This entry is part 13 of 15 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

Pumapailanlang ang malumanay na musika sa punong silid ng Palasyong Xinn. Sumasabay ang himig ng hangin sa labas ng malawak na bakuran. Ang pagpatak ng unang butil mula sa kabubukadkad na bulaklak ay lumikha ng mas matamis na umaga sa palasyo ng Lu Ryen.

Sumimsim si Yura ng maligamgam na tsaa habang pinakikinggan ang pagtugtog ni Numi ng plauta, kasama ang tatlo niyang Xienli na tahimik na nakikinig sa kanyang tabi. Ang malaking bungad na kumukonekta sa hardin ang nagsilbing liwanag sa loob ng malaking silid. Kahit natatanaw nila sa malayo ang malawak na hardin, nakakarating parin sa kanila ang halimuyak ng mga bulaklak dala ng simoy ng hangin.

Mahabang napahikab si Kaori na naghihintay sa labas ng silid kasama si Won na alertong naghihintay ng utos ni Yura. “Hanggang kailan ang plano ng Xuren na makipaglaro sa kanila?” nababagot na tanong ni Kaori sa kanyang katabi. Nakatanggap siya ng matalim na tingin bilang sagot mula kay Won.

“Nangangamba ako, dahil pakiramdam ko ginawang bihag ng Emperador ang ating Xuren. Binigyan niya ito ng malaki at magarang hawla,  subalit wala siyang nilaan na kaukulang tungkulin para sa kanya. Tanging titulo ng Lu Ryen na mabigat sa pandinig subalit limitado lamang ang kapangyarihan. Won, hindi ko nagugustuhan ang nangyayari.” Humigpit ang pagkakariin ng mga daliri ni Kaori. “Kung may kakayahan lamang akong basahin ang iniisip ng Xuren…” hinaing ng bantay dahil magpahanggang ngayon ay hindi niya pa rin masundan ang mga plano ni Yura.

“Magtiwala lamang tayo sa kanya, alam ng Xuren ang ginagawa niya.” Maikling tugon ni Won.

Muling nangibabaw ang payapang musika sa Palasyong Xinn. Marahang umiikot ang dulo ng mga daliri ni Yura sa labi ng kopa habang pinakikinggan ang malamyos na himig ng kanyang Xienli.

Samantala, napuno ng tensiyon ang Palasyo ng Prinsesa nang dumating ang mga lingkod ng Emperatris upang sunduin ang Prinsesa. Namumutlang nakasunod si Chuyo sa kanyang Prinsesa, kahit alam na niyang mangyayari ito pagsapit ng umaga, hindi pa rin nabawasan ang kanyang kaba kundi lalo lamang iyong nadagdagan. Ito na ang sumunod na beses na nagalit ang Emperatris kay Prinsesa Keya. Ang nauna ay nang tumakas ito, at ngayon na marahil ang pinakamalala dahil maging ang matatandang babaeng tagapaglingkod ay pinatawag ng Emperatris. Ang mga tagapaglingkod na ito ang tumayong mga Ina ng Emperatris. Sila ang humubog sa Ina ng Salum, kaya naman kahit isa lamang silang utusan, mataas ang respeto ng Emperatris sa kanila at binigyan sila ng respetadong tungkulin sa linya ng mga tagapaglingkod. Sila ang nagbibigay ng mga payo sa Emperatris pagdating sa mga bagay na nasa loob ng Palasyo.

Nagsara ang bawat pinto sa pasilyo ng Emperatris na nagpadilim sa paligid. Lumabas ang mga kawal at mahigpit na nagbantay sa labas.

Bumagsak ang mga tuhod ni Chuyo nang makita niyang dumating ang Emperatris. Kasing dilim ng paligid ang ekspresyon ng mukha nito. Bumaba din sa kanyang mga tuhod si Keya upang tanggapin ang parusa niya.

“Hubaran niyo siya!” utos ng Emperatris.

Walang pag-aalinlangan na hinubaran ng lingkod ng Emperatris ang Prinsesa. Pinigilan ni Keya na yakapin ang sarili nang mawala ang huli niyang saplot sa katawan. Dahil kung magpapakita siya ng pagsuway lalo lamang madadagdagan ang kanyang parusa.

Bumuhos ang nagyeyelong tubig mula sa ulo hanggang sa talampakan ni Keya. Sunod-sunod ang pagbuhos ng mga lingkod at hindi siya pinayagang magpahinga. Nanggigil ang mga ngipin niyang tila madudurog dahil sa higpit ng kanyang pagkakadiin.

Walang nagawa si Chuyo kundi humagulhul sa tabi habang pinaparusahan ang Prinsesa niya.

Sa panglabing-anim na buhos, bumagsak ang katawan ni Keya sa matinding panginginig. Dito lamang tumigil ang mga tagapaglingkod ng Emperatris.

Nagmamadaling lumapit si Chuyo sa Prinsesa at binalot ito ng tuyong saplot. Pinigilan ni Keya ang pag-alalay ng katiwala niya at kusa siyang bumangon at muling lumuhod sa harapan ng Emperatris. Sa mga sandaling ito, Isang Emperatris ang kanyang kaharap.

“Masyado ba akong naging maluwag sa’yo at nakalimutan mo na kung sino ako?”

“I-Ina…”

“Ako ang Ina ng imperyong ito at ikaw ang nagdadala ng pangalan ko!” isang itim na kapa ang tinapon ng Emperatris sa harapan ni Keya. Sa loob ng Palasyo ng Imperyal walang nakakaligtas sa mga mata ng Emperatris. “Itinapon mo ang lahat ng itinuro ko sa’yo ng dahil lamang sa lalaking hindi mo alam ang pinanggalingan? Ipapahalughug ko ang imperyo upang hanapin siya at dadalhin ko siya sa’yo nang makita mo kung paano ko siya pagpipirapirasuhin! Iyon ba ang gusto mong mangyari?!”

“Mas nanaisin niyo bang dungisan ng mga bandido ang dignidad ko? Sinagip niya ang buhay ko. Hindi ako humihinga ngayon kung hindi dahil sa kanya.” Mariing tugon ni Keya.

“Kaya ipagpapalit mo ang buhay ninyong kapatid sa isang estranghero? Kung hindi mo ako sinuway, hindi ka malalagay sa panganib. Ginagawa ko ang lahat upang masigurong may proteksiyon kayo ni Yiju kahit mawala ako, dahil nais kong masigurong walang makakapanakit sa inyong dalawa, na hindi kayo lalamunin ng buhay ng mga taong nakapaligid sa inyo. Subalit hindi ko ito magagawa kung hindi niyo ako tutulungan! Walang ambisyon ang kapatid mo at sinusuway mo ang mga plano ko kaya sabihin mo sa akin ngayon kung paano ko kayo proprotektahan?!”

Nanginginig ang mga labing napayuko si Keya, hindi niya kayang salubungin ang tingin ng kanyang Ina. Alam niya ang mga sakripisiyong ginawa nito upang maabot ang estado na mayroon ito ngayon. Subalit kahit suot na nito ang korona ng pinakamakapangyahirang babae sa lupain, ni minsan ay hindi nakita ni Keya na sumilay ang tunay na tuwa sa labi ng kanyang Ina. Ito ang dahilan kung bakit mas nanaisin niyang makasal sa taong mahal niya, hindi niya gustong sumunod sa yapak nito. Kahit ilang beses pa siyang buhusan ng malamig na tubig, hindi magbabago ang nararamdaman niya.

Bumaba ang Emperatris sa kanyang trono upang yakapin ng makapal na seda ang hubad na katawan ng Prinsesa. Mahigpit man siya sa pagdidisiplina pagdating sa dalawa niyang anak. Ang mga ito parin ang pinaka-espesyal na kayamanan niya. “Nabubulag ka ng iyong damdamin, darating din ang araw na maiintindihan mo ako. Mauunawaan mo kung bakit importante sa buhay nating mga babae ang pagpili ng lalaking ating magiging kabiyak. Mahalaga na mapunta sayo ang pinakamatalim na sandata dahil ito ang magpapasya ng kapalaran mo.” Inangat ng Emperatris ang mukha ni Keya. “Huwag mong kalilimutan na ikaw ang Prinsesa ng Emperatris.”

Nang bumukas ang pasilyo, sinalubong si Keya ng naghihintay na si Yiju. Namuo ang luhang pinipigilan ni Keya nang makita niya ang kapatid. Sapat na ang mahigpit na yakap ng Kuya niya upang maibsan ang lamig na nararamdaman niya. Mula pa noong mga bata sila at magpahanggang ngayon sa tuwing nakakatanggap sila ng parusa mula sa Emperatris, ang isa’t-isa ang kanilang nagiging sandalan.

Nang makarating kay Yiju na sinundo ng mga lingkod ng Emperatris ang kanyang kapatid. Hindi siya nagdalawang isip na lisanin ang importanteng pagpupulong upang puntahan ito. Gusto niyang hangaan ang katapangan nitong magrebelde sa kanilang Ina, ngunit lubos din siyang nag-aalala sa mga mapangahas na desisyon ni Keya.

“May patutunguhan ba ang ginagawa mong pagsuway?” tanong ni Yiju ng maibalik niya ang kapatid sa palasyo nito.

“Alam kong wala at hindi dapat ito ang ginagawa ko, pero Kuya bakit pakiramdam ko mas naging malaya ako sa mga desisyon ko?” ang tugon ni Keya na hindi nakaramdam ng anumang pagsisisi. Kung noon ay kinatatakutan niyang magkamali, ngayon ay gusto na niyang kumawala sa anino ng kanyang Ina. “Natatakot akong pakawalan ang nararamdaman ko para sa kanya dahil alam kong hindi ko na muli ito mararamdaman.”

Nahahabag na pinisil ni Yiju ang kamay ng kapatid. “Pag-aari ka na ng Pangalawang Xuren ng Zhu. Isa itong malaking kataksilan bilang Konsorte niya.” paalala niya kay Keya. Naiintindihan niya ang pinanggagalingan ni Keya, subalit hindi niya susuportahan ang nararamdaman nito dahil alam niyang ikakapahamak lamang ito ng kanyang kapatid.

“Kataksilan? Kuya, alam mo bang pinayagan niyang pagsilbihan siya ng apat na aliping babae kagabi?”

“Hindi ba’t ikaw ang nagregalo sa kanya?” gustong pitikin ni Yiju ang noo ni Keya.

“Dahil sinabi mong magiging tapat siya sa akin. At nais kong subukan kung totoo ito, subalit binigo niya ako.”

“Ang nais mo ay ipahiya siya sa unang gabi ng pagsasama ninyo, subalit hindi mo inaasahang ikaw ang malalagay sa kahihiyan. Marahil kung nagtagumpay ka sa plano mo, hindi magiging mabigat ang parusa sa iyo ni Ina.”

“Kuya?! Sino ba ang kinakampihan mo?”

Tuluyan nang pinitik ni Yiju ang noo ni Keya. “Ngayong masigla ka nang nagagalit sa akin, titigil na ako sa pag-aalala sa’yo.”

“Mahal na Prinsesa,” naputol ang pag-uusap ng magkapatid nang pumasok si Chuyo sa silid. Kapansin-pansin ang tuwa sa tinig nito. “Nagpadala po ang Lu Ryen ng halaman para sa inyo, ang halimuyak daw po ng mga dahon nito ay mabisang lunas upang gumaan ang inyong pakiramdam.”

Dumilim ang anyo ni Yiju sa narinig. “Batid niyang hindi maganda ang pakiramdam ng kanyang konsorte kaya bakit hindi siya ang mismong nagdala nito? Hindi niya ba magawang maglaan ng kahit na katiting na sulyap upang makita ang kapatid ko?”

Muntik nang mabitiwan ni Chuyo ang hawak na halaman. Hindi niya inaasahang magagalit ang Pangatlong Prinsipe sa handog ng Lu Ryen.

“Mukhang kailangan ko siyang turuan kung paano alagaan ang bituin ng ating imperyo.”

Madilim ang anyong nilisan ng Pangatlong Prinsipe ang silid. Naiwang natataranta si Chuyo na lumapit sa Prinsesa. “Kamahalan, susugod ba si Prinsipe Yiju sa Palasyong Xinn? Anong gagawin natin Kamahalan? Kailangan natin siyang pigilan.” natatakot na pakiusap ng Punong Katiwala.

“Bakit ko siya pipigilan?” tuluyan nang napangiti si Keya. Alam niyang hanggang sa huli, ang Kuya Yiju niya lamang ang tanging magiging kakampi niya. Mabuting Prinsipe ang kapatid niya kahit mga alipin ay binibigyan nito ng importansiya, subalit kapag nagalit si Yiju, nagiging isang matinik na kalaban ito.

Series Navigation<< ANBNI | 11: Ni Anino Niya Ay Di Ko Nanaising Makita!ANBNI | 13: Muling Tagpo >>