Tumigil si Yura ng malanghap niya ang alimyon ng bagong lutong tsaa. Nadatnan niya si Yen na naghahanda nito habang inaalalayan ito ng mga katiwala. Umangat ang tingin ng Xirin ng tahanan ng ipaalam dito ng isa sa mga katiwala ang pagdating niya. Maingat na inilapag nito ang hawak na kopa bago ito lumapit sa kanya. Mula sa mukha nito ay lumipat ang tingin ni Yura sa kamay ni Yen na nilahad nito sa harap niya.
“Nakikita mo ba ang mga naiwang marka sa kamay ko?” Tanong ni Yen sa pinsan niya.
Tinignan ni Yura ang mga naiwang bakas ng paso sa ilang mga daliri nito. Dumilim ang kanyang ekspresyon. “Bakit hindi niyo ito inagapan?” Baling ni Yura sa mga katiwala ni Yen.
Namutla ang mga tagapaglingkod sa malamig na tingin sa kanila ng Pangalawang Xuren ng Zhu, dala ng takot ay sabay na bumagsak ang mga tuhod ng mga ito. “X-Xuren, sinubukan po naming–“
“Huwag mo silang sisihin,” putol ni Yen sa kanyang katiwala. “Sinadya kong iwan ang mga markang ito bilang patunay na pinaghirapan kong matutong gumawa ng tsaa para sayo, pero hindi ka bumalik sa araw na pinangako mo.” Sumbat nito.
“Kung ilalagay mo sa panganib ang sarili mo dahil sa akin, hindi na ako mangangakong babalik ako.” Mariing wika ni Yura.
“Kung ganon, sasama ako sayo.” Matapang na tugon ni Yen.
Tila nakikita ni Yura si Yeho sa pinsan niya. Hindi likas sa angkan ng Zhu ang pagiging mahina, kahit ang mga Xirin at Ximo nito ay hindi madaling masindak dahil sa takot. Binaba ni Yura ang malamig na temperaturang bumabalot sa kanya. Kinuha niya ang parehong kamay ng Xirin at malambot na nagwika dito, “Wala na akong kalayaang maglakbay saan ko man naisin. Hindi ko na matutupad ang pangako kong isasama kita sa paglalayag ko.” Marami na siyang pangakong nabali sa pinsan niya simula ng makasal siya sa Prinsesa. Kailangang maipaunawa niya dito na iba na ang sitwasyon niya ngayon.
“Hindi mahalaga sa akin ang paglalayag, ang mahalaga sa akin ay makasama kita.”
Walang salitang mahanap si Yura sa naging tugon nito. Noon pa man ay malapit na ang loob ni Yen sa kanya, subalit hindi niya inakalang ganito kalalim ang kagustuhan nitong mapalapit sa kanya.
Tahimik na nilisan ng mga katiwala ang dalawa ng maramdaman nilang sensitibo ang susunod na kanilang maririnig.
“Mula pa ng mga bata tayo, hinubog ko na ang sarili ko upang maging ganap na konsorte mo. Pinag-aralan ko ang ibat-ibang parte ng lupain dahil paglalayag ang nais mong gawin. Alam mo ba kung anong nagawa ko ng matuklasan ko ang tungkol sa kautusan ng Emperador?” Mararamdaman ang hinanakit ng Xirin sa bawat katagang binibitawan nito. “Ginamit ko ang mga bandido upang sirain ang reputasyon ng Prinsesa. Ako na isang Zhu ay nakagawa ng malaking kataksilan sa imperyo upang maibalik ka sa akin!” Sa kanyang desperasyon, nilagay ni Yen sa panganib ang kanilang angkan. Piniga niya ang lahat ng koneksiyong mayroon sila upang masundan ang mga kilos ng Prinsesa. Nang matuklasan niyang lalabas ito ng palasyo ng imperyal upang bumisita sa templo. Walang pagdadalawang isip na pinag-utos niyang atakihin ito. Napupuno siya ng pagkasuklam ng mga panahong iyon. Wala na siyang kinatatakutan kung mawawala din sa kanya ang taong mahal niya. Nang matuklasan ito ng kanyang ama, nakita niya sa mga mata nito ang matinding pagkabigo na tila ito ang nagkasala. Dito lamang napagtanto ni Yen kung gaano karahas ng kanyang nagawa. Hindi mawawala ang markang ito habang nabubuhay siya.
Nabitiwan ni Yura ang mga kamay ng pinsan niya. Ito ba ang ibig sabihin ng kanyang tiyuhin? Wala siyang karapatang kastiguhin ang ginawa nito gayong siya ang dahilan ng pagbabago ni Yen. Tuluyang nabalot ng yelo ang pakiramdam ni Yura na tila tinutusok ng butil ng mga nyebe ang puso niya. Ang lihim na tinatago niya ay nagiging sumpa sa kanilang pamilya. Ang kapatid niyang si Yeho na nagtangkang lasunin ang Prinsesa, si Sena na nalagay sa panganib dahil sa hidwaan nila ng Ikalawang Prinsipe, at ngayon ang pinsan niya na hindi marunong kumitil ng buhay ng kuneho sa tuwing sinasama ito sa pangangaso ay makakagawa ng ganoong bagay. Ang buong akala niya’y pinoprotektahan niya ang mga ito subalit siya ang nagdadala sa kanila ng panganib.
“Huwag mo akong talikuran.”
Pigil ng Xirin sa braso ni Yura ng hindi na niya ito kayang harapin. Hindi kayang tanggapin ni Yura na dinumihan niya ang pagkatao ng pinsan niya. Dinungisan niya ang kaisa-isang kayamanan ng kanyang tiyuhin. Hinila ni Yura ang kanyang braso mula dito.
“Yu, Huwag mong sabihin sa akin na iiwan mo akong muli?” Naninikip ang dibdib na tanong ni Yen, “Nangako ka sa aking babalikan mo ako.”
Nang lisanin ng init ang tsaa sa kopa, naiwang mag-isa ang Xirin sa loob ng silid. Nababahalang bumalik ang mga katiwala ng marinig nila ang ingay ng pagkabasag ng mga bagay sa loob.
“Xirin?!” Naaalarmang lumapit ang katiwala ng makita nito ang sugat sa kamay ng Xirin. Blangko ang paninging naikuyom ni Yen ang palad niya. Mistulang patak ng mga luha ang pulang likidong pumapatak mula sa pagitan ng kanyang mga daliri. Ang matamis na muli nilang pagkikita ng pinsan niya ay nauwi sa mapait na paghihiwalay. Hindi pahihintulutan ni Yen na muling makawala sa kanya si Yura. Kung ang kautusan ang ginamit ng prinsesa upang maagaw ito mula sa kanya, gagamitin niya ang kanyang titulo bilang Xirin ng Zhu upang matali ito sa tabi niya.
Ininda ni Yura ang pagdaloy ng kirot sa kanyang sentido ng mapag-isa siya sa loob ng karwahe. Sa ganitong sandali ay mas pipiliin niyang maramdaman ang sakit sa halip na maokupa ang kanyang isipan. Tahimik na tinanggap ni Yura ang tila pagbaon ng mga pinong karayom sa kanyang sentido habang kasalukuyang tumatakbo ang karwahe.
Tumuloy ang karwahe sa kinaroroonan ng dalawang Xuren na naghihintay sa Lu Ryen. Binakante ng mga ito ang malawak na patyo ng isang bahay awitan kung saan nagtatanghal ang mga kilalang mang-aawit ng Nyebes.
“Ayon sayo, tanging mga lokasyon lamang ng mga aklatan ang alam mo. Bakit sa nakikita ko, hindi lamang ito ang iyong sinaliksik?” Kumento ni Tien matapos niyang masaksihan ang kagandahan ng mga mang-aawit.
“Huwag mo akong linlangin, alam kong natutuwa ka sa mga nakikita mo. Panahon na para hubarin natin ang pagiging ginoo mo Ministro Tien.” Nakangising tudyo dito ni Jing.
“Natitiyak kong ipagmamalaki ka ng Punong ministro.”
“Tien, isa pang beses na marinig ko ang aking ama mula sayo ay sisiguraduhin kong hindi ka makakalabas sa lugar na ito ng hindi napapaos ang tinig mo.”
“Jingyu!” Hindi malaman kung namumula sa galit o hiya ang batang ministro matapos marinig ang banta sa kanya.
Natutuwang binaling ni Jing ang atensyon niya kay Yura. “Bakit hindi mo gayahin ang Lu Ryen? Hindi matatapos ang araw na ito ng wala siyang napapaiyak na–.”
Mabilis na binusalan ni Tien ng inumin ang bibig ni Jing ng makita niyang huminto ang kamay ng Lu Ryen sa pag-angat nito ng inumin. “Sa tingin ko ay marami ka ng nainom.” Saway niya kay Jing.
Tinuloy ni Yura ang pag-inom ng alak at hindi inintindi ang diskusyon ng dalawa. Nais niyang lunurin ang kanyang pang-amoy at panlasa sa matapang na inumin kahit alam niyang mananatiling malinaw ang isipan niya pagkatapos nito. Wala man siyang kakayahang malasing ngunit nararamdaman niyang namamanhid ang kanyang pakiramdam.
Sa pagdaan ng mga awitin ay pagdami rin ng mga naubos na inumin ng tatlong Xuren. Lalong naging madulas ang bibig ni Jing habang nilalabas nito ang kanyang mga hinaing. Samantala, ang batang ministro ay wala ng lakas na harangin ang ano mang salitang lumalabas mula kay Jing. Maging ito ay namumula narin dahil sa inumin. Habang nalalango ang dalawa sa alak ay nanatiling tuwid ang likod ni Yura na nakikinig sa mga ito.
Jing, “Inaasahan nilang susundan ko ang yapak ng aking ama. Dinidiktahan nila ako kung ano ang dapat kong sabihin, kung ano ang dapat kong ikilos! Pero… Hindi ang pinsan ko, dahil hinayaan niya akong maging tapat sa sarili ko. Hindi niya man sabihin ngunit alam kong pinoprotektahan niya ako mula sa mga taong nais akong manipulahin.” Muling tumungga si Jing ng inumin kahit pulang-pula na ang mukha nito. Napahawak ito sa dibdib na mistulang may nais itong pakawalan. “Dumadaing ako sa tuwing may mga bagay na hindi ko nakukuha, maliit man o malaki ay hindi ko pinapalagpas. Subalit ng mamatay ang ina ng Pang-anim na Prinsipe, wala akong narinig mula sa kanya. Pakiramdam ko ay hindi siya nagpakita ng kahinaan sa akin dahil wala siyang tiwalang mapapagaan ko ang loob niya. Gusto kong ipakita sa kanya na kaya ko rin siyang suportahan. Gusto kong pagkatiwalaan niya rin ako…” Sumubsub ang mukha ni Jing sa tabi ng mga inumin. Tila bumigat ang ulo nito na hindi na nito mabuhat.
Nagiging dalawa ang kopa sa paningin ni Tien, hindi niya matukoy kung saan sa dalawa ang totoo. Mahigpit na hinawakan niya ang kopang may lamang alak at seryosong tinitigan itong mabuti. “Nang maakusahan ang aking ama ng kasalanang hindi nito ginawa, walang lumabas upang linisin ang pangalan niya. Tanging ang Emperatris ang naniwala sa kanya at nagbalik ng kanyang titulo. Hindi lamang ang aking ama ang niligtas ng Emperatris kundi maging ang aking pamilya. Habang buhay ko itong tatanawin na utang na loob. Ano man ang maging opinyon nila, mananatili ang katapatan ko sa Ina ng ating imperyo.” Ininom ng batang ministro ang laman ng kopa hanggang sa huling patak bago tuluyang magdilim ang paningin nito at sumubsub sa tabi ni Jing.
Mula sa nagdidilim na kalangitan, bumaba ang tingin ni Yura sa dalawang Xuren na nakalugmok kasama ng kanilang mga inumin. Napapaligiran man siya ng mga tao sa paligid niya, hindi niya maaaring ilabas sa mga ito ang tunay na nagpapabigat sa kanya. Kaya naman humahanga siya sa relasyon ni Jing at ni Ministro Tien. Kahit na may malalim na hidwaan ang dalawa, Malaya nilang nailalabas ang tunay na saloobin nila sa isa’t-isa.
Ang musika at ang tinig ng binibining mang-aawit na lamang ang naririnig ni Yura ng tumahimik ang dalawa. Muli siyang nagsalin ng alak at marahang dinala ito sa kanyang labi. Tanging pait ang naiwan sa kanyang panlasa, kahit sandali lamang ay nais niya ring magpahinga. Nilapag niya ang kopang wala ng laman.
“Xuren.” Pigil ni Won kay Yura ng makita niyang muli itong nagsasalin ng inumin. Hindi na niya matiis na bantayan ito mula sa malayo gayong nakikita niyang pinaparusahan ng Xuren ang sarili nito. Hindi man nito sabihin ay sapat na ang mga panahong pinagsamahan nila upang maramdaman niyang nasasaktan ito. Pamilya ang kahinaan ng kanilang Xuren, ito ang tanging nakakapagbigay dito ng sugat. Ngunit gaano man kalalim ang sugat na iniinda nito, Hindi niya maririnig kahit isang kataga mula dito. Nang unang dumating ito sa kampo ng Punong heneral, malayo ang loob dito ni Won dahil sa pribilehiyong natatanggap nito bilang Pangalawang Xuren ng Zhu. Hiwalay ito sa pagsasanay sa kanila, mag-isa itong hinahasa ng kapatid nitong Heneral. Habang sinasanay sila ng mga gerero, nasa kamay ito ng mga mahuhusay na mandirigmang bihasa sa kanilang hawak na armas. Ang mga bagay na nais niyang matutunan ay walang hirap na nahuhulog sa kamay ng Xuren. Matagal itong dinamdam ni Won, subalit ng makita niyang gising pa itong sinasanay habang natutulog silang lahat, mag-isa itong iniwan sa pusod ng kabundukan ni Heneral Yanru habang sila ay grupong iniwan sa kasukalan upang protektahan ang isat’isa. Naramdaman ni Won na napakalupit ng inaakala niyang pribilehiyong natatanggap nito. Sa mura nitong edad ay hindi ito sinanay na magtiwala sa kahit na kanino kundi itinuro dito kung paano mabuhay ng mag-isa. Sa kabila nito ay ni minsan hindi niya nakitang labag sa loob ng Xuren ang pagsunod gaano man kabigat ang pagsasanay na inatang dito. Hindi maunawaan ni Won kung bakit naiiba ang pagpapalaki ng Punong heneral sa Xuren, kung bakit hinayaan nitong masanay ang Xuren na yakaping mag-isa ang sarili nitong sugat. “Xuren, dimidilim na ang kalangitan. Nagbabadya ang mabigat na pag-ulan. Makakabuti kung makakabalik kayo ng maaga sa tahanan ng Punong Opisyal.”
Binaba ni Yura ang sinasaling inumin ng maramdaman niya ang pag-aalala ng kanyang bantay. “Ihatid mo na ang dalawang Xuren.”
“Paano po kayo?”
“Susunod ako.” Maikling tugon ni Yura.
Hindi na sinubukan ni Won na mag-usisa. Alam niyang kailangan lamang ng Xuren ang sandali para sa sarili nito.
Nang maiwan si Yura sa malawak na patyo, nagpatuloy parin ang malamlam na awitin ng mayuming binibini. Muli siyang nagsalin ng alak upang maibsan ang bigat na dumadagan sa kanya. Kumalma na ang kirot sa kanyang sentido ngunit hindi parin ang alon sa kanyang dibdib.
Ang mga taong nais niyang protektahan ay nagiging lason ang kalooban ng dahil sa kanya. Gaano man kahusay ang mga planong nailatag niya upang maiwasan ang marahas na digmaan, may mga bagay paring hindi na saklaw ng kanyang kakayahan. Muling nagsalin si Yura ng kanyang inumin sa kabila ng pagsisimula ng pagpatak ng ulan. Waring sumasabay ang panahon sa emosyong bumabalot sa kanya subalit kailangan niyang maging manhid, dahil wala pa siya sa kalagitnaan upang panghinaan siya ng loob. Nararapat lamang na panindigan niya ito hanggang sa huli. Mas maraming mawawala sa kanya kung hindi niya ito gagawin. Dumulas sa panlasa ni Yura ang pait ng inumin habang nakikinig siya sa himno ng ulan na sumasama sa malamyos na tinig.
Ang mapanglaw na likod ng Xuren ang nagpaantig sa mang-aawit na ipagpatuloy ang kanyang awitin sa kabila ng pagbuhos ng luha ng kalangitan. Di niya mawari ang damdaming pumukaw sa kanya upang damayan ito sa malamlam na gabi.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Heneral Yulo: Kapatid ng Punong Heneral/ Ama ni Yen
Yen: Pinsan ni Yura
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang
Rong: Kanang kamay ni Nalu
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply