Nagising ang kamalayan ni Yura sa huni ng ibon. Nilalabanan niya ang matinding pagkalunod sa hipnotismo ng lason. Naramdamn ni Yura ang bagay na magaang tumutusok sa likod ng kanyang palad. Ang malambot na balahibo nito na dumadampi sa kanyang balat ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
Hindi siya napapalibutan ng makakapal na damo at matataas na halaman kundi nasa gitna siya ng malambot at malawak na higaan na napapalibutan ng puting sutla. Hinahawi ng hangin mula sa nakabukas na durungawan ang manipis na telang dumadampi sa malambot na higaan. Ang tanawing ito ang unang tumambad sa paningin Yura. Sa kabila ng paglukso ng pintig sa kayang dibdib, nanatili siya habang pinapakiramdaman ang kanyang paligid. Sa di mawaring dahilan, kumalma ang alon na gumagapang sa kanya ng maramdaman niya ang patuloy na pagtuka ng ibon sa likod ng kanyang palad.
Makalipas ang ilang sandali ay marahan siyang bumangon na bumulabog sa ibon upang lumipad palayo sa kanya. Bago ito tuluyang mawala sa kanyang paningin ay nakita niya ang puting pakpak nito palabas ng durungawan. Marahil dahil madalas siyang bisitahin ng puting ibon kaya naging pamilyar na ito sa kanya. Subalit hindi niya matukoy kung niligaw siya nito sa teritoryo ng isang kaibigan o kalaban.
Napakatahimik ng lugar. Sa ganitong umaga ay nagsisimula ng gumalaw ang mga katiwala subalit wala siyang marinig na kahit anong uri ng ingay sa paligid. Mapusyao ang halimuyak ng insenso, kung hindi sensitibo ang kanyang pang-amoy ay hindi niya ito mapapansin. Sa halip, mas makapal ang amoy ng bagong tinta sa papel na nakatiklop sa tabi niya.
Bumaon ang mga daliri ni Yura sa malambot na higaan matapos niyang basahin ang mensahe ng sulat. Nagawa niyang makatakas sa paningin ng Pangatlong Prinsipe subalit hinulog ni Yura ang sarili niya sa mas mapanganib na teritoryo. Hindi na niya kailangang kilalanin kung sino ang nakatagpo sa kanya. Base sa mga kasangkapan na nakadisenyo sa loob ng silid, miyembro ito ng pamilya ng imperyal. Sa mensaheng iniwan nito, nagpapahiwatig na wala itong interes na alamin ang nangyari sa kanya. Binakante nito ang buong palasyo upang malaya siyang lumabas ng hindi nagtatago sa paningin ng iba. Sinong ordinaryong tao ang magbubukas ng pinto sa taong pumasok ng kanyang teritoryo ng walang paalam? Sa halip na mawala ang pangamba ni Yura ay mas lalo lamang itong nadagdagan.
“Protektahan mo ang lihim mo. Gumamit ka ng patalim kung kinakailangan.”
Bumubulong sa pandinig ni Yura ang mahigpit na paalala sa kanya ng Punong heneral. Walang pag-aalinlangan sa isip niya na burahin ang sino mang nakadiskubre sa kanya. Natuklasan man nito o hindi ang tinatago niya, mas mainam na walang maiwang bakas ng pagdududa. Dahil ano mang pangamba ay senyales na nanganganib ang lihim niya.
Pinagpaplanuhan na ni Yura ang mga paraan kung paano niya itutuwid ang pagkakamali niya ng bigla siyang natigilan. Lumitaw sa isipan niya ang mga guhit ng sulat. Muli niyang binuksan ang papel, ni minsan ay hindi siya trinaydor ng kanyang memorya. Ilang beses mang baguhin ang orihinal na sulat ay hindi makakaligtas kay Yura ang mga guhit na ito. Lalo na kung natagpuan niya ang mga katagang ito sa librong kumitil sa buhay ng mga nakabasa nito. Dumaan ang daliri niya sa gilid ng papel. Naramdaman niya ang pagbilis ng pintig ng kanyang pulso.
Hinahangaan siya ng Punong Guro ng Guin dahil sa pagdiskubre niya sa tunay na mensahe ng libro. Subalit nakaligtaan nito na ang mensahero sa likod ng pulang aklat ang tunay na tuso na nagmanipula ng lahat. Hindi makakalimutan ni Yura na nagamit siya upang kitilin ang mga buhay na nasa oposisyon ng Emperador. Maging ang kamay ng kanyang Ama ay ginawang armas upang sunugin ang mga ito. Naglaho siya pagkatapos ng nangyari dahil ang isa sa iskolar na nasunog ng araw na iyon ang nagbigay sa kanya ng original na sulat ng pulang libro. Hindi niya makakalimutan ang hapdi sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya ng lamunin ito ng apoy. Dahilan upang hindi mawaglit sa isipan niyang hanapin ang anino na nasa likod nito. Subalit sa kanyang pagkamangha, marami ang naglabasan upang akuin ito kahit batid nilang kamatayan ang magiging hatol sa kanila ng imperyo. Sinong mag-aakalang matatagpuan niya ang tunay na nagmamay-ari ng pulang libro sa palasyo ng imperyal?
Bahagyang umangat ang gilid ng labi ni Yura. Marahil ay maaari niyang ipagpaliban ang nauna niyang plano. Wala siyang intensiyon na mag-iwan ng bakas, ngunit malinaw sa kanya na hindi ito magiging panganib sa kanyang pamilya. Kung magiging hadlang ito Emperador, walang dahilan para pigilan niya ito. Sa likod ng papel ay nag-iwan ng maikling tugon si Yura. Lumabas man na puti o itim ang tunay na kulay nito, natuklasan niya na hindi lamang siya ang nagtatago ng mapanganib na lihim…
Sa Palasyong Xinn ay muling bumisita ang Pangatlong Prinsipe. Nababahalang sinalubong ito ni Dao, “Kamahalan, hindi pa po bumabalik ang Lu Ryen.”
“At magpahanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam kung nasaan siya?” ilang beses na nagpadala ng tauhan si Yiju upang alamin kung nakabalik na si Yura ngunit ito ang tugon na bumabalik sa kanya “Ilyo,” tawag ng Pangatlong Prinsipe sa kanyang Punong bantay. “Bumuo ka ng grupo ng mga kawal na maghahanap sa Lu Ryen-“
“Kamahalan,” sabay na napalingon ang lahat sa pinanggalingan ng malinis na tinig. Dumating ang Lu Ryen hawak ang kamay ng isa sa kanyang Xienli. Namumula ang mukha ni Luha na nagtatago sa likod ng Lu Ryen, lihim na tinakpan nito ang pulang marka sa gilid ng leeg nito. Ngunit sa ginawa nito ay mas nakakuha ito ng pansin. Kahit sino ay iisa ang iisipin.
“Anong mahalagang bagay ang kailangan niyo mula sa akin?” binabalak ba ng Pangatlong Prinsipe na bulabugin ang palasyo ng imperyal para hanapin lamang siya? Isipin pa lang ni Yura ang maaaring kahihinatnan nito ay tila nanakit na ang kanyang sentido. Hindi niya lubos na maunawaan ang atensiyong binibigay sa kanya ng Prinsesa at ng Pangatlong Prinsipe. Hindi pa nababawi ni Yura ang lakas niya, kaya mas nanaisin niyang magpahinga sa halip na harapin ito.
“Yura,” malamig ang ekspresiyon na tawag ni Yiju sa Lu Ryen. Bumaba ang tingin ng Prinsipe sa magkasalikop na palad. Narito siya upang kumpirmahin kung tunay na nilason ang Lu Ryen sa paligsahan. Hindi siya nakatulog sa buong magdamag na paghihintay dito sa pag-aakalang nasa panganib ito. Ngunit sa nakikita niya ay wala itong bahid ng pagkalason kundi bahid ng pabango ng Xienli nito. Dapat ay makahinga siya ng maluwag na makitang ligtas ito, kaya ano itong bagay na sumasakal sa kanya. “Iwan niyo kami.” mariing utos ni Yiju sa lahat.
Tinanguaan ni Yura ang kanyang Punong katiwala, marahang binitiwan niya ang kamay ng kanyang Xienli at mahinang binulungan ito na lalong nagpapula sa mukha ni Luha. Makalipas ang ilang sandali ay naiwan si Yura at ang Pangatlong Prinsipe sa mahabang pasilyo.
“Nawala ka ng buong magdamag ng hindi nag-iiwan ng mensahe, hindi ba sumagi sa isip mo na may mga taong nag-aalala sayo?”
“Kamahalan,” Ang Prinsesa ang pinakasalan ko, nais itugon ni Yura ngunit pinigilan niya ang sarili. “Parte man ako ng pamilya ng imperyal, ngunit hindi ko naramdaman ang pag-aalala na tinutukoy ninyo. Kung wala akong kakayahang ipanalo ang paligsahan, wala na ako sa inyong harapan ngayon.” mabuti man ang intensiyon sa kanya ng Pangatlong Prinsipe ay mananatili siyang sarado. Dahil mananatiling nakaabang ang patalim ng Emperador sa leeg ng kanyang ama. Sa sandaling buksan ni Yura ang sarili niya ay binibigyan niya ng pagkakataon ang mga itong sugatan siya. At kapag nanghina siya, hindi niya maproprotekhan ang mga taong mahalaga sa kanya.
Natunaw ang yelong bumabalot kay Yiju ng maalala niya ang pagkamuhi ng kanyang Ama sa Punong Heneral. Napagtanto niyang sa umpisa palang ay may bakod na sa pagitan nila ng Lu Ryen.
“Nang dumating ka sa palasyo ng imperyal. Tinanggap kita bilang Lu Ryen ng aking kapatid. Nang makilala kita, hindi kita nakita bilang anak ng Punong Heneral kundi tinuring kitang kaibigan.” naghilom man ang sugat sa kamay ni Yiju ay naiwan parin sa palad niya ang init ng panyong itinali ng Lu Ryen sa kamay niya. “Ang naging desisyon ng Emperador ay hindi ko kagustuhan. Kung ako ang masusunod, hindi ako papayag na malagay ka sa kapahamakan.”
“Naiintindihan ko Kamahalan,” Huli na para mahulog si Yura sa simpatya ng Pangatlong Prinsipe. Hanggat nararamdaman niya ang lasong naiwan ng paligsahan, magsisilbi itong babala kanya. “At sana maunawaan niyo rin na hindi ko kailangan ng inyong proteksiyon.” Bago ito hinarap ni Yura, pinaalam sa kanya ni Won ang mga nangyari ng sadaling mawala siya. Nang hanapin ng mga Ministro ang presensya niya sa pagdiriwang ng kaarawan ng Emperador, ipinaalam ng Pangatlong Prinsipe na binabantayan niya ang Prinsesa na nawalan ng malay. Kahit hindi nito alam ang dahilan ng pagkawala niya ay pinagtakpan siya nito. Nagdulot sa kanya ng pagdududa ang mga naging aksiyon ng Pangatlong Prinsipe. Marahil ay hindi na ito mananahimik sa tabi habang iniimbitahan siya ng iba’t-ibang pangkat. Kailangan nitong magbigay ng mas mabigat na halaga kung ito ang paraan ng Prinsipe upang makuha ang kanyang suporta. “Kung wala na kayong sasabihin, hindi ko na kayo aabalahin. Natitiyak kong marami kayong mga importanteng bagay na dapat unahin sa halip na alahanin ang kalagayan ko.” nararamdaman na ni Yura na nauuhaw ang katawan niya sa pahinga. Kailangang maitaboy na niya ang Prinsipe bago siya magpakita ng panghihina sa harapan nito. “Naghihintay narin ang aking Xirin, ipagpaumanhin niyo ako-“
Bumaba ang tingin ni Yura sa kamay na pumigil sa kanya ng akmang aalis na siya. Sinalubong niya ang nagyeyelong tingin ng Pangatlong Prinsipe.
“Lu Ryen, wag mong kakalimutan na ang kapatid ko ang iyong Konsorte. Dahil sa matinding pag-aalala niya sayo, nagmakaawa siya sa Emperador na bawiin ang kautusan. Simple lang ang hinihiling ko, tanggapin mo ang nararamdaman niya para sayo.”
Humigpit ang pagkakahawak sa kanya ng Prinsipe. Pakiramdam ni Yura ay iba ang ipinapahiwatig ng mga titig nito. Napagtanto niyang malalim ang obsesyon ni Yiju sa kanyang kapatid. Kumalas si Yura ng makaramdam ng panganib. Walang lingon na nilisan niya ang presensiya ng Pangatlong Prinsipe.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
Luha: Ikaapat Xienli
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply