Nang dumating si Yura sa tahanan ng Punong Opisyal, hindi lamang ang kanyang bantay ang naghihintay sa kanya kundi maging ang mga tauhan ng Ikatlong Prinsipe.
Nag-aalalang lumapit ang lingkod, “Lu Ryen, kailangan po namin ang tulong niyo. Sumumpong ang lumang sugat ng Kamahalan dahil sa malamig na panahon dito sa Nyebes, nanghihina ito ngunit hindi nito tinatanggap ang medisina mula sa amin.” Paliwanag ng katiwala ng Prinsipe. Hinanap nila ang batang ministro subalit dumating itong wala ng malay dahil sa matinding kalasingan. Wala na silang lakas ng loob na gambalain ang Ikalawang Prinsipe dahil malakas din ang kutob nilang tatanggihan ito ni Prinsipe Yiju. Tanging ang Lu Ryen ang pumasok sa kanilang isipan na makakatulong sa kanila.
Malalim na ang gabi ng makabalik si Yura dahil hinintay niya ang pagtila ng ulan. Ganoon din ba siya katagal na hinintay ng mga tauhan nito? “Mas mabuting iwan niyo na lamang ang medisina sa kanyang silid at siya na ang bahalang magpasya kung tatanggapin niya ito o hindi.” Tugon ni Yura nang maalala niya ang huling pag-uusap nila ng Ikatlong Prinsipe ng isang gabi.
“Lu Ryen, nakikiusap po kami sa inyo. Kapag hindi natin ito naagapan ng maaga maaaring hindi na makabangon ang Kamahalan sa susunod na mga araw. Mahigpit po ang bilin sa amin ng Emperatris na bantayan naming mabuti ang kalusugan ng Ikatlong Prinsipe.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Won ng gamitin nito ang Emperatris. Nang akmang itataboy ng bantay ang mga tauhan ng Ikatlong Prinsipe, narinig niyang sumang-ayon ang Xuren sa mga ito. Kinamumuhian ng kanyang Panginoon ang pamilya ng imperyal, idagdag pang hindi maganda ang lagay ng loob ng Xuren pagkatapos ng nangyari sa kanila ng pinsan nito dahilan upang magduda ang bantay kung bakit ito pumayag.
Lingid sa kaalaman ni Yura ang nasa isip ni Won, ang tanging inaalala niya ay kapatid parin ito ng kanyang konsorte. Higit roon ay ilang beses itong nagtangkang protektahan siya. Kung hindi ito bumisita sa kanya ng nakaraang gabi, marahil ay hindi na siya mag-aabalang tignan ang kalagayan nito.
“Kamahalan, narito po ang Lu Ryen.” Pabatid ng tauhan ng makarating ang mga ito sa harap ng silid.
“Sinong nagbigay sa inyo ng pahintulot na abalahin siya?”
Mararamdaman ang talim sa tinig ng Prinsipe na nagpaputla sa mga tauhan nito. Hindi nila masisisi ang mga manggagamot ng palasyo ng imperyal kung bakit iniiwasan nila ang Ikatlong Prinsipe. Nagiging mainit ang ulo ng Prinsipe sa tuwing nagkakasakit ito. Ilang manggagamot na ng imperyal ang naipadala sa digmaan dahil dito.
Tumuloy si Yura sa loob at hindi na hinintay ang permiso nito gayong dalawang beses na itong pumasok sa kanyang silid ng walang pahintulot.
“Yura,” Ang Prinsipe na nakasandig ang likod sa ulo ng higaan. Pinilit nitong bumangon subalit pinigilan ito ng Lu Ryen. Mariing naglapat ang labi ni Yiju ng maramdaman niya ang diin ng pagkakahawak ng Lu Ryen sa kanyang braso kung saan nakatago ang lumang sugat niya.
“Nakarating sa akin na tinatanggihan niyo ang gamot na dinadala sa inyo.” Wika ni Yura matapos itong marahang pakawalan.
“Kailangan ko lamang itong ipahinga.” Mariing saad ng Prinsipe, nagpapahayag na walang makakapagpabago ng isip nito.
“Sa pagbisita niyo sa Nyebes ay mas nanaisin niyong manatili lamang sa inyong silid habang pinapasok na ng mga barbaro ang mga bayan sa lupaing ito? Kung iyon ang inyong kagustuhan, kunin niyo ang lahat ng pahinga na kailangan niyo.” Si Yura na handa ng lisanin ang silid ng ipatawag ng Ikatlong Prinsipe ang tauhan nito upang dalhin dito ang gamot.
Namamanghang dagling hinanda ng mga lingkod ang medisina. Ang halos buong magdamag na pakiusap nila ay nagawa ng Lu Ryen gamit ang ilang kataga lamang.
Hindi naitago ni Yiju ang paglalim ng linya sa kanyang noo matapos niyang maubos ang huling patak ng medisina. “Ganito ka rin ba kalamig sa mga kapatid mo kapag nalalagay sila sa ganitong kondisyon?”
“Ang kapatid kong si Yanru ang unang nagbigay sa akin ng sugat habang ang kapatid kong si Yeho ang nagturo sa akin kung paano ito tahiin.”
Kumalma ang kunot sa noo ni Yiju sa naging tugon ng Lu Ryen. Nawaglit sa isipan niyang ito ang Pangalawang Xuren ng Zhu, hindi nawawalan ng kalaban ang ama nito sa iba’t-ibang panig ng lupain. Laging may nakaabang na panganib sa buhay nito na sa maagang edad ay minulat ito sa marahas na pagsasanay. Pakiramdam ni Yiju ay nagiging duwag siya sa paningin ng Lu Ryen. Nais niyang ipaliwanag ang kanyang sarili dito. “Mahina ang pangangatawan ko noon. Sa tuwing nagkakaroon ako ng galos, binibisita ako ng mga manggagamot ng imperyal upang budburan ng medisina ang sugat ko. At kapag dinadalaw ako ng lagnat, hindi nawawalan ng gamot ang mga pagkaing hinahain sa akin. Dahil dito, sa tuwing nagtatamo ako ng sugat mas nanaisin kong itago ito sa aking Ina, hanggang dumating sa puntong kinamumuhian ko na ang amoy ng gamot.”
Nabuhay si Yura sa medisina, kaya hindi niya maunawaan ang pagkamuhi ng Ikatlong Prinsipe sa gamot. Ngunit sa nakikita niya ay hindi lamang ito sa medisina namumuhi kundi dahil pinagkaitan ito ng kalayaan. Wala itong karapatang masugatan ng walang pahintulot ng Emperatris. Habang pinag-aaralan ito ni Yura, hindi niya makita dito ang Prinsipeng walang tahas na pumasok sa kanyang silid ng gabing iyon. Naglabas ito ng hinanakit sa kanya hanggang sa puntong madurog ang braso niya sa higpit ng pagkakahawak nito, dahilan upang sabuyan niya ito ng malamig na tubig sa mukha. Nais niyang masiguro kung tunay na wala itong naaalala sa nangyari, “Humihingi ako ng paumanhin kung sa tingin niyo ay inabandona ko ang Prinsesa, alam ko kung gaano siya kahalaga sa inyo.”
Marahang umiling ang Ikatlong Prinsipe, “Napagtanto ko kung bakit hindi mo kami makita ni Keya bilang pamilya. Batid mong tinangka niyang takasan ang kautusan. Lingid man sa kaalaman mo na siya ang Prinsesang nakatakda mong pakasalan ay sinagip mo pa rin siya mula sa mga bandido. Nang dumating ka sa palasyo ng imperyal, hindi siya sumunod sa tradisyon ng Zhu kundi ginamit ni Keya ang kanyang titulo bilang Prinsesa ng Imperyo at hindi bilang Konsorte mo. Kasunod nito ay kinastigo kita dahil mas pinili mo ang iyong Xienli na siyang hinandog sayo ng kapatid ko sa araw ng inyong kasal. Kung ako ang nasa posisyon mo, mahihirapan akong tanggapin na ito ang aking bagong pamilya.”
“At kung ako ang nasa posisyon niyo, ganoon rin ang mararamdaman ko pagkat may kapatid din ako na nais kong protektahan. Kamumuhian ko ang taong hindi siya pinahahalagahan.”
“Marahil nakaramdam ako ng galit ngunit wala akong kakayahang kamuhian ka.” Naramdaman ni Yiju na unti-unti ng umeepekto ang gamot. Bago siya tuluyang hilain ng antok ay may nais siyang marinig mula sa Lu Ryen. “Hindi mo ba ako tatanungin kung paano ko natuklasang ikaw ang nagligtas sa kanya?”
Natunghayan ni Yura ang pagbaba ng talukap nito pagkatapos magtama ng kanilang paningin. Sa gilid ng mata ng Prinsipe ay may maliit na marka na hindi mapapansin kung hindi ito tititigang mabuti. Napukaw lamang ang kanyang kamalayan ng marinig niya ang pagbagal ng hininga nito ng tuluyan na itong nakatulog sa paghihintay ng sagot niya. Ang pares ng mga matang minsang nadaanan ng kanyang paningin ay bumabalik sa kanya.
Ang imahe nitong pinoprotektahan ang matanda kahit walang kasiguraduhan kung maliligtas nito ang sarili nito ay lumilitaw sa alaala niya. Hindi matukoy ni Yura kung isa iyong kahangalan o kabutihan ng loob. Malinis ang intensiyon ng Ikatlong Prinsipe sa kanya subalit hindi niya maaaring ibaba ang pader sa pagitan nilang dalawa. Nililinlang niya man ang lahat ngunit hindi niya gagamitin ang nararamdaman ng mga ito upang makuha ang nais niya. Kung dumating man siya sa puntong iyon, hindi na kilala ni Yura ang sarili niya.
Bumaba si Yura sa tabi ng Ikatlong Prinsipe upang takpan ng Pranela ang nakalabas nitong braso. Itinago nito sa kanya na ito ang tumutol sa Emperador sa pagtatalaga sa kanya sa paligsahan. Sa kabila ng mga nagawa niya sa kapatid nito ay hindi parin nito makuhang kamuhian siya. Lumaki ito sa pamilya ng imperyal subalit hindi nadungisan ang katauhan nito. Ito man ang Prinsipe ng Emperatris ngunit sa sarili nitong paraan ay nagagawa parin nitong tutulan ang kagustuhan ng kanyang Ina. Ang Ikatlong Prinsipe at ang mga taong nakapaligid dito ay tulad niya rin na may nais protektahan. Natagpuan ni Yura ang sarili niyang nangangapa ng kasagutan. Kahit malinaw na sa kanya ang daang dapat niyang tahakin, hindi niya maitatangging nababahala siya sa mga nagawa niyang desisyon. Ang nangyari kay Yen ang gumising sa kanya upang pagdudahan kung ito ang pinakamainam na paraan. Makakaya niya bang tanggapin ang magiging kapalit ng lahat ng ito?
Naramdaman ni Yura ang pagbigat ng alon sa kanyang dibdib. Habang naririnig niya ang kalmadong paghinga ng Ikatlong Prinsipe ay mistulang hinihila siya nito na ipahinga ang mga bagay na dumadagan sa kanya. Kampante ito sa presensiya niya habang siya ay nananatiling mailap sa kanyang paligid. Darating ba ang araw na hindi na niya kailangang mag-ingat sa bawat pasya na kanyang gagawin? Na hindi na niya kailangang itaboy ang mga taong pumapasok sa buhay niya? Kung darating man ang araw na iyon, nasisiguro niyang hindi na siya ang Pangalawang Xuren ng Zhu. Ito ang buhay na kinasanayan ni Yura at tanging responsibilidad na alam niyang nakalaan para sa kanya. Naduduwag siyang isipin kung anong maaaring mangyari sa sandaling mahubad ang maskarang pumoprotekta sa kanyang katauhan. Ngunit habang suot niya ang kanyang lihim ay lalo itong humihigpit at bumabaon sa kanyang laman na tila nagbabantang hindi na siya makakawala.
Lumipas ang mahabang sandali na di namalayan ni Yura na bumababa narin ang talukap ng kanyang paningin. May malaking parte niya na bumubulong sa kanyang kailangan niya itong labanan, subalit may parte niya rin ang humihila sa kanyang bumigay. Tuluyang nagsara ang paningin ni Yura. Ang matamis na alimyon ng insenso ang nagsilbing hipnotismo upang patuloy siyang lumubog sa kawalan.
Bumaba ang ulo ng Ikatlong Prinsipe na bumagsak sa balikat ng Lu Ryen. Ang lamparang hinahawi ng hangin ay mistulang gumuguhit ng dalawang aninong magkasalikop.
Dumaan ang madilim na ulap na tuluyang pagkalma ng panahon sa himpapawid…
Sa labas ng tahanan ng Punong Opisyal makikita ang pagsibol ng liwanag sa kalangitan. Ang pagpatak ng sariwang butil ng tubig mula sa dahon ng mga puno ay tanda ng pagsilang ng bagong umaga. Payapang pinagmamasdan ni Tien ang tanawing ito.
“Bukang-liwanag na ng lisanin ng Lu Ryen ang silid ng Ikatlong Prinsipe. Hinintay niyang bumuti ang kalagayan ng ating Kamahalan bago niya ito iniwan.” Pagbibigay-alam ng tauhan sa batang ministro bago ito tahimik na lumabas ng silid.
Lumuwag ang dibdib ni Tien sa nalaman. Humupa ang pagdududang namumuo sa isipan niya tungkol sa Lu Ryen. Nang matukoy ng kanyang tauhan na kwarto ng Pangalawang Xuren ng Zhu ang pinasok ni Yiju ng gabing nalasing ito, nais niyang subukan kung tutulungan ito ng Lu Ryen sa oras na may mangyari dito. Hindi niya inaasahang magiging responsable ang Lu Ryen sa Ikatlong Prinsipe. Subalit mas namangha siya sa tiwalang binigay dito ni Yiju upang pumayag itong tanggapin ang medisina. Marahil ay lingid sa kaalaman niyang may nabuo ng malalim na pagkakaibigan ang dalawa. Wala siyang dapat ikabahala, mailap man ang Pangalawang Xuren ng Zhu subalit hindi ito hangal upang hindi makita na nasa Ikatlong Prinsipe ang katangian at dugo ng isang tunay na maharlika. Ang katapatan ng Zhu sa mga tao ang tanging pinanghahawakan ni Tien upang magtiwala siyang hindi sasalungat sa kanila ang Lu Ryen.
Magaan ang dibdib na nagpakawala ng hangin ang batang ministro habang nilalanghap ang sariwang simoy ng umaga. Mas naging kaayaaya sa kanyang paningin ang kulay ng paligid.
Sa kabilang banda…
Binawi ni Siyon ang tingin mula sa tanawing nasa labas ng kanyang silid ng marinig niya ang mariing pagtutol ng pinsan niya sa kanyang desisyon.
“Naririnig mo ba ang sarili mo? Paano kung isa lamang ito sa mga taktika ng Lu Ryen? Kung ganoon kadaling hawakan ang mga maharlika, hindi magtitiis ng mahabang panahon ang ating angkan upang suyuin ang mga ito.”
“Duran, kahit makuha ko ang pabor ng aking ama hangga’t nandyan sila upang ipaalala na hindi purong dugo ang nananalantay sa akin, mananatili silang tinik sa lalamunan ko.”
Hindi matanggap ni Duran na hindi na niya mabago ang isip ng pinsan niya. Kung noon ay tinatanggap lamang nito ang kanyang opinyon, ngayon ay mas naniniwala ito sa Pangalawang Xuren ng Zhu. “Tandaan mong sila din ang magpapatibay ng iyong posisyon. Itataya mo ang kapalaran ng ating angkan kung makikinig ka sa kanya.”
Malaki ang posibilidad na patibong lamang ito, ngunit ito ang klase ng pain na tumutukso kay Siyon na kagatin ito. “Ilang kahon na ng mga ginto ang nagamit mo upang umayon sila sayong kagustuhan? Ang iyong awtoridad ay nakabase sa bigat ng salaping imumudmud mo sa kanila. Hindi sila nasisindak sa impluwensiya ng ating angkan kundi nasisilaw ang mga ito sa yaman na hawak natin.” Dinaanan ng daliri ng Pangalawang Prinsipe ang gilid ng kanyang patalim, waring dinadama nito ang panganib na nakaakibat dito. Ilang buhay man ang malagas sa kanyang kamay, hindi parin nito napapakalma ang uhaw na nararamdaman niya. “Matagal na panahon na tayong sumasayaw sa tempo ng kanilang musika. Panahon na para sila naman ang umawit para sa atin.”
Lihim na naikuyom ni Duran ang kanyang palad. Nagdidilim ang anyong nilisan niya ang presensiya ng Ikalawang Prinsipe. Nais niyang komprontahin ang taong nagpabago ng isip nito. Malalaki ang mga hakbang na tinuntun niya ang kinaroroonan ng Lu Ryen. Sumalubong sa kanya ang matangkad nitong bantay. Kung ang mga Prinsipe ay pinaliligiran ng mga mahuhusay na kawal, ang Lu Ryen ay nasa proteksiyon lamang ng isang bantay. Subalit ang mandirigmang ito ay anak ng isa sa mga pinakamataas na Heneral ng Hukbong Goro. Ang taong may kakayahang humawak ng ganitong tauhan ay may angking katangian na magbigay ng impluwensiya sa kaisipan ng mga taong nais nitong hawakan. Mariing naikuyum ni Duran ang kanyang palad. Hindi ba nakikita ng Ikalawang Prinsipe na ito ang sumasayaw sa palad ng Lu Ryen?!
“Nais ko siyang makausap.” Malamig na wika ni Duran sa matangkad na bantay. Inaasahan niyang haharangin siya nito ngunit sa kanyang pagkamangha ay maluwag siya nitong pinagbuksan ng pinto. Pumasok sa paningin niya ang Lu Ryen na tuwid na nakatingin sa kanyang direksiyon.
Duran, “Batid mong darating ako?”
Lu Ryen, “Batid ko ring narito ka dahil mas pinili niyang makinig sa payo ko.”
“Yura Zhu, Hindi ako papayag na gamitin mo ang Kamahalan laban sa maharlika.” Nangangalit ang tingin na sinalubong ni Duran ang Lu Ryen. Matapos gawing pain ng pinsan niya ang mga mandirigma ng Hukbong Goro, lumuwag ang proteksiyong natatanggap ni Siyon mula sa Punong Heneral. “Hindi ako naniniwalang papanig ka sa Ikalawang Prinsipe.”
“Sinong nagsabing ang Pangalawang Prinsipe ang kailangan ko?” Lumalim ang tingin ni Yura sa Xuren ng Yan. “Wala siyang kakayahang lipulin ang malalaking mangangalakal sa imperyo kung wala ang tulong mo. Ang impluwensiya niya ay hindi galing sa pamilya ng imperyal kundi sa angkan ng Yan. Ikaw, bilang Pangunahing Xuren ng Yan ang tunay na may hawak ng awtoridad. Kung wala ang pahintulot mo, walang magiging pangil ang Pangalawang Prinsipe laban sa maharlika.”
“Anong ibig mong…” Pakiramdam ni Duran ay umuukit ang tingin sa kanya ng Lu Ryen, maging ang mensahe nito ay naglalaro sa kanyang pandinig. Hindi siya katulad ng pinsan niya na nahuhumaling sa makikinang na bagay. Hinubog siya na huwag masilaw sa ginto at magpaakit sa alindog ng sino man upang hindi nito maimpluwensiyahan ang kanyang mga desisyon. Kaya bakit nakakaramdam siya ng panganib mula sa Lu Ryen? Walang sino man ang nagdiin ng ganitong ideya sa kanyang isipan. Magmula sa kanyang ama at sa paningin ng lahat ay nananatili siyang kanang kamay ng pinsan niya.
Nilabas ni Yura ang nalikha niyang kuwadernong kambal ng aklat-talaan. Bawat detalye ng pahina ay nakatala na mistulang ito ang tunay na kwaderno ng grupong may hawak ng orihinal na kopya. “Nagtitiwala ako sa kakayahan mong magpasya kung matutumbasan nito ang halaga ng mga bagay na iyong pinangangambahan.” Ipinaubaya ni Yura sa kamay ng Xuren ng Yan ang magiging kahihinatnan ng kasangkapang ito. Naniniwala siyang ito ang makakatuklas ng malawak na posibilidad ng kwaderno. Tulad niya, hindi ito susugal sa isang bagay na walang pundasyon.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Heneral Yulo: Kapatid ng Punong Heneral/ Ama ni Yen
Yen: Pinsan ni Yura
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang
Rong: Kanang kamay ni Nalu
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply