This entry is part 3 of 5 in the series Halimaw Sa Ilalim ng Buwan

Nakarinig ng malalakas na tahol si Sera. Natigil ang pagtatahi niya ng kanyang damit nang marinig ang mabangis na ingay ng hayop na nagmumula sa kaliwang bahagi ng kabundukan. Pakiramdam niya ay napakalungkot ng hayop na ito dahil ramdam niya ang sakit sa bawat ungol na binibitiwan nito.

“Sera,” sumilip ang kanyang ina sa kanyang silid. “Magsara ka na ng iyong bintana at siguraduhin mong nakakandado ito.”

“Opo, Inay,” magalang na sagot ng dalagita.

“Naku, kinikilabutan ako tuwing maririnig ko ang tahol ng itim na lobo sa gubat.” Napayakap sa sarili ang ina ni Sera, tinatayuan ng balahibo. “Kaya ikaw, anak, mag-iingat ka. Tuwing sasapit ang dilim, siguraduhin mong nasa loob ka na ng bahay.”

“Opo. ‘Wag po kayong mag-alala, Inay. Hindi naman po siguro bababa ang lobo sa bayan.”

“Kung sabagay. Sige, matulog ka na. Bukas mo na tapusin iyang pagtatahi mo, anak.”

“Sige po.” Itinabi ni Sera ang damit na tinatahi at hinintay na isara ng kanyang ina ang pinto ng kanyang kwarto. Pinatay niya ang kandila sa tabi at maingat na humiga bago niya binalutan ng kumot ang sarili. Sobra ang pag-iingat sa kanya ng kanyang mga magulang dahil nag-iisa siyang anak ng mga ito—lalo na nang dumating siya sa edad na labing-anim.

Ayon sa kanyang ina, nagsisimula nang lumitaw ang kanyang kagandahan bilang isang dalaga. Napapailing na lang si Sera tuwing tinataboy ng kanyang mga magulang ang mga lalaking lumalapit sa kanya. Dumami ang kanyang mga manliligaw, at maging ang mga taga-ibang bayan ay dumadayo sa kanilang lugar upang makita lamang siya. Kaya naman hindi niya masisisi ang kanyang mga magulang kung bakit lalo silang naging mahigpit sa kanya.

Isang bihasang mangangaso ang kanyang ama, habang ang kanyang ina ay isang kilalang manggagamot. Maraming pumupunta sa kanila upang humingi ng lunas sa kanyang ina. Siya naman ang alalay nito, habang tinuturuan at hinahasa siya bilang tagapagmana sa hinaharap. Kilala ang kanilang pamilya sa buong bayan dahil parehong mahalagang tao ang kanyang mga magulang sa kanilang lugar.

Kuntento na si Sera sa masaya at tahimik na pamumuhay nilang mag-anak.

Kinaumagahan, niyaya siya ng kanyang ama na mamitas ng mga ubas sa nakita nitong nakatagong paraiso sa gubat. Aksidenteng natagpuan nito ang lugar habang nangangaso. Hinahabol nito ang isang baboy ramo nang maligaw ito sa bahaging iyon ng kagubatan.

“Itay! Napakarami naman pong ubas dito, at mukhang malulusog!” natutuwang sabi ni Sera habang inilalagay ang mga ubas sa kahong kahoy na hawak niya.

“Nabigla rin ako nang matagpuan ko ang lugar na ito. Hindi ko akalaing may nagtatago palang ganito sa gubat. Kaya naman, sikreto lang natin ito, anak. Kahit kay Inay mo, huwag mong sasabihin, dahil sigurado akong kapag nalaman niya ito, kung ano-ano na namang eksperimento ang gagawin niya sa mga prutas na ito.”

“Opo. Kilala ko si Inay, siguradong hindi niya nga ito tatantanan.” Pareho silang natawa ng kanyang ama, ngunit agad silang natigil nang may marinig silang kaluskos sa paligid.

Agad na nagmasid ang kanyang ama at dahan-dahang inilabas ang pana. Napangiti ito nang makita ang buntot ng baboy ramo. “Nandito ka lang pala nagtatago…”

Naramdaman ng hayop ang paglapit ng kanyang ama kaya mabilis itong tumakbo palayo. Agad naman itong hinabol ng kanyang ama.

“Tay! Matutuwa si Inay kapag nahuli niyo ‘yan. Ako na pong bahala rito,” natutuwang pahabol ni Sera. Sumenyas naman ang kanyang ama bago tuluyang naglaho sa kakahuyan.

Nagpatuloy si Sera sa pamimitas ng ubas habang paminsan-minsan ay tumitikim rin siya.

Napakatamis ng prutas—kasing tamis ng kanyang mga ngiti. Lingid sa kanyang kaalaman, may dalawang pares ng mata ang tahimik na nagmamasid sa kanya.

Sinabayan niya ng pag-awit ang pagpipitas ng mga prutas.

“Malalim ang gabi… Malamig ang gabi… Ako’y nag-iisa at walang katabi…”

Napakalamyos ng tinig ni Sera kaya maging ang mga ibon sa sanga ay sumasabay sa kanyang himig. Ang malambot at mahinhing galaw ng kanyang katawan ay lalong nagbigay-diin sa kanyang likas na alindog. Maging ang bathala ay bababa at luluhod sa harapan ng dalagita…

At maging ang halimaw na nakatago sa makapal na halaman ay mapapaamo niya gamit lamang ang kanyang tinig…

Mapupula at malalambot na labi. Itim at malinaw na mga mata. Makinis at mamula-mulang balat na kahit mismong diyosa ng gubat ay mahihiyang tumabi rito. Napakabangong halimuyak na nagmumula sa kanyang kaakit-akit na katawan, pumupukaw sa natutulog na pagnanasa ng sinumang lalaki.

At sa oras na ito… may isang nilalang na handang angkinin ang dalagitang ito.

Iyon ang nararamdaman ngayon ng mabangis na hayop.

At kung nasa anyo ka ng isang halimaw, maging ang iyong pag-iisip ay magiging halimaw rin.

Natigilan si Sera sa pagkanta nang gumalaw ang makapal na mga halaman. Namanhid ang buo niyang katawan at bahagyang namutla ang kanyang mga labi nang lumabas ang ulo ng isang mabangis na lobo. Nais niyang sumigaw, ngunit kahit mahinang tinig ay walang lumabas sa kanya.

Napaatras si Sera habang unti-unting lumilitaw ang katawan ng malaking itim na lobo, papalapit sa kanya. Ito na ba ang sinasabi nilang halimaw sa gubat?

Sa kanyang pag-atras, napatid ang kanyang paa at bumagsak siya sa damuhan.

Hindi mapigilan ni Sera ang panginginig ng buo niyang katawan nang simulan siyang paikutan ng higanteng lobo. Kitang-kita niya ang pagtulo ng laway nito mula sa bibig at ang matutulis nitong mga pangil habang umaangil sa kanya—parang gutom na gutom at nais siyang lamunin nang buhay anumang oras.

Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya nakaramdam ng ganitong takot. Pakiramdam niya, anumang sandali ay mawawala siya sa mundo at maiiwan ang kanyang mga magulang na nangungulila sa kanya. Sila lamang ang nasa isip niya sa mga sandaling iyon.

Napapikit siya nang mariin, handa nang salubungin ang kanyang kamatayan, nang biglang lumapit ang bibig ng lobo sa kanyang mukha, waring binabantaan siyang tapusin.

Tumayo ang balahibo sa kanyang batok nang maramdaman niyang dinilaan ng lobo ang kanyang leeg—parang tinikman muna siya bago tuluyang wakasan. Napahigpit ang kapit ni Sera sa makapal na damo.

“Sera?!”

Napamulat ang dalagita nang marinig ang tinig ng kanyang ama. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata nito para sa kanyang kaligtasan.

Matapang na hinarap ng higanteng lobo ang kanyang ama—mas matangkad pa ito kaysa sa kanya. Itinutok ng kanyang ama ang hawak nitong itak, ngunit alam ni Sera na kahit bihasang mangangaso ito, wala itong laban sa napakalaking hayop.

“Itay!” Napasigaw siya nang atakihin ng itim na lobo ang kanyang ama.

Dinaganan nito ang kanyang ama at narinig niya ang mabangis nitong pag-angil. Huminto ang kanyang paghinga, waring nauupos na kandila, habang hindi niya magawang alisin ang tingin sa mga ito.

Pagkaraan ng ilang sandali, tumayo ang lobo mula sa pagkakadagan at inamoy-amoy ang kanyang ama. Pagkatapos, nilingon siya nito—tila may malalim na iniisip habang nagtama ang kanilang mga mata.

Sa halip na saktan sila, nilagpasan nito ang kanyang ama at tuluyang umalis, mistulang naparaan lamang.

Agad na tumakbo si Sera papunta sa kanyang ama. Tiningnan niya ang katawan nito, ngunit wala siyang nakitang kahit anong sugat.

Nakakamangha ang nangyari. Ang mabangis na lobong sinasabing pumapatay ng sinumang makita nito ay iniwan silang buhay. Nagpasalamat siya na hindi nito sinaktan ang kanyang ama.

“Itay…” Niyakap niya ito nang mahigpit, at ganoon din ito sa kanya, na para bang takot silang mawala sa isa’t isa.

Pag-uwi nila sa kanilang tahanan, binulabog ng kanyang ama ang kanilang mga kapitbahay upang ipagyabang ang kanilang engkwentro sa halimaw ng gubat.

May mga hindi naniniwala, may mga naaaliw sa kanyang kwento, habang ang ina ni Sera naman ay napapailing lamang sa tabi. Ngunit mababakas sa mukha nito ang pag-aalala nang makita niyang maputla ang anak. Lumapit ito kay Sera at inabutan siya ng isang baso ng tubig.

“Ano bang nangyari? Totoo ba ‘yang pinagsasabi ng ama mo?”

“‘Nay, hindi naman po…” Natigilan si Sera nang marinig ang boses ng kanyang ama sa labas ng kanilang kubo, napapalibutan ng mga tao.

“…Marahil nasobrahan lang siya sa kwento,” wika niya, lalo na nang marinig niyang sinasabi ng kanyang ama na nasugatan daw niya ang itim na lobo.

“Hindi na iyon importante,” sagot ng kanyang ina, “basta ang mahalaga ay ligtas kayong nakabalik sa akin. Huwag ka nang sumama ulit sa itay mo sa gubat. Pagsasabihan ko siyang magdoble-ingat sa pangangaso.”

Hindi na lamang nangatwiran si Sera kahit na hindi siya sang-ayon sa sinabi ng kanyang ina. Iyon lang kasi ang nagiging libangan niya maliban sa pagtitimpla ng gamot.

Dapat ay lalo siyang matakot na bumalik sa gubat, ngunit sa halip, nabawasan ang kanyang pangamba. Hindi naman pala halimaw na pumapatay ng tao ang itim na lobo.

Pagsapit ng gabi…

Kumalat na ang dilim sa paligid. Lahat ng mga tao ay nagsara ng kanilang mga pinto at bintana. Walang makikitang tao sa lansangan.

Isa-isang nagliwanag ang mga kandila sa bawat tahanan.

Samantala…

May apat na mababangis na paa, may matutulis na mga kuko, ang dahan-dahang bumaba at tumapak sa lupa ng kabayanan.

Hinahanap nito ang halimuyak ng dalagitang kanyang natagpuan.

Magpahanggang ngayon, hindi matanggal sa isip ng itim na lobo ang kagandahang nasaksihan niya. Bumabagabag sa kanya ang napakalambot nitong katawan, ang mapupula nitong labi, na nagpapalabas sa halimaw niyang damdamin—ang hangaring angkinin ito.

Sinundan niya ang sariwang amoy na hindi maalis sa kanyang matalas na pang-amoy.

Natagpuan niya ang isang munting kubo.

Nagliwanag ang kanyang pulang mga mata nang matagpuan niya ang kanyang hinahanap.

Nagtago siya sa likod ng mga halaman nang makita niyang nasa bintana ang dalagita. Sumilip ito sa labas, waring nararamdaman ang kanyang presensya, bago maingat na isinara ang bintana.

Lalong lumalim ang kanyang pagnanasa.

Sera…

Narinig niyang ito ang pangalan ng dalagita nang tawagin ito ng kanyang ama.

Napakatamis ng pangalang iyon—kasing tamis ng halimuyak ng dalaga.

Humaba ang kanyang mga pangil, lalong nagliwanag ang kanyang mga mata, habang bumabaon ang kanyang matutulis na kuko sa lupa.

Ginawa niya ang lahat upang kalmahin ang kanyang sarili.

Kung gugustuhin niya, kayang-kaya niyang kunin ang dalagita mula sa kanyang pamilya at gawing bihag. Ngunit hindi iyon ang nais niyang mangyari.

Kahit ilang beses na siyang nabigo sa pag-ibig, muling nabuhay ang kanyang pagnanais na magmahal at mahalin…

Mula nang dumating ang dalagita sa kanyang buhay.

Hindi lang katawan nito ang gusto niyang kamkamin—kundi maging ang puso’t kaluluwa nito.

Hihintayin niyang muling sumapit ang bilog na buwan upang muli niya itong makita…

Halimaw Sa Ilalim ng Buwan

Panimula Kabanata II: Sa Bisig ng Halimaw