na kanilang hinahanap. Malinaw na hindi nila ito kaibigan at higit na hindi ito ang kalaban nila.
Tuluyang tinanggal ni Rong ang bandana na nakabalot sa kanyang mukha ng makatanggap siya ng konsento mula sa kanilang Xirin. Sumunod dito ang iba pa niyang kasamahan. “Ang mga ninuno ng Zhu ang bumawi sa lupaing ito mula sa mga dayuhan. Aasahan naming hindi ito mababali sayo.” Nilabas ni Rong ang isang aklat-tuusan kung saan nakatala ang lahat ng mga gawain ng Punong opisyal na makakasira sa reputasyon nito. Pinalabas nilang kayamanan ang nais nilang makuha sa tahanan nito ngunit ang tunay na pakay nila ay ang aklat-talaan na bubuwag sa awtoridad nito sa kaharian. Kontrol ng Punong opisyal ang mga opisyales ng Nyebes, mawawalan ng bisa ang hawak nilang lason laban sa kapatid ng reyna kung mahuhulog ito sa maling kamay.
Binuklat ni Yura ang kuwadernong naglalaman ng lahat ng mga lihim ng matataas na opisyales ng Nyebes. Lihim na sumilay ang ngiti sa gilid ng kanyang labi. Nang matuklasan niya ang tungkol sa grupong ito mula kay Won, hindi siya nagdalawang isip na gamitin ang mga ito upang makuha ang katibayang kailangan niya. Anong magiging reaksiyon ng Punong opisyal kapag natuklasan nitong nasa kamay na niya ang kayamanang pinakaiingatan nito?
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang
Rong: Kanang kamay ni Nalu
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply