- Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo
- ANBNI | 1: Ang Punong Heneral Ng Imperyong Salum
- ANBNI | 2: Kamatayan Ang Hatol Sa Sinomang Lumabag Sa Kautusan
- ANBNI | 3: Ang Prinsesa Ng Emperatris
- ANBNI | 4: Ang Pagbabalik Ng Pangalawang Xuren Ng Zhu
- ANBNI | 5 : Ang Mabining Fenglin
- ANBNI | 6: Siya Ang Gusto Ko
- ANBNI | 7: Pinapangako Kong Ibabalik Kita
- ANBNI | 8: Ang Pang-anim Na Prinsipe
- ANBNI | 9: Sino Ang Nagpabalik Sa Kanya?!
- ANBNI | 10: Pulang Parada
- ANBNI | 11: Ni Anino Niya Ay Di Ko Nanaising Makita!
- ANBNI | 12: Ang Emperatris Ng Salum
- ANBNI | 13: Muling Tagpo
- ANBNI | 14: Ang Imbitasyon Ng Punong Guro
Magkasabay na nagbukas ang dalawang silid ng Fenglein. Lumabas sa isang pinto ang nakaputing Xuren at sa kabilang pinto si Yura. Tinakpan ni Yura ang kanyang ilong nang malanghap ang amoy ng matapang na alak.
“Ju!” tawag ng nakaberdeng lalaki na sumunod na lumabas ng pinto. “Pinangako mo sa akin na gagawin mo ang lahat ng gusto ko. May isang salita ka—hindi mo maaaring baliin ang pangako mo.” Hinarang ng nakaberdeng Xuren ang pag-alis ng nakaputing Xuren na tinawag nitong Ju. Makikitang nahihilo na sa alak ang nakaputing Xuren subalit pinipilit parin nitong tumayo nang tuwid kahit nanlalabo na ang paningin nito.
“Pagbabawalan ko silang hawakan ka. Kung hindi sila ang gusto mo, papipiliin kita ng iba. Sinasabi ko sa’yo, dito mo mahahanap ang iba’t-ibang uri ng kagandahan—” natigilan ang nakaberdeng lalaki nang umangat ang kamay ng nakaputing Xuren at itinuro nito ang direksiyon ng kabilang pinto. Ngayon lang napansin ni Jing na matagal na nakatigil ang paningin ni Hanju sa direksiyong iyon.
“Gusto ko siya… siya ang gusto ko…”
Nag-aalalang lumapit si Sena kay Yura nang makita niyang nagtakip ito ng ilong. Sensitibo ang pang-amoy ni Yura pagdating sa alak kaya mabilis na inilabas ni Sena ang kanyang panyo at ipinalapat sa ilong ni Yura.
Pinigilan ni Jing ang pag-awang ng kanyang bibig at pasimpleng sinilip niya ang direksiyong itinuro ni Hanju. Isang mabining Fenglin at nakaitim na Xuren ang nakita niya. “Sigurado ka bang siya ang gusto mo?” Naaaliw na tanong ni Jing sa lasing niyang pinsan. Alam niyang mahina ito sa alak subalit hindi niya lubos akalain na isang kopa lang ang kailangan nito para malasing. Hindi pa man sila nagsisimula ay tinamaan na ito. Kung nandito lang sina Xian at Tien upang masaksihan ito, nasisiguro niyang mamamangha ang dalawa sa kanya kung paano niya nalasing ang pinsan niya na lubos nilang nirerespeto.
“Siya ang gusto ko.” Mahina ngunit malinaw na inulit nito ang sinabi na hindi nakaligtas sa matalas na pandinig ni Yura.
Hinila ni Yura si Sena sa kanyang likod at malamig niyang tiningnan ang nakaputing Xuren. “Hindi dahil gusto mo siya ay maaari mo na siyang makuha. Kung may kakayahan kang kunin siya sa akin bakit hindi mo subukan?” may bahid na panganib na tanong ni Yura.
Nawala ang pagkakangisi ni Jing nang matanggal ang kamay ng Fenglin na nakatakip sa kalahating mukha ng nakaitim na Xuren. Pakiramdam niya ay nabuhusan siya ng malamig na tubig nang makilala niya ito. Hindi siya maaaring magkamali, ilang ulit niyang pinaguhit ang mukha nito kaya imposibleng hindi niya ito makilala. Malaking anino ang humarang kay Jing nang subukan niya itong lapitan.
“Xuren, naghihintay na po ang karwahe sa labas.” magalang na wika ni Won kay Yura, ngunit dumilim ang anyo nito nang mabaling ang atensiyon nito sa nakaberdeng lalaki.
Wala sa loob na napaatras si Jing ng makaramdam siya ng panganib mula sa bantay. Hindi niya lubos maisip na ang anak ng pinakamataas na Ministro ng silangang imperyo ay matatakot lamang sa isang bantay.
Hindi na muling tinapunan ni Yura ng tingin ang mga ito at nilisan ang lugar habang mahigpit na hawak ang kamay ni Sena.
Napako sa kinatatayuan si Jing dahil sa matalim na tingin sa kanya ng matangkad na bantay. Sumasaklolo ang tingin na nilingun niya si Hanju ngunit wala siyang nakitang anumang reaksiyon mula dito dahil ang walang malay nitong mga mata ay nakasunod lamang sa papalayong Xuren. Hindi makapaniwalang nilapitan ni Jing ang pinsan niyang nahulog sa kawalan.
Binuksan ni Kaori ang pinto ng karwahe nang makita nitong lumabas ng Fenglein ang Xuren niya. Nagtaka siya nang hindi sumakay ang mga ito sa karwahe kundi sa kabayo niya. Naiwan siyang naguguluhan nang dumating Si Won. “Nais bang libutin ng Xuren ang buong kabisera kasama si Sena?” nagtatakang tanong ni Kaori.
“Masyadong matapang ang amoy ng alak sa loob. Kailangan niyang magpahangin.”
“Iyon ang isa pang bagay na hindi ko maintindihan. Mas matalas ang pang-amoy ng Xuren sa akin subalit natitiis niyang mapalibutan ng matatapang na amoy.”
“Marami ka naman talagang bagay na hindi naiintindihan,” mariing tugon ni Won.
Hindi nagawang ipagtanggol ni Kaori ang sarili nang sumakay agad si Won sa kabayo nito at sinundan ang Xuren. Naiwan si Kaori kasama ang walang laman na karwahe.
Maliwanag ang buwan kaya kahit gabi ay naaaninag pa rin ang paligid na nadaraanan ng dalawang anino na nakasakay sa kabayo. Kahit matagal nang hindi nabibisita ni Yura ang kabisera, hindi siya maliligaw. Sapat na ang minsan upang maalala niya ang mga daan.
“Xuren, hindi pa rin kayo nagbabago,” puna ni Sena. “Lumalabas lamang kayo ng gabi sa tuwing gusto ninyong bumisita sa kabisera.”
“Iyon ay dahil mas makulay ang gabi sa umaga.” Madilim man ang paligid mas makulay naman sa paningin ni Yura ang liwanag mula sa iba’t-ibang lampara na nakakalat sa kabayanan. Maging ang mga bituin sa kalangitan na nagsisilbing araw ng gabi ay labis na makulay kumpara sa sikat ng araw.
“Nalulungkot ako hindi lang dahil mahihirapan na akong makita kayo sa sandaling pumasok kayo sa pamilya ng Imperyal, kundi dahil hindi ko kayang isipin na makukulong kayo sa mga pader ng palasyo.” Pinupunit ang puso ni Sena na makitang matali ang mga pakpak ni Yura na dating malayang nakakapaglayag saan man nito naisin.
“Makukulong?” Matagal nang nawalan ng kahulugan ang salitang iyon kay Yura. Kung iniisip ni Sena na isang kalayaan ang paglalayag niya sa malalayong lupain, para kay Yura ay isa lamang iyong ilusyon. Hindi siya lumalayo upang sundin ang nais niya. Ginagawa niya iyon upang hindi na siya alahanin ng kanyang pamilya. At ngayong kailangan siya ng mga ito, bukal sa loob niyang gawin ang bahagi niya, “Wala kang dapat ikalungkot dahil kahit saan man ako mapunta, walang bagay o sino man ang makakapagpakulong sa akin.”
“Kahit na ang Prinsesa?”
“Kahit na ang Prinsesa,” tugon ni Yura bago niya hinigpitan ang pagkakahawak kay Sena at pinatakbo nang mabilis ang kabayo.
Pinigilan ni Sena ang pagbilis ng tibok ng kanyang dibdib nang humigpit ang hawak sa kanya ni Yura. Nang masamyo niya ang kakaibang halimuyak ng katawan nito, hindi niya mapigilang mamula. Sunod na nakaramdam siya ng matinding kaba para kay Yura. Madalas itong mawala at hindi ito tumitigil ng matagal sa iisang lugar, sa makatuwid, hindi ito nakakakilala ng kaibigan o mga taong makikilala nito. Tanging ang pamilya, mga bantay, at mga hukbong goro lamang ang madalas nitong nakakasalamuha, kaya hindi nito nabibigyan ng pansin ang ibang mga tao. Maliban sa kanya at sa mga kasama niyang fenglin, ay wala nang ibang nakakalapit dito. Wala itong kamalay-malay na may kakayahan itong pumukaw ng damdamin ng iba. Natitiyak ni Sena na kahit ang naririnig niyang matigas na Prinsesa ng Emperatris ay lalambot kapag nakita ito.
Bihasa man ang Xuren niya sa pag-alala ng maraming bagay, ngunit hindi ibig sabihin nito ay may kakayahan na itong bumasa ng puso ng iba. Dahil kung nababasa nito ang tinatago ng damdamin niya, tiyak na magbabago ang tingin nito sa kanya. Kapag nalaman nitong ilang beses na pumasok sa isipan niya na lagyan ng gayuma ang mga tsaang hinahanda niya para dito, upang makasama ito kahit isang gabi lang, ay nasisiguro niyang tatalikuran siya nito. Nagpapasalamat siyang mas nanaig ang pagmamahal niya para dito at hindi ang pagnanais niyang maangkin ito. Hinihiling ni Sena na sana ay maging mabuting konsorte ang Prinsesa sa Xuren at hindi mabahiran ng makasariling pagnanasa ang damdamin nito.
ANBNI | 7: Pinapangako Kong Ibabalik Kita
“Mahal na Prinsesa, huminahon po kayo.” nag-aalalang pinigilan ng Punong Alalay ang Prinsesa na lumabas ng silid. “Mahigpit po ang bilin ng Emperador na hindi kayo maaaring lumabas ng kwarto ninyo hanggang hindi dumarating ang araw ng inyong kasal.” Hirap na hinarang ni Chuyo sa pinto ang kanyang likod na puno ng pasa. Nananakit pa ang kanyang katawan dahil sa parusang natanggap niya ng hayaan niyang makatakas ang Prinsesa sa palasyo. Hindi pa siya gumagaling ay narito nanaman ang Prinsesa na nagpupumilit na umalis.
“Bakit kailangan kong magdusa para lamang sa lalaking hindi karapat-dapat na maging kabiyak ko?”
“Kamahalan, isa pong prominenteng lalaki ang pakakasalan niyo. Natitiyak kong maraming kababaihan ang naiinggit sa inyo ngayon.”
“Hindi mahalaga sa akin kung anak man siya ng Punong Heneral. Pakakasalan ko ang taong gusto ko hindi ang lalaking gusto ng aking Ama!” matigas na saad ni Keya. “Buksan mo ang pinto, huwag mo akong pigilan!”
Labag sa loob na tumabi si Chuyo kahit nagproprotesta ang damdamin niya. Tiyak na di na niya kakayanin ang susunod na parusang matatanggap niya mula sa Emperatris. Natatakot man siya sa Emperatris ngunit di niya rin kayang suwayin ang Prinsesa na napupuno ng galit. Kung dati ay naitatago ng Prinsesa ang emosyon nito kahit na matindi ang hindi nito pagsang-ayon sa kasal, ngayon ay wala ng halaga dito kung makita man ito ng lahat. Nagawang makatakas ng Prinsesa sa palasyo dahil pinagplanuhan nito iyong mabuti ng walang makakahalatang nais nitong takasan ang kasal. Hindi ito nagpakita ng protesta ng ilabas ng Emperador ang kautusan tungkol sa kasal nito kundi pinakita nitong masaya ito sa desisyon ng Emperador upang payagan itong lumabas at bumisita ng templo. Ginamit ng Prinsesa ang pagkakataong iyon upang makatakas. Maging siya na Punong alalay nito ay walang alam sa plano ng Prinsesa. Maingat at matalino ang Prinsesa pagdating sa mga ganitong bagay kaya hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaganito ito ngayon. Simula ng bumalik ang Prinsesa, nakita ni Chuyo na malaki ang pinagbago nito.
Nang buksan ni Keya ang Pinto, naroon ang Pangatlong Prinsipe na tahimik na naghihintay sa labas. Madilim ang anyo nito na ikinaatras ng mga paa ni Keya.
“K-Kuya…?” nawala ang galit na nararamdaman ni Keya at napalitan ng takot ng makita niya ang kanyang kapatid.
Nakahinga naman ng maluwag ang Punong Katiwala ng Prinsesa ng makita niya ang Pangatlong Prinsipe. Si Prinsipe Yiju lamang ang may kakayahang pumigil sa Prinsesa. Bukod sa pareho silang anak ng Emperatris, lubos na nirerespeto ito ng Prinsesa.
“Tama ba ang narinig ko? Nais mo muling suwayin si Ama upang gawin ang nais mo? Hindi mo ba iniisip ang kahihinatnan ng iyong desisyon? Pagkatapos ng nangyari sayo ng tumakas ka hindi ka pa rin nag-iingat?” Sunod-sunod na tanong ni Yiju kay Keya. “Nakaligtas ka sa panganib, ngunit hindi ka pa rin natututo!”
“Kuya, dapat ikaw ang unang nakakaunawa sa akin.” May bahid ng hinanakit ang tinig ni Keya. “Simula pa lamang nang bata tayo, alam mo nang pangarap kong makasal sa lalaking mahal ko. Dahil habang buhay kong ilalaan ang sarrili ko sa kanya, kaya bakit niyo ito pinagkakait sa akin?” Hindi napigilan ni Keya ang pag-agos ng kanyang mga luha.
Nabuwag ang matigas na anyo ni Yiju ng makita niya ang mga luha ng kapatid. Nag-aalalang nilapitan ni Yiju ang kapatid at niyakap. Kahit nais niyang magalit kay Keya hindi niya rin kayang tiisin ang mga luha nito. Siya ang unang nagagalit dito kapag may nagawa itong mali subalit siya rin ang unang lumalapit upang patahanin ito sa pag-iyak.
“Bakit hindi mo maisip na ginagawa ito ni Ama upang mabigyan ka ng proteksiyon at ilaan ang lalaking sa tingin niyang karapat-dapat na mapunta sayo? Mabuti ang pamilya ng Punong Heneral. Ang Pangunahing Xuren ng kanilang pamilya ay nagpakasal lamang sa kanyang konsorte at hindi na muli itong nasundan. Kaya natitiyak kong magiging mabuti sayo ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral.”
“Ngunit hindi siya ang gusto ko.” Sumiksik si Keya sa dibdib ng kapatid dahil hindi niya kayang salubungin ang tingin nito.
“Anong ibig mong sabihin?” Pilit na pinaharap ni Yiju ang kapatid sa kanya.
“May gusto na akong iba. Kaya paano ko pakakasalan ang anak ng Punong Heneral kung iba ang mahal ko?”
“Keya?” hindi makapaniwalang tawag ni Yiju sa kapatid. Kilala ni Yiju ang mga lalaking nakakasalamuha ni Keya at nasisiguro niyang wala sa kanila ang maaari nitong magustuhan. Maliban na lang kung may nakilala ito sa labas ng palasyo… “Ang tinutukoy mo ba ay ang lalaking nagligtas sa iyo?” nalaman ni Yiju na pinapahanap ng kanyang kapatid ang lalaking tumulong dito. Ang alam niya’y nais lamang itong pasalamatan ni Keya ngunit sa nakikita niya ay may mas malalim pa itong dahilan.
“Alam kong hindi ko na mababago ang kautusan. Subalit hinahangad kong makita siya bago iyon mangyari. Kuya tulungan mo akong mahanap siya.” Nagsusumamong pakiusap ng Prinsesa sa kapatid.
“Makinig ka sa’kin,” mariing hinawakan ni Yiju ang magkabilang balikat ni Keya. “Lalo mo lang pinahihirapan ang sarili mo. Walang magbabago kahit na magkita kayo. Ilalagay mo lang sa panganib ang iyong reputasyon at reputasyon ng pamilya ng imperyal. Huwag mong kalilimutan na isa kang Prinsesa ng Salum at hindi isang ordinaryong binibini na nagiging hangal sa pag-ibig. Pinagsisisihan ko na hindi kita nabantayang mabuti dahil kung may nangyari sa’yo sa kamay ng mga bandido hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Kung hindi ka nag-aalala para sa sarili mo Keya, isipin mo na lang ang mararamdaman ko at mararamdaman ni Ina at Ama kapag sinunod mo ang kagustuhan mo.”
Nanghihinang kumapit si Keya sa kanyang kapatid. Alam niyang mali ang ginagawa niya subalit ngayon lamang siya nakaramdam ng ganito. Handa siyang magpakamatay upang isalba ang kanyang dangal ngunit ngayon ay hindi niya magawang isuko ang sarili niya sa iba kahit na karangalan ng kanyang pamilya ang nakasaalang-alang. Marahil kung hindi niya nakilala ang estranghero na pumulot ng kanyang aguhilya, hindi magiging ganito kahirap para sa kanya na tanggapin ang kautusan ng kanyang Ama.
Umiiyak na nakatulog ang Prinsesa sa kanyang silid. Nanatili naman si Yiju sa tabi ng kanyang kapatid hanggang sa makatulog ito. Humahapdi ang puso niya para kay Keya, wala siya sa tabi nito ng malagay ito sa matinding panganib at wala rin siyang magawa upang tulungan ito sa kagustuhan nitong mahanap ang estranghero na nakapukaw ng damdamin nito. Kahit gusto niyang hanapin ang taong nagligtas sa kanyang kapatid, pinatigil na ng kanyang Ama ang paghahanap dito. Tulad ng pagpapatahimik nito sa mga taong nakasaksi o nakarinig ng pangyayari. Tinakpan nito ng salapi ang pagkalat ng balita na pagtakas ni Keya kaya hindi ito lumabas sa palasyo. Nais din nitong patahimikin ang nagligtas kay Keya subalit misteryoso itong naglaho at wala itong iniwan na bakas.
Nahahabag na pinagmasdan ni Yiju ang kapatid. Nagbago ang kanyang ekspresyon ng mapansin niya ang itim na tela na nakatago sa ilalim ng unan ni Keya. Kinamumuhian ni Keya ang itim na kulay dahil minsan na itong tinuka ng itim na ibon, dahil dito lahat ng itim na kulay sa kwarto nito ay pinatanggal ng kapatid niya kaya hindi mapigilang magtaka ni Yiju kung bakit naroon ang itim na tela at maingat na nakatago sa ilalim nito.
Nag-aalalang lumapit si Chuyo upang itabi ito. Pinigilan ito ni Yiju at kinuha mula rito ang itim na tela. Nadiskubre niyang isa itong kapa ng lalaki.
“Pag-aari ba ito ng estranghero na nagligtas sa kanya?”
“O-Opo kamahalan…” nakayukong tugon ni Chuyo. Isang kahihiyan ang magtago ng gamit ng isang lalaki lalo na at hindi pa naikakasal ang Prinsesa. Idagdag pa’ng pag-aari ito ng ibang lalaki.
“Huwag mong hayaang makita ito ng iba.”
Nabigla ang Punong katiwala sa mahinahon na tugon ng Pangatlong Prinsipe. Hindi niya mapigilang humanga sa lalim ng pagmamahal ng Prinsipe sa kapatid nito. Kahit na maraming anak ang Emperador, hindi pa rin maitatangging mas malapit si Prinsipe Yiju at Prinsesa Keya sa isa’t-isa.
“Sisiguraduhin ko pong walang makakatagpo nito Kamahalan.”
Huling hinaplos ni Yiju ang mukha ng kapatid bago nito nilisan ang silid. Mabigat ang loob na bumalik siya sa kanyang Palasyo. Alam niyang hindi siya makakatulog ng mahimbing ngayong gabi.
Bumagal ang mga hakbang ni Yiju ng may bagay na sumagi sa isipan niya. Nagmamadaling nilabas niya ang panyong nakatago sa kanyang dibdib ng bumalik sa alaala niya ang tatlong manlalakbay na nakasakay sa kabayo. Itim ang kasuotan ng mga ito at ang isa sa kanila ay walang suot na kapa. Natitigilan na muli niyang pinag-aralan ang panyo.
Samantala…
Sa madilim na silid, maririnig ang isa-isang pagbagsak ng piraso ng mga tela sa sahig.
Dinaanan ng mga hubad na paa ang mga bato patungo sa munting bukal na karugtong ng silid. Sumalubong ang makapal na hamog na bumabalot sa paligid. Marahang lumubog ang hubad na pares ng paa sa tubig na unti-unting bumaba hanggang sa dibdib.
Rumaragasa ang ingay ng tubig na humahalik sa katawan ng isang binibini na hindi mailarawan ang kabighanian. Kung mayroon mang makakakita ng tunay nitong anyo, sasabihin nilang kahit mga diyosa ay mahihiyang lumapit dito. Nakakapanghinayang isipin na mananatiling nakatago sa dilim ang pinakamakinang na bituin.
“Yura.” Tawag ni Yeho sa kapatid at inabot dito ang tsaa na may halong medisina.
Tinikman ni Yura ang mainit na tsaa habang ninanamnam ng katawan niya ang maligamgam na tubig. Hinayaan niyang hugasan ni Yeho ang nakalugay niyang buhok na malaya na ngayon sa mahigpit na pagkakatali.
Maingat na inayos ni Yeho ang bawat hibla ng mga buhok ni Yura na tila ito na ang huling beses na mahahawakan niya ito. “Kung pinakasalan ko ang Pangunahing Prinsipe, hindi mo na kailangang pagdaanan ito.” Ang wika ni Yeho na may bahid ng pait. Naging makasarili siya at hindi inisip na si Yura ang aako ng responsibilidad na dapat ay sa kanya. Hindi siya hihingi ng tawad dahil maging sarili niya ay hindi niya kayang patawarin.
“Kung binigay ka namin sa pamilya ng imperyal, mawawalan ng magaling na manggagamot ang Hukbong Goro. Tiyak na mamimighati si Ama dahil maraming mahuhusay na mandirigma niya ang mawawala.”
Napapikit si Yeho at niyakap si Yura mula sa likod nito. “Pinapangako kong ibabalik kita.” Sa kahit na anong paraan… Mariing pangako ni Yeho sa kapatid.
Mistulang nabalutan ng hamog ang mga mata ni Yura na tila dinala ang isip niya sa pinakamadilim na parte ng gabi.
Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.