“Ang dedikasyon niyong linisin ang mga nabubulok na opisyales sa lupaing ito ay tunay na kahanga-hanga, subalit pansamantalang pagbabago lamang ang epektong malilikha nito. Matagal na panahon na silang namumuno, sino sa tingin niyo ang paniniwalaan ng mga tao? Ang mga opisyal na hinahangad ang pagbuo ng bagong hukbo upang protektahan ang kaharian, o ang mga tulisan na walang mukha?” Si Yura matapos madaanan ng kanyang paningin ang nilalaman ng aklat-tuusan.
“Kung magbabago ang mga nakaupo, magbabago din ang pamamalakad na pinapatupad sa Nyebes.” Namumuo ang galit na mariing wika ni Rong.
“Paano kayo nakakasigurong hindi magbabago ng anyo ang mga bagong mamumuno sa sandaling masilaw sila sa hawak nilang kapangyarihan? Kapag nangyari iyon, babalik muli kayo sa simula.” Kasing lamig ng yelo na tugon ni Yura dito.
Rong, “Kailangan ng mga taong magising na ginagamit lamang silang kasangkapan! Marami ng mga batang lalaki ang nawalay sa kanilang pamilya, ginagamit pambayad utang upang maging alipin ng mga buwayang mangangalakal.”
“Sa kasalukuyan nangyayari sa Nyebes, hindi pagbabago ang kailangan ng mga tao dahil karamihan sa kanila ay nakikinabang sa mga katiwaliang nakatala sa aklat na ito. Sino ang sisisihin nila kapag nawala ito sa kanila?” Binalik ni Yura ang aklat-tuusan na tila nawalan ito ng bigat sa kamay niya. “Huwag niyong kalilimutan na ang layunin niyo ay itaboy ang dayuhang barbaro na nais kamkamin ang lupaing ito.”
Naguguluhan ang tinging tinitigan ni Nalu ang Lu Ryen, “Yura Zhu, sabihin mo sa’min kung ano ang nais mong mangyari?” May gusto itong iparating sa kanila subalit hindi nila makita ang buong larawan nito. Ang mga tanong na binibitawan ng Xuren ay nag-iiwan ng mas malalim na katanungan sa kanilang isipan.
“Kung magagawa niyong manahimik sa loob ng tatlong araw, mauunawaan niyo ang ibig kong sabihin.” Ang huling paalala ni Yura bago niya nilisan ang madilim na silid. Kung hindi nila maproprotektahan ang sarili nila sa loob ng tatlong araw na paghahanap sa kanila ng mga armadong kawal ng Punong opisyal, mawawalan ang Nyebes ng mga tunay na nagmamahal sa lupaing ito.
Sinalubong ni Won ang paglabas ni Yura sa bahay aklatan, “Pinauna ko na si Ministro Tien at Xuren Jing.” aniya matapos tawagin ang bagong karwahe. Hindi na kailangang ipaalam ni Won ang maduming bagay na naglalaro ngayon sa isipan ng mga ito matapos pumasok ni Yura sa loob ng isang silid kasama ang nakakabighaning Xirin. Ang mahalaga ay nagawa nitong itaboy ang dalawa upang walang maging sagabal sa kanyang Xuren. “Naghihintay na po si Heneral Yulo sa inyo.”
Hindi nag-iwan ng sulyap si Yura ng tumuloy siya sa karwahe. Hindi niya inaasahang ang naantalang plano niya ay magdadala sa kanya sa grupong ito.
Mula sa pangalawang palapag ng aklatan, makikita ang dalawang pares ng mga mata na nakasunod sa likod ng Lu Ryen.
“Nang malaman kong isa siya sa legadong dumating, hindi ako umaasang matutulungan niya tayo. Isa man siyang Zhu, ngunit binalot siya ng proteksiyon ng kanyang pamilya. Nilayo siya sa magulong mundo ng digmaan, kaya batid kong wala siyang karanasan at damdamin na ipaglaban ang lupaing pinagtanggol ng kanyang angkan.” Nangangalit ang tinig na wika ni Rong. Pinaramdam sa kanila ng Lu Ryen na hilaw pa ang kaalaman nila sa kanilang sitwasyon. Ngunit hindi rin ito nagpakita ng interes na ilahad ang kamay nito sa kanila. Humigpit ang hawak ni Rong sa aklat-tuusan. “Xirin, kailangan nating malaman kung sino ang nagbigay sa atin ng impormasyong ito.” Tukoy ni Rong sa estrangherong naglabas sa kanila ng mga lihim ng Punong Opisyal, dahil dito ay natukoy nila kung saan nakatago ang aklat-talaan. Hindi ito nagpapakita sa kanila subalit nasusundan nito ang kanilang mga galaw. Mapanganib man na lantad sila sa taong ito subalit tinutulungan sila nitong butasan ang kapatid ng Reyna. Marahil ay isa rin ito sa mga angkan na nadurog sa kamay ng Punong Opisyal.
“Maghihintay tayo ng tatlong araw,” kalmadong tugon ni Nalu.
“Xirin, maaaring nakapasok na ang mga barbaro sa kabisera sa sandaling dumating ang araw na ‘yon!Paano kung istratehiya lamang ito ng Lu Ryen upang hindi tayo kumilos laban sa Punong opisyal?”
Pinutol ni Nalu ang tingin sa papalayong karwahe. “Rong, hindi niya ibabalik sa atin ang aklat-talaan kung pinipigilan niya tayong atakihin ang kapatid ng reyna. Hindi ko alam ang mangyayari pagkalipas ng tatlong araw subalit natitiyak kong sinusubukan niya tayo.” Bakit malakas ang pakiramdam niyang may plano ang Ikalawang Xuren ng Zhu para sa kanila?
Hindi pa nakakarating ang Lu Ryen sa kampo ng kanyang tiyuhin ay sinundo na siya ng mga tauhan nito sa daan. Malawak na bumukas ang bulwagan ni Heneral Yulo para sa kanyang paboritong pamangkin.
“Yu!” Malalaki ang mga hakbang na tumakbo si Yen sa pinsan niya. Inunahan niya ang kanyang Ama sa pagsalubong kay Yura.
Maagap na sinalo ni Yura ang yakap nito ng bigla itong tumalon papunta sa kanya. Mainit na siniksik nito ang mukha sa leeg ng Lu Ryen. Naglaho ang matamis na ngiti ni Yen ng malanghap nito ang pabango ng ibang binibini, nanunumbat ang tinging hinarap nito si Yura. “Ang buong akala ko nakalimutan mo na ako, ang sabi mo babalik ka sa’kin pagkatapos mong maglayag sa karagatan ng Fian pero hindi ka na bumalik, nagpakasal ka na sa Prinsesa-“
“Yura, bakit hindi muna tayo pumasok sa loob?” Putol ni Heneral Yulo sa kanyang Xirin. Nananabik siyang makita ang kanyang pamangkin subalit nababahala rin siya sa nararamdaman ni Yen para dito. Maliit pa lamang ito ay nagigiliw na ito sa pinsan nito, ngunit ang inosenteng damdamin nito ay nagkakaroon na ng kulay habang lumalaki ito. “Yen, may mahalaga kaming pag-uusapan ng pinsan mo. Hintayin mo na lamang siya pagkatapos naming mag-usap.”
“Gusto niyo akong maghintay gayong alam niyo kung gaano ako katagal na naghintay sa kanya?!” Hindi matanggap ni Yen na may ibang babaeng nakalapit sa pinsan niya sa pagdating nito sa Nyebes. Kung alam niya lamang na mangyayari ito ay hindi na siya nagpapigil sa kanyang Ama ng nais niya itong sunduin sa tahanan ng Punong opisyal.
“Yen?” Mariing hinawakan ni Yura ang magkabilang balikat ng pinsan. Nag-aalalang pinakalma niya ito, hindi siya sanay na pinagtataasan nito ng boses ang tiyuhin niya. “Hahanapin kita pagkatapos naming mag-usap. Pangako, hindi ako magtatagal.” Bahagyang pinisil ni Yura ang baba nito na madalas niyang gawin ng maliit pa sila sa tuwing umiiyak ito.
Kagat ang labing tumango dito ang Xirin. Makikita ang paglambot ng ekspresiyon ni Yen habang pinapakalma ito ng pinsan nito.
Nadagdagan ang kaba sa dibdib ni Heneral Yulo, alam niyang hindi lamang ang mga rebeldeng bandido at mga tiwaling opisyales ang kanyang suliranin habang nasasaksihan niya ang pagbabago ni Yen sa kamay ng kanyang pamangkin.
“Magpapadala ang iyong ama ng mga batalyong Goro upang higitan ang bilang ng mga rebelde. Makikidigma ako at hindi ako magpapakita sa kanila ng awa.” Pahayag ng Heneral ng maiwan sila ni Yura sa loob ng pribadong pasilyo. “Nais kong ipaalam mo sa Ikalawang Prinsipe na hindi ko tatanggapin ang panibagong hukbo. Magapi man natin ang mga dayuhang bandido, magkakaroon naman ng malaking hidwaan sa pagitan ng dalawang lehiyon. Tayo rin ang lalamon sa isa’t-isa.”
“Batid niyong hindi lamang mga dayuhang barbaro ang nasa bilang ng mga rebelde, ang mga batang alipin na pinagbili ng mga mangangalakal sa mga armadong bandido ay maisasakripisyo sa digmaang nais niyong mangyari. Huwag niyong hayaang bulagin kayo ng inyong galit.” Salungat ni Yura dito. Tunay na dumadaloy sa dugo ng Zhu ang pagkauhaw sa digmaan. Matapos niyang ipaalam dito ang tunay na mga nangyayari sa loob at labas ng Nyebes ay tanging digma lamang ang sagot na naiisip nito.
“Yura, hangga’t narito ako, hindi ko papayagang magwakas sa akin ang pinaghirapan ng ating mga ninuno sa lupaing ito. At higit sa lahat, hindi ko hahayaang insultuhin nila ang kakayahan ng ating hukbo na protektahan ang Nyebes.”
Walang naramdaman si Yura ng kastiguhin ng mga tao ang kakayahan ng kanilang hukbo sa Nyebes, ngunit ngayong narinig niya ito mula sa kanyang tiyuhin ay nagsimulang bumigat ang kanyang dibdib. Dahil tulad din ito ng kanyang ama na naglaan ng dugo’t pawis nito sa imperyo. “Bigyan niyo ako ng tatlong araw, kapag hindi pumabor sa inyo ang pasya ng Ikalawang Prinsipe, sasamahan ko kayong linisin ang mga rebeldeng bandido.”
“Parte ka na ng pamilya ng imperyal, hindi kita ilalagay sa mabigat na sitwasyon.”
“Tinanggap ko ang kautusan dahil sa responsibilidad ko sa ating angkan. Hindi ako mananatili sa tabi habang inaagaw nila mula sa inyo ang lehitimong awtoridad niyo sa lupaing ito.”
Nabahiran ng hapdi ang paningin ng Heneral. Tumigas ang anyo nito sa pagpipigil nito sa emosyong nais kumawala mula dito. Simula ng magpaalam ang kanyang kabiyak ng isilang nito ang kaisa-isa nilang anak, mag-isa na lamang siyang lumalaban. Kung wala ang suporta ng kanyang kapatid at ng pamilya nito, marahil ay hindi niya mapapalaki ng mag-isa si Yen. “Kung may mangyayari sa ating dalawa, paano ang pinsan mo? Panatag akong sumuong sa panganib dahil alam kong nandyan kayong aalalay sa kanya. Lalo ka na Yura, alam mo kung gaano ka kahalaga kay Yen.”
“Mas may hihigit pa ba sa buhay ng kanyang ama?” Binaba ni Yura ang paningin ng makita niya ang pagbuwag ng emosyon sa mata ng kanyang tiyuhin, “Hindi ko pahihintulutang may mangyari sa pinakaimportanteng tao sa buhay ni Yen. Ipangako niyo sa aking bibigyan niyo ako ng tatlong araw bago kayo kumilos.”
“Kung maipapangako mo sa aking hindi mo hahayaang masaktan ang pinsan mo ano man ang maging desisyon niya,” Mahigpit ang mga katagang wika ni Heneral Yulo. “Gusto kong ipangako mo sa akin ito.”
“Pamilya ko si Yen, hinding-hindi ko hahayaang masaktan siya. Pinapangako ko sa inyong proprotektahan ko siya.” Wika ni Yura kahit na hindi ito ang inaasahan niyang tugon mula dito. Ngunit alam niya rin kung gaano kahalaga ang pinsan niya sa kanyang tiyuhin, hindi ito nag-asawang muli upang mabuhos nito ang lahat ng panahon nito kay Yen. Lubos na hinahangaan ni Yura na mas pinili nitong maging ama sa pinsan niya.
Nakahinga ng maluwag ang Heneral sa narinig. Nais niyang ibigay sa kanyang nag-iisang anak ang lahat ng bagay na makapagpapasaya dito pagkat hindi niya gustong maramdaman nito ang kakulangan ng pagmamahal ng isang ina. Subalit sa nakikita niya, hindi na pagmamahal ng kanyang kabiyak ang kailangan nito. Tinignan niya ng mabuti ang kanyang pamangkin. Naiiba ito kay Yanru o sa mga tulad nilang mandirigma ng Goro, mas pinipili nito ang talas ng isip sa halip na talim ng armas. Subalit sa sandaling maipit ito, hindi ito nagdadalawang isip na gumamit ng dahas. Dahilan kung bakit ito ang paborito niya sa lahat ng kanyang mga pamangkin. “Yura, may tiwala akong hindi mo ako bibiguin.”
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Heneral Yulo: Kapatid ng Punong Heneral/ Ama ni Yen
Yen: Pinsan ni Yura
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang
Rong: Kanang kamay ni Nalu
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply