Dumaan ang mga araw sa Nyebes na may makulimlim na kalangitan. Sa pagsilip ng araw ay muling nabuhayan ng liwanag ang lupain. Bumalik ang ingay sa kabisera sa pagdagsa ng mga tao na paroo’t parito mula sa iba’t-ibang nayon.

Ang naudlot na pagbalik ng delegado sa palasyo ng imperyal ay matutuloy dahil sa pagdating ng maaliwalas na panahon.

Nakahinto ang dalawang malaking karwahe na naghihintay kasama ang linya ng mga kawal ng imperyal.

Duran, “Hindi umaayon ang ihip ng hangin sa iyong kagustuhan, wala ng dahilan upang patagalin ang pananatili ng delegado sa Nyebes. Marahil sapat na ang mga araw na lumipas upang humupa ang galit ng Emperador.”

“Sapat na ang mga araw na lumipas upang hindi ako mawaglit sa isipan ng Lu Ryen.” Tugon ng Ikalawang Prinsipe na hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ng maalala niya kung ilang beses niyang inimbitahan ang Lu Ryen na uminom ng parehong alak na lumason sa kanya.

Sa kanyang pagkamangha, hindi nagbago ang ekspresyon nito matapos nilang maubos ang makamandag na inumin. Maging ng sumuka siya ng dugo sa harapan nito ay malalim na nakatuon lamang ang tingin nito sa kanya habang patuloy na tahimik nitong iniinom ang alak na isinalin niya. Lumalim ang paghahangad ni Siyon na mabahiran niya ng takot at hapdi ang mga matang iyon. Nais niyang ang sarili niyang repleksiyon ang makikita niya sa mga mata ng Lu Ryen habang napupuno ito ng galit at pagkamuhi sa kanya.

Ibinaling ni Duran ang tingin palayo kay Siyon upang hindi madungisan ang kanyang imahinasyon dahil sa bagong obsesyon na natagpuan ng pinsan niya. Dumako ang tingin niya sa paparating na Pangalawang Xuren ng Zhu. Hindi niya matukoy kung sino sa dalawa ang lubos na mapanganib.

Kasama ng Lu Ryen ang Xuren ng Punong Ministro, kasunod nito ay ang Ikatlong Prinsipe at ang batang ministro. Ngayon lamang muling nabuo ang delegado simula ng unang araw nila sa Nyebes.

Isang grupo na may dayuhang kasuotan ang nagmamasid mula sa mataas na bahagi ng kabisera sa pagdaan ng pulutong ng mga kawal ng imperyal. Pinaggitnaan ng mga kawal ang dalawang malaking karwahe na batid nilang sakay ang mga delegado ng Emperador.

“Nakakalulang isipin na matapos niya tayong gamitin ay hindi man lang ako nakaramdam ng galit.” Pagtatapat ni Rong sa kanyang Xirin na nakatunghay sa papalayong karwahe. Ang estrangherong naglabas sa kanila ng lihim ng Punong Opisyal at ang Pangalawang Xuren ng Zhu ay iisa. Nilinis nito ang pangalan ng pamilya ng kanilang Xirin at pinarusahan ang mga nagkasalang opisyales. Nakakalungkot lamang na wala na ang Xuwo upang masaksihan ito.

Sa kabila ng pagkalinis ng pangalan ng kanilang angkan, mas mainam na tahakin ng Xirin ang bagong katauhan upang ipagpatuloy ang nasimulan ng ama nito. Magiging mapanganib sa Xirin kung babalik ito upang buhayin ang kanyang titulo. Batid ito ng Xuren ng Zhu kung kaya’t nag-iwan ito ng bagong pagkakakilanlan na pangalan ng dayuhang pangkat ng mangangalakal para sa kanilang grupo.

Ang pangkat ay may lehitimong karapatan na mangalakal sa imperyo ng Salum. Isang pribilehiyo na tanging malalaking pangkat ng mangangalakal tulad ng angkan ng Yan ang nabibilang dito. Hindi lamang sa Nyebes kundi maging sa iba’t-ibang lupain ng imperyo ay malaya silang makakagalaw.

Kasunod ng bagong pangalan ay hindi masukat na halaga ang iniwan nito sa kanila. Malakas ang pangamba ni Rong na ang mga salaping iyon ay mga kayamanang ninakaw ng mga tiwaling opisyales. “Xirin, paano ka nakasisiguro noon na tutulungan tayo ng Xuren ng Zhu? Hindi siya nagpakita ng ano mang suporta o interes bagkus ay kinuwesityon niya ang ating hangarin at kakayahan.” Nahihiwagaang tanong ni Rong.

Humigpit ang hawak ni Nalu sa kanyang pulso. “Hinayaan niyang takpan ko ang kanyang paningin. Nagpapahiwatig na pinagkatiwala niya sa’kin ang buhay niya.”

Nang makita ni Royu ang telang nakatali sa pulso ng Xirin. Nalumbay ang kanyang paningin. Bakit ang taong iyon pa ang napili nito?

Sinuyod ng paningin ni Tien ang lupain ng Nyebes mula sa loob ng bintana ng karwahe habang palayo sila ng palayo sa lugar. Hindi niya alam kung kaylan muli siyang makakatapak sa kahariang ito. Ibinaba niya ang telon ng makuntento. “Naiinis ka ba dahil hindi mo nadakip ang pinakamailap na lobo na pinagmamalaki ng mga mangangaso sa lupaing ito?” puna ng batang ministro sa Ikatlong Prinsipe ng mapansing niyang kanina pa ito tahimik at kasing lamig ng Nyebes ang timpla nito.

“Ang buong akala ko’y natunaw na ang yelo sa pagitan namin, kaya bakit mas napalapit siya kay Siyon at hindi sa akin?” naguguluhang tanong ni Yiju kay Tien. Ilang beses siyang tinanggihan ni Yura ng yayain niya itong mangaso ngunit nalaman niyang hindi nito tinatanggihan ang paanyaya ng kapatid niya. Maging ng imbitahin ito ni Siyon sa karwahe nito ay hindi ito tumanggi.

“Ah… Ito ba ang dahilan kung bakit malalalim ang tanim ng tama ng palaso sa lahat ng mga nahuli mo?” nais idagdag ni Tien subalit sinarili niya na lamang. “Malalim ang pagmamahal ng Zhu sa lupaing ito. Sa halip na mahugasan ang lupain ng dugo na mga taong naging biktima ng mga sakim na opisyales, pinili ng Lu Ryen ang Ikalawang Prinsipe na siyang may sungay laban sa maharlika.”

Hindi nakaligtas sa batang ministro ang bahagyang pagbabago ng emosyon ni Yiju. “Kamahalan, kung nais mong mapunta ang Lu Ryen sa ating panig kailangan mong matuto mula sa Ikalawang Prinsipe. Nasa kamay mo na ang palaso, ang kailangan mo lang gawin ay pakawalan ito.” kung nanaisin ng Ikatlong Prinsipe, mas mabigat ang impluwensiya nito sa maharlika dahil ito ang Prinsipe ng Emperatris subalit wala itong interes sa kapangyarihan. “Kung patuloy kayong mag-aalinlangan, hindi lamang si Xian kundi maging ang Lu Ryen ay mawawala sa inyo.”

Tumalim ang tingin ni Yiju kay Tien ng marinig ang babala nito. Malumanay na itinikom ng batang ministro ang bibig at muling binuksan ang bintana ng karwahe upang igala ang tingin sa labas. Pumasok ang malamig na hangin na nagpatayo ng balahibo sa kanyang batok. Pigil ang sariling hindi niya nilingon ang Ikatlong Prinsipe sa takot na bumaon sa kanya ang malapalaso nitong tingin.

Hindi itatanggi ni Yiju na naging duwag siya. Paano niya hahangarin ang bagay na sa una palang ay hindi niya nagawang panindigan. Nag-iwan sa kanya ng malaking pilat ang alaala ng nakaraan. Malapit ang samahan nilang magkakapatid ng mga bata pa sila, ang inosente at mapanuksong si Siyon, ang likod ni Silas na naging kalesa niya dahil mahina ang pangangatawan niya noon. Si Hanju at Royu na nakikinig sa kanya, at higit sa lahat ang kapatid niyang si Haya na mas mahina ang pangangatawan sa kanya ay pilit na bumabangon sa tuwing bibisitahin nila ito.

Nagbago ang lahat ng Ikinulong sila sa isang bakanteng kwarto na ang tanging kasangkapan lamang ay ang upuang-trono ng Emperador. Inalalayan siya ni Silas na umupo sa trono upang ipahinga ang mga paa niya dahil sa paglalakad nila sa mahabang pasilyo.

Nang bumukas ang silid, naghihintay ang Emperador sa labas ng pinto upang tanungin kung sino sa kanila ang nangahas na umupo sa trono nito. Nanlamig ang buong katawan ni Yiju dahil alam niyang siya ang mapaparusahan. Subalit bago niya ito aminin sa Emperador, pinigilan siya ni Silas at ito ang humarap sa kanilang ama at umako ng kasalanan. Hindi lamang ito kundi maging ang iba niya pang kapatid ay isa-isang nagsabing sila ang umupo sa trono. Nanlalabo ang paningin niya habang pinagmamasdan ang likod ng mga ito.

Kumakalat ang pait sa dibdib ni Yiju sa kinahinatnan ng estado ng kanilang relasyon dahil sa manipulasyon at kasakiman ng mga taong nakapaligid sa kanila.

Ipinangako niya sa sariling hindi siya maghahangad ng labis. Gagampanan niya lamang ang titulong nakalaan sa kanya at mangangalap ng sapat na kakayahan upang protektahan ang kanyang Ina at si Keya.

Ito ang nararapat niyang gawin, kaya ano itong bagay na gumagasgas sa dibdib niya sa tuwing pinapaboran ni Yura si Siyon na siyang naging mapangahas na humamon sa kanilang ama. Umusbong ang kagustuhan ng Ikatlomg Prinsipe na iparamdam sa Lu Ryen na hindi ang kamay ng kapatid niya ang dapat nitong hawakan.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen

Heneral Yulo: Kapatid ng Punong Heneral/ Ama ni Yen

Yen: Pinsan ni Yura

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Siyon: Ikalawang Prinsipe

Yiju: Ikatlong Prinsipe

Hanju: Ika-anim na Prinsipe

Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju

Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon

Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum

Nalu: Pinuno ng Aninong Itim na Grupo/ Dating Xirin ng isang

Rong: Kanang kamay ni Nalu

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.