This entry is part 5 of 5 in the series Halimaw Sa Ilalim ng Buwan

Ginising si Sera ng malamyos na awitin ng mga ibon. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at sinalubong siya ng mapayapang tanawin ng batis. Suot pa rin niya ang kanyang damit, at sa tabi niya ay nakalagay ang kahong naglalaman ng mga ugat na nakuha niya. Napakunot ang kanyang noo—panaginip lamang ba ang lahat ng nangyari kagabi? Ngunit agad niyang naramdaman ang kirot sa kanyang katawan, lalo na sa pinakamaselang bahagi niya, pati na ang mga marka sa kanyang dibdib at braso. Namula ang kanyang mukha nang maalala ang mga nangyari. Hindi siya makapaniwala.

“Sera?!”

Napabalikwas siya sa kanyang pagkakaupo nang marinig ang tinig ng kanyang ama.

“Tay—!”

Natigilan siya nang makita ang mga kalalakihan sa kanilang bayan na nasa likod nito.

“Buong magdamag ka naming hinanap! Salamat sa Diyos at ligtas ka, anak!” Mahigpit siyang niyakap ng kanyang ama. Napuno ng kirot ang puso niya. Hindi man lang sumagi sa isip niya ang kanyang pamilya habang siya’y nawawala. Maging ang mga kapitbahay nila ay hindi rin nagpahinga upang hanapin siya.

“Pasensiya na po, naligaw ako sa gubat.” Hindi niya kayang sabihin ang totoo. Ngunit naisip niya ang mahiwagang lalaki—ang lalaking pinagkalooban niya ng sarili niyang hindi man lang niya nalaman ang pangalan. May bahagi ng kanyang puso ang nanabik sa kanya, ngunit nang siya’y magising, wala na ito. Siya kaya ang nagdala sa kanya sa batis? Ramdam niyang inalagaan siya nito bago siya iniwan. Ngunit alam niyang baka hindi na niya ito muling makita.

Lumipas ang isang buwan, ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok sa mga gabing tahimik. Sa tuwing isinasara niya ang kanyang mga mata, bumabalik ang alaalang iyon. Hindi niya alam kung isang panaginip lamang o isang katotohanang hindi niya kayang takasan. Alam niyang hindi na siya maaaring umibig pa ng iba, dahil pakiramdam niya’y pag-aari na siya ng lalaking iyon. Sa tuwing may nagpapakita ng interes sa kanya, bumabalot sa kanya ang bigat ng isang kasalanang hindi niya maipaliwanag. Kaya naman, tinanggihan niya ang bawat regalo, isinara ang kanyang bintana sa mga manliligaw, at ipinahayag sa kanyang mga magulang na hindi pa siya handa sa pag-ibig.

Ngunit isang gabi, nagising siya sa tunog ng mga yabag sa labas ng kanilang kubo. Hindi ito tunog ng paa ng tao—higit itong mabigat, parang sa isang hayop na may apat na paa. Nakiramdam siya, pilit na pinakakalma ang sarili. Sa kanyang paghahanap ng sandata, nakapa niya ang isang matulis na puting bato—ang batong napulot niya sa batis. Huminga siya ng malalim.

Makaraan ang halos kalahating oras ng katahimikan, naglakas-loob siyang buksan nang bahagya ang kanyang bintana. Ngunit agad siyang napaurong nang makita niya ang isang higanteng itim na lobo, nakatayo mismo sa harapan niya. Hindi siya nakakilos. Ngunit hindi ito nagpakita ng kagaspangan—bagkus, ang malulungkot nitong mga mata ay tila may nais ipahiwatig. Parang pamilyar ang mga iyon. Nang makita ng lobo ang takot sa kanyang mukha, tila nasaktan ito. Nagtataka siyang muli itong tiningnan, ngunit nang kanyang muling idungaw ang ulo sa bintana—wala na ito.

Bakit siya nakaramdam ng pangungulila? Pakiramdam niya’y siya ang hinahanap nito.

Dala ng matinding kuryosidad, lumabas si Sera mula sa kanyang kubo. Naglakad siya patungo sa kagubatan, hinayaan ang kanyang puso na siyang gumabay sa kanya. Nang marating niya ang madilim na bahagi ng gubat, pinilit niyang pigilin ang takot. Alam niyang delikado, ngunit hindi niya maipaliwanag na puwersang nagtutulak sa kanyang magpatuloy. Hindi nagtagal, narating niya ang lugar kung saan naganap ang pag-iisa nila ng mahiwagang lalaki.

Biglang lumitaw ang itim na lobo mula sa likod ng mga puno.

Napahinto si Sera, ngunit hindi siya umatras. Sa halip, siya mismo ang lumapit dito. Nang magtama ang kanilang mga mata, napawi ang lahat ng takot na bumabalot sa kanya. Wala siyang makitang bahid ng kabangisan sa mata nito—tanging sakit… at pagmamahal. Hindi niya alam kung anong nagtulak sa kanya, ngunit hinaplos niya ang mukha nito. Pumikit ang lobo sa kanyang haplos, na para bang matagal nitong hinintay iyon.

Sa sandaling iyon, lumabas mula sa likod ng mga ulap ang buwan, at ang liwanag nito’y lumaganap sa madilim na gubat. Napapikit si Sera sa silaw. Nang muli niyang idilat ang kanyang mga mata—hindi na lobo ang kanyang kaharap.

Bagkus, ang mahiwagang lalaking bumihag sa kanyang puso.

Hinawakan nito ang kanyang kamay at dinampian iyon ng halik. Nanginginig ang kanyang katawan habang unti-unting lumilinaw sa kanya ang katotohanan. Iisa silang nilalang.

Bago pa siya makapagsalita, tumalikod ang lalaki.

“Maaari ka nang umalis,” malamig nitong sabi. “Huwag ka nang babalik, dahil sa oras na bumalik ka… buhay mo na ang kukunin ko.”

Sa bawat salitang binitiwan nito, maririnig ang sakit sa tinig nito. Humapdi ang puso ni Sera. Hindi ito ang unang beses na narinig niya ang boses nito, ngunit ito ang unang beses na narinig niya itong nagsalita nang may poot.

Hindi niya ito hinayaang lumayo.

Tinawid niya ang agwat sa pagitan nila at mahigpit siyang yumakap dito. “Kung ganoon… kunin mo na ako.”

Napasinghap ang lalaki, agad siyang hinarap at hinawakan sa magkabilang braso. Sa kabila ng takot, kitang-kita niya sa mga mata nito ang pagkalito, at higit sa lahat—ang pagnanasa at pagmamahal. “Hindi ka ba natatakot sa akin?”

“Natatakot… pero mas natatakot akong mawala ka.” Hindi niya napigilan ang pagbagsak ng kanyang mga luha. “Mas pipiliin kong mamatay sa mga bisig mo kaysa mabuhay nang hindi ka kasama.”

Hindi na napigilan ng lalaking may sumpa ang kanyang damdamin. Hinalikan niya ito, puno ng pangungulila, at tinugon iyon ni Sera ng may parehong alab. At sa gitna ng kanilang pag-iisa, ang madilim na kagubatan ay unti-unting nagbagong anyo—ang sumpa ay nabasag, at ang dating itim na gubat ay naging isang paraiso.

Mula noon, wala nang nakakita pang muli sa itim na lobo. At kasabay noon, nawala rin si Sera sa bayan.

Lumipas ang mahabang pahon, sa mahiwagang bahagi ng kagubatan, may mga nakaririnig ng halakhak ng isang babae at isang lalaking puno ng pagmamahal sa isa’t isa.

Tinatawag na ngayon ang lugar na iyon bilang…

Puting Paraiso.

Series Navigation<< Kabanata II: Sa Bisig ng Halimaw