“Xuren?!” Gulat na nanginig ang kalamnan ni Kaori ng makita niya ang pagbagsak ng Lu Ryen. Hindi nito iniwasan ang Heneral kundi tinanggap nito ang lahat ng atake ng tiyuhin nito. Naninigas ang kamaong puno ang pagpipigil ni Kaori na harangin ang atake ni Heneral Yulo. Maging si Won na nasa tabi niya ay hindi maitago ang tensiyong nararamdaman nito. Wala silang magawa kundi hintaying matapos ang parusang tinatanggap ng kanilang Xuren. Ito ang mga pagkakataong hindi nila ito maaaring protektahan. Kung gagawin nila iyon, ang Xuren mismo ang haharap sa kanila.
“Binigo mo ako! Hindi bilang Heneral ng lupaing ito kundi bilang tiyuhin mo. Kung binalikan mo siya ng maaga at pinakasalan bago dumating ang kautusan hindi niya magagawa ang bagay na iyon sa Prinsesa. Ikaw ang nagtulak sa kanya upang dumihan ang kamay niya! Bakit hinayaan mong mangyari ito sa pinsan mo?!” Nangingibabaw ang galit na nararamdaman ng Heneral ng makita niyang hindi ito lumalaban sa kanya. “Hindi ka dapat nangakong babalikan mo si Yen kung hindi mo siya kayang panindigan hanggang sa huli!”
Dumiin ang mga kuko sa palad ni Kaori sa sinabi ng Heneral. Wala itong karapatang isisi ang lahat sa Xuren. Binitiwan ng Xuren ang kalayaan nito para sa Hukbong Goro at sa angkan ng Zhu. Dahil para sa Xuren, saan mang bahagi ng lupain ito maglayag, sila lamang ang pamilyang babalikan nito. “Pinanindigan ng Xuren ang tungkulin nito bilang Pangalawang Xuren ng Zhu kaya bakit kailangang siya ang umako ng lahat ng responsibilidad?!” Mariing pinagtanggol ng kanang bantay ang Xuren niya.
Huminto ang Heneral sa narinig. Bakas ang bigat sa paghinga nito.
“Kaori!” Matalim na tawag dito ni Yura. Mas nanaisin ni Yura na tanggapin ang galit ng tiyuhin niya sa halip na itago nito ang hinanakit nito sa kanya. Sa kabila ng mga sugat na natamo ni Yura ay pinilit niya paring bumangon upang tanggapin ang kanyang parusa.
“Yura, nagtiwala ako sayong ikaw lamang ang may karapatang kunin mula sa akin ang tungkulin na protektahan siya. Subalit ito ang ibabalik mo sa akin?” Ito ang mga katagang binitiwan ni Yulo na nag-iwan ng mas malalim na sugat kay Yura.
Kayang tanggapin ni Yura ang galit ng Heneral ngunit hindi ang bahid ng pait sa mga mata nito. Hindi niya magawang salubungin ang tingin ng Heneral.
Itinago ng kanyang Ama ang lihim niya maging sa kapatid nito upang protektahan siya, at ito ang naging kapalit ng panlilinlang niya sa mga ito. Mariing naglapat ang labi ni Yura upang lipulin ang natitira niya pang lakas. Lalong tumatapang ang lasa ng bakal mula sa loob ng kanyang bibig.
“Xuren!” Dagling lumapit ang dalawang bantay sa Lu Ryen ng lisanin ng Heneral ang lugar.
Sa labas ng malaking silid ay puno ng mga matatangkad na mandirigma ng hukbo ang nagbabantay, maging ang kanang kamay ni Heneral Yulo ay naghihintay sa labas ng pinto. Mistulang dinaanan ng makulimlim na panahon ang mga mukha ng mga ito dahil sa labis na pag-aalala sa Pangalawang Xuren ng Zhu.
Hindi ito nagtangkang harangin ang mga atake ng Heneral, na maihahalintulad sa pagsugod sa gitna ng digmaan na walang hawak na armas at suot na proteksiyon.
Sabay na umangat ang mukha ng lahat ng lumabas mula sa silid ang Punong Manggagamot. Tanging ito lamang ang pinahintulutan ng Ikalawang Xuren na pumasok loob ng kwarto. Mariing pag-iling ang naging tugon nito. Pinaiwan lamang ng Xuren sa kanya ang mga lunas bago mahigpit itong nag-utos na lisanin ng lahat ang lugar.
Inaasahan na ni Won na mas pipiliin ng Xuren ang mapag-isa, mabilis na hinablot ng kamay niya ang braso ni Kaori ng akmang papasok ito sa loob. “Hindi mo ba narinig ang utos ng Xuren?”
“Nadurog siya sa harapan natin pero wala tayong ginawa. Matatawag ko pa ba ang sarili kong bantay niya?”
“Ilang beses mong susuwayin ang Xuren? Ang pagsunod sa kagustuhan niya ay pagpapakita rin ng katapatan mo.”
“Kung kagustuhan niyang mamatay, ikaw ba ang magbabaon ng patalim sa kanya?!” Kinuha ni Kaori ang pagkakataong natigilan si Won upang pasukin ang silid ng Xuren. Bakanteng silid ang nadatnan niya, tanging ang makapal na amoy ng halamang gamot ang naiwan.
Sa masukal na kakahuyan maririnig ang mabibigat na hakbang na dumadagan sa damuhan.
Nakarating si Yura sa pinakamalamig na parte ng Nyebes. Naging magaan ang parusa ng kanyang tiyuhin. Kung ginamit ng Heneral ang buo nitong lakas, hindi na niya magagawang hilain ang sarili niya sa lawang ito.
Isa-isang nalagas ang kanyang kasuotan bago tuluyan niyang nilubog ang sarili sa nagyeyelong tubig. Kalaunan ay nagsimulang maging manhid ang mga pasa niya sa katawan.
Bakante ang paninging nakatunghay si Yura sa mahamog na paligid. Naramdaman niya ang paglusob ng lamig sa kanyang laman. Mabisang paraan upang mapalitan ang kirot na dumadaloy sa kanya.
Hindi matatabunan ng malubhang sugat ang hapdi sa kanyang dibdib. Lubos na kinamumuhian ni Yura ang sarili sa mga sandaling ito. Wala siyang sapat na kakayahan na ibigay kay Yen ang kalayaan nito. Higit roon ay nabigo siyang protektahan ang damdamin ng pinsan niya mula sa kanya. Mistulang binubungkal ng bakal ang puso ni Yura.
Nilubog niya ang buong sarili sa ilalim ng malamig na lawa, sa pagmanhid ng kanyang katawan ay tuluyang pagkamanhid ng kanyang nararamdaman. Wala na siyang panahon upang mag-alinlangan. Ano mang pangamba na sumisibol mula sa kanya ay kailangan niyang kitilin.
Sa tahanan ng Punong Opisyal…
“Dumating ang mensahe ng Emperador. Ayon dito, hinihintay niya ang maagang pagbalik mo sa Palasyo ng Imperyal.” Mula sa sulat ay lumipat ang tingin ni Duran sa Pangalawang Prinsipe na abala sa pagkilatis ng makikinang na bato. Kahapon lamang ay binisita ito ng mga dayuhang mangangalakal at hinandugan ng mga espesyal na regalo upang ipakita ang kanilang suporta. Sila ang mga dating nasa panig ng Punong Opisyal na mabilis na nagpalit ng Panginoon ng maramdaman nilang nasa kamay ng Pangalawang Prinsipe ang kanilang kapalaran. Subalit ang suportang natatanggap ng Pangalawang Prinsipe mula sa mga mangangalakal ay pagtalikod dito ng maharlika ng Nyebes. Nakarating ito sa Emperador dahilan kung bakit pinapabilis nito ang pagbalik ng Prinsipe sa palasyo ng imperyal.
“Nasisiguro kong hindi ito ang inaasahan ng aking Ama. Ang pagnanais niyang gamitin ang pagkakataong ito upang pahinain ang pwersa ng Punong Heneral sa Nyebes ay hindi umayon sa kanyang kagustuhan.” Lumiliwanag sa palad ni Siyon ang pinakamalaking brilyanteng nahawakan niya. Sumasalamin ang sarli niyang repleksiyon sa makinang na bato. Ito ba ang ibig sabihin ng tunay na may hawak ng kapangyarihan? Sa mga sandaling ito ay hindi siya naaabot ng impluwensiya ng Emperador. Malalim ang mga ngiting nilapitan ng Ikalawang Prinsipe ang pinsan niya. “Ang lahat ng ito ay handog ko para sa iyong matrimonya.” Nilagay niya sa palad ni Duran ang brilyante. “May proteksiyon ka na mula sa Heneral ng Nyebes, at gamit ang aking awtoridad walang sino man ang magtatangkang agawin ito mula sayo. Hindi magtatapos sa lupaing ito ang nasimulan natin.”
Tahimik na tinanggap ni Duran ang brilyante, para sa kanya ay isa lamang itong kasangkapan kapalit ng tunay na kapangyarihan. Muling sumagi sa isipan ni Duran ang mga salita ng Pangalawang Xuren ng Zhu habang pinakikinggan ang pinsan niya. Mahigpit na naikulong niya sa kanyang palad ang bato. “Naiintindahan ko. Matatagalan bago ako makasunod sayo sa kapitolyo. Mas makakabuti kung mapanatili mo sa iyong tabi ang Lu Ryen.”
“Ha? Sayo ko ba talaga ito naririnig? Ikaw, na mariing tumanggi sa ideyang ito?” Natutuwang inakbayan ng Prinsipe ang pinsan bago mahinang bumulong dito. “Wala kang dapat ipag-alala, sisiguraduhin kong mapapako siya sa tabi ko.”
Gumapang ang kilabot sa palad ni Duran, hanggang ngayon ay hindi parin nito namamalayang ito ang umaawit sa musika ng Lu Ryen. Ang labis na pagkauhaw ni Siyon ang magiging mitsa ng pagkalunod nito. Hindi niya iiwan sa kamay ng isang halimaw ang kapalaran ng kanyang angkan. Wala siyang makapang pangamba sa pagbabago ng kanyang direksyon. Hindi man siya ang nasa isip ng kanyang ama, sa pagkakataong ito ay siya ang magdedesisyon sa kapalaran niya.
Sa kabilang bahagi na silid, nakatunghay si Kaori sa Xuren na banayad ang mga kilos na umiinom ng tsaa sa gilid ng bintana habang tinatanaw ang mahinang pag-ulan sa labas.
Hindi niya mawari kung dapat ba siyang matuwa na makitang maayos itong nakabalik o masaktan dahil wala sila sa tabi ng Xuren sa mga sandaling nagpapagaling ito. Hindi ito ang unang beses na nawawala ang Xuren sa tuwing nagtatamo ito malubhang sugat o karamdaman.
Maraming beses na itong naglaho sa paningin nila at sa bawat pagkakataon na bumabalik ang Xuren ay hindi ito kakikitaan ng ano mang kahinaan.
“Xuren,” mahinang usal ni Kaori. Bumaba siya sa kanyang tuhod at yumuko upang salukin ang dulo ng roba nito na sumayad sa sahig. Ito ang panginoong hinangad at minahal niya, kaya bakit kailangan nitong magtago sa kanya?
“Kaori?” Tumigil ang kamay ni Yura sa akmang pag-angat dito ng marinig niya ang sunod-sunod na hikbi ng bantay. Hindi niya man nakikita ang mukha ni Kaori ngunit nararamdaman niya ang panginginig ng buo nitong katawan.
“M-maraming b-beses ko kayong sinuway! Nasa’n ang parusa ko? Kung talagang wala kayong nararamdaman bakit hindi niyo ako parusahan?” Garalgal ang tinig na pakiusap ni Kaori.
Tila dinaganan ng mabigat na bagay ang dibdib ni Yura sa narinig. “Nais mong parusahan kita, gayong wala pa akong ginagawa…” Lumambot ang paninging bumaba ang kamay ni Yura sa balikat ng bantay upang pakalmahin ang panginginig nito. Ang malamig na temperatura ng paligid dahil sa patuloy na pag-ulan ay hindi naramdaman ni Yura pagka’t natabunan ito ng mainit na luhang pumapatak sa dulo ng kanyang roba. Siya ang dapat na parusahan, dahil mahabang panahon na niyang nililinlang ang mga ito. Sa sandaling lumantad ang lihim niya, masisira ang tiwalang binigay ng mga ito sa kanya tulad ng kanyang tiyuhin. Tuluyang mawawala sa tabi niya ang mga taong tunay na naging tapat sa kanya. Bahagyang dumiin ang kamay ni Yura sa balikat ni Kaori. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mas mainam niyang dalhin hanggang sa dulo ng kanyang hininga ang kanyang lihim.
Sa labas ng silid, nakasandal ang matangkad na bantay na tahimik na naghihintay sa pagtila ng ulan.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Heneral Yulo: Kapatid ng Punong Heneral/ Ama ni Yen
Yen: Pinsan ni Yura
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang
Rong: Kanang kamay ni Nalu
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply