Nayanig ang lupain ng Nyebes sa sunod-sunod na pangyayaring naganap sa kanilang kaharian. Ang rebelyon na inaasahan ng lahat mula sa mga tulisan ay hindi dumating kundi ang mga matataas na opisyales ang dinakip at hinubaran ng titulo. Maging ang Punong Opisyal na kapatid ng reyna ay hindi nakaligtas sa paglilitis. Dahilan upang magsimulang bumuhos ang mainit na usapin sa loob ng kapitolyo.
“Anong nangyayari? Bakit ang mga opisyales ng ating lupain ang nahatulan ng pagtataksil sa kaharian?”
“Nais ng mga maharlika na pagtibayin ang kanilang impluwensiya gamit ang hukbong bubuuin ng mga opisyales sa pamumuno ng Punong Opisyal. Ginamit ng mangangalakal ang pagkaganid ng mga ito sa kapangyarihan upang palawakin ang kanilang kalakal sa lupain. Sila din ang nagbibigay ng mga armas sa mga bandido. Ang mga batang lalaking alipin ay pinagbibili nila sa mga ito! Kung hindi ito isang kataksilan, anong dapat na ipataw sa kanila?”
“Sinaid ng Pangalawang Prinsipe ang lahat ng pag-aari ng mga Punong Mangangalakal na sangkot sa gawaing nakasaad sa aklat-talaan. Lubos na hinahangaan ko ang kinalabasan ng paghahatol ng ating kamahalan! Patunay na naging patas at matigas ito sa kanyang desisyon. Marahil ito ang dahilan kung bakit ito ang napiling delegado ng mahal na Emperador.”
“Higit pa ryan, natunton ni Heneral Yulo ang mga pugad ng mga bandido maging ang pinagtataguan ng kanilang mga armas. Wala silang nagawa ng suyurin ng hukbo ang kanilang teritoryo! Ang kinatatakutan nating paglusob ng mga rebeldeng ito ay natuldukan na. Sadyang isang malaking kataksilan ang nais ng mga sakim na opisyales na bumuo ng bagong hukbo gayong mahabang panahon na tayong nasa proteksiyon ng Lehiyong Goro!”
Mahinang napasipol si Kaori sa kanyang narinig ng dumaan sila mula sa mga nagkukumpulang mga tao. Nakangising binalingan niya ang matangkad na bantay. “Hindi mo ba ako pupurihin?” Nanunukso ang tinging sinundan niya si Won. “Nagtatampo ka ba dahil sa akin ito ipinagkatiwala ng Xuren?” Abot tenga ang ngiting sunod na tanong ni Kaori dito.
Won, “Hindi ko mahihigitan ang talas ng iyong pang-amoy at kahusayan mong sumabay sa anyo ng kagubatan. Batid ng Xuren na hindi nila mararamdaman ang presensiya mo kung bakit hindi siya nagdalawang isip na ipagkatiwala ito sayo.”
Binawi ni Kaori ang kanyang pagkakangisi sa sinabi ng matangkad na bantay. Ikinubli niya ang kanyang ekspresiyon, namumula ang gilid ng tenga na napakamot siya sa kanyang batok. Tinutudyo niya man si Won subalit hindi siya handa sa naging sagot nito. “Anong nangyari sayo? Sandali lang akong nawala pero natuto ka ng tumugon ng hindi ako iniinsulto. Huwag mong sabihing kailangan kong mawala bago mo maramdaman ang halaga ko?”
“Kaori.” Malalim na napahugot ng buntong-hininga ang matangkad na bantay “Marahil kung nandito ka…” Pahihintulutan ng Xuren na damayan mo siya ng gabing iyon. Alam kong mas makikinig siya sayo… May tiwala si Won na kaya niyang protektahan ang Xuren sa ano mang panganib, subalit pagdating sa damdamin nito wala siyang kakayahang harangin ang mga bagay na makakapanakit dito.
“Won?” Puna ni Kaori ng matagal itong nanahimik.
“Ba’t di ka muna magpalit bago ka magpakita sa Xuren? Itago mo rin ang mga galos mo upang hindi siya mag-alala sayo.” Malalaki ang hakbang na iniwan ito ni Won.
“Eh? Gusto kong mag-alala siya sa’kin!” Natatawang sumunod dito si Kaori.
Matapos maglaho ng dalawang bantay sa kabisera. Okupado naman ang kanilang Xuren sa kaharap nitong panauhin.
“Masyado pang maaga upang magdiwang ako ngunit hindi ko gustong palagpasin ang pagkakataong ito.” Niyakap ng mga daliri ni Siyon ang kopa. Marahang ninamnam niya ang pagdaloy ng alak sa kanyang lalamunan. “Masalimuot na paglalayag sa karagatan ang tinahak ng inuming ito bago makarating sa atin. Magtatampo ang inumin kung hindi niya tayo malalasing.” Sinalinan ng Ikalawang Prinsipe ng alak ang kopa ng Lu Ryen.
Tinanggap ni Yura ang inumin na kasing linaw ng tubig. Hindi aakalaing may matapang itong amoy na nagbibigay ng ilusyon sa sino mang makakatikim nito. Ito ang tinuturing na kakambal ng kasawian at tagumpay. Isa rin siya sa mga naghangad na mabibigyan siya nito ng panandaliang kalayaan. Hindi namalayan ni Yura ang pares ng mga mata na malalim na nagmamasid sa kanya ng lumapat sa labi niya ang kopa.
Muling nagsalin ng alak si Siyon ng makaramdam siya ng pagkauhaw. Matinding panghihinayang ang umuukit sa kanya sa tuwing nasisilayan niya ang mukhang hinahangad niya sa kanyang magiging konsorte. Maging ang katangiang hinahanap niya ay nasa Pangalawang Xuren ng Zhu. Sa maikling panahon ay nagawa nitong baliktarin ang sitwasyon. Hindi nalalayong dumating ang araw na bumaliktad din ito sa kanya. Hindi ito natitinag sa kanyang mga banta at hindi rin ito nasisilaw sa kanyang impluwensiya. Kung hindi ito mahuhulog sa kanyang panig, mas mainam na madurog ito sa palad niya ng maaga bago pa ito makalikha ng bagay na hahadlang sa kanya. Isang paraan lamang ang naiisip ng Pangalawang Prinsipe. “Lu Ryen, sinabi mo sa akin na kung mabibigyan ko ng hustisiya ang kalapastangang ginawa nila sa lupaing ito, Ituturin mo itong isang malaking utang na loob. Kung ganon, hangad kong maselyuhan ang pangakong ito.” Gumuhit ang mapaglarong ngiti sa labi ng Ikalawang Prinsipe. “Minsan ng nagkaroon ng gusot sa pagitan natin dahil sa isang fenglin, kung kaya’t sa pagkakataong ito ay nais kong unang ipaalam sayo na hihingin ko ang kamay ng kaisa-isang Xirin ng iyong tiyuhin. Aasahan kong maluwag mo itong tatanggapin.”
Marahang nilapag ni Yura ang kanyang kopa. Hindi niya itinago ang paglamig ng kanyang ekspresiyon. Nais nitong gamitin ang pinsan niya tulad ng paggamit sa kanya ng Emperador laban sa kanyang Ama. Umangat ang kamay ni Yura upang salinan ng inumin ang Ikalawang Prinsipe. “May isang salita ang Zhu, papanindigan ko kung ano man ang ipinangako ko.” Nang sumagi ang dulo ng kanyang daliri sa labi ng kopa, doon lamang naglaho ang nyebe sa mga mata niya.
Isinuka ni Siyon ang halos lahat ng laman ng kanyang sikmura. Habol ang hiningang kinapa niya ang naninikip niyang dibdib. Matapos ang pag-uusap nila ng Lu Ryen, nakaramdam siya ng kakaibang pagsikip sa kanyang paghinga hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay.
“Kamahalan, matapang ang alak na nainum niyo. Hindi ito matanggap ng inyong katawan kung kaya’t nagkaroon ito ng ganoong epekto.” Paliwanag ng manggagamot sa Prinsipe.
Nagdududa na muling pinasuri ni Siyon ang alak. Hindi mawaglit sa isip niya ang pares ng matang malamig na nakatingin sa kanya. “Hindi siya mangangahas…” kumawala ang malalim na hininga mula sa Ikalawang Prinsipe. Ramdam niya ang pagdaan ng pinong kirot sa kanyang dibdib.
Samantala…
Tinawid ni Yura ang linya ng mga lingkod upang salubungin ang nagdidilim na anyo ng kanyang tiyuhin.
“Hinarang mo ang liham na pinadala ko sayong Ama upang ipagkasundo ang pinsan mo sa Ikalawang Prinsipe! Nasaaan ang pangako mong proprotektahan mo siya?!” Pumailanlang ang matalim na tinig ng heneral sa mahabang pasilyo.
Yura, “Ang ipagkasundo kami ni Yen ang sa tingin niyong magbibigay sa kanya ng proteksiyon? Sa sandaling lumabas ang karahasang ginawa niya sa Prinsesa, tanging ang angkan ng Yan ang may kakayahang protektahan siya.”
“Nakalimutan mo na ba ang ginawa ng Ikalawang Prinsipe sa ating mga mandirigma?”
“Kahit sa panaginip ay hindi ito nawawaglit sa isipan ko. Subalit hindi ko sisingilin ang utang na ito sa angkan ng Yan. Ang Ikalawang Prinsipe ang dapat na magbayad nito. Kailangang makasal ni Yen sa Pangunahing Xuren ng Yan sa mas madaling panahon. Nauunawaan niyong ito lamang ang tanging paraan upang maprotektahan siya-” natigilan si Yura ng makita niya ang nanginginig na anyo ng pinsan niya mula sa bungad ng pasilyo. Puno ng hinanakit at galit ang makikita sa mga mata nito. Batid niyang masasaktan niya ito ngunit hindi matanggap ni Yura na siya ang nagpinta ng malalim na sugat dito. Binigo niya ang kagustuhan ng kanyang tiyuhin at sinaktan niya ang pinakamamahal nitong bituin.
Nanlalabo ang paninging nilisan ni Yen ang pasilyo. Nag-aalalang hinabol ito ng mga katiwala. Mabigat ang mga hakbang na sumunod dito si Yura.
Maririnig ang sunod-sunod na pagkabasag ng mga bagay sa loob ng silid ng Xirin. Maging ang hinagpis at pakiusap ng mga katiwala ay dumadagdag sa ingay ng mga ito. Nanghihilakbot ang mga lingkod na masaktan ng Xirin ang sarili nito sa hawak nitong mahabang patalim. Nadatnan ni Yura ang mahigpit na pagkakahawak ng pinsan niya sa regalong binigay niya dito ng tumuntong ito ng labing-apat na taon. Hiniling nito sa kanya na mag-iwan siya ng bagay na sumisimbolo ng pagmamahal niya para dito. Hindi sumagi sa isip ni Yura na higit pa roon ang nais nito mula sa kanya.
Nagbigay daan ang mga katiwala ng pumasok ang Xuren. Umaasa silang mapapakalma nito ang kanilang Xirin subalit namutla ang mga lingkod ng ilapat ng Xirin ang patalim sa leeg nito.
“Mas nanaisin mong mapunta ako sa iba sa halip na tanggapin ako bilang konsorte mo?” Nananakit ang tinig na tumulo ang mga luha ni Yen. Hindi niya matanggap ang pagtanggi nito sa kanya. “Anong mararamdaman mo kung ang regalong hinandog mo sa’kin ang kikitil sa buhay ko?”
“Kung pipiliin mong wakasan ang buhay mo upang iparamdam sa akin na nagkamali ako hindi kita pipigilan. Magluluksa ako subalit hindi iikot ang mundo ko sa pagkawala mo.” ininda ni Yura ang hapding bumabalot sa kanya mula sa mga katagang binibitawan niya. Maging siya ay hindi nakilala ang malamig na tinig na dumudurog sa damdamin ng pinsan niya. “Hindi mo isinaalang-alang ang kaligtasan ng ating angkan ng subukan mong dungisan ang Prinsesa. Maging sa mga sandaling ito ay kinalimutan mo ang Ama na handang isugal ang lahat para sa’yo. Hanggang saan ka dadalhin ng pagiging makasarili mo upang makuntento ka?”
Nanghihinang lumuwag ang pagkakahawak ni Yen sa patalim. Hinihiwa siya ng matalim nitong tingin, mistulang nagiging estranghero siya sa paningin ni Yura. Dumating na ang sandaling kinatatakutan niya, ang tuluyan siya nitong bitawan. Nang mabulag siya ng pagmamahal niya para dito ay nakalimutan na niya kung sino siya. Tuluyang bumagsak ang patalim sa kamay ni Yen ng makita niya ang muling pagtalikod sa kanya ni Yura. Sumisikip ang dibdib na binalot siya ng matinding kahungkagan.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Heneral Yulo: Kapatid ng Punong Heneral/ Ama ni Yen
Yen: Pinsan ni Yura
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang
Rong: Kanang kamay ni Nalu
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply